Lumipas ang halos ilang oras namin na paglalakad ay nakarating na kami sa labas ng kagubatan. Naabutan na kami ng gabi kung kaya ay na isipan na muna namin magpahingang tatlo. Kasalukuyan kaming naghahanap ngayon ng lugar na pagpapahingahan. Ayon naman kay Ely ay hindi na naman daw namin kailangan pa mag-alala dahil ligtas naman ang lugar na ito. Kung may aatake man sa amin ay hindi naman daw iyon problema dahil madali lang naman daw ito patayin. Patuloy lamang kami sa paghahanap ng pwedeng paglisan ng gabi hanggang sa makakita kami ng isang malaking puno, hindi kalayuan sa daan.
"Aalis muna ako at manghuhuli ng pwede nating gawing pagkain ngayong gabi, may ilang mga pagkain naman tayong binili pero mas mainam na iyong nakakatipid tayo,"sabi ni Ely atsaka naglakad na palayo. Tumango lamang kami hanggang sa nagpaalam na lang bigla itong si Alessia na kukuha raw siya ng mga panggatong.
"Mag-ingat ka,"paalala ko rito. Ngumiti lamang itong si Alessia atsaka tinapik ang aking balikat.
"Opo, Mother,"birong sabi nito bago umalis.
Naiwan na lang akong mag-isa rito sa ilalim ng puno, dahil nga sa rason na ako na lang iyong na iwan ay kailangan ko maghanda sa mga gamit na kakailangan namin. Inilibas ko na ang mga gamit na aming hihigaan sa pagtulog mamaya atsaka hinanda na rin ang ilang gagamitin sa pagluto. Medyo marami-rami rin itong dala naming mga gamit kaya hindi na ako magkakaproblema pa sa paghahati. Inilibot ko ang aking paningin at hinanap si Alessia. Hindi pa rin itong nakakabalik, siguro ay medyo malayo-layo rin ang pinuntahan nito.
Huminga muna ako ng malalim bago nagpatuloy sa paghahanda. Inayos ko muna ang mga bato na nakapalibot sa apoy na ilalagay ko rito mamaya. May mga malilit na sanga ng kahoy ang iniligay ko na sa gitna upang pandagdag sa gagawing panggatong para sa aming bone fire. Pagkatapos kong ihanda ito ay sunod ko naman ginalaw ang mga kumot at ilang tela na gagamitin namin bilang higaan. Inayos ko ang mga ito at itinabi sa isa't-isa. Mas maayos na kung ganito ang posisyon namin, sa paraan na ito ay sa oras na may biglang sumulpot na malakas na kalaban ay mabilis kaming makakalapit sa isa't-isa at pumosisyon. Mas mainam na rin siguro 'to upang alam kong nandito lang sila sa tabi ko at hindi ako matatakot.
Hindi naman ako takot sa multo o dilim. Natatakot lang talaga ako ngayon dahil ang mundo na kung saan kami ngayon ay ibang-iba sa mundo na aming kinagisnan. Kaya hindi ko talaga masisigurado ang kaligtasan naming dalawa. Kung kaya ay susubukan ko na gawin ang lahat para lang ma-master itong kapangyarihan ko.
Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan bago umayos ng tayo at nag-unat nang aking katawan. Medyo sumakit ang likod ko dahil sa aking ginawa. Mabibigat din pala itong tela na nasa loob ng ibinigay na singsing ni Ely. Ayon sa kaniya ay para raw itong storage room na kung saan pwede naming ilagay lahat ng gamit namin na hindi nahihirapan sa paglalakbay.
Sabi ko nga ay sobrang convenient nito para sa amin dahil kailangan namin sobrang daming gamit. Kailangan namin ng mga damit, pagkain, kailangan sa pagluluto, gagamitin sa pagtulog at iba pa. Kailangan talaga namin maging handa sa ganitong klaseng paglalakbay, especially na sobrang layo ng aming destinasyon at hindi ako sigurado kung ilang araw ang dadaan bago kami makarating doon.
Aalis na sana ako para hanapin si Alessia nang makita ko itong naglalakad na papalapit sa pwesto ko. Sa kaniyang mga braso ay ang mga sanga na sobrang laki na para bang pwede ko na itong mahalintulad sa binti ng baboy. Halata naman sa mga kahoy na ito na patay na at maganda para gawing panggatong.
Marami naman akong alam tungkol sa camping. Isa rin akong girl scout sa school namin noon, simula bata pa lang hanggang high school. Iyong mga panahon na hindi pa uso sa akin ang computer games at puro leisure lang ang nasa isipan ko. Gusto ko nga sana sumabak muli pero hindi na raw pwede kapag college ka na, hanggang high school nga lang daw ang possibleng pinakamataas na rank mo. Hindi ko rin naman alam kung totoo pero hindi ko na lang pinilit
"Ayan na ba lahat?" Gulat na tanong ko, "Bakit ang dami naman yata nito? Inubos mo ba ang buong kagubatan?"
Bahagya akong natawa habang tinitignan ang hawak-hawak nitong mga kahoy. Isang irap lamang ang aking natanggap mula sa kaniya sabay bagsak ng mga ito sa sahig, at naglakad patungo sa isang tabi upang umupo.
"Imbes tulungan ako ay inaasar pa ako,"bulong nito, "Ang hirap kaya maghanap ng panggatong sa loob ng kagubatan. Halos ilang beses ko pa kailangan umiwas sa mga hayop at halimaw na sa tingin ko ay mababangis. Karamihan kasi sa mga patay na kahoy na ito ay nasa malapit sa kanila kaya kailangan ko maghintay."
Iniayos ko muna ang mga panggatong bago ako lumapit kay Alessia at tumabi. "Huwag ka na magalit. Alam ko naman iyon, but anyway nakita mo ba si Ely doon? Bakit parang ang tagal niya naman yata?" Nagtatakang tanong ko at inilibot ko muli ang aking paningin.
"Ayan nga rin ang ipinagtataka ko,"sambit ni Alessia, "Kanina ko pa nga hinahanap si Ely doon sa loob ng kagubatan. Nagbabakasakaling makita ko ito at sabay na kaming bumalik dito kaso sa loob ng ilang oras ko doon ay wala akong makitang kahit anino nito."
"Ganoon ba?" Tanong ko.
"Oo, ganoon nga,"ani nito, "Sana nga lang ay ligtas iyon. Baka mapatay pa tayo ng Heneral kapag nalaman niyang napahamak ang nag-iisa niyang anak."
"Paano naman mangyayari 'yon? Isa si Ely sa mga pinakamalakas sa bagong bayan na pinapanatilihan natin? Sa tingin mo ba ay magiging anak 'yan ng heneral para sa wala? Aba siyempre, confident ako na sobrang lakas nito. Hindi nga lang natin alam kung anong klaseng kakayahan ang mayroon siya kasi hindi pa naman natin ito nakita na nakikipaglaban,"paliwanag ko sa kaniya, "Ngunit, ngayon na magkasama na tayo rito sa misyon. Sooner or later, alam kong masasasaksihan din natin ang totoong kapangyarihan niya."