Huminto si Jeff at nakaramdam ng konting takot, dali-dali namang nagkubli ang kabit niya sa likod nito.
"—Jenny! Ibaba mo iyan!" Ngunit hindi ko siya pinakinggan. "
"Sobra na ang ginagawa mo sa akin! Nagtiis ako, lahat ng gusto mo ay sinunod ko pero ano pa ba ang kulang?!" sigaw ko at puno na sa galit ang aking puso. Putok ang aking noo at labi at pilit ko itong pinunasan gamit ang aking balikat dahil hindi ko inalis ang pagtutok ko ng baril sa kaniya.
"Jenny, ibigay mo sa akin ang baril!"
"—Huwag kang lumapit!" Banta ko sa aking asawa. Subalit matigas ang ulo ni Jeff at nagpupumilit pa rin itong makalapit sa kaniya.
"Sabi kong huwag kang lumapit—" Isang putok ang kumawala mula sa hawak kong baril.
"J-Jenny..." sambit niya at napahawak ito sa balikat.
Kasunod na nangyari ay biglang bumagsak ang kabit niya. Tumagos pala ang bala at tumama ito sa dibdib ng babae.
Nabitawan ko ang baril at nagpapatakbo sa kinaroroonan ng dalawa kong anak.
"Mommy... Mommy..." paulit-ulit na sambit nila at nanginginig ang mga boses nito sa takot at walang tigil sa pag-iiyak.
Tulala ako at nanginginig ang buong katawan dahil sa nerbiyos at takot.
"Ayaw kong makulong paano na ang mga anak ko?" sigaw ng isip ko.
Ang putok ng baril ay nagbigay pansin sa aming mga kapitbahay kaya agad silang tumawag ng pulis.
Pagapang na nilalapitan ni Jeff ang kabit niya na wala ng buhay. Kahit nerbiyos ang nag-uumapaw sa aking buong katawan ay sinikap ko pa rin na magiging matatag ng mga oras nang iyon alang-alang sa dalawa kong mga anak.
"Bilis mga anak, kailangan nating makalayo dito!" utos ko sa mga bata.
"Mommy, saan tayo pupunta?" tanong ng bunso kong anak na mahigpit na humawak sa aking palad.
"Bahala na!" tanging sagot ko dahil kahit ako man ay hindi ko alam kung saan kami pupunta.
Nagmadali kaming lumabas ng bahay namin at hawak-hawak ang dalawa kong anak. Kahit maraming tao sa labas ng bahay ay hindi ko ito pinapansin.
Dahil ang mahalaga sa akin ay makalayo kami sa impyernong bahay namin. Hanggang sa makasakay kami ng taksi at nagpahatid sa bahay ng aking magulang.
"Mommy, hindi na ba natin babalikan si Daddy?" tanong ng panganay kong anak.
"Hindi na, anak," nakayuko kong sagot.
Niyakap ko ang aking dalawang anak na tanging nagpalakas sa akin. Hanggang sa makarating kami sa aming bahay. At dahil wala akong dalang pera ay kailangan pang humingi sa aking ina. Nagtataka naman ang aking Nanay kung bakit biglaan ang aming pag-uwi at wala pang dalang mga gamit.
"Anak, sinasaktan ka na naman ba ni Jeff?" bungad ng aking ina.
"Nay, tulungan mo ako, ayaw kong makulong!" Umiiyak ako at sabay yakap sa kaniya na may kasamang panginginig ang buo kong katawan.
"A-anong nangyari?" pagtataka na tanong nito at tinitignan ang aking mga anak.
"Lola... si Daddy kasi. Nagdala ng babae sa bahay tapos pumasok sila sa kuwarto nila Mommy." Sumbong ng panganay kong anak.
"Ano?! Jenny, totoo ba ang sumbong ng anak mo?"
"Oo, Nay. At hindi ko sinasadyang mabaril sila." Mangiyak-ngiyak kong pagtatapat.
"Diyos ko!" bulalas ng aking ina at sapu-sapu ang bibig niya.
"Nay, natatakot ako na baka makulong ako. Paano na lang ang mga anak ko." Patuloy pa rin ako sa pag-iyak at hagulgol.
"Mommy… huwag na po kayong umiyak. Wala naman po kayong kasalanan, eh!" turan ng panganay ko at yumakap ito nang mahigpit sa akin.
"Michelle, Richelle, makinig kayong mabuti kay Mommy. Mahal na mahal ko kayo… kahit anong mangyari ay huwag na huwag ninyong kalimutan iyan, ha," luhaan kong pahayag sa kanila.
"Opo, Mommy. Mahal na mahal ka rin namin," tugon ng dalawa kong anak.
"Michelle, ipangako mo na hinding-hindi mo pabayaan ang iyong kapatid, lagi mo siyang babantayan, ha."
"Opo, pangako, Mommy," tugon nito, at umiiyak ito na yumakap na naman sa akin.
"Bakit, Mommy, iiwan mo ba kami?" inosenteng tanong ng aking bunsong anak.
"Hindi, anak," tugon ko rito at niyakap ko ito nang mahigpit.
"Basta huwag na huwag ninyong kalimutan si Mommy, ha."
"Opo."
Makalipas ang ilang oras ay mayroong dumating na mga pulis sa aming tahanan at nakita ko iyon sa bintana. Agad kumatok ang alagad ng batas sa pintuan at nakahanda naman ako para sumama sa mga ito.
"Magandang hapon kayo po ba si Jenny Lim?" tanong agad ng pulis nang mabuksan ko ang pinto.
"Oo, ako."
"May Warrant kaming dala para sa 'yo."
"Nakahanda po akong sumama sa inyo," tugon ko rito. Inilahad ko ang dalawang kamay at handa siyang magpaposas.
"Jenny Lim, ikaw ay aking inaristo sa salang krimen. May karapatan kang manahimik. Anumang sasabihin mo ay maaari at gagamitin laban sa iyo sa korte ng batas. May karapatan ka sa isang abogado. Kung hindi mo kayang magbayad ng abogado, may ibibigay para sa iyo. Naiintindihan mo ba ang mga karapatan na kababasa ko lang sa iyo?"
"Opo, naintindihan ko."
"Mommy…" Umiiyak ang aking dalawang anak habang pinanood nila ang paglagay ng posas sa aking mga kamay.
"Nay, kayo na muna ang bahala sa aking mga anak," sabi ko habang patuloy ang pag-agos ang ng aking mga luha.
"Anak, hahanap ako na ng abogadong puwedeng makatulong sa 'yo." Luhaan ang aking ina habang niyakap niya ako.
Dadalhin na sana ako ng mga pulis nang bigla akong tinawagin ng dalawa kong anak.
"—Mommy… Mommy." At yumakap ang mga ito sa sa aking hita.
"Huwag kayong mag-alala mga anak, babalik agad si Mommy." Hilam sa luha ang aking mga mata habang yumakap ako sa aking mga anak. Pakiramdam ko ay ito na ang huling beses na mayakap ko sila.
"Please — Huwag ninyong dalhin ang Mommy namin. Huwag po… maawa kayo sa Mommy namin." Humagulgol ang dalawa kong anak habang nakataas ang dalawa nilang kamay upang harangan ang mga pulis. "Mommy… huwag po kayong sumama sa kanila!" Pagmamakaawa nila.
"Michelle, tandaan mo ang bilin ni Mommy. Huwag mong kalimutan, ha. Tandaan niyo mahal na mahal kayo ni Mommy." Hinaplos ko ang mga mukha nila. Hanggang sa sumama na ako sa mga pulis.
"—Mommy. Mommy..." mga sigaw nila habang isinakay ako ng mga pulis.
"—Mommy..." sigaw ni Michelle, habang hinahabol niya ang papalayong sasakyan ng mga pulis.
Tanaw na tanaw ko ang paulit-ulit na pagkadapa ng panganay kong anak at paulit-ulit rin itong bumangon.