"Luis!" Mula sa pagmamasid sa mga hayop na nasa loob ng koral ay napalingon si Luis sa kanyang likuran nang marinig niya ang pagtawag na iyon. Naglalakad palapit sa kinaroroonan niya si Ysabella habang hawak nito sa isang kamay ang tatlong taong gulang na anak nito na si Aleya. Hindi mapigilan ang pagguhit ng kanyang mga labi para sa isang ngiti nang masilayan niya ang mga ito. Kasalukuyan siyang nasa koral ng mga hayop sa Rancho Estrella. Tumulong siya sa pagpapastol ng mga hayop kanina. At kahit tapos na ang mga gawain nila roon ay nanatili muna si Luis upang pagmasdan ang mga hayop na nanginginain na. Sa paglipas ng mga taon ay mas umunlad pa ang lupain ng mga Dominguez. Naalala niya noong ang abuelo pa ni Ysabella ang namamahala roon. Masasabi niyang maganda ang pagpapatakbo nito n