Chapter 25

2506 Words
Bigla na lamang akong nagising dahil sa malamig na hangin na nagmumula sa bintana. Hindi ko maalala na naiwan ko pa lang nakabukas ang bintana kahapon. Kung sabagay ay hindi ko na nga pala tinignan ang buong silid dahil sa pagod. Sabi nga ni Ely ay nararapat lang daw na pagdating namin sa aming silid ay magpahinga na kami agad. Maaga pa kaming maglalakbay ngayong araw, mabuti na lang at maaga akong na gising. Isang magandang desisyon din pala na iniwan kong naka-bukas ang bintana. Umayos na ang ako ng upo atsaka nag-unat ng katawan. Rinig na rinig ko ang pagtunog ng aking mga buto dahil dito. Hindi ko naman maiwasan ang sarili ko na mapahikab. Panibagong araw na naman sa bagong mundo. Hindi ko alam kung anong panganib o magandang pangyayari ang nag-aabang sa amin ngunit kahit ganoon ay kailangan ko magpakatatag. Sa aming dalawa ni Alessia ay ako lamang ang may alam kung paano makipaglaban. Itinaas ko ang aking paningin at nahagip ng aking mga mata ang orasan sa dingding. Pinalitan na pala ng may-ari ang orasan. Talagang tinotoo nila ang sinabi nilang papalitan nila kaagad ang orasan. Sa pagbalik namin ay bago na ito at hindi na kami dapat mag-alala. Napansin kong ala una pa pala ng umaga. Ito na yata ang pinakamaaga na gising ko sa buong buhay ko. Halos araw-araw kasi ay ganitong mga oras na ako natutulog kaya nakakapanibago lang na kasalungat na ito ngayon, ito na ang ang oras na kung saan magigising ako. Isang ngiti ang gumuhit sa aking mga labi nang maalala ko na naman ang nakaraan. Kailangan ko na nga sigurong tanggapin na iba na 'tong mundong ito. Huminga muna ako nang malalim bago tinaggal ang kumot sa aking katawan. Isinuot ko na ang ang aking tsinelas atsaka muling nag-unat. Napatingin muna ako kay Alessia na hanggang ngayon ay mahimbing pa rin ang tulog. Yakap-yakap nito ang isang unan habang naka-takip naman sa kaniyang katawan ang kumot. Napangiti na lang ako dahil dito. Naglakad na ako papalapit sa bintana atsaka dumungaw sa labas. Kitang-kita pa ang buwan at mga bituin sa langit. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi mamangha. Sobrang ganda nito at nakaka-aliw. Gusto ko tuloy itong maabot atsaka hawakan ngunit alam ko naman sa sarili ko na impossible ang bagay na iyon.  Isang magandang shooting star ang dumaan. Mabilis akong napapikit at humiling na sana ay magkaroon na kami ng kahit kaunting impormasyon patungkol sa nangyayari. Nang matapos ay napatingin ako sa baba na kung saan ay marami ng taong naglalakad. Karamihan sa kanila ay nakasuot ng mga balabal at armor. Siguro ay mga adventurers ito. Mukhang maaga nga yatang nagigising ang mga adventurers sa bayan. Nanatili lamang akong nakatingin sa kaila nang ilang minuto bago napagpasyahan na umalis na sa bintana. Lumapit na ako sa may kabinet at kinuha ang nakatuping tuwalya roon. Maliligo na muna ako, panigurado ay isang malaking impossible ang makaligo sa oras na magsimula na kaming maglakbay patungo sa aming misyon. Naglakad na ako patungo sa banyo atsaka sinimulang hubarin ang aking mga damit. Binuksan ko na rin ang gripo at hinayaan munang mapuno ang tub. Ilang sandali pa ay agad ko itong pinatay atsaka ibinabad ang aking buong katawan. Hindi ko mapigilan ang mapapikit dahil sa sarap na aking nararamdaman. Ang init na mula sa tubig ay siyang nagpapakalma sa aking muscles at nagpapagising sa akin. Ang sarap talaga maligo sa umaga tapos ganito pa ang tubig. Hindi naman namin kailangan magmadali dahil sabi naman ni Ely ay alas dos ay gising na kami, pagkatapos ay maghahanda na dapat kami sa mga oras na iyon at maligo. Pagpatak ng alas kuwatro ng umaga ay dapat nasa lugar na kami na kung saan namin napag-usapan.  Ano kaya ang mangyayari sa aming paglalakbay? Hindi ko talaga maiwasan ang hindi magtaka at mapatanong. Kinakabahan kasi ako at excited sa pwedeng mangyari. Kahit sino nama sigurong first timer sa ganitong klaseng bagay ay talagang ganito ang mararamdaman.  Wala pa akong alam sa kung ano ang gagawin ko, siguro ay tatanungin ko na lang si Ely sa kung paano siya makikipaglaban sa mga halimaw. Gusto ko rin talagang matuto, iyon nga lang ay hindi ko alam kung ano talaga ang kapangyarihan ko. Pinitik ko ang aking kamay at kasabay nito ang paglabas ng isang ID na ginto. Hinawakan ko ito atsaka binasa ang mga nakasulat. "None,"basa ko rito, "Paano ko ba malalaman kung anong klaseng kapangyarihan ang dapat kong eensayo kung wala namang nakasulat dito. Hindi ko rin naman makukuha ang gold na ID na ito kung wala naman akong kapangyarihan. Hindi ko talaga alam ang nangyayari." Isang marahas na hangin ang aking ibinuga bago ito muling itinago. Tumayo na lang ako atsaka naisipan na magsabon at magbanlaw. Lumipas ang halos kalahating oras ay na tapos na rin ako. Lumabas na ako sa banyo habang nakatapis pa rin sa aking ang tuwalya. Bumungad naman sa akin ang tulog na si Alessia. Mukhang hindi yata ito sanay na wala itong alarm clock. Napa-iling na lamang ako atsaka lumapit na sa kabinet. Kinuha ko na ang aking mga damit na susuotin bago ito inilapag sa aking higaan. Gigisingin ko muna itong babaeng 'to, baka siya pa ang maging rason kung bakit mahuli kami sa usapan namin ni Ely. Naglakad na ako papalapit sa kaniya atsaka yinugyog ang balikat. Umungol lamang nang kaunti itong si Alessia bago umikot at natulog muli. Inulit ko pa itong yinugyog, "Gising na. Kailangan na natin umalis,"sabi ko habang patuloy pa rin ako sa ginagawa ko, ngunit kahit ganoon ay ayaw pa rin nitong magising. Isang malakas na tampal ang ginawa ko sa aking noo bago mahinang kinurot ito sa gilid ng kaniyang tiyan. "Gising na nga kasi!" Sigaw ko rito.  Mabilis na napabangon naman itong si Alessia na para bang natataranta. Hindi ko alam kung dapat ba akong magalit o matawa dahil sa kaniyang naging reaksiyon.  "Asan ang sunog? May sunog ba? Documents ko, kailangan ko mahanda. Asan 'yong passport?" Sigaw nito habang aligaga at hindi alam ang kaniyang gagawin. Nakatingin lamang ako sa kaniya na para bang tinatanong kung seryoso ba siya sa kaniyang ginagawa. Tumayo na itong si Alessia at hinalungkat ang drawer na para bang hinahanap ang kaniyang mga documents. Hindi makapaniwalang nakatingin lamang ako rito. Hahayaan ko lang talaga itong babaeng 'to hanggang sa ma-realize niya kung ano ang nangyayari at kung normal pa ba ang kaniyang reaksiyon. Habang naghahanap siya sa mga gamit niya ay inayos ko muna ang aking mga damit na nasa higaan. Hindi naman nagtagal ay isang malakas na hampas ang aking natamo sa aking likuran. Hindi ko naman mapigilan ang hindi mapatingin sa kaniya ng masama dahil sa kaniyang ginawa. "Ano ba?" Sigaw ko rito. Pilit kong inaabot ang likod ko dahil sa hapdi na nagmumula rito. Isang masamang tingin ang ipinukol ko kay Alessia dahil sa kaniyang ginawa. Ang bigat talaga ng kamay ng babaeng 'to. Minsan ay nagdadalawang isip na ako kung babae ba talaga siya o hindi. Baka nagkamali lang si Tita, ang totoo talaga nito ay isa talagang lalaki si Alessia. Tinubuan lang ng pribadong parte ng babae at buhok, wala naman siyang dibdib kaya ayos lang. talagang mapagkakamalan na siyang lalaki. "Anong ano ba?" Ani nito, "Niloko mo ako na may sunog, kaya ayan tuloy napa-hanap ako sa mga gamit ko na hindi naman nag-eexist sa mundong ito. Bakit ba kasi ginugulat mo ako." Aba at ako pa talaga ang sinisi ng babaeng 'to? Isa pa, paano ko ba siya gugulatin? Possible bang gulatin ko ang isang taong tulog? Nawawala talaga ang IQ ng isang tao kapag bagong gising. Ang talino nga.. "Kung ako sa iyo, tumahimik ka diyan,"sabi ko at kinuha na ang isang hanger na gawa sa kahoy at tinutok sa kaniya, "Kita mo bang naligo na ako ah? Isa pa, paano kita gugulatin kung galing ka sa pagtulog? Hindi ko kasalanan kung isang tulog mantika ang taong katulad mo." Kitang-kita ko naman ang gulat sa kaniyang mga mata at agad na napakamot sa kaniyang ulo. Napailing na lang ako dahil dito atsaka bumuntong hininga, "Maligo ka na roon, ayaw mo naman sigurong paghintayin si Ely. Ang kapal-kapal na talaga ng mukha mo. Kahapon din ay pinaghintay mo si Ely , ikaw 'yong huling nagising sa atin. Huling naligo at huling nagbihis. Seryoso ka ba?" Sumbat ko rito at masama siyang tinignan. Ngumiti lang ang babae atsaka itinaas ang kaniyang kamay. Nag-peace sign pa ito. Halata talaga sa kaniyang mukha na napahiya siya sa kaniyang sinabi. Ang sakit pa naman ng likod ko hanggang ngayon, sa tingin ko talaga ay mag-iiwan ito ng marka mamaya.  "Oo na, maliligo na madam awring,"saad nito, "Oo nga pala. Salamat sa paggising at sorry sa pag-hampas ko sa iyo. I love you." Yinakap naman ako nito mula sa likuran habang hinahaplos ang aking tiyan. Ganito talaga itong babaeng 'to. Kapag may kasalanan ay ang lakas kung maglambing pero kung wala naman ay ang lakas mangbara na akala mo ay kung sinong matapang. "Maligo ka na roon,"utos ko.  "Aye! Aye!" Sigaw nito at kumalas na sa yakap. Napailing na lang ako sa kinikilos nito.  Isa sa mga taong pinapahalagahan ko ay si Alessia. Siya lang kasi ang may alam sa buong storya at drama ko sa buhay. Simula pa noong bata kami ay magkasama na talaga kami lagi. Kahit saan pa kami papunta ay dapat lang na nandoon ang isa sa amin. Sabi nga nila mama ay hindi na raw nila kami mapaghiwalay.  Para bang magkapatid na kaming dalawa. Kaya siguro ganito na lang kami kung mag-usap, ganito ang biruan dahil na rin sa sobrang lapit na namin. Nagbihis na ako at nag-ayos. Pagkatapos ay hinanda ko na ang lahat ng mga kailangan namin dahil hindi naman pwedeng hintayin ko na lang ang babaeng 'yon. Habang naghahanda ako ay hindi ko mapigilan ang sarili ko maalala na naman ang nangyari sa aming noong unang dating namin. Paano ko nga pala na ilabas ang sandatang iyon? Hindi ba at inisip ko lang naman iyon habang naglalaban kami? Ay hindi, mali, hiniling ko lang iyon na sana ay magkaroon ako ng kahit isang sandata lang na gagamitin ko para maprotektahan si Alessia. Baka ganoon din ang dapat kong gawin sa susunod. Para makuha ko ang bagay o kapangyarihan na gusto kong kunin. Kailangan ko hilingin o isipin talaga ng mabuti kung ano ang gusto kong makuha. Kung ganoon talaga ay wala na itong kaso sa akin. Ngunit, paano kapag hindi? Paano kapag tsamba lang pala ang nangyari sa araw na iyon? Paano kapag iba pala talaga ang paraan ng paglabas ng kapangyarihan? Wala naman sigurong masama kung susubukan ko sa silid na ito ang kapangyarihan, hindi ba? Subok lang naman. Huminga muna ako nang malalim bago naglakad patungo sa gitna ng silid na ito. Unti-unti kong ipinikit ang aking mga mata atsaka hinayaang dumaloy ang enerhiya sa aking katawan. Sinubukan ko munang isipin ang isang sandata na nakita ko lang sa online noon. Gusto kong magkaroon ng ganitong sandata kaya susubukan ko lang kung gagana. Habang iniisip ko ito ay hinayaan ko lamang na dumaloy ang buong enerhiya sa aking katawan. Labis naman ang aking gulat nang maramdaman ko na lang ang unti-unting pag-init sa aking kamay na para bang may lumabas na enerhiya dito. Pinagpatuloy ko pa rin ang ginagawa ko hanggang sa may nahawakan na akong isang matigas na bagay sa aking kamay. Nang iminulat ko ang aking mga mata ay nakita ko ang isang sandatang kanina ay nasa isip ko lang. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi mapangiti at mamangha. Totoo nga, kapag inisip ko ang isang bagay o isang kapangyarihan ay lalabas ito sa aking kamay. Kapag talagang detailed nga lang. Inilagay ko na muna sa tabi ang espada bago ko sinundan na naman ng isa pa. Ngayon, gusto kong subukan na may lumabas na apoy sa aking kamay. Patuloy pa rin ang pagdaloy ng enerhiya sa buong katawan ko hanggang sa matagumpay na lumabas ang apoy sa aking kamay. "Ano 'yan?" Labis naman ang aking pagkagulat na naging dahilan ng pagwala nito. Nang ibinaling ko ang aking paningin sa may pinto ng banyo ay nakita ko si Alessia na gulat na nakatingin sa kamay ko. Hindi yata ito makapaniwala na may kapangyarihan na ako ngayon. Isang ngiti lamang ang aking ibinigay sa kaniya atsaka hinablot ang espada na kinuha ko kanina. Sobrang proud ako sa nagawa ko, ngayon ay alam ko na talaga kung ano ang gagawin ko para lumabas ang aking kapangyarihan. Hindi ko pa man ito kayang kontroling ngayon pero sinisigurado ko na darating din ang panahon na madali ko na lang itong magagamit.  "Alam ko na kung paano gamitin ang kapangyarihan ko,"sabi ko at ngumiti, "Akala ko ay mahihirapan akong gamitin ito pero laking pasasalamat ko na nagawa ko naman pala." Hindi pa rin nakapagsalita itong si Alessia dahil na rin siguro sa gulat. Hindi ko naman siya masisisi kasi hindi pa naman niya ako nakitang gumamit ng kapangyarihan. Kahit siya ay hindi pa niya alam kung paano gamiting ang kaniyang kapangayrihan. Kaya nga kami sasabak sa isang misyon dahil magbabakasakaling matutunan na namin ito, dahil, sa oras na tumanggap na kami ng mas mahirap na misyon ay magiging madali na lang ito. Kitang-kita ko naman ang unti-unting pagbago ng ekspresyon sa mukha ni Alessia. Tila ba ay bigla na lang itong nalungkot at hindi alam kung ano ang sasabihin. Kunot-noong lumapit naman ako rito atsaka hinawakan ang kaniyang malamig na kamay. Suot-suot pa rin nito ang kaniyang tuwalya sa katawan. "Bakit?" Tanong ko. Malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan bago tinanggal ang kaniyang kamay sa pagkakahawak ko. Iniwas nito ang kaniyang paningin sa akin atsaka lumapit sa kaniyang kabinet. May nasabi ba ako na masama? Bakit parang galit yata siya sa akin o disappointed? "May mali ba sa sinabi ko, Alessia?" Tanong ko rito at umupo sa aking kama habang nakatingin lamang sa kaniya, "Sabihin mo lang sa akin." Hindi pa rin ito umimik at nagpatuloy pa rin sa kaniyang ginagawa. Tumahimik na lamang ako at hinayaan ito. Siguro naman ay magsasalita ito mamaya. Hindi ko na lang muna siya pipiliti sa ngayon. Aayusin ko na sana muna ang aking higaan nang bigla na lang itong humarap atsaka malungkot na tinignan ako. Para naman akong binuhusan ng malamig na tubig dahil dito. Ngayon ko lang nakita si Alessia na ganito, kahit kailan ay hindi siya naging malungkot sa kung ano man ang sasabihin ko. "Mabuti ka pa,"ani nito, "Mabuti ka pa at alam mo na kung ano ang gagawin mo para sa kapangyarihan mo. Kung ano ang dapat mong gawin para lumabas ang kapangyarihan mo. Mabuti ka pa." Ramdam ko ang bigat sa bawat salita na binibitawan nitong si Alessia. Alam kong hinahambing na nito ang kaniyang sarili sa akin. "Ayaw kong maging pabigat sa iyo, sa inyo ni Ely kung kaya ay gusto kong matutunan agad kung paano gamitin ang kapangyarihan ko pero paano ba ito, wala akong alam kung ano ang gagawin ko,"malungkot nitong sabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD