EPILOGUE
Naroon sa beach resort ng mag-asawang Lauren at Finn sina Kael at Danica. Dito sila nagpunta matapos nilang tumakas sa mismong kasal nila.
Ikatlong araw na nila rito at medyo nalulungkot si Danica na kailangan din nilang bumalik sa mga trabaho nila kinabukasan.
Tumakbo si Kael patungo sa dagat nang nakasuot lang ng asul na swimming trunks habang naroon si Danica sa inilatag niyang kumot sa buhanginan. Naiiling na lang siya habang tinatanaw ang katawan nito na tinatamaan ng sinag ng araw. Lumangoy ito sa dagat nang pabalik-balik.
One, two… Binibilang niya kung ilang beses itong nagpabalik-balik ng free style.
Nang muli itong tumakbo pabalik sa kanya ay nagkunwari siya na ine-enjoy ang haring araw. Alas-siyete y medya pa lang ng umaga at hindi pa ganoon katirik ang araw. Hinihingal pa ito habang tumutulo ang basang tubig sa katawan nang tumabi sa kanya.
“Babe, are you peeking at me?” naaaliw nitong tanong. Tumabi ito sa kanya at saka niya naramdaman ang basa nitong daliri na humaplos sa kanyang pisngi.
“No!” Nagkunwari siyang nakapikit.
“Nakita mo bang may yate na napadaan?” tanong nito.
“I didn’t see.” Bahagya niyang sinilip ang dagat at napuna na may yate nga sa hindi kalayuan.
“Then, anong kulay ng shorts ko?” tanong nito.
“You didn’t wear shorts! Naka-asul na trunks ka.”
“Hmm… I see…” Hinalikan siya nito sa pisngi.
Noon niya napagtanto na nahuli siya nito. Naaaliw niyang pinalo ito sa dibdib.
“You are cocky!”
Humalakhak ito bago siya pinaibabawan at saka siya binigyan ng nakalalasing na halik. Ipinatong niya ang mga braso sa balikat nito at pinalandas doon. Napupuno ang kanyang dibdib ng nakakikiliting sensasyon. Tatlong araw na silang tila ayaw mahiwalay sa isa’t isa na daig pa nila ang nag-honeymoon.
“Augh! Gross! Tito Kael!” wika ng isang tinig dahilan para mabilis silang maghiwalay.
Nanlaki ang mata ni Kael nang makita si Felix, ang anim na taon na anak nina Lauren at Finn.
“Sht!” mura ni Kael. Agad itong nagtakip ng tuwalya dahil alam niya na galit ang ‘bagay’ na iyon sa kasalukuyan.
Humagikgik si Danica.
“Hey there!” Lumitaw ang ulo ni Lauren mula sa pintuan sa back door. “Sabi ko na nga ba at narito kayong dalawa!” naiiling nitong sabi.
“Ate Lauren!” aniya. Nilayuan niya si Kael at saka nilapitan ang babae. Namumula ang kanyang pisngi na nakipag-beso rito.
“Mommy, I saw them kissing! Eew eew!” Nagsusumbong na wika ni Felix.
Ginulo ni Kael ang buhok nito. “Bakit narito kayong mag-ina?”
“Uhm, the last time I check ay sa ‘kin ang beach house na ‘to. We can come and go!” sarkastikong tugon ni Lauren.
“Pasensiya na kung dito kami nagtago,” ani Danica na nahihiya.
“Haaay… Hinahanap nga kayo ni Mr. Arvesso. He had an headache on the wedding. Mabuti na lang at nagkusang nagbayad sina Jorge at Faye sa mga nagastos. Pagbalik n’yo, sigurado na ipipilit pa rin kayo na ipakasal no’n dahil sa tingin niya ay nagtanan kayong dalawa! Mabuti na lang at inaaliw siya ni Mommy. Kayo naman, inuna n’yo pa ang honeymoon kaysa sa kasal!” Napangiwi si Lauren.
“What?” sabay nilang tanong ni Kael.
“What, what?”
“What did you say?” ani Danica.
“Inaaliw ni mommy ang daddy mo.”
“No, not that,” ani Kael.
“Pipilitin pa rin kayong ipakasal ni Mr. Arvesso?”
“No, about Jorge! Bakit nagbayad sina Faye at Jorge?” tanong nito kay Lauren.
“Nagpakasal sa araw na iyon sina Faye at Jorge. I don’t know the details though. Hindi ko alam na nagde-date sila. Ang sabi ni Finn ay madalas na magkasama ang dalawa at hiniling na sa kanya ni Jorge na ligawan si Faye kaya hindi siya duda sa hangarin ni Jorge. Well, guess what? Yesterday, she announced she’s three months pregnant at tatay ng baby niya si Jorge! I don’t know what happened to those two,” naiiling nitong balita.
Umawang ang labi ni Danica. How come? Did they hook up?
Tatlong araw pa lang kasal ang mga ito at tatlong buwan nang buntis si Faye? Nakapatay ang mga cellphone nila ni Kael noong isang araw pa kaya wala silang balita sa mga naganap noong kasal. Wala siyang duda na malaki ang pagmamahal ni Jorge kay Faye, ngunit ayos lang ba si Faye?
“Are you alright?” tanong ni Lauren kay Kael.
“I’m not sure what to feel about that. Well, I’m happy for her, really! It means binuksan niya ang puso niya sa iba. I know Faye. She was stressed out since the passing of Tita, you know? Wala dapat akong pakialam pa, pero nag-aalala ako sa kanya bilang pamilya. Is she alright?” ani Kael.
Pinisil niya ang kamay ni Kael. Alam niya ang nakaraan nito kay Faye. Alam niya rin na hindi nito maiwasan na mag-alala sa babae.
“She’s alright. She’s happy now, Kael. Wala ka nang dapat ipag-alala. Kung magkaroon man siya ng problema, nariyan kami ni Finn.”
Naglabas ng hangin si Kael na tila nabunutan ng napakalalim na tinik. Niyakap niya sa baywang ang lalaki at hinalikan ito sa balikat.
Nang buksan nila ang mga cellphone nila ay lumitaw doon ang napakagulong naganap noong araw nila ng kasal. Ilang missed calls ang tawag mula kay Lily at sa daddy niya. Ang pagtakas nila ni Kael at kasal ni Faye sa assistant ng daddy niya ang nagpabigla sa kanila ni Kael. Dahil sa magulong mga naganap ay napilitan silang bumalik sa Maynila nang sumapit ang gabi.
“Mukhang nakatulong pa yata ang pagbili niya ng wedding dress,” nakangiwing sabi ni Danica.
Naaliw si Lauren sa kanyang komento.
Dumiretso sila ni Kael sa hotel suite ni Mr. Arvesso para humingi rito ng pasensiya.
“Assistant Jorge, magpadala ka ng munggo sa hotel staff dito!” anang daddy niya.
“Dad!” reklamo ni Danica.
Hindi naman makapagkomento si Kael na pinili na manahimik. Isinaboy ni Mr. Arvesso ang butil ng munggo sa carpet at doon sila pinaluhod na dalawa maya-maya.
“Dad… I’m old, I’m twenty-four! Bakit mo ‘to ginagawa sa ‘kin?!” Nais niyang gamitin dito ang atake na madalas niyang gawin, ang magpa-cute dito! Ngunit tila hindi tumatalab iyon sa lalaki.
“If you’re old, then don’t act like a sixteen-year-old brat! Luhod!”
Walang nagawa si Kael na lumuhod sa carpet na may mga butil ng munggo. Sinundan niya ang lalaki nang naiiyak. Mr. Arvesso is an old-fashioned man, alam iyon ni Danica, pero hindi niya akalain na parurusahan sila nito sa ganitong paraan.
Hinilot ni Mr. Arvesso ang sentido nito. “Akala ko ba ay mahal n’yo ang isa’t isa? Bakit ayaw n’yong magpakasal?”
Itinaas ni Kael ang kamay nito para magalang na sumagot.
“Go ahead, and answer.”
“Sir, I’m sorry! Gusto kong pakasalan si Danica, totoo po iyon! Pero hindi ko po kayang makita siya na napipilitan para maging asawa ako. I want her to be happy.” Nilingon siya nito nang may kinang sa mga mata. Gusto niyang i-brag ang lalaki bilang ‘best boyfriend’ on the whole world!
“Dad, ayoko pang magpakasal. Ayokong ikasal na suot ang asul na wedding gown! Hindi naman ako si Cinderella! Ayokong magpakasal sa garden wedding na tulad ng plano mo. Gusto ko sa Boracay dahil doon kami unang nagkasama ni Kael. Gusto ko sa beach! Gusto ko ng simpleng kasalan. Isa pa, nagpakasal si Kuya last month! Ayokong dalawin ni Lotus Feet!”
Ngumiwi ito. “You have a point.”
“Pwede na akong tumayo?”
“No! Parusa mo ‘yan dahil matigas ang ulo n’yong dalawa!”
Ngumuso siya.
“Fine! Ibinibigay ko na sa inyo ang laya para mag-prepare sa kasal kung kailan na kayo handa. About Erin… wala ka bang plano na patawarin siya?”
Hindi siya nagkomento. Nakausap na rin siya ni Lily tungkol sa babae. At ang sabi ni Lily ay may plano lang si Orion sa relasyon nito kay Erin. Matigas ang ulo niya sa bagay na iyon. She hates Erin. Hindi porke nagpakasal dito si Orion ay tatanggapin na niya ang babae. Now, she hates her brother too!
“M-may hiling po sana kami na isa sa mga rason kaya kami narito,” ani Kael.
“Ano naman ‘yon?”
“Plano naming mag-live in!” ani Danica.
Nanlaki ang mata ng may-edad na lalaki habang nagpipigil ng tawa si Jorge. Sinenyasan niya ang huli para aliwin ang tatay niya na ilayo ito sa kanila bago pa ito himatayin.
“Boss, may dinner meeting tayo ng alas-nueve sa ibaba?” ani Jorge. Hindi niya alam kung totoo ang sinabi nito.
Tumayo ang kanyang ama. “Babalikan ko kayong dalawa d’yan! At pag-uusapan natin ang sinabi n’yo!”
Inilabas na ito ni Jorge. Tinulungan siya ni Kael na makatayo. Pinaupo siya sa sofa at saka nito sinuri ang kanyang tuhod. Tila namanhid ang mga binti nila. Napangiwi ito at saka minasahe ang tuhod niya. Maya-maya pa ay naaaliw na nagkomento. “I really love your dad.”
Natawa na rin siya. “Thanks for the patience, babe!”
Na-appreciate niya ang lalaki. Kung nagagawa na itong parusahan ni Mr. Arvesso dahil sa kanya, ibig sabihin lang niyon ay itinuturing na rin itong anak ng daddy niya.
“I love you!” sabi niya sa lalaki.
“I love you more!” anito. Hinaplos nito ang kanyang pisngi habang tila siya hinihipnotismo ng mga tingin nito.
Ipininid siya nito sa sofa. Nakangiti na hinaplos ang kanyang pisngi. Binigyan siya nito ng halik. Nakipagtagisan ang labi niya rito. Alam mo ‘yong halik na nakakawala ng katinuan, ng mga bagay na nasa isipan mo? Ganoon palagi ang pakiramdam kapag hinahalikan siya ni Kael.
Hindi na nila napansin na muling nagbukas ang pintuan dahil sa pagkalango sa isa’t isa.
“Danica! Kaeeeel!”
Sabay silang napabalikwas ng bangon nang muling makita si Mr. Arvesso.
-END-