Wala akong ibang inaasahan kundi ang pag-tatrabaho ko bilang waitress sa isang kilalang prestihiyosong club dito malapit sa amin.
Ako lang ang inaasahan ng kapatid ko at ng aking lola na sa amin ay nagpalaki. Hindi kami sagana, madalas ay kapos pa. Ngunit sa mga araw-araw na sinusubok kami ng buhay ay nananatili akong lumalaban ng patas at nagsusumikap.
Sa edad kong labing walong taong gulang, banat na ang katawan ko sa trabaho at mulat na sa reyalidad ng buhay. Mahirap ngunit kailangang magpatuloy.
Balak ko sana magpatuloy sa kolehiyo sa susunod na taon ngunit hindi ko alam kung saan nga ba ako kukuha ng perang ipangtutustos ko sa aking pag-aaral.
Hindi sasapat ang kinikita ko sa pagiging waitress at sa iba ko pang pag-sa-side line. Kulang na kulang, sa pagkain pa lang namin sa araw-araw kahit na si Lola ay nagbebenta ng mga kakanin ay hindi pa rin talaga sapat para sa aming mga pangangailangan.
"Tyla, apo. Naniningil na si Aling Pasing ng renta dito sa bahay... kahapon at kanina pa kasi siya pabalik-balik dito," saad ng aking Lola Pacita na may pangamba sa boses at ganoon din sa kanyang mukha.
Isang linggo na kaming delayed ng bayad dito sa inuupahan naming bahay, mabuti na lang ay naka-dilihensya ako kahapon, nagawan ko ng paraan kaya may pera na akong kapit para ipambayad sa may-ari nitong tinutuluyan namin.
"H'wag na po kayong magaalala, Lola. May pera na akong hawak nakagawa po ako ng paraan kahapon," saad ko naman sa kanya sabay may kinuha ako sa bag ko, ang aking wallet.
Inabot ko sa kanya ang halagang dalawang libo na ibabayad kay Aling Pasing, laking tuwa niya naman itong tinanggap.
"Maraming salamat, apo. Pero saan ka nakakuha ng pera? Hindi mo pa sweldo sa club. Saan ito galing?" pasalamat niya na may kasamang pang-uusisa kung saan galing ang pera.
"Dahil linggo po kahapon at walang pasok sa eskwela rumaket po ako sa pag-la-live selling ng kaibigan ko, tinulungan ko po siya ibenta ang mga paninda niya, natuwa siya sa akin kaya dalawang libo ang binigay niyang commision sa akin," paliwanag ko.
"Pasensya ka na kung ikaw ang kailangan gumawa ng paraan para sa mga gastusin natin dito sa bahay," malungkot na sabi ng aking Lola ngunit hindi ko batid ang hirap kung para naman sa kanila.
"Hindi na po baling mahirapan, ang mahalaga nakakatulong ako sa inyo ng kapatid ko. Lahat po ng ito kulang pang kabayaran para sa lahat ng ginawa niyong sakripisyo sa amin noon at pagpapalaki sa amin ng maayos," litanya ko upang iparating na kami ang may malaking utang na loob sa kanya.
"Apo... masaya ako na sa akin kayo lumaki ngunit nalulungkot ako dahil ito lamang ang buhay na naibigay ko sa inyo, kung na kulang, kapos na kapos at kung hindi ka pa kakayod ay siguradong isang beses na lang tayo sa isang araw makakakain," puno ng hirap niyang sinabi kaya napabuntong hininga na lamang ako.
"Kaya nga po ako nagsisikap para tayo ay makaahon. Ngayon lang ito Lola, may awa po ang diyos hindi niya tayo pababayaan, at ako gagawin ko lahat para sa inyong dalawa ng kapatid ko, magtiwala lang po kayo sa akin," pangungumbinsi ko sa kanya na h'wag na siyang mabahala.
Tumango-tango siya at malungkot na ngumiti sa akin. Nagpaalam muna siyang magluluto ng kakanin para ilako bukas ng umaga at tuluyan nang lumabas ng silid ko.
Tumungo naman ako sa may kama ko para kunin ang bag ko, gabi na at ganitong oras ang pasok ko sa club.
Naka-suot lang ako ng maong pants at black t-shirt tuwing papasok ng ganitong oras at doon na magpapalit ng uniform sa club.
Lumabas na ako ng silid at pinuntahan ko si Lola sa may kusina para magpaalam na aalis na ako. Natutulog naman na ang kapatid kong si Lance, hindi ko na siya gigisingin para lang magpaalam. Pagod iyon sa maghapon niyang eskwela.
"Lola, pasok na po ako sa trabaho baka ma-late pa ako." Humalik ako sa kanyang noo.
"Ay, sandali hindi ka pa kumakain," pigil niya sa akin sa pag-alis.
"Doon na po, La. May pagkain naman po ro'n," saad ko.
"Oh, siya mag-iingat ka apo. Talasan mo ang tingin sa daraanan mo at maraming nagkalat na mga masasamang tao ngayon," bilin niya.
Tumango ako. "Opo, Lola. Kayo rin po ay mag-iingat dito, i-double lock niyo po ang pinto," bilin ko rin bago tuluyan naglakad patungong pinto.
Saktong pagbukas ko naman ay mukha ni Aling Pasing ang bumungad sa akin at mukang maniningil na ng bayad sa renta.
"Ano na, Tyla? Kailan pa kayo magbabayad? Anong petsa na!" Galit agad na bungad ni Aling Pasing habang may hawak siyang pamaypay.
Magsasalita na sana ako nang bigla naman lumitaw si Lola sa aking gilid sabay abot ng pera kay Aling Pasing.
"Pasensya na Pasing, kung ngayon lang kami makakabayad," saad ni Lola habang inaabot niya ang pera.
Pahablot namang kinuha ni Aling Pasing ang pera mula sa kamay ni Lola at mabilis na binilang ang halaga nito.
"Mabuti naman naka-gawa kayo ng paraan mag-lola para makabayad ng upa! Ang hirap niyo singilin kapag araw na ng bayaran!" may pagtaas pa rin siya ng boses kahit nakabayad naman na kami.
"Hayaan niyo ho, sisikapin ko sumakto sa petsa ang pagbabayad namin sa upa pero sana naman ho ay h'wag kayong malupit sa amin higit sa Lola ko," saad ko na may himig ng pakiusap sa kanya.
Kung sigaw-sigawan niya na lang kasi ang Lola ko ay parang hindi ito mas matanda sa kanya, hindi niya na halos ginagalang.
"Alam mo, Tyla. Ang respeto at paggalang ibinabagay iyan kung may pera o wala ang tao! Kung wasto kayong magbayad, ay bakit hindi ko kakausapin ng maayos ang Lola mo? Ngayon, magbayad kayo sa tamang araw para hindi ko na kayo kailangan bungangaan pa!" Pagkasabi niya ay tinalikuran niya na kami.
Nagkatinginan kami ni Lola na ngayon ay magkasaklob ang mga palad sa kanyang bibig at ang mukha niya ay talagang nakakaawang tingnan.
Ayaw ko ng ganitong nakikita siyang natatakot sa ibang taong may mas pera sa amin. Kita ko ang panliliit niya sa kanyang sarili.
Mas tumitindi ang paghahangad kong makaahon kami upang hindi na kami itrato nang ganito ng ibang tao. Biglang tumatak sa aking isipan ang sinabi ni Aling Pasing.
Ang respeto at paggalang ay nakadepende kung may pera ka o wala... isang masakit na katotohanan sa buhay.
Kapag may pera ka, tataas ang tingin sa iyo at pagkakalooban ka ng respeto, kapag wala ka naman, ipagkakait sa iyo ito... kahit pa man dignidad mo ay kaya nilang apak-apakan.
"Hayaan mo Lola, ipinapangako ko iaahon ko kayo sa hirap, gagawin ko ang lahat kahit na hindi patas ang mundo sa mga kagaya natin," saad ko at niyakap ang katawan niyang bakas na bakas na ang katandaan at karupukan.
Higit si Lola ang nakakatanggap madalas ng masasakit na salita mula sa ibang tao, lalo na sa mga pinagkaka-utangan namin. Halos wala na siyang mukang maiharap sa kanila tuwing wala kaming mai-bayad kaya talagang pilit akong gumagawa ng paraan, lahat na ata pinasok ko na maliban na lang sa mga maruming trabaho. Hindi ko pa iyon nagagawa.
"Sige na, apo. Mahuhuli ka na sa trabaho baka sermunan ka pa ng boss niyo ro'n sa pagiging late mo..." pagtataboy niya na sa akin at pilit na ngumiti sabay marahan akong itinulak.
Ngumiti ako at hinalikan siya sa noo. "Ingat kayo rito Lola, basta tatandaan niyo palagi ang mga sinabi ko, makakaahon din tayo," saad ko upang gawing panatag ang loob niya mula sa mga isipin.
Hindi siya nagsalita at tumango-tango kaya tumalikod na ako at tinahak ko na ang daan palabas ng aming baryo.
May mga tambay pa akong nadaanan, nagiinuman sila sa may tapat tindahan.
May mga sumisipol nang tuluyan ko silang malagpasan. Sanay na rin naman ako sa mga tao rito, kaya wala na akong reaksyon pa.
Nagpatuloy lamang ako sa aking paglalakad nang hindi lumilingon, pasalamat ako kahit na ganoon ang mga kalalakihan dito hindi naman sila nang-ha-harass o ano pa man. Hindi sila nagtatangkang harangin o hawakan ako kahit na alam nilang sa club ako nag-ta-trabaho at tanging hanggang sipol lang sila.
Sumakay ako ng trysikel sa mga nakapilang sakayan, kilala na ako rito kaya alam na nila kung saan ang destinasyon ko.
Wala pang sampung minuto ay nakarating na ako sa Pixy Club, pagkabayad ko sa driver ay bumaba na ako at agad na tumungo sa entrance para lang sa mga empleyado.
Pagkapasok ko, dumiretso agad ako sa locker room at agad na nagbihis ng aking uniform.
Isang pares ng black skirt na hanggang mid thighs ang haba at isang white long sleeves polo dress na pambabae.
Inayos ko ang pagkaka-tuck in ng polo dress para ipaloob sa black skirt. Inayos ko na rin ang aking buhok, kailangan high ponytailed.
Sinuot ko ang isang pares ko ng black shoe heels na nabili ko lang sa ukay. Halos bago pa ng nabili ko ito at matibay kaya matagal ang pakinabang sa akin.
"Tyla, muntik ka nang ma-late, ah?" Si Jetson na bartender dito na mukang kapapasok lang din.
"Ikaw rin, ngayon ka nga lang din dumating," saad ko sa kanya sabay ngisi.
"Maraming customer na mayayaman ngayong gabi kaya tiba-tiba na naman tayo nito sa tip! Kaya nga hindi ako nagpa-late," saad niya naman habang nagsusuot ng sapatos na pang-trabaho.
"Kailangan ko rin ng mas malaking pera, kulang na kulang ang sinisweldo ko," saad ko na tila problemado talaga ako.
"Bakit hindi ka kaya humanap ng sugar daddy, Tyla? Iyang ganda mong iyan ang tipo alagaan ng mga lalaking mayayaman," suhestyon niya kaya nabato ko siya ng hawak kong suklay.
Alam kong nagbibiro lang siya.
"Magiging sugar baby ako para lang sa pera? Ano nang pinagkaiba ko sa babeng bayaran?" sarkastikong tanong ko sa kanya at bago pa siya maka-sagot tinalikuran ko na siya.