3 Bullying time

2140 Words
"Ano ba, bitiwan mo nga ako!" singhal ni Dianne sa kanya. Pilit siyang kumakawala sa pagkakahawak ng binata pero hindi siya nito binitawan.  Nang makapasok sa kwarto ay galit na itinulak siya nito sa kama. "Ano bang ginagawa mo sa buhay mo ha? At sino 'yung kahalikan mo? Boyfriend mo ba 'yun ,ha?" mataas na ang boses tanong ni Janred. "Ano bang pakialam mo? Sino ka ba sa akala mo. Ang mga magulang ko nga walang pakialam sa akin, eh. Tapos ikaw kung maka-react ka, daig mo pa ang parents ko. Ano bang mapapala mo sa pakikialam mo sa akin, ha?" sumisigaw na sabi ni Dianne. Napailing na lang si Janred. "Kaya naman pala iniiwanan ka, eh. Ikaw na itong inaalala, ikaw pa itong may ganang magalit." sabi niya. "Wala kang alam sa pinagdadaanan ko. Kaya wala kang karapatang husgahan ako!" sigaw ni Dianne sa kanya. "Lahat na lang nang nagwawalang katulad mo ganyan ang sinasabi. Paano kayo maiintindihan kung hindi naman kayo nagsasalita? Dinadaan niyo lahat sa pagwawala. Hindi lang ikaw ang iniwan ng ama, Dianne. Ang dami diyan, nabuhay nang maayos kahit walang ama't ina sa tabi nila. Nasa sa'yo kung paano mo bubuuin ang sarili mo. Hindi dahilan 'yon para sirain mo ang sarili mo at ang mandamay ng ibang tao," seryosong sabi ni Janred. "Hindi ko hinihingi ang opinyon mo!" mariing sabi ni Dianne. Madilim ang mukhang tumayo ito at nagmamadaling lumabas ng kwarto. "Saan ka na naman pupunta?" sigaw ni Janred habang nakasunod sa kanya. "Sa impiyerno!" sigaw ni Dianne na noo'y agad na nakalabas ng gate. Tinangka niya pa itong habulin pero mabilis itong nakasakay ng taxi. Madilim ang mukhang napailing na lang si Janred habang nakatanaw sa taxi. "Dianne, sakit ka talaga sa ulo! " Umaga na nang muling bumalik sa bahay si Dianne sa bahay. "Saan ka galing?" madilim ang mukhang tanong ni Janred nang mabungaran niyang nakatalungko sa harapan ng bahay.  Sa laki ng eyebag nito halatang wala pa itong tulog. Sa halip na sumagot, nilampasan niya lang ito atsaka siya nag-diretso sa loob ng bahay. "Inuubos mo ba talaga ang pasensiya ko, ha?" galit na hinablot ni Janred ang braso niya kaya siya natigilan. "Ano bang problema mo, ha?" maangas na tanong ng dalaga. "Ikaw! Ikaw ang problema ko. Bakit ba ang tigas ng ulo mo, ha?" nanggigigil nang sabi ni Janred. Natawa lang si Dianne atsaka umiling. "Umalis ka na lang kasi, hindi kita kailangan," maangas na sabi niya atsaka niya iwinaksi ang kamay ni Janred. Nagpatuloy siya sa paglalakad papasok ng bahay at galit na sinundan siya ni Janred. Sa pagbukas niya ng pinto, bahagya siyang natigilan nang bumungad sa kanya ang magulong bahay nila. Nandoon pa rin ang mga kalat na iniwan nila nang nagdaang gabi: mga basyo ng bote ng beer, upos ng sigarilyo at plastic ng mga pinagkainang tsitsiria.  Nagpatiunang pumasok si Janred  at naglakad papunta sa isang cabinet na naglalaman ng mga walis at iba pang gamit panlinis ng bahay. Kinuha nito ang walis at mop atsaka nito inihagis sa harapan niya "Siguraduhin mong maayos na ang bahay pag-uwi ko. Kung ayaw mong matikman ang galit ko," seryoso ang mukhang sabi ni Janred atsaka ito naglakad papasok ng kwarto. Mariing napahaplos sa mukha si Dianne. Hindi niya rin kasi akalain na ganoon pala katindi ang kalat na naiwan nila nang nagdaang gabi. Tila nanunuot na sa sofa ang masangsang na amoy ng alak at sigarilyo kaya agad niyang hinubad ang cover nito. Tinanggal niya rin ang mga kurtina sa sala na nag-amoy sigarilyo na rin. Mabuti na lang at wala siyang pasok sa school, dahil mukhang mapapasabak siya sa  matinding linisin.  Nang makaalis si Janred, sinimulan na niya ang paglilinis ng buong bahay. Habang pinapaikot niya sa washing machine ang cover ng sofa at mga kurtina, sinimulan na niyang i-disinfect ang sahig sa sala. Wala pa rin siyang tulog noon, pero pinilit niyang ligpitin ang lahat ng ikinalat niya. Hanggang sa muli nang bumango at umaliwalas ang buong bahay. Ibinalik niya rin sa dati ang pagkakahati ng mga gamit sa bahay. Ayaw niya rin naman kasing dumidikit-dikit sa kanya si Janred. Mas okay na 'yung paghatian nila ang bahay para wala silang pakialamanang dalawa. At least payapa ang buhay niya. Iyon eh kung magiging payapa nga. Matapos ang maghapong paglinis, nakaramdam ng antok si Dianne at doon na rin mismo siya sa sofa nakatulog. Iyon nga lang, maling bahagi ang napwestuhan niya. Sa pagdating ni Janred nang hapong iyon agad nitong sinilip ang mga kalat sa labas ng bahay at pagkatapos ay pumasok na ito sa loob. Bahagya itong  napangiti nang makitang maayos at malinis na ang buong bahay. Pero agad ding napakunot ang noo  nang makitang natutulog si Dianne sa kanang bahagi ng sofa na teritoryo niya. Madilim ang mukhang binuhat niya ito at pabagsak na ibinaba sa kaliwang bahagi ng sofa. Nagising si Dianne at  kunot ang noong napahawak sa balakang. " Baliw ka talaga!" singhal niya kay Janred. "Hindi ba sabi ko, huwag kang aapak sa teritoryo ko?" mariing sabi ni Janred. "Anong magagawa ko, nakakatulog ako sa sobrang pagod ko," nakataas ang kilay na sagot niya. "Siguro naman madadala ka nang magdala ng bisita rito," ani Janred habang naglalakad papunta sa kusina. Nasa kanang bahagi lang ito ng kusina habang inihahanda ang dalang pagkain. Naamoy ni Dianne ang masarap na amoy ng litsong manok na inihahain ni Janred kaya nakaramdam siya ng gutom. Noon niya lang naalala na hindi pa nga pala siya kumakain ng tanghalian. Napalabi na lang siya habang hinihimas ang kumakalam na tiyan. Kaunti na lang ang natitira sa allowance niya kaya wala na siyang pambili ng sariling pagkain. Kailangan niya na lang umasa sa mga tirang pagkain ni Janred. Mula sa sala tanaw niya si Janred na noo'y sarap na sarap sa pagkain ng manok. "Gusto mo?" alok nito nang makitang nakatingin siya. Agad naman siyang tumango at lumapit sa binata. Akmang aabutin na niya ang chicken legs na inaabot nito nang bigla itong bumawi. "Pinaghihirapan ang mga bagay-bagay sa mundo. Hindi mo 'to basta makukuha lang ng libre," nakangising sabi ni Janred. Napasimangot naman si Dianne na noo'y naupo sa kaliwang bahagi ng mesa. "Timpla mo ko ng kape," ani Janred na noo'y itinataas-baba pa ang kilay na tila tinatantya kung susunod ba siya o hindi. Dahil gutom na at nagwawala na rin ang mga alaga niya sa tiyan, masama ang mukha na tumayo siya at ipinagtimpla niya ng kape si Janred. Lihim naman itong napangiti. Mabigat ang loob ni Dianne habang nagtitimpla ng kape. Hindi niya kasi matanggap na kino-control siya ni Janred. At doon na siya nakaisip ng kalokohan para makabawi. Lihim pa siyang napangiti habang hinahalo ang black coffee ni Janred na kinargahan niya ng maraming kape at hindi niya nilagyan ng asukal. Walang kamalay-malay si Janred na noo'y kampante lang naghahantay sa kanya. Nang mailapag niya ang kape sa tabi ni Janred. Agad namang inabot sa kanya nito ang plato na may kanin at litsong manok na. In fairness kay Janred, wala naman pala talaga itong balak na gutumin siya. Hindi mapigilang mapangiti ni Dianne habang kumakain. Nai-imagine niya na kasi ang magiging reaksiyon ni Janred kapag nahigop na nito ang ubod ng pait na kape. Minadali niya ang pagkain para hindi na niya maabutan ang eksenang iyon. Napapakunot ang noo ni Janred na noo'y napapansin na rin ang lihim na pagngiti ng dalaga. Wala sa loob na inabot nito ang kape at sinundan  ng tingin ang dalaga habang papunta ito sa lababo. Biglang naibuga ni Janred ang kape na  umabot pa sa likuran ni Dianne. Napakagat-labi na lang ang dalaga  at mariing napapikit. Ramdam niya sa likuran niya ang init ng kapeng naipubuga ni Janred. Hindi na siya nakagalaw pa sa kinatatayuan niya dahil batid niyang sa mga sandaling iyon, papalapit na sa kanya ang binata. Naramdaman ni Dianne ang pag-akbay sa kanya ni Janred kaya unti-unti niya itong nilingon. Malaki ang pagkakangiti ng binata habang hawak sa isang kamay ang tasa ng kape. Basang-basa niya ang gustong gawin ni Janred sa mga oras na iyon kaya natatawang tinakpan niya ng dalawang kamay ang bibig niya. Natatawa na rin noon si Janred na pilit kinakalas ang mga kamay niya sa bibig niya. At dahil natatapon ang kape sa kakapalag ni Dianne, pansamantalang ibinaba ito ni Janred sa gilid ng lababo. Sinamantala ni Dianne ang pagkakataon at tumakbo ito papalabas ng bahay pero agad siyang naabutan ni Janred. Niyakap siya nito sa baywang atsaka siya binuhat pabalik sa lababo. Inipit ni Janred ang magkabilang braso niya sa pagkakayakap nito kaya wala siyang maitakip sa bibig niya. Mariin niyang isinara ang bibig niya habang pilit siyang umiiwas sa kapeng idinudutdot sa bibig niya ni Janred hanggang sa masubsob si Janred sa kanya at magdikit ang mga labi nila. Kapwa nanlaki ang mga mata nila habang tila tumigil ang mundo. Tanging dagundong na nagmumula sa parehas nilang dibdib ang naririnig nila. Kaya halos sabay rin silang bumitaw. "Sorry na. Ititimpla na lang kita ng totoong kape," parang robot na sabi ni Dianne na tila naninigas ang leeg at hindi magawang lumingon sa binata. "Okay," tanging nasambit ni Janred na noo'y napaupo na lang sa silya na halatang nabigla rin sa nangyari. Tumayo na ito at iniligpit ang pinagkainan sa mesa. Idinamay na rin nito  ang naiwang pinagkainan ni Dianne. Bago magtimpla ng kape ay nagpalit muna ng damit si Dianne atsaka niya muling ginawan ng kape si Janred na isinunod niya na lang sala kung saan ito nagpapahinga. Hindi makatingin ng diretso si Dianne habang inaabot sa kanya ang tasa ng kape kaya muli na namang kinutuban si Janred. Nangingiting tumayo siya at inabot niya ang tasa ng kape kay Dianne kasabay ng paghawak niya sa isang kamay nito. "Hindi mo ko madadalawahan," natatawang sabi niya atsaka  niya ito hinila papalapit sa kanya. "Okay na 'yan. Wala 'yang lason." sabi ni Dianne na noo'y pilit kumakawala sa pagkakahawak ng binata. Pero tila wala ng tiwala sa kanya si Janred kaya ipinainom muna nito sa kanya ang kape para masigurong tama ang timpla nito. At nang hindi naman nag-react ng masama ang mukha ng dalaga, kampanteng naupo si Janred sa sofa habang sumisimsim ng kape. Pero muli niya itong naibuga, sa halip kasi na asukal, asin ang inilagay ni Dianne. "Dianne!" umaalingawngaw ang boses na sigaw ni Janred. Nakatakbo na sa kwarto noon si Dianne at nakapag-lock sa banyo kaya hindi na niya ito nabawian.  Tuwang-tuwa si Dianne habang nasa banyo, kitang-kita niya kasi ang masamang reaction ng mukha ni Janred. Sa ginawa niyang 'yon, nasisiguro niyang hindi na ulit ito magtatangkang mag-utos sa kanya. Pero unti-unting sumeryoso ang mukha ni Dianne nang masagi ng kamay niya ang mga labi niya na dinanampian ng labi ni Janred. Tila nag-flashback sa kanya ang eksenang iyon na nagdikit ang mga labi nila. Marahang dinama niya ang mga labi niya. Bahagya siyang napangiti, may kilig kasing dulot sa kanya ang aksidenteng pagdidikit ng labi niya. May spark, sabi nga ng iba. Sa dami na ng mga labing dumampi sa labi niya, noon lang siya nakaramdam ng ganoon. 'Yung tila may mahinang boltahe ng kuryente na gumapang mula sa mga braso niya paakyat sa mukha niya. At parang may kung anong hinahalukay sa sikmura niya na hindi niya maintindihan. Ipinilig niya ang ulo niya at iwinaksi ang isiping iyon. "Tumigil ka Dianne!" sabi niya sa sarili. Idinikit ni Dianne ang kanang tenga sa banyo at pinakiramdaman ang buong paligid. May ilang oras na kasi siyang nakakulong doon. Sinisiguro niya muna na wala na si Janred sa paligid bago siya lumabas ng banyo. Lingid sa kaalaman niya matiyaga ring nag-aabang sa kanya sa labas si Janred habang nagkukubli sa gilid ng cabinet. Hindi nito  binuksan ang ilaw at aircon para hindi niya mahalata kaya naman tagaktak na rin ang pawis nito sa noo. Maingat pa sa magnanakaw na kumilos si Dianne palabas ng banyo at agad na isinara ang pinto ng kwarto. Iniharang pa nito ang mahabang sofa sa pinto at pinatungan ng kung ano-anong mabibigat na bagay. Sira pa kasi ang lock ng pintuan niya. Nang masigurong safe na, doon palang niya sinindahan ni Dianne ang ilaw sa kwarto.  Natatawang lumabas sa pinagkukublihan niya si Janred. Kitang-kita niya kasi kung habang natatarantang hinaharangan ni Dianne ang pinto. Napatili si Dianne at natatarantang inihagis kay Janred ang lahat ng ipinatong niya sa sofa. Tila effective naman ang harang  na ginawa niya, dahil maging siya mismo ay hindi mabuksan ang pinto palabas. Halos maihi sa katatawa si Janred. Takot na takot kasi ang hitsura ni Dianne. Daig pa nito ang hinahabol ng multo sa pagkukumahog na makalabas  ng kwarto. Inilang hakbang niya lang ito atsaka niya muling hinuli sa baywang. "Diba sabi ko sa'yo hindi mo ko pwedeng dalawahan?" natatawang sabi niya atsaka niya ito pinasan at dinala sa kusina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD