“Kung gayon ay matutuloy na ang pag-iisang dibdib namin ng inyong nag-iisang anak na si Peinsesa Shiny Star,” nakangising sambit ni Haring Rigel ng Orion.
Inimbitahan nila ito upang makasalo sa kanilang piging. Napaaga ito ng dating kung kayat naroon ngayon sila sa bulwagan, at umiinom ng alak. Nagagalak si Haring Luminous sa pagpapaunlak nito sa kanilang paanyaya.
“Huwag kang mag-alala Haring Rigel, nasabihan na namin ang aming anak ukol dito. Ngunit magiging tapat ako sa iyo na hindi namin siya nakumbinsing pumayag, ngunit nagawan ko na iyon ng paraan,” aniya sa kanyang kausap.
“Mainam kung ganoon. Hindi man kusang loob ang pakikipag-isang dibdib niya sa akin, ang mahalaga ay ang maikasal kami,” anitong ngumiti pang parang demonyo.
Ayaw man sana niyang ipagkasundo ang kanyang anak dito, ngunit wala siyang ibang pagpipilian. Kung hindi niya gagawin iyon ay sasakupin sila ng Planetang Canopus. At hindi siya makakapayag doon, kung kaya’t pumayag siya sa alok ng hari ng mga Orion na pagsasanib pwersa nila. Ito ay para makaiwas na din sa digmaan na tiyak niyang hindi kakayanin ng kanyang mga hukbo. Matatalo sila dahil sa kakaibang mga kagamitang pandigma ng mga Canopus. Masyadong makabago ang mga kagamitan nila kaya paniguradong matatalo sila.
Pagpasok sa bulwagan ni Shiny Star ay agad nangasim ang kanyang mukha, ngunit hindi niya iyon ipinahalata sa mga ito. Nginitian niya ang kaniyang mga magulang, at magalang na bumati sa mga ito.
“Mabuti naman at nakabalik ka na. Inimbitahan namin si Haring Rigel upang saluhan tayo sa ating piging,” nakangiting turan ng kanyang ama.
“Mainam kung ganoon. Ipagpaumanhin ninyo ama, Haring Rigel, ina, magbibihis lamang ako nang aking kasuotan.” Magalang niyang paalam sa mga ito at naglakad na patungo sa kanyang silid.
“Prinsesa, tila hindi ka na masyadong apektado sa prisensiya ng hari ng mga Orion,” sabi ni Glitter habang tinutulungan siya sa pag-aayos ng kanyang sarili.
“Sasayangin ko lamang ang aking lakas kung makikipagtalo ako sa kanila. Kung kaya’t may naisip na akong paraan, upang hindi matuloy ang aming pag-iisang dibdib,” nakangiti niyang sagot sa mga tagapangalaga niya.
“Ano naman ang iyong naiisip?” Nilingon naman niya si Shimmer.
“Bukas niyo malalaman ang plano ko. Sa ngayon, makikisaya tayo sa piging na inihanda ng aking mga magulang,” aniya sa mga tagapangalaga niya.
Ilang saglit pa silang nag-ayos sa loob ng kanyang silid, bago sila lumabas at nagtungo sa silid kainan. Kompleto na ang lahat nang dumulog siya sa hapag kainan. Ayaw man sana niyang tumabi sa Hari ng mga Orion, ngunit kailangan niyang gawin iyon.
“Muli akong nagpapasalamat sa pagpapaunlak mo sa piging na aming inihanda. Kami’y nalulugod sa iyong pagdating,” nakangiting saad ng kanyang ama.
“Ikinagagalak kong pagbigyan ang imbitasyon ng magiging kapanalig ko, at ang ama ng aking magiging kabiyak.” Sumilay ang mala-demonyong ngiti nito sa mga labi nito.
Nangilabot din siya nang paraanin nito ang mahahaba nitong kuko sa kanyang kamay. Napatuwid siya ng upo saka iniiwas ang kamay dito. pilit siyang ngumiti sa harap ng mga ito.
“Para sa pag-iisa ng ating mga planeta!” anang kanyang ama saka nito itinaas ang kopita ng alak nito.
“Para sa pagsasanib ng ating mga Planeta!” tugon naman ni Rigel habang nakatingin sa kanya.
“Para sa ating nalalapit na pag-iisa mahal kong Prinsesa Shiny Star!” nakangising saad nito sa kanya.
Kitang-kita niya ang pag-aapoy ng mga mata nitong nakatitig sa kanya. Kaya naman agad siyang nag-iwas ng tingin dito, at itinuon ang pansin sa kanyang pagkain.
Matapos ang piging na iyon ay lumabas siya sa kanilang hardin upang magpahangin. Nakatayo siya paharap sa bilog na buwan. Kung kaya’t parang ilaw ding nagliliwanag ang kanyang mga buhok. Tila sumasayaw din ang mga iyon dahil sa pagtama ng buwan sa mga ito. Nakangiti siya habang pinagmamasdan ang sumasayaw niyang mga buhok. Nasa ganoon siyang pagkaaliw ng may gumambala sa kanya.
“Napakaganda talaga ng iyong mga buhok.” Nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig na iyon.
“Ikaw pala Hari ng Orion,” walang gana niyang sambit dito.
“Oo ako nga mahal ko,” nakangising tugon nito sa kanya.
Nanghilakbot naman siya sa kanyang mga narinig. Tila gusto niyang tumakbo palayo dito at magdududuwal. Ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Kailangan niyang mapaniwala itong sumasang-ayon na siya sa kanilang pag-iisang dibdib. Kung kaya’t hinarap niya ito’t nginitian kahit napipilitan lamang siya.
“Sa loob ng ilang araw ay gaganapin na ang ating pag-iisang dibdib. Nasasabik na ako para sa araw na iyon. Hindi na ako makapaghintay na tawagin kang aking reyna.” Nakita niya ang pagnanasa nito sa mga mata nito.
Nanghihilakbot man ay pinilit niyang pakalmahin ang kanyang sarili, “Kaunting panahon na lang at matatawag mo na din akong iyong reyna, hari ng mga Orion,” tanging sambit niya dito.
“Hindi ba dapat na sanayin mo na ang pagtawag sa akin ng mahal ko, aking reyna?” tanong nito sa kanya.
‘Nanghihilakbot akong marinig ang mga katagang iyan, ang sabihin pa kaya sa taong hindi ko naman nais maging kabiyak? Nakakasuka!’ sambit niya sa kanyang sarili.
“Hayaan mo’t mangyayari din iyan sa darating na panahon. Sa ngayon ay hayaan mo muna akong maging malayang gawin ang aking nais. Dahil tiyak kong sa oras na maging magkabiyak na tayo, ay hindi ko na iyon magagawa pa,” aniya dito.
Ngumisi lang ito sa kanya at tinitigan siya nito sa kanyang mga mata. Nanlamig siya sa paraan ng pagkakatingin nito sa kanya. Tila siya isang mabagsik na nilalang na hayok sa laman. Nag-iwas siya ng kanyang paningin at muling tumingin sa buwan. Hinayaan lang niya itong manatili sa kanyang tabi habang tahimik na pinagmamasdan ang buwan.
“Ilang araw mula ngayon ay ikakasal na si Shiny Star sa hari ng mga Orion. Hindi ka ba natatakot sa maaaring mangyari sa ating anak?” tanong ni Glowy sa kanyang kabiyak.
Kasalukuyan silang nasa labas ng terasa ng kanilang tahanan at pinagmamasdan sina Shiny Star at Rigel. Huminga ng malalim ang kanyang kabiyak saka siya nito hinarap.
“Alam ko ang iyong ipinapangamba, ngunit wala naman tayong ibang magagawa kundi ang gawin ito. Malalagay sa matinding panganib ang ating planeta kapag nasakop tayo ng mga Canopus,” malungkot na saad ng kanyang kabiyak.
“Hindi mo maiaalis na mag-alala ako para sa ating anak Luminous. Alam nating pareho kung ano ang kayang gawin ni Rigel oras na hindi niya mapasunod ang ating anak. At oras na maging mag-asawa na sila, mawawalan na tayo ng karapatan sa ating anak.” Hinaplos ng kanyang kabiyak ang kanyang mukha.
“Huwag kang mag-alala mahal ko. Bago pa man ang pakikipagsundo ko sa hari ng mga Orion, ay napaghandaan ko na iyan. Magtiwala ka lang sa akin mahal ko.” Niyakap siya ng kanyang kabiyak, at hinaplos ang kanyang buhok na kumikinang sa ilalim ng sinag ng buwan.
“Sana nga mahal ko ay pagpalain ng Diyos ng mga Bituin ang ating anak.” Sumandal siya sa balikat nito upang mapayapa ang kanyang kalooban.
Alam niyang may kakaibang kakayahan ang kanyang anak, upang ipagtanggol ang sarili nito na tanging siya, at si Shiny Star lang ang nakaaalam. Kahit ang kanyang kabiyak ay hindi alam ang bagay na iyon. Mabuti nang sila na lamang mag-ina ang nakaaalam ng bagay na iyon upang walang gulong mangyari. Tiyak kasing malalagay din sa panganib ang kanyang anak, oras na matuklasan ng kahit na sino ang tungkol sa kapangyarihan nitong iyon. Ano nga kaya ang kapangyarihang iyon ni Shiny Star?