The Beginning
The Beginning
Ayesa Montefalcon's Point of View
"May grup ka na ba Ayesa?" napatingin ako sa harapan ko at nakita ang classmate kong si Claude. Nandito ako ngayon sa botanical garden ng St. Mary's Univerisity. Hindi ko gaano narinig ang sinabi niya kaya tinanggal ko ang suot kong earphones.
"Ano sabi mo?" tanong ko at natawa naman siya.
"May grupo ka na? para sa English 4?" ah, tinutukoy niya pala ang activity naming play para kay Mrs. Badilla. Tumango naman ako bilang sagot.
"Oo. Kagrupo ko sila Kuya Sam. Ikaw ba may grupo na?" umiling naman siya.
"Wala nga eh, absent kasi ako noong nag-groupings. Pagpasok ko kanina nagimbal ako dahil may activity daw. Exempted na daw sa midterm kapag nagawa ang activity."
"Ah, oo. Kung wala ka pang grupo tanungin ko si Kuya Sam kung puwede ka pa isali. Ang alam ko kasi kulang kami ng dalawang member. Wala kaming narrator at taga sound system." Nagliwanag naman ang mukha niya at kinuha ang dalawang kamay ko na nakapatong sa lamesa. Pinisil niya ang mga kamay ko.
"Naku thank you! Ayaw na kasi ako tanggapin nila Rustom sa kabilang grupo eh. Buti na lang nakita kita." Pagkatapos ay umalis na siya na tuwang tuwa. Tinext ko si Kuya Sam kung puwede pa magdagdag ng grupo at agad naman siyang sumagot ng oo.
Pagkauwian ay dumaan ako sa supermarket para mamili. Naisipan kong Magluto ng beef caldereta para sa hapunan.
Naglalakad na ako pauwi pero pakiramdam ko ay may sumusunod sa akin. Huminto ako sa paglalakad at lumingon. Wala namang ibang taong nagdaraan maliban sa akin. Binalewala ko na lang at naglakad na ulit. Malapit na ako sa bahay pero nandoon pa din ang pakiramdam ng may sumusunod. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba o talagang may sumusunod.
Kung mayroon man, sino? sino namang susunod sa akin? may magkainteres ba sa akin?
"O Ayesa ang dami mong dala." Bati sa akin ni Auntie Alice pagkapasok ko sa bahay.
"Magluluto ako para sa dinner natin Auntie. Naalala ko kasi short ka sa budget ngayon. Ako na ang bahala sa hapunan natin."
"Naku bata ka. Nag-abala ka pa imbes na ipunin mo na lang ang pinambili mo diyan. Pero nak, salamat." Sabi niya at niyakap ko naman siya.
"Tara magluto na tayo ng beef caldereta! Alam kong paborito mo ito Auntie."
-
"Ako na ang maghuhugas nito hija." sabi sa akin ni Auntie Alice. Inilapag ko ang mga hawak kong plato sa may lababo at tumingin sa kanya.
"Ako na po Auntie. Kaunti lang naman ang mga ito." Sabi ko at binuksan ko na ang faucet.
"Hija, ikaw na nga ang nagluto ikaw pa maghuhugas. Ayokong abusuhin ang kasipagan mo. Sige na, umalis ka na diyan at ipaubaya mo na sa akin ang mga hugasin. Gawin mo na lang ang mga assignments mo kung mayroon man, kung wala ay magpahinga ka na." Hinawakan ako ni Auntie Alice sa braso at hinatak paalis sa lababo. Napabuntong hininga ako at ngumiti sa kanya.
"Sige po Auntie, salamat. Aakyat na po ako sa kuwarto ko." Tumango naman siya sa akin at tumalikod na ako para makapagpahinga.
Pagpasok ko sa kuwarto ay naligo na muna ako. Napapikit ako ng dumaloy sa katawan ko ang tubig, nabura ang pawis, alikabok at pagod ko na nakuha sa buong araw. Tila narelax ang mga kalamnan ko maging ang isipan ko.
Pagkatapos ko maligo ay nagbihis ako ng bestida kong pantulog. Dahil basa pa naman ang buhok ko ay naisipan kong magbasa- basa muna ng mga topics na ile-lesson namin para bukas.
Bandang ten o' clock ng gabi ay nakaramdam na ako ng antok kaya inayos ko na ang mga gamit ko, tumayo ako para patayin na ang ilaw saka ako nahiga sa aking kama. Tanging liwanag ng buwan lang na tumatagos sa aking bintana ang nagsisilbing ilaw sa kuwarto ko.
Napatitig ako sa buwan, sadyang napakaganda nito. Bata palang ako ay mahilig na akong pagmasdan ang buwan. Pakiramdam ko, may koneksyon ako at ang buwan. Siguro noong sa past life ko, mahilig din pagmasdan ang buwan. Walang katumbas ang kagandahang taglay ng buwan, nagsisilbing tanglaw sa napakadilim na kalangitan.
Hindi ko na namalayang tuluyan na akong dinuyan ng antok.
"Mahal kong Ayesa," dinig kong sabi ng isang pamilyar na tinig. Kinabahan ako sapagkat may tao sa kuwarto ko. Naramdaman ko ang malamig na ihip ng hangin na galing sa bintana ko.
"My queen," sabi ng tinig. Lalaki ang boses at sa hindi ko malamang dahilan ay napakapamilyar ng boses niya. Hindi ko maalala kung sino at kailan ko ba narinig ang tinig niya. Gusto kong idilat ang mga mata ko ngunit hindi ko magawa. Parang may mahikang pumipigil na idilat ko ang mga mata ko.
"Malapit na," naramdaman kong lumapit siya sa akin kaya nag-panic na ang kalooban ko. Marahil ay naramdaman niya ang emotion ko kaya dahan-dahan siyang umupo sa tabi ko. "Huwag kang matakot sa akin, Mahal ko. Ako lang ito. Mahal ko, malapit na ang oras na magkakasama na tayo. Konting panahon na lang." Naramdaman kong hinawakan niya ang aking kanang kamay.
Ang init. Ang init ng palad niya. Pero ang init na 'yon ang nakakarelax. Nawala ang panic na nararamdaman ko ay kumalma ang puso ko. Naramdaman ko ding hinahaplos na niya ang buhok ko. Magaan at malambot ang kamay niya. Para bang isa akong babasaging pigurin na dapat niyang ingatan.
"Ang ganda mo talaga Mahal ko. Ikaw ang pinakamagandang babaeng nakilala ko." Puri niya sa akin at hindi ko namalayang napapangiti na ako dahil sa papuring natanggap ko mula sa kanya.
"Kailangan ko ng umalis Mahal ko. Nagpunta lang ako dito para masilayan ka. Sabik na sabik na ako sayo. Pero sa ngayon ay hanggang dito lang muna ako,"sabi niya. Bigla akong napahawak sa kamay niya. Hindi ko alam pero ayaw ko siyang umalis, na dito lang siya sa tabi ko. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kasabikan na makita at makilala siya.
"Huwag kang mag-alala mahal ko, magkakasama na din tayo sa tamang panahon. Makakapiling na ulit natin ang isa't isa. Sa ngayon ay magpahinga ka muna." Naramdaman kong dumampi ang kaniyang mga labi sa noo ko na siyang ikinabilis ng pagtibok ng puso ko. Mabilis na tila ba ay tumakbo ako ng napakalayo.
"Mahal na mahal kita Ayesa. Ikaw lang ang mahal ko mula noon hanggang ngayon. Ikaw lang ang aking reyna." Bigla na lamang akong dinuyan ng antok, pero narinig ko pa ang marahang pagsara ng aking bintana.
Third Person's Point of View
Dahan-dahan niyang isinara ang bintana ni Ayesa. Sinilip pa niya ang nahihimbing ng dalaga bago niya nilisan ang tahanan nito.
Sa totoo lang ay noon pa man ay binabantayan na niya ang dalaga. Mula sa pagkabata nito hanggang sa nagdalaga ay sinubaybayan niya si Ayesa.
Dumating na ang tamang panahon para mabawi na niya ang dalaga. Ilang daang taon ang hinintay niya para lamang mabawi niya si Ayesa. Sa pagkakataong ito, iingatan at poprotektahan na niya si Ayesa. Hindi na niya ulit hahayaang maulit ang nakaraan.
Pagdating niya sa mansyon ay agad siyang dumeretso sa kanyang silid. Nahiga siya habang pinagmamasdan ang malaking larawan ng irog niya.
"Bukas, makikilala mo na ako Mahal ko. Hindi kita bibiglain. Dahan-dahan akong magpapakilala sayo at sa tamang panahon, makakasama ka na namin." Sabi niya at inabot ang isang wine glass na may lamang pulang likido. Isang inuming paborito ng mga nilalang na katulad niya.
Dumaloy sa kanyang lalamunan ang likido na matamis sa kanyang panlasa. Naibasan ang gutom na tiniis niya sa buong araw.
"Kuya," napatingin siya sa kapatid niyang walang pasabing pumasok sa kanyang silid. Kinasimangot niya ito na siya namang ikinatawa ng kapatid.
"Kahit kailan talaga hindi ka marunong kumatok. Matanda ka na pero hindi mo pa rin natatandaan ang simpleng asal na pagkatok." Pangaral niya sa kapatid.
"Kuya naman parang hindi mo ako kilala," umupo ang kapatid niya sa gilid ng kanyang kama. Inabot ang bote sa may bedside table niya at nagsalin sa isang kopita. Pulang pula ang inumin, inamoy pa ng kapatid niya ang laman ng baso saka ininom. May tumakas pang patak ng likido sa gilid ng labi niya na agad niyang pinusan ng kanyang daliri.
"Galing ka kay Ayesa?" tanong nito sa kanya at tumango naman siya bilang sagot.
"Oo."
"Kumusta siya?"
"Kahit papaano ay nasa mabuting kalagayan. Hindi ko lang gusto na nasa isang maliit na bahay lang siya nakatira. Malayo sa nakasanayan niya noon," sagot niya at tuluyang inubos ang laman ng kopita. Inalok pa siya ng kapatid kung gusto pa niya ng inumin pero tumanggi na siya.
"Hindi naman niya matatandaan ang buhay niya noon. Nareincarnate na siya kuya. Maliban na lang kung pipilitin mong maalala niya." Napabuntong hininga siya sa sinabi ng kapatid. Tama naman ang kapatid niya, hindi maaalala ni Ayesa ang buhay niya noon maliban na lang kung pipilitin niya ang dalagang maalala ito.
"Bukas ay magsisimula na ang mga hakbang ko para mabawi si Ayesa."
"Kaya mo iyan Kuya, pinagdadasal ko talaga na mabawi mo siya para naman tuluyan ka ng maging masaya. Alam naming siya lang ang kasiyahan mo. Tutulungan ka naming maprotektahan siya. Hindi ka nag-iisa Kuya." Napangiti siya at niyakap ang kapatid. Nagpapasalamat siya na kahit ano ang mga nangyari noon, nanatili ang kapatid niya at ang buong angkan sa tabi niya.
"Bukas na pala first day of school mo sa St. Mary's. Kailangan pogi ka bukas ah!"
"Pogi naman na ako di ba?" tanong niya at kinuha ang isang maliit na salamin na nasa drawer ng kanyang bedside table. Tiningnan niya ang sarili saka tiningnan ang kapatid na nagpipigil ng tawa.
"Oo pero baka hindi ka niya mapansin dahil balita ko maraming pogi doon. Ang alam ko nandoon ang mga heart throbs ng St. Mary's University na sina Jed Casabueno at Cloud Assunsion! Kaya dapat magpapogi ka ng husto para talagang nasa iyo ang mga mata niya. Para laong mainlove sayo si Ayesa."
"Oo na, gagawa ako ng paraan para ako lang ang pogi niya sa paningin niya." Sagot niya na ikinatawa ng kapatid niya.
Napuno ng tawanan nila ang buong silid. Ang ilang nakarinig sa mga halakhak ay napapatigil at napangiti. Tila nawala ang mabigat na hanging nakapaloob sa mansyon. Matapos ang ilang daang taon, muling umaliwalas ang kanilang mansyon. Matapos ang ilang daang taon, muli nilang narinig ang kanilang pinuno na tumawa at punong-puno ng pag-asa.