"Ano ba 'yan? Hanggang dito ba naman schoolwork pa rin ang aatupagin mo? Naririto tayo para magsaya. Sayang ang dagat kung 'di natin mapagsasamantalahan."
Sa haba ng litanya ni LynLyn tanging kibit-balikat lang ang kanyang tugon. Nakapako pa rin sa screen ng laptop ang kanyang mga mata. Sinadya niya iyong bitbitin para maipagpatuloy niya ang mga nakabinbing gawain. Ayaw niyang eleventh hour gawin ang mga takdang aralin.
"Hoy!" Umupo ang pinsan sa tabi niya at panay Ang sundot nito sa kanyang tagiliran.
"Jennilyn Marie!" Kapag buong pangalan na nito ang sinasambit niya, malamang inis na siya. May kasama pang panlalaki ng mga mata nang lingunin niya ito.
"Magmumungha ka na naman. Mamaya pagbalik ko madre ka na."
"Tsupe!" Kahit ano pa'ng sabihin nito, hindi siya magpapapilit.
"Hay naku! Wala ba talaga ang salitang fun sa version mo ng Merriam?"
Fun? Luxury iyon para sa mga normal na estudyante. 'Yong mga pinag-aaral talaga ng mga magulang nila.
"May kraken sanang umahon mula sa dagat at tabihan ka."
Sa wakas, lumabas na rin ito. Maipagpapatuloy na niya ang mas importanteng gawain kesa sa pagtampisaw sa dagat.
Binalikan niya ang binuksang spreadsheet. Absorb na absorb na siya sa mga figures na nakikita roon nang may marinig na katok sa pintuan. Pansamantala niyang iniwan ang ginagawa at binuksan ang pinto.
Malamang na ang dalawang damuhong pinsan na naman. Mangungulit nang walang habas.
"Luke?" gulat niyang tanong nang ito ang mapagbuksan. Ito ang ikinahon ng pintuan. Napahinto ito sa animo palakad-lakad na ginawa nang makita siya. Nakapatong ang isang kamay nito sa batok habang nasa bulsa ng suot na summer shorts ang kaliwang palad.
Batid niyang sexy na si Luke dati pa pero bakit bigla na lang yatang nagiging iba ang dating nito sa kanya ngayon?
Ang gaga niya.
"Busy?"
"Oo, eh," nilingon niya ang nakabukas na laptop para bigyang diin ang sinasabi.
Sumilip naman ito.
"Makisali ka naman do'n sa labas. Ikaw lang ang kulang eh. Hence, I am formally inviting you."
Gusto niyang matawa sa formality nito. Tila may bahid ng nginig ang boses. Para saan naman? Na baka hindi niya pagbibigyan? Nakakatawa lang.
"Please?" parang batang nagpapaamo at nadadala naman siya. For the second time in just a short span, nadala na naman siya.
"Sige na nga."
Lumarawan ang matamis na ngiti ni Luke. Maano ba naman ang pagbigyan ang may-ari ng bahay at generous host, katwiran niya sa sarili.
"Kukuha lang ako ng jacket."
"I came prepared."
How thoughtful. Isang kulay pink na balabal ang nakita niyang itinaas nito. Natatawang inabot niya iyon at ipinatong sa balikat.
"After you," like a true genteleman na inalalayan pa siya sa pagbaba sa hagdan. Nakakapanibago talaga.
"Lagi ka dito?" Pagbubukas niya ng usapan.
"Dito kami tumira hanggang seven years old ako. Pero kadalasan I come here whenever I want to be alone."
"Alone?"
"Mahirap paniwalaan? Once in a while naman gusto nating mapag-isa. Lalo na kung may problema."
"Wala sa personality mo."
"Ano bang basa mo sa personality ko?"
"Happy-go-lucky. Carefree."
Ang tawag nga niya sa grupo ni Voltaire ay The Bums. Laging kasiyahan lang ang inaatupag at malimit magseryoso. Ni isa sa mga ito ay walang permanenteng trabaho, paraket-raket lang.
"Your exact opposite. Kaya siguro ayaw mo sa akin."
Hindi niya napasubalian ang sinabi nito.
"Hasmine?"
"Hmm?"
Nanatiling sa unahan nakatuon ang pansin nito.
"Can we be friends?"
Napipilan siya sa narinig at maang na napalingon kay Luke. Hindi niya malaman kung matatawa sa sinabi nito. Nagbibiro ba ito? Mukha namang seryoso.
"Nag-uusap naman tayo ah."
"But not like this."
Ano pa bang gusto nito? Maging buddy-buddy sila? Ngunit bago niya iyon masagot ay siya namang pagbulaga ni LynLyn.
"Himala at napapayag mo si Sister Hasmine na bumaba. Kanina ko pa ito inaaya ah. Salamat na rin at di na ako aakyat sa taas. Nakakangawit kaya ng binti yon."
Hila-hila na siya ng pinsan sa braso patungo sa labas.
"Luke, sumunod ka na."
Si Luke nakatayo lang at nakatitig sa kanya. Sa mga mata ay naroroon ang tila panghihinayang? Para naman saan?
Naratnan niyang nakapalibot sa bonfire ang mga kasama at masayang nagkikwentuhan.
"Para sa paborito kong pamangkin," si Tiyo Romy na ibinigay sa kanya ang inihaw na mais na nakatusok sa skewer.
"Ang daya mo, Tiyong. May favoritism," kunwa'y angil ni LynLyn na sinadyang pahabain ang nguso kahit alam naman nilang nagbibiro lang ito.
"Syempre paborito din kita. Pareho kayo."
Kasalukuyan na niyang nginunguya ang pagkain nang iabot ni Luke sa kanya ang canned Coke. "Baka mabulunan ka."
Napatingin siya sa inumin. Kanina balabal ngayon naman inumin.
"Sige na, walang lason yan."
Atubili niya itong tinanggap. "Salamat."
"Wait!"
Ito pa mismo ang nagbukas ng lata. Pakiramdam niya tuloy neneng-nene siya.
"Kaya ko naman, eh, pero salamat."
"I'm at your every call and beckon."
Gusto na niyang isiping nagpapalipad hangin si Luke. Pero imposible. Sa tinagal-tagal nilang magkakilala magbabago ba naman sa isang pitik ng daliri ang turing nito sa kanya?
"Min, ang behave mo ngayon ha. Di mo inaaaway si Luke," puna naman ni Voltaire na kasalukuyang kinakaskas ang gitara.
Masyado lang nasanay ang mga kamag-anak sa pagbabangayan nila ni Luke. Kaipala pa'y pumailanlang ang tugtugan ng gitara at kantahan. Nang magsawa ay naligo ang mga kasama. Tanging siya at si Luke ang naiwan.
"Di ka sasali sa kanila?"
"Nope. I prefer na samahan ka."
Boduguard for the night. Masyadong gwapo naman ng bodyguard niya.
Itinuon niya ang pansin sa langit. Napakadalang ng bituin ngayon at nagtatago rin ang buwan pero napakaganda pa rin ng gabi. Saka niya naisip na nagsosolo siya kasama ni Luke sa gitna ng gabi nang magkatabi. Ewan niya ngunit tila pinaninidigan siya ng balahibo na di mawari gayong hindi naman siya natatakot. Pakiramdam pa nga niya safe siya sa piling nito.
"Matutunaw na ang langit sa kakatitig mo."
Manipis na ngiti lang ang tanging tugon niya.
"Tahimik ka lang talaga 'no?"
Di naman talaga siya ang tipong unang nagbubukas ng usapan.
"Naiisip ko lang kung nasaan ang mga stars. Mas maganda sana kung marami sila."
"Stargazing fanatic ka rin?"
"Ikaw din?"
Kakatwang may mga bagay na pareho para silang gusto.
"Wanna do something fun?" May excitement sa kilos nito.
"Ano naman 'yon?"
Sandali itong pumanhik sa loob at may bitbit ng sky lanterns pagbalik.
"Lagi kaming nagsisindi ng ganito kapag nandidito kami ng mommy ko."
Parang nadadala na rin siya sa excitement ni Luke. Sumama siya ritong maghanap ng spot kung saan pwedeng paliparin ang mga yon. Isa-isa nilang sinindihan at binitiwan sa ere. Ilang saglit pa ay sumahimpapawid ang mga yon. Lumikha iyon ng magandang tanawin sa kalangitan.
"Now, there are your stars. Hindi ko kayang lumikha ng buwan pero kaya kong pakinangin ang langit para sayo."
Hindi niya hiniling, kusa nitong ibinigay. At di maitatwa ang tila mainit na kamay na humaplos sa kanyang puso. She feels so special.
Lahat na lang ng ginagawa mo sa iilang oras na magkasama tayo ay labis na nagpapasaya sa puso ko.
Naiisip niya habang nakatitig kay Luke na sa langit pa rin nakatingin.
"Make a wish," utos ni Luke. "Sabay tayo."
Tumalima siya. Pinagsalikop niya ang mga palad at nakapikit na tumingala sa langit. Ngunit nang idilat niya ang mga mata, si Luke nakatitig pala sa kanya. Sapat na iyon para mag-init ang sulok ng kanyang mukha.
"Hasmine."
Hinintay niya ang sasabihin nito.
"Kung sakaling.. Kung sakaling," tila nahihirapan itong ituloy at tinitimbang ang susunod na sasabihin. "Wala. Wala," instead ay dugtong nito.
Lumikha ng antisipasyon sa kanyang isip kung ano'ng sasabihin nito.
Then, that defeaning silence. Matagal. As the awkward silence grows, rain comes to the rescue. Again.
"Grabe tumuloy rin sa wakas kung kailan nagpapalipad tayo ng lanterns."
"Tara na," yaya ni Luke.
Lakad-takbo ang ginawa nila nang maramdaman ang mainit na kamay ni Luke na gumagap sa kanyang palad na para bang natural ritong gawin iyon. Napatingin siya sa magkaugnay nilang mga kamay. Funny how his warmth caresses through her heart sa kabila ng lamig na dulot ng manaka-nakang butil ng ulan.
Kagyat na niyang hilahin ang kamay pero sa huli, di niya ginawa.
Just this once.
"Sige na. Umakyat ka na sa taas at magpatuyo. Babalikan ko lang sina Tita Letty," ani Luke nang makapasok sila sa bahay.
Napatingin siya sa mga kamay nila. Saka lang din nito natantong hanggang ngayon ay hawak pa rin nito ang kamay niya.
"Sorry." Natatawa nitong binitawan ang palad niya at napakamot sa ulo.
"Sige."
Umakyat siya sa hagdanan habang si Luke ay nanatiling nakatayo sa kinaroroonan. Inaantabayan na tuluyan siyang makapanhik. Pagkalapat ng pintomg pinasukan ay napasandal siya roon. Parang tangang napapangiti habang nakatitig sa palad na hinawakan ni Luke kanina.
Katok sa pinto ang umagaw sa kanyang diwa.
"In case, di ka makatulog."
Paperback ni Tom Clancy ang ibinigay nito sa kanya. The exact book na katulad nong kay LynLyn.
"Salamat ha."
Nagpasalamat na siya't lahat ay nanatili itong nakatayo sa tapat ng pinto.
"Good night."
Pumihit si Luke at nagsimulang humakbang palayo.
"Luke," tawag niya sa pangalan nito. "Good night."
Puminta ang matamis na ngiti sa labi ni Luke.
"Good night."
Ilang minuto nang nakaalis si Luke pero nanatili pa rin siyang nakatayo sa gilid ng pinto. Parang tangang nakangiti habang nakatingin sa kawalan at yakap sa dibdib ang libro ni Luke.