"Michelle------anak," sambit ko sa mahinang boses. At humagulgol na lang ako sapagkat awang-awa ako sa aking panganay.
Hilam sa luha ang mga mata ng aking ina at sobra siyang naawa sa aking sinapit.
"Lola… si Mommy."
"Gagawa ng paraan si Lola," sabi ng aking ina
Hanggang sa makarating kami sa police station at habang nagkakalad ako ay sobra ang kaba na aking nararamdaman dahil sa iba't ibang mukha na aking nakikita at ang iba ay puno ng tattoo ang kanilang mga katawan.
"Panginoon, ikaw na po ang bahala sa akin," pipi kong dasal.
Binuksan ng babaeng jail guard ang selda at pinasok niya ako. "Magpakabait ka dito para hindi ka masasaktan!" sabi niya sa akin.
At si Jeff, ay kasalukuyan siyang nasa hospital na nagpapagaling. Lumaban sina Jenny sa korte gamit ang libreng abogado na galing sa PAO. Ngunit dahil makapangyarihan sa pera si Jeff at ang pamilya niya, kaya nabili nila ang batas. Natalo sila sa kaso at tuluyang nakulong si Jenny. Nakuha rin ni Jeff ang custody ng mga anak nila.
Halos hindi iyon matanggap ni Jenny at sobra-sobra ang sama ng loob niya. Na-realize niya na iba talaga kung mayroong pera ang isang tao, disappointed rin siya sa batas.
"Pinapangako ko, Jeff. Babalikan kita balang araw," piping saad niya sa sarili.
"Hoy! Puwesto ko iyan!" pahayag ng isang bilanggo at sa tingin ni Jenny ay iginagalang ito nang lahat.
Walang kibo na tumayo siya at umupo sa isang papag.
"Hep! Hep! Ako diyan!" turan ng isa pang bilanggo.
"Sorry!" Umupo na lamang siya sa sahig at yakap ang kaniyang mga tuhod.
Araw-araw at gabi-gabing umiiyak si Jenny sa loob ng bakal na rehas. Dahil sa pangungulila niya sa mga anak niya.
"Psit! Baka nakalimutan mong hindi ka nag-iisa dito! Kung gusto mong magdamag na umiiyak ay doon ka sa loob ng banyo!" bulyaw ng kasamahan niyang preso.
"Turuan n'yo ng leksyon para matuto!" sigaw ng jail guard na lalaki.
Tumayo naman ang anim at pinagtutulungan nilang bugbugin si Jenny. Iniwan siyang walang malay at duguan ang mukha nito at putok ang labi. Dahan-dahang nagising si Jenny at nasa higaan na siya. Napabalikwas siya ng bangon nang makita niya ang tatlong babaeng nasa kaniyang harapan.
"Oops! Dahan-dahan hindi ka pa magaling," sabi ng isang babaeng umalalay sa kaniya.
"Huwag kang mag-alala mga mababait kami dito," sabad naman ng isa pang babae.
"Nasaan ako?" tanong ko at nagpalinga-linga sa paligid.
"Wala ka bang natatandaan sa nangyari sa'yo? Ako pala si Amelie Salomon.
"'Yong naalala ko lang ay pinagtutulungan akong bugbugin ng limang babae. Pagkatapos noon ay wala na akong natatandaan."
"Gurl, hindi mo alam? Tatlong araw kang hindi nagising. Inilipat ka dito sa aming selda na walang malay. Huwag kang mag-alala mabait kami dito at simula ngayon ay wala ng manakit sa iyo, dahil kakampi mo kami dito," turan ni Swit.
"Salamat sa pag-aalaga ninyo sa akin. Ako pala si Jenny."
"Ako naman si Swit. Bakit ka ba nandito?"
Matagal bago ako nakasagot at bumalik sa aking alaala ang pangyayari at bigla kong na-miss ang ang dalawa kong anak. Hindi ko namalayan na pumatak na pala ang aking mga luha.
"Jenny... Jenny, okay ka lang?" sambit ni Amelie sa akin.
"Aksidenteng napatay ko ang babae ng aking asawa, dapat ang asawa ko lang ang aking babarilin. Pero tumagos ang bala kaya siya ang natamaan at namatay. Sana ang asawa ko na lang ang namatay, sana ako na lang ang kasama ng aking dalawang anak…" humagulgol ako habang patuloy ang aking pagsasalita.
"Ang sabihin mo, sana silang dalawa ng asawa mo ang namatay! Biruin mo dadalhin ba naman sa sarili ninyong pamamahay at sa harapan pa ng mga anak mo! Kung ako lang ang nandoon, naku! Tadtarin ko nang pinung-pino ang gagong 'yon!" biglang sabat ni Bhairissa na isang muslim at dating rebelde.
"Ganoon talaga! Kapag mayaman ay madaling apihin ang mga mahihirap," malungkot na tugon ni Swit at pasandal na umupo sa gilid ng rehas.
"Hindi lang 'yon! Kaya rin nilang paikutin at bilhin ang batas! Ako pala si Glenda," sabat naman nito na kanina pa pala nakikinig sa amin.
"Tama ka, ganoon ang nangyari sa akin," pagsang-ayon ko.
Nasa kalagitnaan kami nang kwentuhan nang biglang katukin ng jail guard ang rehas ng selda.
"Lumabas na kayo diyan!" utos nito sa amin.
"S-saan tayo pupunta?" kinabahan kong tanong.
"Oras na nang tanghalian," si Glenda ang sumagot sa akin.
"Dito ka na lang muna, Jenn, dadalhin na lang namin ang pagkain mo," sabat ni Swit.
"H-huwag na nakakahiya sa inyo at kaya ko namang maglakad." Dahan-dahan akong tumayo at maagap naman akong inalalayan ni Amelie.
"Salamat, Amelie..." wika ko sa kaniyan.
"Lie, na lang. Hindi ako sanay sa Amelie," tugon niya.
"Sige kung 'yan ang gusto mo."
Paika-ika akong naglakad sapagkat ramdam ko pa rin ang pananakit ng aking katawan. At nangingitim pa ang pasa sa aking mata at sa gilid ng aking labi. Kasalukuyan na kaming nakapila sa kabilang linya at bigla akong napaatras nang makita ko ang mga nambugbog sa 'kin.
"Relaks lang, Jenn. Nandito kami," bulong sa akin ni Swit.
"Jenn, itago mo ito — just in-case na gagalawin ka nila lumaban ka sa abot ng iyong makakaya at huwag kang magpakita nang takot," sabi ni Bhairissa at palihim na inaabot ang maliit na hunting knife sa akin.
"S-salamat." Nanginginig pa rin ang aking boses dahil umiiral ang nerbiyos sa aking utak.
At maya-maya pa ay umupo na kami sa isang bakanteng lamesa at katabi naman namin ang taga-kabilang selda. Nakita naming pareho ang pagsenyas ng kanilang lider sa kaharap niyang kasamahan at tumango ito sabay tumayo.
"Jenny, pinatanong ni bossing kung kumusta na ang katawan mo? Masakit pa ba?" pabulong niyang tanong sa akin, at isa ito sa bumugbog sa akin.
"Jenn, huwag mong pansinin 'yan at kumain ka na," pahayag ni Glenda sa akin.
Tumawa ang babae bago ito nagsasalitang muli… "Alam mo bang malaki ang ibinayad ng asawa mo para turuan ka nang leksyon?" aniya, na parang sinasadyang gagalitin ako.
Mahigpit kong hinawakan ang tinidor nang marinig ko ang sinabi nito. Nadagdagan ang galit ko para sa aking asawa at hinding-hindi ko siya mapapatawad habambuhay.
"Ano bang problema mo, ha?!" galit na bulyaw ni Bhairissa at itinapon niya ang kanin sa mukha nito.
Nagsipag tayuan ang mga nasa kabilang lamesa at nagsimula ang riot sa pagitan ng dalawang grupo. Halos hindi ako makakilos sa sobrang takot, pero ang apat kong bagong kaibigan ay nakipag bakbakan sa mga ito. Sa tingin ko ay lamang ang apat dahil marunong pala silang makipag suntukan. Napansin ko ang leader sa kabilang selda at papunta ito kay Amelie na may hawak na panaksak. Dali-dali kong binunot ang hunting knife na binigay ni Bhairissa sa akin. At patakbo kong sinunggaban ang leader nila.
"Uhh—" napaungol ito nang bumaon ang hunting knife sa balikat niya. Lumingon si Amelie at nakita niya ang aking posisyon. Tulala ako habang hawak-hawak ko pa rin ang panaksak.
"Mga parak!" sigaw ng mga presong babae na nanonood lang sa riot.
Dali-daling inagaw ni Amelie ang hunting knife mula sa aking kamay. "Huwag kang magsalita—yuko!" utos niya sa akin.
Hawak ni Amelie ang panaksak at nakataas ang kanyang kamay. Habang ako naman ay nanginginig at nakayuko.
"Isugod niyo 'yan sa hospital at dalhin niyo 'yang isa sa bartulina!" utos ng opisyales ng jail guard.
Hindi na nanlaban si Amelie at kusa na itong sumama. Ibinalik naman kami sa aming mga selda. Pareho kaming tahimik at umupo sa kaniya-kaniya naming higaan. At mas apektado ako sa pangyayari dahil sa pagkasaksak ko sa kanilang lider
"B-bakit inako ni Amelie ang kasalanan ko?" wala sa isip kong tanong.
"Siguro dahil iniligtas mo siya, at siguro mas iniisip niya na sanay na siya sa bartolina," tugon ni Bhairissa.
"Iyan ang lagi mong gawin, Jenn. Lumaban ka at huwag magpaapi. Buti nga sa gagong 'yon at nasaksak mo!" turan naman ni Swit.
"P-pero ang iniisip ko ay si Amelie, baka mapahamak siya doon!" pag-alala ko sa kanya.
"Jenn, huwag mong masyadong isipin si Lie, dahil okay lang siya doon. Ang isipin mo ay ang sarili mo at magpagaling ka agad para paglabas ni Lie sa bartolina ay malakas ka na," sabad ni Glenda.
"Tama! At kausapin mo siyang turuan ka kung paano makipaglaban dahil magaling si Amelie diyan," sang-ayon naman ni Swit.
"Oo nga, ang galing niya kanina at kayo rin naman," turan ko naman sa kanila, dahil pareho silang mahusay sa nakipagsuntukan at daig pa nila ang mga lalaki
"Si Amelie ang nagturo sa amin, kaya ngayon ay kaya na naming ipagtanggol ang aming mga sarili," pahayag ni Bhairissa.
Sumapit ang gabi at ang lahat ay nakatulog na subalit ako ay nanatiling dilat pa rin, sapagkat halo-halo ang laman ng isip ko. Isa na doon ang dalawa kong anak na nasa poder ng kanilang ama. Lalo na't pareho sila na mama's girl.
"Kumusta na kayo mga anak? Miss na miss ko na kayo…" hindi ko mapigilan ang aking mga mata at tumulo ang aking mga luha.
Ipinikit ko ang aking mga mata para man lang huminto ang pag-agos ng aking mga luha. Pero sa aking pagpikit ay mas lalong lumala ang pagkakagulo ng aking isip sapagkat bumabalik sa aking imahinasyon ang mga pangyayari sa bahay noong gabing iyon.
"Tama na Jenny! Bitiwan mo siya! Kahit kailan ay wala ka pa ring kuwenta, bastos ka pa rin!"
"Lumalaban ka na, ha!"
"Sige, Jeff! Bugbugin mo pa iyan..."
"—Daddy...huwag!"
"—Jenny! Ibaba mo iyan!"
"Sobra na ang ginagawa mo sa akin! Nagtiis ako, lahat ng gusto mo ay sinunod ko pero ano pa ba ang kulang?!"
"Jenny, ibigay mo sa akin ang baril!"
"—Huwag kang lumapit!"
"Sabi kong huwag kang lumapit—"
"J-Jenny..."
"Mommy... Mommy..."
"Nay, tulungan mo ako, ayaw kong makulong!"
"A-anong nangyari?"
"Lola... si Daddy kasi. Nagdala ng babae sa bahay tapos pumasok sila sa kuwarto nila Mommy."
"Ano?! Jenny, totoo ba ang sumbong ng anak mo?"
"Oo, Nay. At hindi ko sinasadyang mabaril sila."
"Nay, natatakot ako na baka makulong ako. Paano na lang ang mga anak ko."
Dahil sa kakaisip ko sa mga bagay-bagay ay naabutan ako ng alas-kuwatro bago nakaidlip. Kahit paano ay nakatulog ako ng dalawang oras, sapagkat alas-sais pa lang ay ginising na kami ng jail guard para sa morning exercise.
"Si Lie, nakabalik na ba?" tanong ko sa aking mga kasama, dahil nag-aalala ako para sa kaniya.
"Baka tatlong araw pa iyon sa bartolina," tugon ni Swit, at kasalukuyang nagsusuot ito sa kanyang sirang sapatos.
Habang ako naman ay inaayos ang aking higaan. Hanggang sa nasa gitna na kami ng court at inisa-isang tinatawag ang aming mga pangalan. Nang matapos ay nagsimula ang aming exercises. Habang nasa kalagitnaan kami nag-ensayo ay napansin ko na agad kabilang grupo na masala ang tingin sa akin. Subalit ako na lamang ang umiiwas upang hindi na maulit ang gulo.