Chapter 4

1459 Words
“O FLORENCE, ayos ka lang diyan?” puna sa kanya ni Juris. Ang masasabing tanging naging totoo niyang kaibigan sa mga napasukan niyang trabaho. Isang buwan na simula ng makapasok siya sa catering services na iyon. Hindi masasabing malaki ang kita at hindi naman kaliitan. Pagkatapos niyang matengga ng tatlong araw matapos siyang umalis sa panaderya ay muli siyang nakahanap ng trabaho. Madali na siyang natanggap dahil marami na daw siyang experience kaya sobrang natuwa siya. Lalo siyang natuwa ng makilala niya ang mga bagong katrabaho. Hindi kagaya ng mga nauna, mababait ang mga ito. Lalo na si Juris na naging kaibigan na niya. Isa pang ikinaluwag ng dibdib niya ay nang malamang babae ang may-ari ng catering services na iyon. Ibig sabihin ay hindi iyon magiging dahilan ng muli niyang pagkawala ng trabaho kung magiging mabait lang siya. Dahil nagkatrauma na siya kapag lalaki ang nagiging amo niya. Sa gabing iyon ay may catering sila sa isang kumpanya na magcecelebrate ng anniversary nito. Ang balita niya ay iyon daw ang ikasampung taon ng kumpanya kaya kakaiba ang gagawing pakulo. May play daw na mangyayari na ipapalabas mamaya pero ang nakakaabang doon ay mga EXECOMS ang magsisiganap. Ang EXECOMS o Executive Committee’s ang mga big bosses sa kumpanya – Ang Universal Activation Inc. o UA Inc - ang ike-cater nila sa gabing iyon.. Ayon sa kwento ni Juris na matagal ng nagtatrabaho sa catering na iyon ay mababait daw ang mga empleyado lalo na ang mga EXECOMS sa kumpanyang iyon. Ilang beses na daw kasing kinuha ang caterer ng kumpanya para sa mga events at doon ay nakakasalamuha ng mga ito ang EXECOMS. Kagaya ng mga karaniwang tao ay mahilig makihalubilo ang mga big bosses ng kumpanya sa mga simpleng taong kagaya nila. Wala daw makikitang arte o kiyeme sa mga ito. Bukod doon ay generous din daw ang mga ito. At palaging nakangiti. Ayon pa sa kaibigan ay pare-parehong mayayaman ang mga ito ay may sari-sariling negosyo ang bawat pamilya. Pero mas pinili ng mga itong magtayo ng sarili nilang negosyo pagkatapos nilang makagraduate ng kolehiyo. At ang iba naman kahit pa nag-aaral at hindi pa nakakatapos ay may share na din sa kumpanya. Natawa pa nga siya ng ikuwento iyon ni Juris dahil tila alam na nito ang lahat ng kwento tungkol sa mga mga big bosses ng UA Inc. “Ang guguwapo at ang gaganda kasi ng mga members kaya nakakaintrigang alamin ang buhay nila. Tsaka crush ko iyong isang member kaya medyo kinalkal ko ang buhay niya.” humahagikhik na paliwanag ni Juris sa kanya. Ilang beses na din daw nailagay sa magazine o nailagay sa pahayagan ang mga miyembro ng EXECOMS kaya naman kilala na ito ng dalaga. Tuloy ay lalo siyang nacurious kung ano ba talaga ang itsura ng mga miyembro nito. Naalala niya ang gwapong makulit na photographer sa Luneta. Kasing gwapo kaya niya ang mga EXECOMS dito? Natutop niya ang noo dahil sa naisip. Hayun nanaman siya. Simula ng makilala niya ang lalaking iyon ay hindi na nawala sa isip niya ang mukha nito. Kahit anong gawin niyang pagtataboy ay tila nakaplaster na yata ang imahe nito sa utak niya. Nagmulat siya ng mata mula sa pagkakapikit habang nakasandal ang kanyang ulo sa pader. “Florence. Ayos ka lang ba diyan? Masakit ba ang ulo mo?” may pag-aalalang tanong sa kanya ni Juris. “Kanina ka pa parang matamlay diyan, masama ba ang pakiramdam mo?” sinalat nito ang noo niya. Nakaupo siya sa isang monoblock sa isang sulok sa bahaging likod ng pavilion. Doon inilagay ang lahat ng gagamitin nila para sa pagcacater. Napangiwi siya. “Hindi masakit ang ulo ko, pero masakit itong puson ko.” Dinama niya ang tiyan. Lalo iyong sumakit at muli siyang napangiwi. “Ha? Ganoon ba? E kaya mo bang magservice mamaya? E teka, baka magkakaroon ka na?” panghuhula nito. “Oo nga eh. Sa tingin ko din.” “Masakit ‘yan girl. Ang sakit talaga ng mga babae. Magpaalam ka na kaya kay Mrs. Rosas na umuwi para makapagpahinga ka na.” suhetisyon nito. Nagsimula itong mag-aalala para sa kanya. “Hindi. Kaya ko naman eh. Isa pa, nakakahiya naman kung magpapaalam akong umuwi kebago-bago ko palang. Kaya ko ito.” binalewala niya ang sakit ng puson niya pero lalo lamang iyong kumirot. “Ano ka ba! Mabait naman si Mrs. Rosas. Papayagan ka nun. Tsaka reasonable naman ‘yang nangyayari sa iyo. Teka, sandali at ako nalang ang magsasabi sa kanya ---.” “Juris, huwag na!” pigil niya sa braso nito bago pa ito makakilos. “Kaya ko pa naman eh. Siguro mamaya nalang kapag hihimatayin na ako.” biro niya kahit napapangiwi na siya. “Sigurado ka ba? E baka nga himatayin ka na dito ha.” Hindi nawala ang pag-aalala ng kaibigan sa kanya. Napangiti siya dito. Nagpapasalamat siya at sa wakas ay nagkaroon din siya ng totoong kaibigan sa napasukang trabaho. Hindi kagaya ng iba na palagi nalang naiinsecure sa ganda niya. Kunsabagay ay wala namag dapat ika-insecure si Juris, dahil kagaya niya ay maganda din ito. Gandang pilipina. Tumango-tango siya bilang pagsagot sa tanong nito. “Oo. Kaya ko pa. Ipapahinga ko lang sandali ito tapos mamaya okay na ako.” “Sigurado ka ha?” paniniguro pa nito. “Oo nga. Sige na, huwag ka ng mag-alala. At salamat.” Sumandal na siya sa pader na semento at nagpahinga sandali habang hindi pa nagsisimula ang kanilang service. PERRY was busy taking pictures habang gumagala sa paligid. Napapahinto siya kapag binabati siya ng kanilang mga empleyado sa kumpanyang iyon. It was their tenth year anniversary sa industriyang iyon. Ang kumpanyang itinatag nilang magkakaibigan sampung taon na ang nakakaraan ay palago ng palago gaya ng kanilang vision. Sa gabing iyon a nasa isang bahagi sila ng Quezon City kung saan ginaganap ang okasyon. Kanina pa siya abala sa pagkuha ng mga litrato ng mga kasamahan niya maging ng mga empleyadong nadaanan niya. Bumabaha ang alak, pagkain at malakas na tawanan ng mga tao. Siya ang nagsilbing pinakahead sa pamumuno para sa event na iyon. Lahat nang kailangan upang maging matagumpay ang kasiyahan ay pinagpaguran nila kasama ng mga coordinators niya. At sa nakikita niyang kasiyahan at satisfaction sa mga taong nasa paligid ay masasabi niyang maayos na maayos ang okasyong iyon. Sa stage ay abala ang isang bandang inarkila nila. Isa din itong sikat na banda sa larangan ng musika. Ang Imago. Habang sa ibaba ay nagsasayawan na ang ibang EXECOM na kagaya nila kasama ang iba nilang empleyado. Ang iba roon ay galing pa sa mga regions, Luzon, Visayas, Mindanao dahil may mga branches din sila doon. Pulos papuri din ang natatanggap niya dahil sa matagumpay na pagpapalabas ng mga EXECOMS na pinamunuan din niya. Katatapos lamang niyon at lahat sila ay nakatanggap ng magandang papuri. Kahit si Racia na hindi na nagampanan ang tunay na role nito bilang bidang babae dahil sa benda nito sa braso ay hindi iyon naging hadlang upang maging matagumpay ang play. Magaling ang pumalit ditong si Yellyna na originally ay siyang gumawa ng script. Ngayon ay kanya-kanyang grupo na ang mga tao habang nagsisigawan at nagsasayawan. Nakailang baso na din siya ng alak pero hindi pa naman siya lasing. Muli niyang itinapat ang camera sa mukha upang kumuha ng litrato ng mapadako ang lens niyon sa isang babaeng pamilyar sa kanya ang mukha. Medyo malayo ang kinaroroonan nito pero luminaw sa paningin niya ng iadjust niya ang lens ng camera. Nakaramdam siya ng kakaibang excitement ng makilala ang may-ari ng mukhang iyon. Ang babaeng may mala-anghel at pabago-bagong ekspresiyon ng mukha subalit masungit na nakita niya sa Luneta! Bigla siyang naexcite sa di maipaliwanag na dahilan. Tinanggal niya sa tapat ng mukha ang camera. Dinampot niya ang basong ipinatong niya kanina sa ibabaw ng lamesang katabi niya ng hindi iniaalis ang tingin sa babae. Diniretso niya ng tungga ang alak na laman ng baso saka muling inilapag ang baso sa mesa. Muli niyang inayos ang camera sa tapat ng kanyang mukha at itinutok sa mukha ng babaeng hindi pa rin niya nakikilala ang pangalan. Sa pagkakataong iyon ay kusang kumilos ang kanyang mga kamay sa pagkuha ng litrato sa babae. Nakailang kuha pa siya dito habang palapit siya sa kinaroroonan nito. Hindi niya napigilang mapangiti dahil ilang beses niya itong nakuhanang nakangiti habang nagseserve ito ng cocktail drinks sa mga empleyado. Pero napakunot noo siya ng mapansing ilang beses din itong napapangiwi. Napatuwid ang tayo niya ng mapansing palapit ito sa kinaroroonan niya. Kung hindi siya nagkakamali ay madadaanan siya nito. Inalis niya ang bara sa lalamunan saka binati ito ng magtapat sila. “Hi Miss.” Simpatiko at buo ang tinig na bati niya dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD