"Mga walang puso! Ano ba ang kasalanan ko sa inyo at ayaw n'yo akong lubayan?!" Bakas na bakas ang pait sa boses ni Bernard Frederick.
"Aba'y kailangan mo pa bang itanong iyan sa amin? Isa kang salot sa lipunan! Anak ka ng isang puta! Tingnan mo nga ang iyong sarili, wala kang ama at ina? Ipinanganak ka pa sa loob ng kulungan dahil sa kakatian ng nanay mo!" Mapang-alipusta at mapang-insulto ang bawat salitang ipinantukoy sa kaniyang ina.
"Tandaan n'yo ang mukhang ito dahil balang-araw ay babalikan ko kayong lahat! Inapak-apakan n'yo na nga ang pagkatao ko ay idinadamay n'yo pa ang mga wala rito sa mundo. Pagsisisihan n'yo ang bawat pangungutya n'yo sa akin!" sigaw niya bago halos gumapang na umalis sa kinaroroonan nilang lugar.
Iyon nga ang hindi niya maunawaan. Alam na nga ng lahat na wala siyang nakagisnang ama, nakulong ang ina niya sa Saudi Arabia kaya't sa loob siya ng bilangguan ipinanganak. Ibang tao ang nag-uwi sa kaniya. Subalit bakit kailangan pang ipamukha at ulit-ulitin ng mga tao iyon sa kaniya? Namatay na nga ang abuela niyang nagpalaki sa kaniya dahil din sa pagsagip nito sa kaniya.
"Ipinapangako kong magbabayad kayong lahat. Dahil aalis ako ngayon din sa lugar na ito upang magsimulang muli. At darating ang panahong kayo ang maninikluhod sa akin."
Saan nga ba siya dadalhin ng kagustuhang makapaghiganti? May patutunguhan kaya ang pagnanais mapagbayad ang dahilan nang pagkalulong ng ina?