Umiiyak pa rin at pilit inalala ni Alison ang nangyari nang nagdaang gabi.
“Boo, sigurado ka ba na walang mangyayaring masama sa ‘kin dito?” kinakabahang tanong niya sa kaibigang si Duke.
Nandito sila ngayon sa DF Empire Hotel kung saan idinaraos ang Christmas Party ng kumpanya ng mga Fortalejo kasabay na rin ang pag-anunsyo ng bagong presidente ng DF International, si Dale Fortalejo, ang panganay sa tatlong anak na lalaki ni Daniel Fortalejo, one of the biggest businessmen who owns several hotels, local and abroad.
“Boo, relax! Christmas party lang ‘to! Ano ba’ng kinakatakot mo?” natatawang sagot nito. “You look like a nervous girlfriend who will meet her in-laws for the first time,” biro pa nito.
Inirapan niya ito at pinagkiskis ang mga palad saka idinampi-dampi sa mukha. “Alam mo naman na nandito si Ate Sabrina, nagtataka nga ako kung bakit hindi siya tumutol nang magpaalam ako at mukhang excited pa.”
“Baka naman nagbabago na siya at natatanggap ka na. And don’t worry, I’m here at alam mo naman na may tatlong Fortalejo ka pa na back-up.”
Medyo nabawasan ang kaba niya sa sinabi nito at napangiti nang marinig ang boses na tumawag sa kanya, “Ate Ali!” sigaw ng binatilyong si Duncan.
Siya ang bunsong anak ng mga Fortalejo na bukod kay Duke at sa Mama nila ay malapit din sa kanya.
Tanging sa kapatid nilang panganay na si Dale, siya kinakabahan tuwing makikita ito. Dahil na rin siguro sa mukha itong seryoso at nobyo ng half-sister niyang si Sabrina na sa simula’t sapul ay mainit ang dugo sa kanya pero sobrang bait sa kanya kapag kaharap ang Daddy nila.
Hinila siya ni Duncan palapit sa mga magulang. “Ate Ali, kanina ka pa hinahanap ni Mommy.”
“Hello po, Tita Martina and Tito Daniel. Merry Christmas po!” magalang niyang bati pagka-alis ng kausap ng mga ito.
“Oh, hello hija! Buti naman at nakarating ka. Merry Christmas!” ganting bati nito saka nagbeso sa kanya. “And where is Lara?” Ang tinutukoy nito ay ang isa pa nilang matalik na kaibigan.
“May Christmas Party din po sa bahay nila kaya pinapasabi na lang po na hindi siya makakapunta ngayon,” sagot niya.
Niyaya siya nito na maupo sa table nila pero tumanggi siya nang makita ang pasimpleng masamang tingin sa kanya ni Sabrina, katabi nito si Dale na hindi niya nakitang nag-abalang tingnan man lang siya.
Napatingin siya sa isang table na halos mga dating kaklase nila ni Duke ang umuukopa kaya’t nagpaalam na lang siya na lalapitan muna ang mga ito.
Mataman siyang nakinig nang magsimula na ang host na ipakilala ang bagong presidente at tawagin ang pangalan ni Dale Fortalejo. He elegantly walked towards the stage wearing his grey suit na lalong nag-emphasize ng ka-gwapuhan at kakisigan ng binata.
Who would have thought that at his young age of twenty five ay siya na ang mamamahala ng mga hotels ng Fortalejo. He is not just handsome and hot, but a God favored son. Ngayon nga ay siguradong mas lalo pang madaragdagan ang mga babaeng aaligid dito.
Well, kanino pa ba magmamana ng kakisigan ito? Ang tatay nga nito ay napaka-gwapo at fit pa rin kahit nasa early fifties na ito at may ilang mga babae pa rin na nagtatangkang kuhanin ang atensyon nito.
“You’re drooling, Boo!” bulong ni Duke na nagpabalik ng diwa niya. Sinabayan pa nito ng kunwaring pagpunas sa baba niya habang tumatawa nang mahina.
Siniko niya ito at inirapan. Iniwas niya ang tingin dito dahil sa pagkapahiya at upang iiwas ang namumula niyang mukha.
“Don’t be shy, sanay na ‘ko sa mga ganyan.” He laughed. “Sanay na ko makakita ng mga babaeng naglalaway kay Kuya.”
She twitched her lip saka pasimpleng kinurot ang tenga ng kaibigan. “Baliw ka! Paano ako maglalaway sa kapatid mo eh magkamukha kayo?”
“Aray!” pilit nitong tinanggal ang kamay niya sa tenga. “Ok fine wala kang crush kay Kuya. Sinisira mo naman ang image ko oh! Nandito mga empleyado namin,” reklamo nito.
She bit her lower lip saka tumingin sa paligid. Napilitan siyang ngumiti sa ilang nakamasid sa kanila at tumango.
“See? Bye for now, Boo. Tawag ako ni Dad.”
Tumayo ito at nagtungo sa ilang bisita na masayang nagku-kwentuhan kasama ng Daddy at Mommy nito. Nandoon na rin si Dale na kasalukuyang nakikipag-toss ng baso ng wine sa kaharap.
Pagkatapos ng mga palaro at ilang performances ay isa-isang binigyan ng mag-asawa kasama ang ilang board of directors ng mga regalo at cash bonuses ang lahat ng empleyado.
Naaaliw na nanonood si Alison mula sa kanyang kinauupuan nang lumapit sa kanya si Sabrina. “Hello Sis, it’s really good to see you here,” bati nito habang papaupo sabay abot ng isang baso ng wine.
Isinenyas nito na inumin niya ang laman ng baso na hindi niya magawang tanggihan dahil natatakot siya na magalit ito sa kanya. Kahit hindi talaga siya umiinom at ni hindi pa nasasayaran ng kahit anong alak ang lalamunan niya ay pinilit niyang inumin iyon.
Halos masuka siya nang tuluyang matikman ang lasa nito ngunit pinilit pa rin niya na ubusin ang lahat ng laman ng baso nang mapansing pinapanood siya ng kapatid.
Tinapik nito ang balikat niya nang ibaba niya ang baso na wala nang laman. “Good girl! Consider that as my peace offering, ok? At pasensya ka na minsan sa mga nasasabi ko sa’yo..alam mo na…” sabi nito na nakangiti sa kanya sabay lagok sa hawak na baso.
Nakamaang na tumingin siya rito. Ito ang unang pagkakataon na kinausap siya nito na hindi sumisigaw at sa halip ay malambing ang boses na nakikipagbati sa kanya. Hindi siya makapaniwala at lihim na inasam na sana ay ito na ang simula ng katuparan ng hiling niya na matanggap na siya nito bilang kapatid.
“Sis, ok na ba tayo? Hindi ka na ba galit sa Ate mo?” saglit nitong hinawakan ang kamay niya at mabilis rin binitawan.
“O..oo naman, Ate. Kahit kelan ay hindi naman ako nagalit sa’yo. Ang tagal kong hinintay na maging maayos tayo,” humihikbing sagot niya. “Kung alam mo lang kung gaano ako kasaya ngayon.”
Nakangiting pinagmasdan nito ang nakikitang saya sa kanya. “Good!” sabi nito habang kinukuha ang cellphone sa bag. “Wait, I have to take this call. Siya nga pala, sabay na tayo pag-uwi. Hintayin mo lang ako rito, ha?”
Malapad ang ngiting tumango siya. Nagtataka man dahil hindi niya narinig na tumunog ang cellphone nito ay ipanagwalang-bahala na lang niya. Ang mahalaga ay hindi na ito galit sa kanya. Para siyang nabunutan ng malaking tinik sa dibdib ng nga sandaling iyon.
Hindi niya inaasahan ang sandaling ito lalo na sa pagkakataong ito. Akala niya ay matatagalan pa ang inaasam na sandali dahil kailan lang ay hiniling nito sa kanya na lumayas siya sa mansion kung gusto niyang mawala ang galit nito sa kanya.
Dahil sa sobrang sayang nararamdaman ay hindi niya namalayan na halos mapunit na pala ang pisngi niya dahil hindi mawala ang ngiti sa mukha niya.
Nagulat pa siya nang mapansin na nakaupo na si Duke sa bakanteng upuan sa tabi niya. “Boo, ok ka lang?”
“Oo naman, super ok!” nag-thumbs up pa siya rito at tinaas-taas pa ang kilay.
“It’s obviously written all over your face.”
“Boo, guess what? Kinausap ako ni Ate Sabrina at hindi na siya galit sa’kin. Nag-sorry pa nga siya,” kinikilig niyang balita sa kaibigan at hinawakan pa niya ang mga braso nito at mahigpit na pinisil.
“Nakita ko nga kanina,” nakangiwing sagot nito habang tinitingnan ang kamay nito na halos bumaon sa balat niya. “Mabuti naman at tinubuan na rin ng bait ‘yan Ate mo.”
Huminga siya nang malalim na hindi nawawala ang ngiti.
“So pa’no? Malapit nang matapos ang party. Magpapalam lang ako sa ilang bisita at ihahatid na kita.”
Tumayo ito at inayos ang suot na polo.
“Boo, gusto ko sana sumabay kay Ate pag-uwi. Babalikan niya raw ako rito.”
“Sure ka ba? I mean, I don’t totally trust her,” diskumpiyado nitong tanong.
Inirapan niya ito. “Hoy, ano ka ba? Kapatid ko ‘yon ‘no? Tsaka minsan lang mangyari ‘to, palalampasin ko pa ba? Ang tagal ko kayang hinintay ‘to,” pagtatanggol niya sa kapatid.
“Ok, just give me a call if you need anything.” Humalik ito sa pisngi bago tuluyang umalis.
“Ok Boo,” sagot niya.
Hindi nakalampas sa paningin niya ang bulungan ng ilang babaeng nakatingin sa kanila na nginitian pa niya dahilan para lalong taasan siya ng kilay ng mga ito.
Makalipas ang halos fifteen minutes ay hindi pa rin bumabalik si Sabrina. Mangilan-ngilan na lang din ang natitira sa bulwagan.
Nagpalinga-linga siya upang hanapin ito. Pati si Duke ay hindi niya rin makita. Mukhang nakalimutan na siyang balikan ng kapatid kaya’t nagpasya siyang tawagan si Duke at magpahatid na rito.
Hindi pa man niya nahahawakan ang cellphone sa loob ng bag ay nag-ring na ito. Dali-dali niyang sinagot nang mkita kung sino ang caller. “Hello, Ate Sab?”
“Hello Sis, sorry hindi na ako nakabalik diyan. Ang kulit kase nitong si..Dale eh,” aniya na parang kinikiliti. Bahagyang nawala ang ngiti niya. “Ummm, Sis pwede mo bang dalhin dito ang bag ko? Naiwan ko d’yan kanina. Pakitingnan naman, please?” maarteng pakiusap nito.
Tumayo siya para hanapin ang bag na sinasabi nito sa bakanteng upuan na inupuan nito kanina nang lapitan siya. Napangiti siya nang makita ito. Buti na lang at hindi siya umalis sa pwesto niya kundi ay baka nawala ito. Alam niya na malaking halaga ang mga laman nito bukod pa sa nakakalulang presyo ng bawat bag nito.
“Gotcha!” nakangiting bulong niya. “Yes, Ate nakita ko na. Asan ka? Pupuntahan kita.”
“Great! Punta ka sa room 408 and wait for me there, ok?”