Chapter 1

1568 Words
Tapos na ang bahay, maayos na ang kita sa tindahan, lahat ng mga kapatid niya ay nasa kolehiyo na, at konti na lang ay mababayaran na nila ng buo ang pagkaka-utang ng kanilang lolo… Tumango-tango si Mayumi sa saya ng makita ang magandang pag-usad ng mga nasa listahan niya. Dating laki sa yaman ang pamilyang Garcia. Hindi man maluho pero kahit kailan noon ay hindi nila naranasang maghirap sa pang-araw-araw na kakainin. Ang masakit nga lang ay nawala ang lahat sa kanila na parang bula ng biglang sumulpot ang mga naglalakihang utang ng ama ng kanyang tatay. Saksi si Mayumi kung paano nabaliktad ang buhay nila na umabot pa sa puntong nawalan sila ng bahay at nagkanda-hirap-hirap sa kung paano sila kakain sa araw-araw. Sa katunayan nga, sa sobrang daming nangyari ay hindi na niya alam kung paano niya nakayanang makapagtapos noon ng kolehiyo. But everything was worth it. Ang mahalaga naman ngayon ay nagawa na niya ang lahat ng lahat-lahat ng makakaya niya para sa pamilya nila. Nataon kasi noong saktong makatapos siya ng kolehiyo ay siyang nakaaksidente naman ang kanyang tatay. Aksidente iyon at syempre walang may gusto sa nangyari; pero wala rin siyang pagpipilian kung hindi ang itaguyod ang kanilang pamilya ng mag-isa. Gusto sanang tumulong ng kanyang ina pero sa gawaing bahay pa lang at sa pag-aalaga ng mga nakababatang kapatid niya ay ubos na ang oras at lakas nito. Wala namang kaso iyon, kahit kailan ay hindi niya naisipang pahirapan pa ang ang kanilang mga magulang. Naging sobrang swerte na nga lang siya ng magkaroon ng milagro at matanggap siya sa Aitana Entertainment—ang isa sa mga pinaka-kilalang kompanya sa bansa. Wala siyang work experience at alam niyang hindi sapat ang kung ano lang ang meron siya kumpara sa mga kasama niya noon sa interview; pero iyon na nga at siya pa ang nakapasok. Magwa-walong taon na siya sa trabaho ngayon. Lalo siyang napangiti doon. Napakaganda ng sweldo at ng mga benepisyong nakukuha niya sa kompanya. Iyon na nga ang dahilan sa napakalinis na pag-usad ng mga nasa listahan ng mga kailangan niyang gawin. Hindi lang iyon, kahit paano ay may naipon na rin siya para sa kanyang sarili… Naputol ang kanyang mga iniisip ng may kumatok sa kanyang pinto. “Yumi, anak, kakain na tayo. Wala ka bang trabaho ngayon?” “Susunod na po, 'ma! Mamayang hapon pa po ang schedule ng mga alaga ko!” Natatawa pa rin siya kapag ang tinatawag niya sa mga talents niya ay mga “alaga”. Para lang siyang babysitter sa mga baby damulag niya. Isa kasi siyang general project manager at simple lang ang ibig sabihin noon, siya ang namamahala sa mga proyektong hahawakan ng mga artista at modelong nasa pangangalaga niya. Walang pinipiling oras ang trabaho niya kaya ang isang day-off niya sa isang linggo ay walang eksaktong araw maliban na lang kung magkukusa siyang ayusin iyon. Maayos pa naman ang schedule niya at ayos pa naman sa kanya ang mabuliglig ng kahit anong araw sa buong linggo. Huling tingin muna sa listahan niya at kinikilig pa siyang isinara iyon. Malapit na malapit na talaga na ang sisimulan naman niya ay ang mga pansariling gusto niya! ☽ ❀ ☽ ❀ ☽ ❀ ☽ ❀ ☽ ❀ Malaki ang pamilyang Garcia. Si Mayumi ang panganay at may apat pa siyang nakakabatang kapatid na sa awa ng Diyos, nasa kolehiyo na ang lahat. Sunod-sunod pa nga ang mga ito dahil halos tig-isang taon lang ang pagitan sa isa't isa. Nakadepende kasi sa mga kurso ng mga ito ang tagal nila sa kolehiyo pero ang masaya na lang siya ay nakuha ng mga ito ang talagang gusto nilang kunin at, hindi lang iyon, lahat ng mga ito ay mga iskolar kaya hindi ganoon kabigat ang lahat sa kanya. Masaya sana kung nandito ang mga kapatid niya sa bahay pero lahat rin ng mga ito ay kailangang mga-dorm sa kanya-kanyang mga unibersidad. Tuwing Sabado at Linggo na lang nila nakakasama ang apat na iyon. “Anak, nagtatanong nga pala sila Kumareng Bireng sa kabilang barangay. Hindi raw ba tayo magsisimula ng mag-deliver ng mga softdrinks sa kanila?” Para bang nanalo siya sa lotto sa narinig. Matagal na niyang pinaplano ang palakihin ang tindahan na meron sila. Isa na nga doon ang pagsisimula sa delivery ng mga de bote sa tindahan. “Gusto niyo pa ba ‘yun, nay?” Kailangan niya pa ring tanungin kung gusto iyon ng mga magulang niya. Sila pa rin naman kasi ang maiiwan na namamahala ng tindahan kaya mas importante pa rin ang opinyon ng mga ito. Ang ama na niya ang sumagot at tinapik ang kamay niya. “Hayaan mo, anak, nandito naman akong kasama ng nanay mo. Kakayanin namin ‘yan.” Nagsimulang magsabi ang mga magulang niya ng mga plano nito para sa gagawin nilang upgrade sa tindahan. Wala na yata siyang paglalagyan ng saya sa araw na iyon. ☽ ❀ ☽ ❀ ☽ ❀ ☽ ❀ ☽ ❀ Hindi naman dapat psychology ang kursong kukunin si Mayumi noon. Sa katunayan ng ay gusto sana niyang maging guro. Mas madali sana iyon kung tutuusin pero nakakuha siya ng scholarship na mga kursong may Science at Mathemathematics lang ang pwedeng kunin para matanggap iyon. Masyadong malaki ang scholarship para hindi niya tanggapin kaya naman ang pagiging guro niya ay nauwi sa katabing department sa unibersidad niya. Ipinaliwanag sa kanila noon kung ano bang mga trabahong pwede nilang makuha matapos makapagtapos sa kurso nila; at sa lahat ng mga nabanggit, pinaka-nagustuhan na niyang pwede pala silang makapasok sa mga kumpanya para maging staff sa mga human resource department ng mga ito. Kung hindi kasi pagtuturo, ginusto rin niyang magtrabaho sa mga kompanya kaya naman talagang nagpursigi siya makapagtapos ng maayos. Suntok sa buwan ang gustuhin niyang magtrabaho sa Aitana Entertainment. Alam na alam niya iyon at hindi nga siya na-offend ng pinagtawanan siya ng mga chismosa nilang mga kapitbahay noon. Tanggap niya naman kasing may pagka-ilusyonada siya talaga sa parte na iyon. Kilala ang Aitana Entertainment dahil lahat ng mga talent nito, modelo o artista man, ay matunog ang mga pangalan kahit saan ka man mapadpad. Sobrang kilala ng kumpanya pero walang kahit isa ang nagsabing mahirap makapasok doon kaya lalo siyang nabigyan ng pag-asa. Hindi mahirap makapasok equals hindi kailangan ng work experience. Napangiti siya sa mga iniisip niya. Ang mga binabalikan niyang memorya niya ay magwa-walong taon na ang nakakaraan dahil ganoon na rin siya katagal nagtatrabaho sa kumpanya. Ang saya lang dahil wala siyang nakalimutang kahit ano na para bang kahapon lang nagsimula ang lahat-lahat. Masaya talaga siya pero bigla siyang napa-ngiwi sa sarili. Magwa-walong taon na siyang nagtatrabaho sa kumpanya. Halos twenty years old lang siya noong magsimula siya at ngayon malapit na siyang mag-twenty-eight. Anak ng tokwa. Sa loob ng walong taon na iyon, hindi pa rin siya nagka-nobyo! Kung may nanood man sa kanya ngayon, malamang sa malamang, iisipin ng kung sino man iyon na nababaliw na siya. Kung makangiti siya kanina akala mo talagang nanalo siya sa lotto tapos ngayon na akala mo nalugi siya sa ngiwi niya. Abala siya sa trabaho at aminado naman siyang hindi niya kasi priority iyon. Plus, being surrounded with all the good-looking men and women alike each day of her breathing life made her… choosy. Aba naman, syempre sa araw-araw na wala siyang panget na nakakasama, may karapatan naman na siyang sabihin na hindi sanay ang mata niyang makakakita ng hindi kaaya-aya. Nakakaloka talaga! Mabuti na yatang simulan na niyang magplano sa sarili niyang kapakanan. Hindi naman siya papayag na tumanda ng dalaga! Gusto niya pang ma-experience na maging asawa at maging ina gaya ng nanay niya! May ipon na siyang naitabi para sa sarili, jowa na lang talaga ang kulang. That should be easy, shouldn’t it? Mahabagin, para namang candy lang ang hinihingi niya at hindi taong mapapangasawa. Nakababa na siya ng jeepney at konting tawid na lang ay nasa hotel na siya kung saan gaganapin ang interview sa isa sa mga alaga niya. Afford na afford naman na niyang mag-taxi pero bakit pa siya sasakay sa ganon para mapamahal pa kung sapat na ang nakasanayan niya. Isang oras siyang maaga sa takdang oras ng pagkikita nila ng alaga niya. Doon kasi mas mapapadali ang trabaho niya at mas magkakaroon siya ng oras para matulungan ang alaga niya kapag dumating na ito. Maliban kasi sa kanyang general project manager, meron pa itong mga personal assistants na direktang nagre-report sa kanya kaya kampente siya. Speaking of personal assistant ng alaga niya, tinignan niya ang cellphone niya kung tumawag ba o nag-text na ang mga ito. Isa iyon at sinabi lang na patapos na silang gumayak. Ilalagay na niya ulit ang cellphone ng biglang may mahagip ang mga mata niya— Sobrang bilis ng mga pangyayari! Pagdilat ng mga mata niya ay yakap-yakap na niya ang dalagang muntikang mahagip ng sasakyan! “Ayos ka lang ba?!” Nanginginig ang buo niyang katawan at hindi na niya na-malayang tumaas ang boses niya. Sinubukan niyang huminga ng malalim pero nanginginig pa rin siya. “S-Sorry, h-hindi naman kita sinisigawan. A-Ayos ka lang ba?” Lalo siyang kinilabutan dahil wala man lang bakas ng pagkatakot ang dalaga. Bigla pa itong ngumiti! “You saved my life. How much do I need to pay you?” Ang kaba niya ay biglang napalitan ng galit. “Siraulo ka ba?!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD