1

1561 Words
"Ang iingay!" Sa sarili ay lihim na himutok ni Hasmine. Nasa kusina man kasama ng kanyang Tiya Letty ay nanunuot pa rin sa kanyang taynga ang ingay na nagmumula sa ibaba. May kumakanta sa videoke nang wala naman sa tono, may naggigitara, at naghahalakhakan ng malakas. Dapat ay worksheets sa natitirang accounting subjects ang inaatupag niya pero heto at sa pagtatadtad ng mga sangkap at sa paghuhugas nagugugol ang kanyang oras. "Min, dalhin mo na muna ito kina Voltaire at baka naubusan na ng pagkain 'yong mga bisita." Anak nitong si Voltaire na pinsang buo niya ang tinutukoy. Nagsi-celebrate ito ng kaarawan ngayon kaya may mga panauhin sa bahay. "Pwede ho bang si LynLyn na lang Tiyang?" Tutal, mas gusto naman ng pinsan ang nakikipagtsikahan sa mga bisita. Di pa rin naman niya tapos hugasan ang mga pinggan. Nauso na't lahat ang disposable utensils pero heto ang tiyahin breakables pa rin ang gjnagamit. "Inutusan ko si LynLyn sa kanto. Naubusan tayo ng pineapple juice para dito sa Hamonada ko. Kailangan masarap ito. Mamaya sabihin ng mga kaibigan ni Voltaire na di natin kayang maghain ng masarap." Ang tiyang niya sobrang aligaga pagdating sa mga kaibigan ng unico hijo. Kaya nga namimihasa na tumambay sa kanila ang mga ito dahil alagang Tiya Letty at Tiyo Roman at habang masaya ang mga ito sila naman ni LynLyn ang naiiwan sa mga hugasin at sandamakmak na kalat. Tinuyo niya sa gilid ng apron ang basang kamay at binitbit palabas ang tray ng appetizers na kukutkutin ng mga panauhin bago pa man ang hapunan. Ibig sabihin, ilang oras pa silang magbababad sa kusina. Lihim siyang napasimangot sa nakikitang kalat sa labas. May isa pang guest na walang pakundangang ipinatong sa gilid ng mesa na nahahanigan ng puting table cloth ang sapatos. Kaybigat pa naman niyong labhan at di pwedeng ilunod sa washing machine dahil woolen material. Sa kabila pang table nakaupo ang grupo ng tatlong babae na halos lumuwa na ang mga singit sa iikli ng mga shorts. Mabuti't pinayagan ito ng mga magulang sa ganoon ka-provocative na mga kasuotan. "Hi, Minmin!" Si Jeff, kabarkada ni Voltaire na kaagad lumapit nang makita ang homemade chicharon na bitbit niya. Walang inhibisyong sinaksak nito sa bibig ang pagkain hindi pa man niya tuluyang nailapag sa skirted na mesa. "Bakit ba kayong mga Bisaya ang hihilig ninyo sa palayaw na inulit-ulit. Halimbawa, Lyn-Lyn, Min-Min." Wala ba talagang ibang matinong sasabihin ang isang ito? Discriminating at nagpapakita ng superiority complex. Inignora niya ang sinabi nito at nagpatuloy sa ginagawa. "Buti naman at hindi Tir-Tir ang palayaw mo Voltaire o di naman Kaya ay Titi." Hagalpakan ng tawa ang mga naroroon maliban sa kanya. Ang nakakainis ay sinakyan pa ito ng pinsan. 'Mabilaukan ka sanang bastos ka.' "Pero pinaka-cute pa rin sa lahat ang MinMin," walang patumanggang pagpapatuloy nito. "Para lang nagtatawag ng kuting. Meow, mweow!" Doon na siya nag-angat ng mukha. "Tapunan kaya kita ng juice." One-punch-liner na nagpatahimik sa lalaki. Pati ang ibang naroroon ay napahinto sa pagtawa. Si Voltaire ay kaagad napalapit. Tahimik siyang tao pero alam ng pinsan na paminsan-minsan ay lumalabas din ang volcanic temper niya. "Tantanan mo na si Hasmine," utos kay Jeff habang hinahawakan siya sa braso at iginiya paakyat sa hagdanan. "Sige na Min, umakyat ka na muna sa taas." Mabuti pa nga at baka pati ang chicharon ay itapon niya sa ulo nito. Eksaktong nasa unang baitang na siya nang marinig ang ugong ng papahintong motorsiklo. Kasunod non ang tili ng isa sa mga babaeng naroroon. Napalingon siya. Tama ang hinala niya, dumating na ang kanina pa hinahanap ni Tiya Letty, ang ultimate crush nong babaeng tumili. Si Lucas Castaneda o mas kilala sa palayaw na Luke na kasalukuyang umiibis ng motorsiklo nito. Isa pa ito. Ang dahilan kung bakit nakikigaya si Jeff sa panloloko sa kanya. May pasuklay-suklay pa ng buhok matapos alisin sa ulo ang helmet. Pagkatapos ay ubud-tamis itong ngumiti. Hmmp. Akala siguro kung sinong hollywood actor. Kiringking. Sa sarili niya nang makita ang di maitagong kilig ng isa sa mga babae na kaagad pumulupot sa beywang nito. Wala man lang tinitirang dignidad sa sarili at hayagan nang nagpapakita ng motibo sa lalaki. Para sa kanya, gaano man kamoderno ang panahon dapat may reservation pa rin ang mga babae. "Late ka na naman pogi." Gwapo nga naman talaga si Luke. Yong tipong may angas, puno ng kumpiyansa sa sarili. The usual handsomely-rugged na karaniwang bida sa pelikula at kinaiinlaban ng mga babae. Maliban sa kanya. Ano nga ba ang gusto niya? Wala siyang makapang sagot sa sariling katanungan. Sa lahat ng oras ay iniiwasan niyang tumingin sa mga Adan. Para sa kanya distractions ang mga ito sa mga mithiin sa buhay. Tuluyan na ngang nakapasok si Luke at napagawi sa kanya ang tingin nito. "Hi Min!" It was supposed to be a cheerful greeting, pero alam niyang kasunod niyon ay kung ano na namang kalokohan mula sa bibig nito. Ilang buwan na ring ganito si Luke. Binibiro-biro siya at pinagloloko na dati-rati'y naman ay halos hindi sila magpansinan. Bago pa man ito makagawa ng mga aktwasyon na ikasisira ng sira na nga niyang araw ay minabuti niyang pumanhik sa itaas. 'Bakit ba ako nakikiusyuso?' Nagpatuloy siya sa pag-akyat sa hagdanan. "Kumusta ang mga bisita natin?" si Tiya Letty nang mapasukan sa kusina. "Awa ng Dios halos mabulunan sa paglamon." Inilapag niya sa mesa ang tray at binalikan ang hugasin. "Wala bang mga kusina ang mga yan, Tiyang?" Di naiwasang isatinig niya ang matagal ng laman ng kanyang isipan. "Lagi kasi dito kahit wala namang okasyon." "Abay umandar na naman ang pagiging anti-social mo." "Wow ha! Si Tiyang may anti-social pang nalalaman." Parehong napako ang tingin nila sa kadarating na si LynLyn. Kapapasok bitbit ang pinabili. "Saang lupalop ka ba ng mundo nagsususuot ha?" ang tiyahin na tinapunan ito ng masamang tingin. "Tiyang, sa kabilang kanto pa ho ako pumunta, naubusan si Aling Mareng," pagpapaliwanag nito. "Ng ganyan ang itsura?" "Bakit, anong masama sa suot ko?" Kay ikli ng shorts nito at kayhapit ng blouse. "At saka yang mukha mong napupuno ng kolorete," di naiwasang puna niya. "Nakisali pa talaga si Sister Joyce Bernal." Maikli ang buhok niya kaya yon ang tukso ng pinsan sa kanya at conservative daw siya kaya madalas tinatawag siyang sister. "Nagpapapansin ka lang don sa mga bisita." Pansamantalang nahinto si LynLyn sa gagawin sanang pagbubukas ng ref. "Anong masama, aber? I am a normally functioning woman." "Woman. Hoy! Adolescent ka pa lang." Umismid Ito. "If I knew, type mo rin isa sa mga 'yon." Naimbyerna siya sa sinabi nito. "Hoy Jennilyn, magtigil ka! Kahit kailan wala akong magugustuan sa mga 'yon." Umingos lang ito. "Kahit ang prince charming kong si Luke? " Napahumindig siya sa narinig. Pati ba naman ito? Paano ba siya magkakagusto sa Luke na iyon kung ang tanging alam nitong gawin ay ang inisin kahit nanahimik siya. "Isaksak mo sa baga mo ang Luke na 'yon." "Talaga lang ha?" nakangising tanong na nakatingin sa gawing pintuan. Naumid siya nang matuklasang nakatayo nga si Luke sa pintuan at sa kanya nakatitig. Sa mga mata ay naroroon ang tila disappointment? Pero nagkakamali siya nang marinig ang sinabi nito pagkatapos. "Don't you worry, di rin kita type," anito at ngumusi. Na para bang sinasabi nitong 'sino ka bang maganda?' Di na siya nabigyan ng pagkakataong suplahin ito dahil nabaling na kay Tiyang ang atensyon nito. "Magandang araw sa pinakapaborito kong Tita." Yakap na nito sa likuran ang tiyahin at pinupog ng halik sa pisngi. "Eh ang baho-baho ko anak." Unbelievable. Ang tiyahin niya kinikilig pa. "Ang bango niyo nga. Parang humahalimuyak sa bango." No wonder, kayrami nitong nabobolang babae. "Hi Lyn!" Isa pa itong si Lyn-Lyn, nag-i-star ang mga mata sa kilig. Kung anu-ano ang napagkikwentuhan ng tatlo nang di siya kasali. She is completely out of the picture. Habang nagtatawanan ang mga ito seryoso at tahimik lang siya. Usually naman siya ang madalas na kinukulit nito. "Luke, anak ano nga pala ang kailangan mo?" Pansamantala itong umalis at nang magbalik ay bitbit na ang dalawang pots ng succulent plants. "Pandagdag sa koleksyon ninyo." At sa aalagaan niya. "Therapeutic ito, pampawala ng epekto ng regla." Bagama't nakatalikod alam niyang siya ang pinatutungkulan ni Luke ng sinabi nito at ng paghagikgikan ng tatlo. "Kukuha na rin ho ako ng baso." Nasa harap siya ng lababo at nasa kanang bahagi niya ang lalagyan ng mga utensils at natural na sa maliit na espasyong napapagitnaan niya at ng working bench ito dadaan. "Inutos mo na lang sana yan. Nakakahiya at nakita mo pa itong magulong kusina." Tyempong sa mismong likod pa niya huminto si Luke daan upang mas mapadikit pa siya sa lababo at ang mas nakakaimbyerna ay ang pagdikit sa kanya ng katawan nito. Naaasiwa siya. "Okay lang ho yon, Tita. I like it when everything is imperfect." Bakit pakiwari niya ay siya ang imperfect na yon. Bigla ang pagbangon ng consciousness. Ang baho na nga niya siguro. Nakahinga lang siya ng maluwag nang tuluyan na itong umalis sa likod niya. Ngunit bago ito lumabas ay bumulong pa ito sa kanya. "Huwag masyadong bumusangot, masyado kang pumapangit," at loloko-lokong tumawa. Nasundan na lang niya ito ng matatalim na pukol sa likuran.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD