May mga bagay sa mundo na hindi natin kayang paniwalaan. Lalo na kung hindi pa natin ito nararanasan at haka-haka lang ng iilan. Ngunit nagbago ang pananaw ko nang minsan kong maranasan ang hindi maipaliwanag na pangyayari. College kami noon ng mga kaibigan ko nang yayain ako ni Liza na pumunta sa bahay nila. Kasama din namin si Kaye. Hindi lang yun ang unang beses na dumalaw kami sa kanilang bahay. Pero yun ang unang beses na naramdaman ko ang kanyang presensya.
Masaya kaming nag-kukwentuhan sa kanilang tindahan ng ulam na nakaharap sa riles ng train. Ang alam ko matagal nang walang dumadaang train doon kaya marami na rin ang naninirahan sa gilid nito. Naka-upo si Kaye sa plastic na upuan sa aking likuran. Habang nakatayo naman ang kaibigan kong si Liza sa kanyang tabi. Ako naman ay nanalamin sa whole body mirror na nasa gilid ng pintuan. Napapatingin ako sa mga dumadaang tao sa riles ng train. Dahil binabati sila ni Liza. Palakaibigan kasi ito kaya madaming kakilala. At nang maibalik ko ang aking tingin sa salamin ay nagulat ako sa aking nakita. May nagmamadaling dumaan sa likuran ko. Segundo lang pero nagtayuan ang lahat ng balahibo ko lalo na nang makita ko ang kulay pulang tela sa bandang paanan ko na mabilis at parang hangin na biglang nawala. Ilang segundong napako ang aking tingin sa salamin at pagkatapos ay dahan-dahan akong lumingon sa likuran ko.
Gulat din ang expression na nakita ko kay Kaye.
“Nakita mo yun?” Tanong ko sa kanya.
“O-Oo pero mabilis lang.” Sagot niya sa akin na halatang natakot din.
Lalo akong nakaramdam ng takot dahil akala ko guni-guni ko lamang ang lahat.
“Alas-tres na kaya dumaan na siya.”
Sabay kaming napatingin kay Liza nang sabihin niya yun.
“Sino?” Kinakabahang tanong ko sa kanya.
“Yung white lady, nakita niyo siya hindi ba?” Seryosong tanong niya sa amin. Pakiramdam ko gusto ko nang lumabas at umuwi dahil sa narinig kong sinabi niya sa amin. Akala ko kasi kaming dalawa lang ang nakakita pero parang normal na sa kanya ang nangyari.
“Tuwing alas-tres ng hapon ay dumadaan yun dito. Passerby lang pero hindi naman siya nanakit. Minsan nagugulat ako lalo na kung ako lang mag-isa. Pero nasanay na rin siguro ako dahil kung hindi dito sa tindahan doon naman siya sa kwarto tumatagos.” Dagdag pa niya. Kinalibutan ako sa sinabi niya. Hindi ako naniniwala sa white lady pero nang makita ko ito at maramdaman. Naisip kong masyadong malawak ang mundo para sa tao lamang. At baka totoo nga ang multo.
“Sa tingin mo anong nangyari sa kanya?” Usisa ko.
Umiling siya sa akin.
“Ewan ko, baka nasagasaan ng train o baka pinatay. Hindi ko alam, at ayokong malaman. Sapat na sa akin na dumadaan na lamang siya.” Wika niya.
Base sa aking naririnig at nababasa. Wala daw ghost na mula sa katawan ng namatay na dahil nahihimlay din ito kasama ng kanilang kaluluwa. Kung bad spirit man or harmless ang ghost na nakita naming tatlo at nararanasan ni Liza. Wala kaming magagawa kundi kalimutan na lamang ang aking nakita.
THE END.