INGRID AND ROB'S STORY
[Genre: ROMANCE, ACTION]
Anak ng isang lider ng high-end organization mula sa Japan ang Brazillian-Japanese na si Rob Matsui, kilala sa siyudad bilang nakakatakot na tao. Tulad ng ibang mga babae na iniligtas ng kanilang ‘knight in shining armour’ ay nainlove si Ingrid sa lalaki sa unang pagkikita pa lang. Ngunit hindi niya akalain na lalayuan niya ito matapos na mamatay ang Ama niya dahil sa malaking pagtutol nito sa relasyon niya sa binata.
Namatay ang Daddy ni Ingrid at sinisi niya ang sarili niya dahil bawal na relasyon nya sa lalaki.
Matapos ang dalawang taon, hinabol at sinundan-sundan siya ni Rob para bawiin at para ipakita sa kanya ang misteryo sa pagkamatay ng ama.
....
[Warning: This chapter contains violence]
DAHAN-DAHAN ang mga hakbang ni Rob Matsui na halos walang marinig na kaluskos. Isang bungalow house na matatagpuan sa masukal na bahagi ng probinsya ang sinusubaybayan nilang dalawa ng kaibigan at tauhan na si Shadow.
Shadow ang code name nito dahil hindi ito nagbalak na magsuot ng ibang kulay bukod sa itim. Kaya naman ito ang napili niyang isama sa lakad na iyon. Kapwa sila nakasuot ng overall na itim para hindi sila mapansin ng mga kidnappers sa loob.
Ayon sa kanyang source, naroon sa bahay na iyon ang dinukot na anak ni Jaime Punzalan, ang bago niyang kliyente. Nang umaga ng araw na iyon ay dinukot ang anak nito. Nang hapon ay tinawagan siya nito upang humingi ng tulong. Babayaran siya nito sa kahit magkanong halaga.
Dahil nangangati na rin naman ang mga kamay at kalamnan niya sa maaksyon na misyon, tinanggap niya ang offer ng may-edad na lalaki. Isa pa, may sarili siyang goal, kailangan na may magawa siya laban sa kasamaan kada-buwan at eksakto ang dating nito o ang paghingi nito ng tulong, dahil matatapos na ang buwan at wala pa siyang aksyon na nagagawa laban sa mga masasama. Malapit na nga niyang isipin na dumadami na ang nagbabagong-buhay.
Nagbilang lang sila ng sampung segundo tapos ay sabay na nilapitan ang bahay na halos magmantsa na ang kalawang sa paligid nito.
Sinenyasan niya si Shadow na magtungo sa kabilang bahagi o haligi ng maliit na bahay na iyon. Nakuha naman nito agad ang signal.
Purong semento at walang bahid ng pintura ang pader at may dalawang bintana siyang madadaanan. Inuna niyang silipin ang isang bintana na bahagyang nakabukas ang jalousie. Sinimulan niyang pag-aralan ang loob ng bahay base sa bintanang iyon.
Dalawang babae ang nasa isang sulok. May nakataling tela sa mga bibig ng dalawang babae at napansin din niya na nakatali sa likuran ang mga kamay ng mga ito. Ayon sa businessman na si Mr Punzalan, may suot na ginintuang relo ang anak nito na si Ingrid.
Sunod na sinilip niya ang bintana na halos dalawang metro ang layo mula sa una. May apat na lalaki ang nagbabantay at kasalukuyang naglalaro ng baraha sa kwadradong mesa.
Napansin niya na tatawa-tawa ang isa na tumayo at tinutungo ang paglabas ng bahay. Mabilis na nagtago si Rob sa kumpol ng mga halaman. Pumipito pa ang lalaking kalalabas lang na nagmula sa loob ng bungalow house.
Noon niya lang napansin na tinutungo nito ang halaman kung saan siya nagtatago. Binuksan nito ang zipper ng pantalon, inilabas ang pag-aari at aaktong iihian pa yata siya ng gag*.
Bago mabuwisit si Rob, lumitaw siya sa paningin nito ilang dipa ang layo. Bakas ang gulat sa mukha ng lalaki dahil bahagyang tumaas ang magkabilang balikat nito. Inilabas niya ang patalim na nakatago sa isang bulsa ng suot na pantalon.
"Hello," tila nakalolokong bati niya pa dito, mabilis na hiniwa ang pag-aari ng lalaki. Tinakpan niya agad ang bibig nito para hindi makagawa ng ingay at saka binali ang leeg dahilan para mawalan ito ng malay.
Hinila niya ito patago sa halamanan. Naniningkit ang mga mat ana nilingon niya ang maliit na bahay.
"May napansin ka ba d'yan sa pwesto mo?" tanong niya kay Shadow na halos pabulong sa self-contained bluetooth earpiece na nakakabit sa tainga niya.
"Puro container ang nasa likuran, Boss Rob," sagot nito.
"Okay! Pumunta ka na sa pintuan," tukoy niya sa nag-iisang pintuan na papasok at palabas sa loob ng bahay
Mukhang nagtataka naman ang isa sa mga kasama ng lalaking unang nawalan ng malay. Bahagya na itong nainip kung bakit hindi pa nakababalik ang kasama nito.
"Puta! An'tagal naman no’n! Mamaya n’yan, nagsosolo na ‘yon na kausapin si Mr. Punzalan para makakuha ng pera!" Inis na tumayo ito.
"Silipin mo na lang!" sabi ng isa saka humithit ng sigarilyo.
Nakatayo sa magkabilang gilid ng pintuan si Rob at Shadow at naghihintay sa susunod na hakbang. Paglabas ng bahay ng lalaki, isang suntok sa mukha ang binigay dito ng kasama niya.
"Naloko na!" saad ng kasama nito na nasa loob ng bahay. Kinuha nito ang baril na nakapatong sa mesa at pinaputukan sila ng mga bala. Nagtago muli sila sa likuran ng pader. Napuntirya ng mga bala ang kasama nitong lalaki na kalalabas lang ng bahay.
Panay lang ang paputok nito na para bang may plano ito na ubusin ang lahat ng bala na laman ng armas na iyon.
Sa gigil ni Rob, hinagis niya ang patalim na may bahid pa ng dugo mula sa tinapyas niyang pag-aari ng unang lalaki. Isang hiyaw ang pinakawalan ng lalaki. Tumama iyon sa kamay nito dahilan para mabitawan ang hawak na baril. Matapos iyon ay saka sila pumasok ni Shadow at tig-isa nilang ginulpi ang dalawang lalaki sa loob.
Matapos ang mga sandali, kapwa hindi na makilala ang mukha ng dalawang lalaki dahil sa duguan at mga pasa nitong mga pagmumukha.
“B-B-Boss, ‘w-wag po…” nakikiusap na saad ng isang lalaki. Halos lumuwa na nga ang isang mata ng ginulpi niya.
"Tell me, sino ang nag-utos nito?" tanong niya ngunit nginisian lang siya ng isa.
Sa pagkainis ay sinuntok niyang muli ang mukha nito. Wala pa ni isang talipandas ang nginisian lang siya tapos ay ayos na dapat at quits na sila.
"Sabihin mo sa akin." Para bang kalmado ang dating niya dito pero mainit na talaga ang ulo niya.
"Hindi ko sasabihin dahil sigurado ako na ako naman ang mapapahamak!"
Umangat ang isang gilid ng labi niya at tiningnan pailalim ang lalaki. "Alam mo kung saan ka nagkamali? You chose to follow whoever that person is," saka niya binali ang leeg nito.
Lumagutok ang buto nito. Iyon lang ang narinig nila dahilan para manghilakbot sa takot ang nag-iisang lalaki pa na kanina pa nanginginig sa takot.
"I will ask you the same question," wika niya dito. Sa palagay niya ay hindi na niya kailangan pang ulitin ang tanong.
"S-si si si si… B-B-Boss… C-Carlos!" uutal-utal na sabi. MayaIlang saglit lang ay namasa na ang pantalon ng lalaki na halatang naihi dahil sa takot sa kanya.
"Punyemas ka! Nagawa mo pang umihi sa harapan namin!" reklamo ni Shadow.
Hindi na ito pinansin ni Rob. Itinuloy niya ang katanungan. "Sino iyon?"
"K-kalaban ni Mr. P-Punzalan! Nalugi kasi ang lalaki dahil s-sa sa bid. Kaya naisip niya na g-gamitin si Miss Ingrid," sagot nito.
Nakarinig sila ng tunog ng timer ng bomba habang inuusisa ang lalaki. Pinatigil niya sa pagsalita si Shadow.
Marahas na binuksan niya ang suot na polo ng lalaking katabi nito na binawian ng buhay kaya nanlaki ang mata nila ni Shadow nang makita ang isang timer ng bomba na may nakasulat na 2:45, pababa ang bawat bilang ng segundo.
"Naku! Mukhang nakahalata si Boss Carlos!" ang sabi ng natitirang kidnapper.
"Naloko na! Let's go!"
Agad na tinungo ni Shadow at Rob ang nag-iisang kwarto at mabilis na binitbit ang tig-isang babae na nasa loob kahit pa kapwa may telang bumabara sa bibig ng mga ito.