"Alice, pwede ba kitang makausap saglit?" tanong ni Professor Turalba, ang guro ko sa Cognitive Psychology subject, bago ako lumabas ng klase niya.
Isa siyang payat na propesor na sa palagay ko ay nasa kuwarenta mahigit na ang edad na lalaki.
"Ayos lang naman po.”
Iniwanan ako ng nagtatanong na tingin ng mga kaklase ko na isa-isang lumabas ng silid. Nasa isip siguro nila kung may nagawa akong problema.
“May problema po ba sa grado ko, Prof?" tanong ko nang maiwan kaming dalawa.
Iniayos niya ang salamin sa mata, seryoso pa rin ang mukha kaya hindi mawala ang kaba ko. Tumayo siya mula sa kinauupuan at lumapit sa akin.
"Wala naman. Ang totoo ay personal ang kailangan ko sa 'yo." Hinaplos niya ang braso ko dahilan para mapapiksi ako. Agad akong napaatras at niyakap ang sarili na para bang kailangan ko ng proteksiyon.
May naglalarong pagnanasa sa likod ng kanyang salamin habang nakatingin sa akin kaya doon gumapang ang kakaiba kong takot.
Mas lalo akong kinabahan dahil sa inakto niya. Alam ko na kailangan kong makapasa sa klase at scholar ako rito sa school kaya medyo malaki ang pangangailangan ko na makakuha ng mataas na grado. Hindi ko rin gugustuhin na sirain ang relasyon ko sa kahit na sinong propesor.
"How much, Miss Galves?"
"P-po?" Nanlaki ang mata ko sa kanyang tanong. Hindi ko agad iyon nakuha.
"Miss Galves?" Parehas kaming napalingon sa nakabukas na pinto. Nakasilip roon ang instructor ko sa Dual Sports. Nakasuot pa siya ng jogging pants at puting t-shirt. Taliwas sa edad ni Professor Turalba si Miss Mendez, dahil halatang bata pa ang huli.
Ibinulsa ang mga kamay at tumindig sa pagkakatayo niya si Professor Turalba at ibinalik ang kanyang awra sa propesyunal na guro.
"Oh, Professor Turalba, pasensiya na! Narito ka pa pala. Si Miss Galves lang kasi ang napansin ko dahil may kailangan ako sa kanya. Magtatagal pa ba kayo?"
"Wala na akong kailangan," tugon niya na tumingin sa akin. "Mananatiling sikreto ang pinag-usapan natin at hindi mo kailangan ibahagi sa iba ang plano ko sa grado mo."
May pagbabanta sa kanyang mga salita kaya napalunok na lang ako. Mananatiling sikreto… Ibig bang sabihin nito ay sa aming dalawa lang ang napag-usapan naming dalawa? Kahit pa nga tinanong niya lang ako at wala naman akong naisagot.
"Thanks, Prof!" Nagmadali akong lumayo at lumabas ng silid.
Inakbayan ako ni Miss Mendez, naramdaman niya siguro ang panginginig ng katawan ko.
"That's fine, Alice! Kalimutan mo kung ano ang mga sinabi sa 'yo ng manyakis na 'yon."
"A-alam po n'yo kung ano ang sinabi niya?"
"May kaibigan ako na hindi nalalayo sa tipo mo ang anyo. Five years ago, inalok siya ni Prof. Turalba ng—you know—kapalit ng grado niya."
Kung ganoon ay gawain na talaga ng lalaki ang ganoon? Humigpit ang pagkakabilog ng kamay ko. Sigurado ako na wala akong maisasagot kay Professor Turalba at magbibigay ito ng impresyon sa lalaki.
"Miss Mendez, thank you po!"
"Ang totoo ay may kailangan talaga ako sa 'yo. Nag-survey kasi ako sa ilang kaibigan ko na nagtuturo rin dito at pangalan mo ang ibinigay nila sa 'kin. My sister was looking for a tutor for his son. Swak sa schedule mo ang oras. Medyo konpidensyal ang detalye kaya hindi ko masasabi sa 'yo ang lahat. Pero ayos naman ang pamangkin ko. Medyo may katigasan lang ang ulo minsan."
"Pero, Miss Mendez, loaded po ang schedule ko. Pumapasok pa ako sa fast food."
"Gano'n ba? Naku! Sayang kasi ang kikitain mo. Kikita ka ng two hundred kada oras. Dalawang beses lang sa isang linggo ang schedule na magtatagal ng tatlong oras. So, may extra kang income na one thousand two hundred pesos kada linggo. Pwede naman akong maghanap ng iba pa, kaya lang, ikaw ang fit sa trabaho kung pagbabasehan ko ang kurso mo."
Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya. 1,200 pesos? Malaking tulong iyon sa akin kung tutuusin.
"Sino po ang tuturuan ko? At saka, saan po ang bahay nila? Elementarya po ba? High school?"
"Tulad ng nasabi ko, konpidensiyal ang detalye. Kailangan ko munang makuha ang pagpayag mo bago namin ibigay sa 'yo ang iba pa. So, once you’ve accepted, hindi ka na pwede pang umatras."
Anong klaseng deal ito? Hindi ba ako mapapahamak kung sakali na pumayag ako?
Ngumiti si Miss Mendez. "Bibigyan kita ng oras kaya huwag kang mag-alala. Alam ko na overwhelming ang alok ko. Pag-isipan mo muna." Hinawakan niya ako sa kamay. "Hindi kita ipapahamak kaya magtiwala ka lang sa 'kin. Tulad ng nasabi ko, pamangkin ko ito, Alice."
"Ang totoo po ay masaya ako na maalok ng ganitong oportunidad, pero kailangan ko rin po kasing hingin ang schedule sa fast food. Pag-iisipan ko po muna."
“Sana lang ay makapag-isip ka kaagad.”
***
Umaga, habang kumakain ng pandesal ay napuna ko si Nanay na panay ang buntonghininga na napansin ko mula pa kagabi. Hindi na ako nakatiis na tanungin siya.
"May problema ka ba, 'Nay? Kanina ka pa tulala." Kanina pa nakakunot ang kanyang noo at tila nakatingin sa kawalan.
Bumagsak ang kanyang balikat. "Medyo mataas kasi ang bill ng kuryente natin ngayon. Limang daan na lang ang pera ko na kailangan pang pagkasyahin sa loob ng isang linggo. May mga kailangan din si Alea sa school." Nagbuga siya ng hangin. "Hindi ko na alam ang gagawin ko. Baka maputulan tayo ng kuryente ngayon."
Isa ako sa mga anak na ayaw ng nakikitang naghihirap ang magulang niya. Lalo na at iniwan ng 'walang bayag' kong tatay ang nanay ko.
"Gagawa po ako ng paraan. Baka may mautangan po ako sa fast food. ‘Yong kailangan ni Alea, ako na po ang bahala," tukoy ko sa kapatid ko na nag-aaral ng high school sa publikong paaralan.
"Pero kailangan mo rin 'yon bayaran, anak. Kapag sumahod ka ay ganoon din. Babayaran mo 'yon at siyempre pa ay kailangan na naman natin ng panggastos. Hindi ko na alam ang gagawin ko," naluluha niyang usal.
"'Nay, ako po ang bahala. Huwag po kayong mag-alala." Naalala ko ang alok ni Miss Mendez na trabaho. “Inalok ako ng instructor ko na mag-tutor sa pamangkin niya kaya magkakaroon ako ng ekstrang pera sa mga susunod na buwan.”
“Hindi ka ba naman mapapagod, anak?”
“Ayos lang po ako.”
“Pasensiya ka na, anak. Alam ko na sobra na ang bigat ng mga ginagawa mo. Pasensiya na kung paglalaba lang ang trabaho ko at iyon lang ang nakakaya ko rito sa bahay.” Hindi niya napigilan na lumuha.
Hindi ako clingy na anak at ayoko talaga ng dumadaan ako sa emosyonal na estado. Baka mabaliw ako!
Kaya naman tahimik ako na tumayo mula sa mesa at lumabas ng maliit naming tirahan para saglit na lumanghap ng hangin. Alam ko na nakakapagod itong mga gawain ko. Kailangan kong mag-aral at magtrabaho. Ganito talaga kapag kailangan mong labanan ang kahirapan.
Nang pumasok ako sa school, nanibago ako na walang nakitang sulat mula kay Hades. Naalala ko na naospital nga pala siya. Kumusta kaya ang isang iyon?
Hindi dahil sa nag-aalala ako sa kanya. Something is wrong with me! Hindi ako nag-aalala kay Hades! Nope! Never!
Nakita ko si Miss Mendez na halatang papunta na sa training niya. Nagmadali ako para siya mahabol.
***
Kailangan ko yatang magdasal ng isang daang beses matapos akong dalhin ni Miss Mendez sa isang napakalaking villa. Kaharap ko si Amanda Hontiveros. Tama! Ang nanay ni Hades! Ibig sabihin ay narito ako sa malawak na villa ni mayor.
Diosko! Huwag n’yo po sanang sabihin na si Hades ang tuturuan ko!
Halatang matapang ang awra ng ginang. Matalim siyang tumingin at glamorosa.
“Siya ang sinasabi ko sa ‘yo, Ate Amanda. Phycology student siya, at magaling siya sa eskuwelahan. Kasama rin siya sa scholarship program ng organization mo.”
Pinasadahan niya ako ng tingin.
“Kailangan na narito ka ng tuwing Lunes ng umaga at hapon ng Biyernes. May meeting ako sa munisipyo ng ganong mga araw kaya ikaw ang aaliw sa anak ko. Tatlong oras sa Lunes at ganoon din sa Biyernes.”
Aaliw? Ibig bang sabihin nito ay hindi talaga tutor ang kailangan nila?
“Hindi mo pwedeng sabihin ang lahat ng nagaganap dito sa bahay ko. Lalong-lalo na’t hindi mo pwedeng sabihin kahit sa pamilya mo na espesyal na bata ang anak ko. Naiintindihan mo ba?”
“Oo nga pala! Siya ang tuturuan mo, si Eros,” ani Miss Mendez.
Pinapasok ang fifteen years old na lalaki sa silid kung saan ako ginigisa ni Mrs. Hontiveros. There was a disgusting look glints in her eyes. Halatang hindi niya nagugustuhan ang anak niya.
Nakayuko ang kapatid ni Hades, ngunit umaliwalas ang mukha nito nang makita ako. “Miss butiful!”
Tumikhim ako. “H-hello!”
Mrs. Hontiveros huffs. “Tandaan mo na hindi mo pwedeng sabihin kung anong klaseng tao ang anak ko. Idedemanda kita kung sakali na may sasabihin kang hindi maganda sa labas ng bahay na ito. Dahil naka-oo ka na, pwede ka nang magsimula.” Sinilip niya ang kanyang relo. “I have to go! Ikaw na ang bahala sa kanya. Gail, ikaw na ang magbigay ng iba pang detalye.”
Lumabas ng silid si Mrs. Hontiveros nang hindi na tinapunan pa ng tingin si Eros. Nakasunod sa ginang ang dalawang bodyguards niya. Iniwan niya ako kay Miss Mendez.
“Pasensiya ka na. Alam ko na sikreto ito sa publiko kaya aasahan ko na ililihim mo sa publiko ang makikita mo. Ayokong maapektuhan ang scholarship program sa ‘yo, Alice.”
Bumilog ang kamay ko. Hindi naman mahirap ang trabaho ko rito at ang paglilihim na nais nila. Ngunit kinabahan pa rin ako matapos malaman na madadamay ang scholarship ko kung sakali na hindi ko magawa ang trabaho nang maayos.
“Eros, this is your tutor, Alice. Say hi to Alice.”
“No! N-not Alis, she’s… Miss Butiful.”
“Right!" Naaaliw na natawa si Miss Mendez.
“S-she’s Hades…”
“Classmate! I’m Hades’ classmate!”
Medyo napadiin ang pagkagat ko sa labi ko para maiwasan ang pamumula ng pisngi ko. Baka mamaya ay kung ano ang itinatak ni Hades sa utak ng kapatid niya.
“She’s… She’s a gelfend.”
“Eros, I will be your tutor,” natataranta kong sabi. Mukhang ang kailangan ko yatang ituro na muna kay Eros ay hindi ako nobya ng siraulong kuya niya.
“Miss Mendez, ano po ang mga inaasahan sa akin ni Mrs. Hontiveros?” usisa ko.
“Kailangan mong turuan si Eros sa ilang klase na itinuturo hanggang grade three. You see, nasa edad na five ang lebel ng isip niya ngayon, pero hindi naman lahat. Marunong na siyang magbasa, pero kailangan niya ng training sa pagsusulat.”
“Pero hindi ba’t mas maganda kung nag-aaral siya sa school na nakalaan para sa tulad niya?”
“Kung pwede iyon, wala ka sana rito.”
Tama!
“Alice, hindi alam sa publiko na espesyal na lalaki si Eros, at inaasahan ng ate ko na mananatili itong lihim. Iyon ang rason kung bakit ikaw ang napili namin. Ako ang nagtu-tutor talaga sa kanya hanggang sa kailangan ko na siyang bitawan dahil mag-aasawa na kasi ako,” nahihiya niyang sabi.
“Congratulations, Miss Mendez!”
“Thanks! So, pa’no, iiwan na kita. May mga kasambahay naman dito na pwede mong tanungan kung sakali na may kailangan ka.”
“Hindi ko alam na kapatid po kayo ni Mrs. Hontiveros. Parang ang bata n’yo pa po kasi.”
“Yeah. I’m a miracle baby, twenty years ang tanda ng ate ko sa ‘kin. Gail na lang ang itawag mo sa ‘kin kung narito lang tayo sa bahay nila. Nakakailang na matawag ng Miss Mendez. At saka, huwag mo sanang sabihin sa school.”
“Makakaasa po kayo, Miss Mendez, I mean, Gail!”
Ngumiti siya at nagpaalam na sa akin.
Napabuga ako sa hangin. Iisipin ko na lang na kailangan ko ang kikitain ko rito.
Nang lumingon ako ay hindi ko alam na nawala na pala si Eros sa silid! Sht! Saan ko siya ngayon hahanapin?