Kaarawan ni Tiyo Romy kinabukasan. Mag-a-out of town silang buong mag-anak sa isang resort sa Batangas.
"Alin kayang isusuot ko, Min?"
Di magkandaugaga si LynLyn sa pagpili sa mga swimwears na binili kahapon sa ukay-ukay. Kinaladkad pa siya nito para samahan, di pa man siya nakapagpalit ng uniporme para lang gawing critique .
"Ito kaya?"
Nakataas sa ere ang kulay pulang two-piece swimwear.
"Sige isuot mo yan at nang mapingot ka ni Tiyang."
"Palibhasa, pareho kayong conservative. Mamaya, magduster si Tiyang. Ikaw nga pala, ano bang isusuot mo?"
"Hindi naman ako maliligo."
"Anilao yon. I'm sure maganda don."
"Pwede na siguro yong jersey shorts ko," aniya na inginuso ang shorts na nakasampay sa monoblock chair.
"Di ka pa nagsasawa diyan?" Tinitigan ito ng pinsan na para bang yon na ang pinaka-unpleasant na tanawan sa ibabaw ng lupa. May halo pa talagang ngiwi.
"Okay na yan." Di naman niya kailangang magpa-impress. Kanino naman siya magpapasikat? Isa pa, babaunin pa rin niya ang mga schoolworks.
Itinuon niya ang pansin sa pag-impake sa iilang gamit sa backpack. Dalawang gabi lang naman yon. Madaling siyang natapos samantalang si LynLyn ay halos mapuno ang may kalakihang travelling bag.
"Para kang mag-aabroad," kanitiyaw niya saka pinagkasyang tulungan si Tiya Letty sa kusina. As usual, pangkumbera ang handaan. Kung anu-anong dishes ang babaunin nila.
"Yong ibang ulam iinitin na lang natin pagdating doon. Kung magluluto man tayo para sa pangalawang araw na."
Tiya Letty knows best talaga pagdating sa kusina. Naa-amaze siya sa araw-araw na may natutunan siya mula rito. Madalas nga niyang biro, dapat may cooking show ito.
"Nay, dagdagan ninyo ng mas maraming sili ang Bicol Express ha."
"Kung tumulong ka kaya dito," singhal nito sa anak.
Nakasimangot na naupo si Voltaire at nakapangalumbabang nakatingin sa ina. "Nanay naman eh nagba-vlog ako dito." Dinodukomento nito ang buong kaganapan sa kusina.
"Naku! Puro ka cellphone. Wala ka nang naiambag dito. Pareho kayo ni LynLyn. Nasaan na pala ang isang yon? " Kapag si Tiya Letty na talaga ang bumubunganga, taob ang signal number three na bagyo.
Siya na sana ang sasagot ngunit siya namang pagpasok ng hinahanap.
"Tsaran!"
Parang model na pakinding-kinding ito sa paglalakad habang nakapatong ang swimsuit sa damit.
"Sira!" si Voltaire na tatawa-tawang itinuon sa pinsan ang cellphone habang si LynLyn ay nag-ala Venus Raj naman.
"Hopeless case na talaga itong dalawa," naiiling niyang puna.
"Ewan ko ba, minsan nagtataka ako kung anak ko ba talaga itong si Voltaire. "
"Baka napalitan ho sa ospital, Tiyang."
Nagkatawanan silang dalawa.
"Mabuti na lang at may matinong kagaya mo pa. May maaasahan ako."
May kurot na hatid sa puso ang sinabi ng tiyahin. Di naiwasang lapitan niya ito at yapusin sa likuran.
"O, bakit?"
"Wala ho."
Napangiti ito. "Namimiss mo ang Nanay mo?"
Hindi siya kumibo. Hangga't maari ayaw niyang pag-usapan ang ina.
"Paano ko naman siya mamimiss eh andiyan naman kaayo," malambing niyang turan.
Malayo man sa pamilya ay napupunan naman ang pangungulila niya sa pagmamahal at pag-aarugang ipinanaparamdam ng mga kamag-anak. pakiwari niya sapat siya, mahal siya at buo ang pagkatao niya.
"Uy, sali naman kami diyan."
Ang dalawang engot na mga pinsan ay sumugod sa kanila at nakiyakap na rin.
Ito at ang mga mumunting bagay na ginagawa ng mga ito ang lubos na nagpapaligaya sa kanya.
********
Magtatanghalian na nang nakaalis ang mag-anak kinabukasan dahil kinailangan pang ayusin ang minor na sira ng jeep. Bukod sa jeep ay may isa pang rented van ang ginamit nila. Sa dyip nakasalansan ang mga gamit habang puro pasahero ang sakay ng van.
“Yong bomba ng salbabida huwag kaligtaan.”
Old school talaga si Tiyang. Magbibitbit ng sariling salbabida na para bang walang ganon sa kanilang pupuntahan.
Tumulong na rin siya sa pagluload ng mga gamit. Karga-karga niya and case ng coke nang muntik na niya iyong mabitiwan. Mantakin ba namang bigla na lang sumulpot si Luke sa kung saan at kinalabit siya sa tagiliran.
“Mukha ka talagang kargador sa palengke niyan.”
Panimula na naman ng kantiyaw nito. Wala itong ibang makita maliban sa kanya.
“Mabigat?”
“Obvious ba?”
Ngising aso ang isinagot nito. Malayo sa Luke na kumanta ng magandang awitin noong nakaraan.
“Umalis ka nga diyan sa daraanan ko kung ayaw mong iitsa ko ito sa paa mo.”
Umakto itong natatakot sa exaggerated na ekspresyon.
“Help is around the corner. Bat’t hindi ka manghingi?”
“Naniniwala ako sa women empowerment at sa kakayanan ng mga babae na maaaring pumantay sa mga lalaki.”
“Equality of men and women,” napatangu-tango ito.” Pero may mga bagay na 'di nagagawa ng mga babae ang nagagawa naming mga lalaki.”
Pagdidiskusyunan pa ba nila yon?
“Ayaw mo talagang umalis?” Inilapag niya sa lupa and bitbit. “O, isaksak mo yan sa baga mo. I’m sure kayang-kaya yan ng mga lalaking gaya mo.”
Saka siya nagmartsa patungo sa front seat ng jeep.
“Dito ka uupo?” si Tiyo Romy na kasalukuyang pinapainit ang makina.
“Nababahuan ho ako sa air freshener.”
Ang totoong dahilan ay nasa van si Luke. Iinisin na naman siya nito ng sagad-sagaran.
Bakit ba kasi kailangang sumama-sama pa ito samantalang family affair naman ang lakad nila? Di nila ito kadugo pero extended family na itong maituturing.
Sumandal siya sa headboard at pumikit. Igugugol niya sa tulog ang buong biyahe. Mag-uumaga na din kasi silang natapos ni Tiyang.
Nang may maramdamang kung kaninong balat na sumagi sa braso niya ay ipinagkibit-balikat niya lang. Masyado siyang kinain ng antok. Hanggang sa tuluyan siyang naidlip sa saliw na rin ng slow rock na nakasalang sa car stereo.
“Anak ng pating!”
Parang humiwalay sa katawan niya ang kaluluwa nang bigla na lang siyang alugin ng kung anong bumulabog sa mahimbing niyang pagtulog.
“Anong nangyari, Tiyong?” mulagat na tanong niya sa tiyuhin.
“Lumindol habang natutulog ka. Ang lakas ba naman ng hilik mo.”
Imbes na si Tiyo Romy ay iba ang sumagot. Mabilis na nilingon niya ang pinanggalingan ng boses at ganoon na lang ang pagkunot ng noo niya.