Chapter 1
Sa isang malayong lugar sa Planeta ng Sirius, ay naninirahan ang isang makulit, pilya, ngunit bulisak ang pusong prinsesa. Siya si Prinsesa Shiny Star, ang anak nila Haring Luminous at Reyna Glowy. Mayroon siyang mahaba’t alon-along, ginintuang buhok na nagliliwanag tuwing gabi. Tila may sariling buhay din ang kanyang buhok, kapag natatamaan iyon ng liwanag na nagmumula sa liwanag ng buwan.
Bilang nag-iisang anak ng hari at reyna ng Planetang Sirius, siya na ang susunod na magiging Reyna sa kanilang planeta. Ngunit dahil sa siya ay isang babae, kinakailangan siyang makahanap nang mapapangasawa sa lalong madaling panahon. Isang lalakeng magiging kahalili niya sa pagtataguyod ng kanilang planeta.
“Prinsesa Shiny Star, ipinatatawag po kayo ng inyong ama’t ina,” pahayag sa kanya ng isa sa kanyang mga tagapangalaga.
Nilingon niya ito’t nginitian, “Maraming salamat Glitter,” aniya’t naglakad nang patungo sa silid bulwagan, kung saan naghihintay sa kanya ang kanyang mga magulang.
“Magandang araw aking mahal na ama’t ina,” magiliw niyang bati sa mga ito habang naglalakad palapit sa mga ito, “Ano pong dahilan at ipinatawag niyo ako?” Umupo siya sa katapat na upuan ng kanyang ina.
Tinanggal niya ang kanyang saping pampaa, at ikinuyakoy ang mga iyon habang nakaupo. Agad namang umupo si Glitter upang isuot ang kanyang sapin sa paa. At dahil masyadong sinsitibo ang kanyang mga paa ay nasipa niya ang kanyang tagapangalaga. Humahagikhik siyang pinagkiskis pa ang kanyang mga paa. Hinila ni Shimmer ang kanyang damit upang tumigil siya sa kakatawa. Natutop naman niya ang kanyang bibig at saka muling umayos ng upo. Siya na din mismo ang nagsuot ng kaniyang sapin pampaa upang hindi na muling matawa.
“Paumanhin ama, ina. Nakiliti lamang ako sa ginawa ng aking mga tagapangalaga,” nakangiting aniya sa mga ito.
“Ipinatawag ka namin dahil kailangan na nating pag-usapan ang nalalapit na pag-iisang dibdib niyo ni Haring Rigel ng planetang Orion,” seryosong saad ng kanyang ama.
Namilog ang kanyang mga mata dahil sa pagkabigla sa sinabi ng kanyang ama. Si Haring Rigel ang pinakabatang hari na namumuno sa buong kalawakan. Wala na itong mga magulang. Ayon sa mga bali-balita sa buong kalawakan, naglahong parang hangin ang mga magulang nito. Walang nakaaalam kung saan nagtungo ang mga ito kung kaya’t, bilang nag-iisa ring anak ng hari at reyna ng planetang Orion, itinanghal siyang bagong pinuno ng planetang iyon.
“Ngunit ama,” pagpo-protesta pa niya.
“Wala ka nang magagawa anak. Nakatakda na ang inyong kasal sa susunod na pag-aagaw ng liwanag at dilim,” matigas na wika ng kanyang ama.
“Hindi maaari ito ama, wala pa ako sa hustong gulang upang magpakasal sa hari ng mga Orion!” pagpo-protesta niya sabay tayo sa kanyang kinauupuan.
“Prinsesa!” awat sa kanya ng kanyang mga tagapangalaga.
“Huminahon ka anak at makinig sa amin ng iyong ama. Ito lamang ang alam naming makabubuti para sa iyo, at para sa buong planeta natin,” mahinahong sambit ng kanyang ina.
“Ngunit ina, hindi ba’t masyado pa akong bata upang ipakasal sa isang antigong nilalang na iyon?” Nagsibungisngisan ang kanyang mga tagapangalaga na nasa kanyang likuran.
“Tumigil ka sa kalokohan mo Shiny Star!” galit na turan ng kanyang ama, “Ikakasal ka sa hari ng mga Orion at wala ka nang magagawa pa. Utos ng hari, kailangan mo iyong sundin!” Tumayo na ito’t naglakad palayo sa kanila ng kanyang ina.
Naiiyak na lumapit siya sa kanyang ina, “Mahal na ina, ayaw kong magpakasal sa nilalang na iyon. Masama ang kanyang ugali at napaka-presko,” pahayag niya sa kanyang ina.
Hinaplos ng kanyang ina ang kanyang pisngi, at malungkot siyang tinitigan nito, “Patawarin mo kami anak. Balang araw, mauunawaan mo rin ang lahat.” Iyon lang at naglakad na rin ito palayo sa kanya.
Naiwan siyang masama ang loob sa mga magulang. Pinahid niya ang mga kristal ng luhang namuo sa kanyang mga mata, at saka tumakbong palabas ng kanilang kaharian. Agad naman siyang sinundan ng kanyang mga tagapangalaga. Naiinis siya kay Rigel dahil alam niyang ito ang may pakana ng lahat. Noon pa man ay alam na niyang may pag-tingin sa kanya ang hambog na nilalang na iyon. Ngunit hindi niya ito magustuhan dahil sa kasamaan ng ugali nito. Malupit ito sa kanyang mga tauhan, at tila isang alipin ang turing sa mga mababang antas ang pamumuhay sa planetang nasasakupan nito.
Sa isang talon sila napadpad at naupo sa malaking batong naroroon. Kakaiba ang talon na ito sa mga talon na naroroon sa kanilang planeta. Nakakawala iyon ng kalungkutan, ang tahimik na kapaligiran, na tanging ang lagaslas ng tubig mula sa talon lamang ang kanyang naririnig. Ang mabining hangin na humahalik sa kanyang mukha, at ang bahagharing kulay ng malamig na tubig na dumadaloy sa kanyang paanan. Tila tinatangay nito ang anumang negatibong damdamin na kanyang nararamdaman ng mga oras na iyon.
“Prinsesa, ano nang iyong gagawin ngayong nakatakda na ang pakikipag-isang dibdib mo sa hari ng mga Orion?” tanong sa kanyang ni Sparkle.
Nilingon niya ito at nginitian, “Hindi ko alam Sparkle. Tila wala na akong takas sa pag-iisang dibdib na ito,” malungkot niyang turan dito.
“Prinsesa, papayag ka na lang ba ng ganoon? Susuko ka na lang?” tanong naman ni Glitter sa kanya.
“Ano ka ba naman Glitter, may magagawa ba naman si Prinsesa?” ani Shimmer.
Huminga siya nang malalim saka sinulyapan ang kanyang mga tagapangalaga. Nginitian niya ang mga ito, saka winisikan ng tubig na nagmumula sa talon. Nagtilian ang mga ito dahil sa lamig ng tubig na tumama sa mukha ng mga ito. Natawa naman siya sa reaksiyon ng mga ito, lalo nang paulit-ulit niyang ginawa iyon sa mga tagapangalaga niya.
“Prinsesa, tama na!” nanginginig na awat ni Shimmer sa kanya.
“Ang lamig!” ani Glitter habang yakap-yakap nito ang sariling katawan.
“Mahihinang nilalang kayo!” tatawa-tawang saad naman ni Sparkle.
“Lumabas ka nang mabasa ka rin ng Prinsesa!” utos naman ni Shimmer dito.
Bigla kasi nitong ginamit ang kakayahan nitong hindi makita ng kahit na sino. Narinig nila ang pagtawa nito habang hindi pa rin nila ito makita. Kinindatan naman niya ang dalawa niyang tagapangalaga saka humarap sa kinaroroonan ni Sparkle. Kahit hindi niya nakikita ito ay malakas ang kanyang pakiramdam. Umipon siya ng tubig sa kanyang palad, saka iyon inihagis sa kinaroroonan ni Sparkle. Ang sumunod na nangyari ay ang pagpapakita nitong basang-basa ang itsura. Nagtawanan sila dahil sa itsura nito.
“Ang lamig! Ang lamig!” nagtitiling saad nito sa kanila.
Hindi malaman nito kung paanong pagyakap sa sarili nito ang gagawin upang maibsan ang panlalamig na nararamdaman. Nakangisi siyang tumayo at ikinumpas ang kanyang mga kamay. Sa isang iglap lang ay natuyo na silang lahat.
“Tayo nang bumalik sa kaharian ng aking ama at malapit na ang hapunan. Baka hinahanap na rin tayo ng aking mga magulang,” aniya sa mga ito saka nagpatiuna nang naglakad pabalik sa kanilang kaharian.
Kailangan niya pa ring umisip ng paaran upang hindi matuloy ang kanilang kasal ni Rigel. Kahit anong paraan, gagawin niya para lang hindi siya makaisal dito. Alam niyang magagalit ang kanyang mga magulang sa kanyang gagawin. Ngunit hindi siya makakapayag na magpasakop sa isang masamang haring kagaya ni Rigel.