“Masiyado ka naman yatang malupit sa taong iyon. Maari mo naman kalmahan, naninibago lamang iyan dahil ang isang katulad mo na galing sa swamp ay mas marami pang pera kung ihahalintulad mo sa mga naninirahan dito,”sabi ng matanda sabay bukas ng isang diyaryo.
“Kalmado lamang ako pero kung pakekealaman niya ang buhay ko dahil lang sa may pera ako, hindi ko na kaya pang pigilan ang sarili ko,”tugon ko sa kaniya at inilibot ang aking paningin sa paligid.
Kung gaano kagulo sa labas, ganoon din naman dito sa loob. Maraming nakakalat na mga libro sa sahig at ilang dokumento na hindi ko alam kung importante ba o hindi. May mga bahay-alalawa na rin rito sa dingding ng bahay at makapal na alikabok sa bawat sulok ng bahay. Halos mapatalon naman ako sa gulat nang bigla akong makakita ng isang malaking daga na dumaan sa aming harapan.
“Hindi mo naman siya masisisi, ganiyan talaga ang magiging reaksiyon ng mga tao rito,”saad ng matanda, “Kahit ako ay napapatanong kung saan galing ang pera at kung bakit napakarami naman yata nito para sa isang tao na galing sa swamp.”
“Sa katunayan ay galing talaga ako sa Bayang Fri, lumipat lamang kami ng asawa ko sa Swamp dahil hindi masiyadong mahal ang buwis doon at madali lang din makahanap ng bahay. Nang mabuntis ito, gusto ko na ang doktor nito ay propesyonal pagdating sa paghawak ng bata,”paliwanag ko sa kaniya, “Kung kaya ay lumipat kami rito.”
“Bayan ng Fri,”bulong nito, “Hindi na nakakagulat kung bakit ang dami mong pera. Ang Bayan ng Fri ang sentro ng Kaharian ng Fiend. Doon naninirahan ang mga taong malapit sa hari.”
“Alam ko iyon,”tugon ko.
Tumango lamang ang matanda at hindi na muling nagsalita pa. Hindi na lang din ako umimik at nagpatuloy na sa paghihintay sa lalaki, hindi naman nagtagal ay agad itong bumalik. May dala na itong napaka-kapal na dokumento na sa tingin ko ay pipirmahan ko. Bago iyon, kailangan ko munang basahin ang lahat ng mga nakasulat sa papel.
“Nandito na ang lahat ng kailangan mong pirmahan. Nilagay ko na sa iisang talaksan ang lahat ng pipirmahan mo upang hindi ka na magkaroon pa ng problema. Kung may hindi ka man nagustuhan sa nakasulat diyan ay pwede natin baguhin,”sabi nito at ibinagsak ang dala-dala rin nitong isang maliit na lamesa na gawa sa kahoy. Marupok na rin ito at sa tingin ko ay ilang minuto na lang ay babagsak na.
Kinuha ko ang papel at sinimulan na basahin. Maayos naman ang mga nakasulat, walang halong daya kaya agad ko itong pinirmahan. Tinignan ko ang matanda at lalaki na ngayon ay abala sa pag-uusap-usap. Kung kaya ay na isipan ko na gamitin ang isa kong kapangyarihan na kayang basahin ang lahat ng nakasulat dito.
Lumipas lamang ang dalawang minuto at na tapos ko na rin. Maayos naman ang lahat at sa tingin ko ay wala naman masamang mangyayari kapag pinirmahan ko na ang lahat ng impormasyon na nandito. Nagsimula na akong magsulat hanggang sa matapos na ako. Agad akong tumikhim upang agawin ang kanilang atensiyon.
“Napirmahan mo na ba ang lahat?” Tanong ng matanda. Dahan-dahan akong tumango atsaka ngumiti sa kaniya.
“Na pirmahan ko na lahat. Ano na ang susunod nating gawin?” tanong ko.
Lumapit ang lalaki sa akin at tinignan ang mga papel. Pagkatapos ay agad niya itong niligpit at binigyan ako ng isang susi.
“Wala na,”ani nito, “Pwede na kayong lumipat sa bagong bahay niyo. Malalaman mo naman na sa iyo, iyon dahil makikita mo ang iyong pangalan sa gate.”
Tumango lamang ako at agad ng tumayo. Sumunod naman ang matanda at hinampas muna ang balikat nito bago na unang maglakad.
“Babalik ako rito sa oras na handa ka ng harapin ako. Hanggang ngayon ay takot na takot ka pa rin na makita ang isang matanda na katulad ko,”sigaw ng matanda bago lumabas sa pinto. Napapailing na sumunod na lamang ako sa kaniya at inilagay sa bulsa ang susi.
“Masiyado man kamahalan ang mga bahay sa lugar na ito. Sinisigurado ko naman sa iyo na hindi mo ito pagsisisihan, isa pa, kung mawawala man ang susi na nasaiyo at may makakapulot. Ang susi mismo ang magdadala nito sa kaniyang amo,”paliwanag ng matanda, “Ano, may bibilhin ka pa ba para sa iyong asawa?”
Dahan-dahan akong tumango sa kaniya, “Bibili lamang ako ng mga pagkain para sa aming dalawa.”
“Kung gayon, hahayaan kitang mamalengke. May pupuntahan lamang ako, magkita na lang tayo sa daan patungo sa ating tahanan.”
Ilang saglit pa ay bigla na lang nawala sa aking harapan ang matanda. Ibinaling ko ang aking paningin sa paligid at hinanap ito. Hindi ko na siya mahagilap at hindi ko na alam kung saan ito pumunta.
Bahala na nga. Sa ngayon ay iisipin ko na lang muna kung ano ang bibilhin ko para sa aking asawa. Kailangan namin ng napakaraming stock dahil ayaw kong bumalik sa lugar na ito araw-araw. Alam kong hindi ito ligtas para sa akin at lalong-lalo na para sa kaniya.
Nagpatuloy na ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa isang stall na may nagtitinda ng mga itlog. Agad akong bumili ng isang tray at ilang gulay na hindi ko alam kung paano lutuin. Ngayon pa lang ako nakakita ng ganitong klaseng mga paninda.
Kakaiba talaga ang kanilang mga pagkain dito. Paano ko ba ito lulutuin kung wala kaming ideya kung paano tanggalin ang lason sa laman nito? Kung may lason nga naman.
Huminga ako nang malalim at nagpatuloy na sa pagbili. Lumipas ang isang oras at na tapos na rin ako sa wakas. Nagsimula na akong maglakad patungo sa pinag-usapan namin ng matanda nang mapansin ko na wala pa rin ito roon. Siguro ay hihintayin ko na lang siya. Nakatayo lamang ako rito sa isang tabi habang nakatingin sa magulong bayan. Hindi ko lubos maisip kung paano nila natatapos ang araw na ito ng hindi namamatay.
“Nandito ka na pala.”
Napalingon ako sa taong bigla na lamang nagsalita at tinignan ito. Ang matanda pala, may dala-dala itong isang malaking plastic na hindi ko alam ang laman. May binili rin ba ito?
“Bumili ka rin ba ng mga pagkain?” Tanong ko sa kaniya. Tumango lamang itong matanda at na una nang maglakad.
“Kanina ka pa ba naghihintay rito?” Tanong nito, “Hindi ko inaasahan na sobrang daming tao pala sa binilhan ko ng mga pagkain.”
“Ayos lang iyon,”tugon ko sa kaniya.
Nagpatuloy na kami sa paglalakad hanggang sa makarating na kami sa harap ng aming tahanan. Hindi ko makita sa bintana ang aking asawa pero sa tingin ko naman ay ligtas lang ito sa aming silid. Sana nga lang ay hindi ito lumabas doon.
Huminga ako nang malalim at na una nang pumasok sa loob. Hindi na ako nag-abala pa na magpasalamat. Ilang sandali pa ay nasa harapan na ako ng aming silid. Dahan-dahan akong kumatok sa aming pintuan.
Hindi naman nagtagal ay bumungad sa akin ang napakaganda kong asawa. Sobrang lawak ng ngiti nito at agad akong hinila papasok.
“Mahal ko!” Sigaw niya, “Akala ko kung ano na ang nangyari sa iyo at natagalan ka sa bayan. Hindi ko tuloy mapigilan ang sarili ko na hindi mag-alala dahil baka may nangyari nang masama sa iyo.”
Napangiti naman ako dahil doon. Labis ang aking pagod dahil sa aming lakad, lubos din nakakapagod ang mga tao sa bayan pero ngayon na nakauwi na ako. Bigla na lamang nawala ang lahat ng pagod sa katawan ko. Kumalma ang lahat.
“Pasensiya ka na at labis kitang pinag-alala, Mahal ko. Ngunit, hindi mo naman kailangan mabahala dahil kasama ko naman ang matanda sa baba,"tugon ko rito. Agad itong kumalas sa aming yakap at tinignan ako sa mata.
"Oo nga, nakita ko iyon,"ani nito, "Bakit pala kayo magkasama?"
"Hindi ko rin alam kung bakit niya ako sinamahan pero nagulat na lang ako nang sa pagbaba ko ay sinabi niyang sasamahan niya ako roon. Hindi mo aasahan ang kaguluhan na nakita ko sa bayan,"pagkwekwento ko rito, "At wala rin akong balak na ikwento sa iyo dahil sigurado akong hindi mo ito magugustuhan."
"May p*****n bang nagaganap?" Tanong nito na labis kong ikinagulat.
"Paano mo nalaman?" Tanong ko rito.
"Paanong hindi? Alam mo naman kung nasaan tayo ngayon. Hindi lamang basta-basta ang lugar na ito, mahal ko. Alam natin pareho na normal lamang sa kanila ang ganiyang klaseng bagay,"paliwanag ng aking iniirog, "Huwag kang mag-alala."
Hinaplos ko ang kaniyang pisngi at tinignan ito sa mga mata. Ang ganda talaga ng aking asawa, sigurado akong magmamana sa kaniya ang anak namin.
"Bakit?" Tanong nito habang namumula na ang kaniyang mga pisngi, mas lalo tuloy itong gumanda.
"Wala, Mahal ko." Tugon ko bago ko ito siniil ng isang halik.