Chapter 23
Pagkalipas ng isang buwan ay umuwi ang Mama ni Daisyree at pinuntahan siya sa bahay na tinitirhan niya kasama ng kaniyang mga kambal. Halos linggo-linggo naman siyang dinadalaw ni Penny sa kawayan kasama si Ian. Isang buwan rin hindi nagpakita si Oliver dahil gusto niya na pagharap muli nila ni Daisyree ay may sapat siyang dahilan.
Abala sa pagpapaligo si Princess sa kaniyang mga kambal nang dumating si Penny at Zelda na ina ni Daisyree.
“Anak, kumusta ka na?’’ Nasasabik na nilapitan ni Zelda si Princess na tulala lang na nakatingin sa kaniya.
Lumapit si Zelda at niyakap si Princess. “Pinag-alala mo kami, Anak. Bakit ba hindi mo sinabi na buntis ka? Maiintindihan naman kita, eh! Hayzz… Ang mga apo ko.” Hinawakan ni Zelda ang mga bata at siya na ang nagpatuloy sa pagpapaligo sa mga ito. Habang si Princess ay tahimik lang at nalilito na pinagmamasdan ang ina.
Tumulo ang kaniyang mga luha na hindi maipaliwanag ang nararamdaman nang makita ang tunay na ina.
“Wala ka bang sasabihin sa ina mo?’’ tanong ni Penny sa kaniya.
“I’m sorry,” ‘yon lang ang nasabi ni Princess na naguguluhan. Pinunaasan niya ang kaniyang mga luha saka kinuha niya ang damit ng mga bata at inabot sa kaniyang ina nang matapos nitong paliguan ang mga kambal.
“Anak, aasikasuhin ko ang mga papelis ninyo ng mga bata dahil dadalhin ko kayo sa Amerika,’’ wika ni Zelda kay Princess matapos ayusan ang mga kambal. Nakaupo sila sa kawayang upuan habang pinapadede ni Princess sa Jake.
“H-ho? Ahmm… Hindi po ako puwede sumama sa inyo dahil kailangan pa ako ni Nanay. Hindi ko siya puwedeng iwanan,” sagot ni Princess kay Zelda.
“P-pero paano naman ang kinabukasan ninyong mag-ina, Anak? Hindi ka ba nahihirapan na alagaan ang mga bata sa liblib na lugar na ito?’’ nag-aalalang tanong ni Zelda sa anak.
“Sanay na po ako sa lugar na ito. Maghahanap naman po ako ng trabaho kapag medyo malaki na ang mga bata,’’ sagot ni Princess. Ang totoo ay takot siya sa mga taong bigla na lang dumating sa buhay niya. Kung hindi lang dahil kay Penny ay hindi niya haharapin si Zelda na nagsasabing ina niya. Takot din siya na sabihin na may amnesia siya dahil hindi siya nagtitwiala sa mga tao.
Gusto niya man sanang sabihin ang tunay na nangyari subalit takot siya na baka masasamang tao ang mga taong tumatawag sa kaniyang Daisyree at baka ang totoong pakay nito sa kaniya ay makuha ang lupain ng kaniyang Tatay Juanito na ibinilin sa kaniya. Mabuti sana kung narito ang Nanay Doray niya subalit mag-isa lang siya at wala pang maalala. Gusto niyang proteksyonan ang sarili niya at ang lupain lalo na ang kaniyang mga anak.
“Anak, makahanap ka ng magandang trabaho sa Amerika at magandang kinabukasan ang naghihintay sa inyo ng mga bata roon. Paano mo sila mabubuhay kung mag-isa ka lang at wala naman silang ama na sumusuporta sa inyo?’’ problemadong sabi ni Zelda kay Princess.
Hindi na nakapagsalita si Princess nang biglang sumabat si Oliver mula sa pintuan. “Handa kong suportahan ang mga anak ko, Tita. Hindi ko tatakbuhan ang obligasyon ko sa mag-iina ko.”
Nagulat silang tatlo sa biglang sinabi ni Oliver kay Zalde.
“Anong ibig mong sabihin, Iho?’’ nagtatakang tanong ni Aling Zelda kay Oliver.
“Tingnan niyo po ang laman ng envelop upang malaman ninyo ang ibig kong sabihin.” Iniabot ni Oliver ang hawak niyang envelop kay Zelda. Masakit ni Oliver na tinitigan si Princess na hindi man lang makatingin sa kaniya.
Natatakot si Princess kay Oliver dahil sa pagtataas nito ng boses sa kaniya noong huli nilang pagkikita. Pakiramdam niya ay may masamang gagawin ito sa kaniya at sa mga anak niya.
Nagulat si Zelda nang makita ang laman ng envelop. “I-ikaw ang ama ng mga apo ko?’’ hindi makapaniwalang tanong ni Zelda kay Oliver. Si Penny ay napaawang ang labi sa narinig mula sa ina ni Daisyree at agad na kinuha ang papel na hawak ni Zelda.
“99.99% ako ang ama ng mga kambal. Hindi ko lang maintindihan sa anak ninyo kung bakit ayaw niyang sabihin na ako ang ama ng mga bata,’’ nagtitimping galit na sabi ni Oliver kay Zelda habang masakit na nakatingin kay Princess.
Pati si Penny ay hindi rin nakapagsalita nang makita ang DNA result na hawak niya. Nagtataka rin si Princess sa pinagsasabi ni Oliver at lalong gumulo ang isipan niya.
“Puwede bang mag-usap kami ng sarilinan ng anak ninyo, Tita?’’ buong paggalang na tanong ni Oliver sa ina ni Daisyree.
“Sige, mag-usap muna kayong dalawa. Hali ka Penny, iwanan muna natin silang dalawa para makapag-usap,’’ yaya ni Zelda kay Penny.
Sumunod naman si Penny at iniwanan ang dalawa at ang mga bata. Nang dalawa na lang si Oliver at Princess ay inilapag muna ni Princess si Jake sa tabi ni Jerelyn na mahimbing na natutulog.
“Ngayon sabihin mo sa akin kung bakit sinasabi mong si Chester ang ama ng mga kambal kahit ako ang totoong ama nila, ha? Ano ba ang nagawa kong mali sa’yo na pati ang mga anak ko ay gusto mong ilayo at ipagkait sa akin, ha?’’ galit na tanong ni Oliver kay Princess.
“Hindi ko alam ang sinasabi mo. Malay ko ba at gawa-gawa mo lang ang papel na iyon at may masama kang balak sa aming mag-ina?’’ tarantang sagot ni Princess kay Oliver.
Lalong umigting ang panga ni Oliver sa sagot na iyon ni Princess sa kaniya. “Naririnig mo ba ang sarili mo, Daisyree? Ngayong alam ko na ako ang ama ng mga bata, hindi ako papayag na lumaki silang bastardo at walang kinikilalang ama. Ngayon, kung gusto mo mong sumama sa ina mo sa Amerika, iiwan mo sa akin ang mga bata at kaya ko silang buhayin at bigyan ng magandang buhay. Subalit kung ayaw mong mawala sila sa tabi mo magpapakasal tayo at mamuhay na kasama sila,’’ walang alinlangang sabi ni Oliver kay Princess.
Naguguluhan man si Princess ay maganda ang opurtunity na inaalok ni Oliver sa kaniya upang makatakas sa mahirap na kalagayan nila ng mga bata. At kung totoo man na ang lalaking nasa kaniyang harapan ngayon ang ama ng kaniyang mga anak ay ano ang karapatan niya upang itanggi sa mga bata ang magkaroon ng pamilya at masaganang buhay? Saka na lang niya iintindihin ang sarili kapag maayos na ang lahat. Ngunit ang talagang nasa isip niya ay baka gawa-gawa lang ni Oliver ang DNA test na iyon at baka nais lang nito makuha ang lupain ng kaniyang ama na si Mang Juanito.
“Sa tingin mo papayag ako na kunin mo sa akin ang mga anak ko? Ang totoo hindi kita kilala at kahit isang katiting wala akong maalala sa’yo. Kung ang lupa ni Tatay Juanito ang sadya niyo para guluhin ako. Puwes, magkakamatayan muna tayo bago niyo makuha ito sa akin. Umalis ka na bago pa ako tumawag ng brgy para kaladkarin ka sa lugar na ito,’’ buong tapang na sabi ni Princess kay Oliver.
Tumawa si Oliver nang nakakainsulto sa mga sinabi ni Princess at nagseryoso na hinawakan ang braso ni Princess. “Ngayon hindi mo ako kilala dahil alam ko na ang totoo na ako ang ama ng mga bata? Ano na naman ang drama na gusto mong palabasin, Daisyree? Wala akong pakialam kung gusto mo akong kalimutan dahil sa ayaw at gusto mo kukunin ko ang mga anak ko sa’yo kung ayaw mong magpakasal sa akin. Kahit umabot pa tayo sa korte wala akong pakialam na sa’yo. Sagad sa buto ang kasinungalingan mo! Kung hindi lang dahil sa mga bata wala na rin sana akong balak na makaharap ka! Hindi na ikaw ang Daisyree na una kong minahal at nakilala noon. Babalik ako bukas para alamin ang desisyon mo. Huwag kang magtangkang tumakas dahil nandiyan lang ako sa site. Pag-isipan mong mabuti ang inaalok ko sa’yo.” Pagbabanta ni Oliver kay Princess. Tinapik niya ang balikat ni Princess at lumabas ng bahay.
Parang natanggalan ng buto si Princes sa tuhod na bagsak na naupo sa kawayan na naguguluhan. Tinitigan niya ang mga kambal at naiisip na kung ang lalaking iyon ba talaga ang ama ng mga ito. Nais niyang sabihin kay Oliver na may amnesia siya subalit hindi siya pinapaniwalaan ng binata na hindi niya ito maalala. Nagdadalawang isip rin siya na paano kung siya talaga si Daisyree at hindi si Princess? Subalit ayaw niyang isipin na nagsinungaling sa kaniya ang mga kinikilala niyang mga magulang dahil ang totoo ay mahal niya ang mga ito dahil hindi siya pinabayaan simula nang magkamalay siya. Taliwas din sa kuwento ng kaniyang ama ang sinsabi ng mga tumatawag sa kaniyang Daisyree.
Noong huling pagkikita ni Oliver at Princess saka ng mga bata ay kumuha ng tatlong hibla ng buhok si Oliver kay Jake at dinala niya iyon sa laboratory ng DNA Test sa Meland bago sila magkita noon ni Nicole. Nang makuha ni Oliver kahapon ang result ng DNA test ay hindi siya makapaniwala sa result na siya ang ama ng mga kambal ni Daisyree. Tuwang-tuwa siyang malaman iyon at upang hindi makawala na sa kaniya si Daisyree ay wala na siyang ibang alam gawin para mapasakanya ang babae na lubos niyang minahal. Subalit gulong-gulo rin siya kung paano sabihin kay Nicole na hindi siya ikakasal kay Nicole, kundi kay Daisyree.
Pagkagaling ni Oliver kay Princess ay nagkita sila ni Nicole sa Plaza.
“Oliver, bakit mo ako pinaasa kung makikipaghiwalay ka man lang sa akin. Ano ang dahilan at gusto mong wakasan ang relasyon natin?’’ naluluhang tanong ni Nicole kay Oliver.
“May mga anak akong dapat unahin, Nicole. Maniwala ka minahal kita subalit gusto ko bigyan ng pamilya ang mga anak ko. Alam kong makakita ka pa ng mas higit sa akin,’’ wika ni Oliver na hindi sinasadyang saktan ang damdamin ni Nicole. Subalit nakapagdesisyon na siya na ang mga anak niya at si Daisyree ang pinipili niya.
“Puwede naman ako maging ina ng mga anak mo, Oliver. Tatanggapin ko sila huwag mo lang akong iwan,’’ umiiyak na pakiusap ni Nicole.
“Nicole, hindi ako ang lalaking karapat-dapat sa’yo. Please, patawarin mo ako hindi ko sinasadya na saktan ka. Mahalaga sa akin ang mga anak ko. Please, palayain na nating ang isa’t isa.” Masakit man sa kalooban ni Oliver na sabihin iyon kay Nicole subalit iyon na lang talaga ang makakabuti para sa kanilang dalawa.
“Handa kitang hintayin, Oliver. Umaasa ako na magbabago pa ang desisyon mo. Mahal na mahal kita at handa kong ibigay ang kalayaan mo. Kung darating ang araw na kailangan mo ako nandito lang ako para sa’yo.’’ Masakit na tinanggap ni Nicole ang kaniyang kabiguan kay Oliver, subalit hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa.
Patakbomng umalis si Nicole at sinundan na lamang siya ng tingin ni Oliver. Bumalik si Oliver sa site bandang gabi at nagkausap sila ng ina ni Daisyree.
“Ano ang napag-usapan ninyo ni Daisyree, Iho?’’ tanong ni Zelda kay Oliver.
“Handa kong pakasalan si Daisyree, Tita. Subalit hindi ko alam kung ano ang masama kong nagawa sa kaniya para ipagkait sa akin ang mga anak ko. Ayaw kong lumaki na mga bastardo ang mga bata at gusto ko dalhin nila ang apilyedo ko. Kung ipagpilitan ni Daisyree na ilayo sa akin ang mga anak ko ayaw ko man gawin subalit aabot kami sa korte,’’ seryosong sabi ni Oliver kay Zelda.
“Mahal mo ba ang anak ko, Oliver? Sagutin moa ng tanong ko dahil diyan nakasalalayan ang magiging desisyon ko,’’ tanong ni Zelda sa binata.
“Mula noon minahal ko ang anak ninyo, subalit siya lang ang may ayaw sa akin,’’ seryosong sagot ni Oliver sa ina ni Daisyree.
“Kung ganoon huwag kang mag-alala dahil kukumbinsihin ko si Daisyree na pakasalan ka. Ayaw ko rin na maging bastardo ang mga apo ko at disgrasyada ang anak ko,’’ tugon ni Zelda kay Oliver.
Nasa tamang edad na rin si Daisyree at kung ano ang makakabuti sa kanila ng mga anak niya ay iyon ang gagawin ni Zelda. Ayaw niya na mahirapan ang kaniyang anak at wala man lang silang kaalam-alam sa tunay na nangyayari kay Daisyree.