PANGARAP

1597 Words
Chapter 2 “Eh di yun nga. Tama ako. Personal alalay pa rin. Ano pang dapat kong aralin kung ganyan din ang maging trabaho ko kagaya mo?” “Dapat may kasanayan sa komunikasyon kasi iba-ibang tao ang makakaharap mo. Hindi kasi pwedeng ang amo natin ang haharap sa lahat ng mga taong gusto siyang kausapin, tayo mismo dapat una ang haharap sa clients, management at mga directors o kapwa niya artista bukod siyempre sa Manager niya. Dapat din literate ka sa computer kasi pwede siyang magpa-email sa’yo ng mga sagot niya sa mga invitations o offers na dapat mong ipaalam lahat sa kanyang Manager niya kasi marami ang basta na lang dumidiretso sa kanya na hindi naman dapat. Ikaw na rin mismo ang hahawak sa page niya sa f*******: o i********: at twitter. Meron ka rin dapat kahusayan sa pag-schedule sa mga appointments niya, lagi ka dapat tutok at ang lahat ng atensyon mo ay nasa mga detalye na sinasabi niya at binibilin sa’yo. Pero heto ha, mahalaga na dapat meron ka laging baong mahabang-mahabang pasensya.” “Naku, andami pala dapat isipin. Hindi ba pwedeng katulong na lang?” “Pwede naman. Mas mababa nga lang ang sahod at nakatanghod ka lang sa bahay. Nakakulong ka lagi. Bukod sa pagod na ang boring pa. Naranasan ko na maging katulong at mas malaki ang kinita ko sa pagiging Personal Assistant at naging mas masaya ako.” “Talaga?” “Oo at grabe ang kuskos sa kubeta at magluluto ka pa. maglilinis sa bahay na may anim hanggang pitong kuwarto araw-araw. Maglalaba pa. Minsan maglilinis ng kotse. Naku hindi ko talaga siya mai-o-offer sa’yo ang ganoong trabaho.” “Oo nga pala no?” “Kung ako sa’yo, huwag katulong ang pangarapin mo. Hindi ka makakakita ng artista bukod sa kailangan ko kasi talaga ng kasama. Kaya ako umuwi kasi gusto ng amo ko na dalawa ang assistant niya. Nakikita kasi niyang hindi ko na kaya ang trabaho mag-isa. Kailangan niya na may tiga-ayos ng damit niya, pagkain at lahat ng mga kakailanganin sa set. Sa’yo ko na ibibigay iyon. Paminsan-minsan lang naman iyon kapag out of town. Ako na ang bahala sa mga schedule niya at haharap sa mga di niya maharap na appointment. Parang maging secretary niya ako at ikaw ang bahala sa mga errands na di ko na kaya pang gawin.” “In short, alalay ako ng alalay?” Tumawa siya. “Parang ganoon na nga.” “Sa tingin mo ba qualified ako?” “Bakit naman hindi?” “Hindi ako nakatapos e.” “Ako ba? Nakatapos? Ang mga naghahangad na magtrabaho bilang Celebrity Personal Assistant ay hindi kailangang magpakita ng anumang pormal na edukasyon sa mga resume, ngunit maaaring mas gusto ng mga artista ang empleyado na may background sa edukasyon sa komunikasyon o sa mga katulad na larangan pero ako nang bahala sa’yo. Pinagkakatiwalaan ako ng amo natin kaya naman ako na ang bahala raw na maghanap. At sure ako na fit ka ro’n.” “Eh sino ba ang amo natin kung sakali?” “Si Kai Samonte lang naman.” “Ano? Seryoso ka? Si Kai Samonte?” napalunok ako. “Oo nga. Si Kai.” Na-excite ako. Si Kai Samonte ang pinakasikat, pinakaseksi, pinakamaganda, pinakamabait at pinakamayamang artista na hinahangaan ko. Nahulog ang panga ko. Hindi ko na talaga maipaliwanag ang saya na nararamdaman ko. “Hindi mo alam? Hindi ba tayo friends sa f*******:?” “Friends naman pero yung pangload ko, ibili ko na lang ng ulam namin. Saka sa dami ng nakaka-picture mong artista, hindi ko na alam kung sino ang amo mo.” “Deal na ha? Tanggap ka na. Bukas na ang alis natin. Hindi na kasi talaga ako pwedeng magtagal dahilsa daming appointment ni Miss Kai.” “Seryoso ka? Hindi na ako iinterbyuhin ni Miss Kai?” “Kapag sinabi ko na okey ka, okey ka. Ikaw na lang ang bahalang magpatunay na hindi siya nagkamali na pagkatiwalaan ako at huwag mo akong ilalaglag gaga ka dahil kapag nagkataon, dalawa tayong mawawalan ng trabaho.” “Makakaasa ka. Hindi kita ipahihiya.” “Dapat lang. Naku kakalbuhin kita.” Masaya akong umuwi ng araw na iyon. Muling nabuo ang mga inilibing ko na sa limot na mga pangarap ko. Kailangan ko nang magsabi kina Tatang at Nanang. Kukuha ako ng magandang pagkakataon na magpaalam. Pero nang nasa bahay na ako, mahirap pala talaga ang magpaalam sa pamilya lalo pa’t iniisip ko kung paano sila sa panahong wala na ako. Sino sa kanila ang magluluto? Sino ang mag-uutos sa mga kapatid ko para gawin ang mga gawaing bahay? Ngunit sa kabilang banda, paano ako lalago bilang tao at paano matututo ang mga kapatid ko kung hindi ko sila iiwan para matutunan ang tumayo sa kanilang sariling mga paa. Kung hindi ako lalayo, hindi uunlad ang buhay namin. Tulad ngayon, may bigas nga kaming isasaing, wala naman kaming ulam. Panahon kasi ng paghihintay ng panahon ng anihan. Ito yung mga panahong walang kita ang mga magsasaka at puro utang lang lalo na sa amin na nangangamuhan at arawan ang bayad. May tanggap na kalahating ektarya si Tatang at porsyentuhan ang kita niya rito. Kung malaki ang ani, malaki rin ang bahagi niya pero hindi pa rin sasapat sa amin ng mga kapatid kong nag-aaral sa High School at Elementary at mga maintenance na gamit ni Nanang. Ako na panganay ang hindi na nakatapos sa kurso kong Education. Nagkasakit kasi si Nanang kaya hindi na ako nakatapos pa. Nasa second year na ako noong natigil. Masakit man sa loob kailangan kong tanggapin. Dahil walang ulam lumabas ako ng bahay at tinungo ang mga tanim kong gulay sa likod bahay. Alam kong napupurga na ang mga kapatid ko ng dinengdeng na sinasahugan ko ng tinapa o minsan bagoong isda na lang pero ganoon talaga ang buhay. Kailangang magtiis. Kumuha ako ng dahon ng alugbati, okra, ilang piraso ng talong at isang ampalaya. Mabuti na lang at masipag ako sa pagtatanim kaya may mailuto akong ulam namin. Paniguradong hindi na naman maipinta ang mga mukha ng mga kapatid ko mamaya kapag makita nila ang aming ulam. Sana makapag-uwi si Tatang ng dalag na karaniwang na hinuhuli niya sa bukid para may mai-prito ako para sa kanila. Iyon ang mga aalahaning dala-dala ko araw-araw kaya gusto ko na talagang lumayo kahit masakit at mahirap. Magpapatuloy ang aming karalitaan kung hindi ako gagawa ng paraan. Matalino si Jasmin na sumunod sa akin at ang bunso naming si Jay ar kaya nanghihinayang akong tumigil sila. Kung mapapatapos ko sila, paniguradong giginhawa kami. Iyon ang babaunin kong inspirasyon kapag ako na ay nagtatrabaho sa Manila. Kumakain na kami nang tumingin ako kay Tatang at Nanang. Mabuti may dalawang dalag na huli si Tatang na prinito ko kaya maayos ang mga mukha ng lahat na kumakain. Kinukurot-kurot lang nila ang isda na sinasamahan na nila ng maraming kanin para mabusog. Halos hindi nila ginagalaw ang dinengdeng kong niluto kaya ako na lang ang nag-adjust. Hindi na ako nakiagaw pa sa pritong dalag. “Ano? May sasabihin ka ba Rose? Kanina ka pa sa amin tingin ng tingin ng Nanang mo ah?” hindi nakatiis na tanong ni Tatang. “Meron ho sana.” “Ano ‘yon?” tanong ni Nanang. “Naalala ninyo si Diane, Tang, Nang?” “Yung kaibigan at kababata mong anak ni Tally?” “Opo.” “Anong tungkol sa kanya?” si Nanang. Mahina ang boses dahil mahina pa rin ang kanyang katawan. “Umuwi ho kasi siya. Nag-usap ho kami.” “Oh tapos?” nakakunot na ang noo ni Tatang. “Kailangan daw ng amo niyang artista ng bagong alalay.” “Alalay? Hindi katulong?” “Parang ganoon na rin ho. Hindi ako magta-trabaho sa bahay. Bale, kailangan nong artistang si Kai Samonte ng alalay na magdadala ng mga damit, sapatos at mag-aayos sa mga gamit na ito kapag may taping o shooting ho siya. Ako po ang sasama sa kanya para pagsilbihan ho siya.” “Talaga Ate? Magiging alalay ka ni Kai?” si Jasmin. Nakita ko ang saya sa kanyang mga mata. Yung saya ng mga mata ko rin nang marinig ko kay Diane, gano’n din ang nakita ko sa mga mata ng dalawa kong kapatid. “Oo daw eh!” “Ang swerte mo naman ate? Magpa-picture kang madami ta’s ipost mo agad sa f*******: mo para sikat ka na rin.” Si Jay-ar. Tumatalsik pa ang kanin mula sa kanyang bibig. “Pupunta ang Ate Rose ninyo sa Manila, malalayo siya sa atin. Magkahiwa-hiwalay tayo. Naisip ba ninyo iyon? At sa tingin ninyo, papayagan namin siya ng Tatang ninyo?” si Nanang. Natahimik ang dalawang kapatid ko. Bumuntong-hininga ako. “Sige na Nang, payagan na ninyo ako. Nag-usap na kami ni Tatang tungkol dito nang nakaraang taon ah. Pumayag na siya eh.” Nagkatinginan sila. Huminga nang malalim si Nanang. “Pumayag ka?” tanong ni Nanang kay Tatang. “Noon. Noong hirap na hirap akong isipin kung saan tayo kukuha ng pambili ng gamot mo.” Tumingin ako kay Tatang. “Noon? Ibig sabihin ba Tang, hindi na pwede ngayon?” Bumuntong-hininga si Tatang. Parang alam ko na. Nawalan na agad ako ng ganang kumain lalo pa’t hindi na sa akin makatingin si Tatang. Ngunit sa pagkakataong ito. Hindi na ako papayag pa. Hindi ako mananahimik lang. Ipaglalaban ko ang gusto ko. Ipipilit ko sa kanila kung ano sa tingin ko ang dapat, tama at makakatulong sa aming naghihikahos na pamilya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD