Chapter 13

1571 Words
ISANG linggong hindi nangulit si Perry kay Florence bagay na ipinagtaka ng dalaga. Ang inaasahan niya ay agad na masusundan ang pagkikita nila matapos ang huling pag-uusap nila ng nakaraang linggo pa. Labis siyang nanlumo dahil wala din siyang matanggap na tawag o text man lang mula dito. Mukhang naloko siya nito. Ang akala niya ay matino itong tao at hindi nagbibiro nang alukin siya nito ng trabaho. Pero isang linggo na ang nakalipas ay hindi pa rin ito nagpapakita sa harap niya. Alam naman nito ang contact number niya maging ang tirahan nila ay alam na din nito dahil inihatid siya nito pauwi ng huli silang mag-usap. Hindi siya kaagad nakahanap ng trabaho dahil mas nagfocus siya sa ibibigay nitong trabaho. At kahit ayaw niyang aminin sa sarili ay nalulungkot siya sa naisip na baka nga hindi na sila magkita pa. May bahagi sa kanyang puso na nanlumo dahil hindi na niya makikita pa ang gwapong binata. At lubos siyang nanghihinayang dahil sa offer nitong trabaho kung totoo nga iyon. At ang pinakamasaklap sa lahat ay umasa siyang magkakagustuhan sila nito. Kahit ilang beses niyang pinagalitan ang sariling huwag umasa na magkakainteres sa kanya ang binata ay hindi nakinig ang isang bahagi ng utak niya. Palagi na’y iniisip niya ito at ilang beses na pinantasya. Ito din ang unang lalaking kumuha ng buong interes niya. Kaya masakit sa kanya na mawala nalang itong bigla pagkatapos niyang pumayag na makipagkaibigan dito. O baka naman sadyang pinaglalaruan lang talaga siya nito. Maaring nachallenge lang ito ng unang sungitan niya kaya ng mapaamo na siya nito ay nawala nalang na parang bula. Lalo siyang nasaktan sa naisip. Naghihimutok na pinunasan niya ang dalawang patak ng luhang nag-unahan sa paglandas sa kanyang pisngi. Ni hindi niya namalayan na naiiyak na pala siya. At iyon ay dahil sa pinag-sama-samang sama ng loob na nararamdaman niya. “Flor! Nandiyan ka ba? Lumabas ka nga dito at may iuutos ako sa iyo.” Malakas na tinig iyon ng kanyang ina. Malalakas ang mga katok nito sa pinto ng kanyang kwarto. Umangat ang pwetan niya mula sa pagkakaupo sa kama. Mabilis niyang tinuyo ang mga mata bago nagsalita. Inaayos niya ang sarili habang patungo sa pinto. Binuksan niya iyon at sinalubong siya ng nakasimangot na si Aling Irma. “Ano bang ginagawa mo diyan? Ang daming nakatambak na hugasin sa lababo. Kung wala kang trabaho ay kumilos ka dito sa bahay. Hindi ‘yang nakatunganga ka lang diyan sa loob ng kwarto. Wala ka ng nagagawa.” Pagalit at pasigaw nitong saad sa kanya. Muntik nanaman siyang mapaiyak kundi lang sa pagpipigil niya. “O-oho ‘nay.” Lumabas siya ng kwarto. Dumiretso siya sa kusina at sinimulan niyang ayusin ang kalat doon. Habang naghuhugas ay tahimik na tumutulo ang kanyang luha. Lalong nadagdagan ang sama ng loob niya. Nanginginig ang kanyang labi. “Bilisan mo diyan! Pagkatapos ay magluto ka na ng tanghalian natin.” Napapitlag siya ng marinig ang tinig ng ina sa kanyang likuran. Muntikan siyang mapahikbi. Hindi niya masabi dito na wala na siyang pera dahil naubos na iyon kahihingi nito. Minsan ay gusto na niyang sagutin ang ina subalit nagpipigil lang siya. Minamahal at iginagalang niya pa rin ito sa kabila ng ginagawa nito sa kanya. Pero hindi niya alam kung hanggang saan niya masisikmura ang paninisi nito sa kanya sa pagkamatay ng kanyang ama. “Kailan ka ba maghahanap ng trabaho? Ilang araw ka ng nakatengga. Kundi sa pagkamatay ng tatay mo hindi sana ganito ang buhay natin ngayon. Kasalanan mo kung bakit siya nawala sa atin kaya ikaw ang gumawa ng paraan kung papaano tayo mabubuhay.” Iyon lang at nilayasan na siya nito. Namalamisbis ang nag-uunahang luha sa kanyang pisngi. Sobrang sakit ng binitiwang salita ng kanyang itinuring na ina. Kahit ilang beses na niya iyong narinig mula dito ay palagi pa rin siyang nasasaktan. At hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya makapaniwalang naging makitid na ang pag-iisip nito simula ng mamatay ang kanyang ama. Matapos niyang maiayos ang mga kalat sa kusina ay nagsaing na siya para sa kanilang tanghalian. Wala na siyang pera kaya naisip nalang niyang mangutang sa kalapit nilang tindahan. Nang mainin ang kanin ay lumabas siya ng bahay upang magtungo sa tindahan. “Aling Gilay, pwede ho ba akong makautang ng isang latang sardinas? Babayaran ko nalang po sa susunod na araw. Naubusan lang kasi ako ng budget kaya didilihensiya muna ako.” aniya sa matandang babaeng nagbabantay at siyang may-ari ng maliit na tindahan. “Kuuu! Siguraduhin mo lang na makakabayad ka ha.” Anang matanda pero kumuha naman ng sardinas sa estante. Iniabot iyon sa kanya. “Salamat ho Aling Gilay. Pasensiya na ho kayo kung nakahiram nanaman ako sa inyo.” Nagpapaunawamg wika niya dito. “Kundi lang ako naawa sa iyo Florence ay hindi kita pahihiramin. Hindi ko ba naman alam kasi sa nanay mong iyang. Kayo na nga lang dalawa ay hindi pa kayo magtulungan. Ako’y naaawa na sa iyong bata ka.” Iiling-iling na pahayag ng matanda na may kabaitan din naman. “Hala, sige. Bayaran mo nalang iyan kapag nagkaroon ka na ng trabaho ulit. Pero huwag mo nalang sasabihin sa iba ha.” Bulong nito sa kanya. Napangiti siya. “Sige ho Aling Gilay. Salamat ho ng marami.” Iyon lang at tumalikod na siya. Pag-uwi niya sa bahay ay agad niyang ininit ang kawali saka iginisa ang nabiling sardinas. Malapit na niya iyong maluto ng muling pumasok si Aling Irma sa kusina. “Sardinas nanaman! Puro sardinas nalang ang ipinapakain mo sa akin! Aba, magbago ka naman ng taste. Magkakakaliskis na ako sa mga ipinapakain mo sa akin.” Umuusok ang ilong na sigaw sa kanya ng ina. Pinigil niya ang sumagot ng pabalang. “Pasensiya ka na ‘nay kung iyan lang ang mauulam natin. Naubos na kasi ang huling pera ko kaya nangutang lang ako sa tindahan ni Aling Gilay.” Paliwanag niya. Pero lalo yatang uminit ang ulo ng nanay niya. “E bakit kasi hindi ka humanap ng trabaho. Nakatunganga ka lang dito sa halip na humanap ka ng pera!.” “N-naghahanap naman ho ako eh. Siguro hindi lang talaga ako swerte sa mga nakaraang araw.” Umismid ito. “Pwes! Dagdagan mo ang sipag mo sa paghahanap ng trabaho! Ewan ko ba kung kailan kakapit sa iyo ang swerte. Kundi dahil sa iyo hindi namatay ang tatay mo! Kundi dahil sa iyo Masaya pa sana kaming magkasama hanggang ngayon!” Nagulat siya sa pag-iiba ng salita nito. Napahumindig siya dahil sa nakikitang galit sa mata nito. “Inay!” hindi niya napigilang ibulalas. “H-hindi ko naman ho kagustuhang mawala si Itay…” humina ang kanyang tinig. Gusto na niyang umiyak. “Hindi mo gusto pero dahil sa mukhang iyan ay namatay siya.” “Hindi ko ho alam kung bakit nagkaganyang ka ‘nay. Hindi na kita kilala. Hindi na ikaw ang dating nanay ko na mahal na mahal ako. Bakit po biglang kumitid ang isip niyo?” tuluyang kumawala ang luhang kanina pa niya tinitimpi. “Mahal na mahal ko ang itay mo pero nawala siya dahil sa iyo. Sana ay ikaw nalang ang nawala at hindi siya. Maari pa naman kaming magka-anak. Nang magiging totoo kong anak kung nabuhay siya.” Unti-unting nanlumo ang inay niya. “Bakit ho ba galit nag alit kayo sa akin. Mahal na mahal ko si itay at kagaya ninyo ay hindi ko din matanggap na nawala siya. Pero hindi naman ho siguro tamang ako ang sisihin ninyo.” Sumbat niya dito. “Kapag nakikita kita ay naalala ko ang pagkamatay niya.” Nanikip ang kanyang dibdib sa mga binitawang salita nito. Sobrang sama ng loob niya dahil mas nanaisin pa pala nito mawala siya sa mundo. “Sana nga ho ay ako nalang ang namatay…” nanghihinang saad niya. “Kung gusto niyong mawala ako sa buhay niyo ay iyon ang gagawin ko. Aalis ako sa bahay na ito para wala ng pabigat sa dibdib niyo.” iyon lang at hilam ang luhang tinakbo niya ang daan palabas ng bahay. PAGLABAS na paglabas niya ng bahay ay hindi niya alam kung anong daan ang tatahakin niya. Naging malabo din ang paligid dahil sa pagkahilam ng luha sa mata niya. Pakiramdam niya ay matutumba siya dahil hinang-hina ang pakiramdam niya. Gusto niyang sumigaw pero walang gustong lumabas na salita sa kanyang lalamunan. Nagpatuloy siya sa paghakbang habang nakayuko. Hindi batid kung may mga taong nakatingin sa kanya.Napatigil siya ng mabangga siya sa isang bulto. Nang tingnan niya iyon ay pamilyar ang mukha ng isang lalaking nasa harap niya. “Hi Florence.” Tila luminaw ang paligid ng marinig niya ang pamilyar na tinig ni Perry. Ito pala ang bumangga sa kanya. “Perry?” Humalili ang pag-aalala sa mukha nito mula sa pagkakangiti. “What happened? Bakit ka umiiyak?” Sinapo nito ang mukha niya. Lalo siyang napaiyak. Tuluyan siyang napahagulgol at isinandal ang noo sa dibdib ng binata. Gulat na gulat si Perry kasabay ng pagtiim ng bagang nito. “Kung anuman ang nagyari sa iyo ay kailangang malaman ko, Florence. Hindi ko hahayaang umiyak ka ng ganyan.” matigas nitong wika saka kinuha ang kanyang kamay. Nagsimula silang maglakad at hindi niya alam kung saan siya nito dadalhin habang patuloy pa rin siya sa pag-iyak Hanggang sa marating nila ang kotse nitong nakaparada sa di kalayuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD