SAGIP

1998 Words
CHAPTER 4 Lumapit ako sa tubig. Tinanggal ko ang tsinelas ko at lumusong. Napako ang tingin ko sa batang babae na noon ay nagpapatianod sa alon. Kanina nang humahagulgol ako ay napansin ko na siyang nasa gilid lang din at nagtatampisaw sa mababaw na bahagi. Yumuko ako. isinalok ko ng tubig ang kamay ko at binasa ko ang mukha at braso ko. "Ang bata, tulungan ninyo! Nalulunod ang bata!" malakas na tili iyon ng isang babae hindi kalayuan sa akin. Tinignan ko ang batang nagpapatianod kanina sa alon at nakita ko ang paglubog-litaw nito habang hinahampas niya sa tubig ang kaniyang mga kamay. Sa akin siya noon nakaharap. Nakita ko sa mga mata niya ang takot. Nalulunod nga siya. Lumingon ako sa paligid. Bukod sa babaeng nagbi-video pa sa nangyayari sa bata ay wala na akong ibang maasahan pa. Hindi na ako nag-isip pa. Mabilis akong tumakbo at lumangoy palapit sa bata. Hindi ko alam kung anong nagtulak sa akin para gawin iyon. Basta ang nasa isip ko noon ay napakahalaga ang bawat sandali. Hanggang sa nahawakan ko ang kamay niya. “Uyy bata hawakan mo ako. halika!” sigaw ko. Hinila ko siya ngunit nang yakapin niya ako ay ako ang nalulubog sa tubig. Nahihirapan ako lumangoy kasama siya palapit sa dalampasigan. Hindi madali sa aking ang huminga. Hindi ko siya kayang iahon at kung bibitiwan ko siya o tanggalin ang kamay niyang nakapulupot sa aking balikat ay alam kong tuluyan na siyang malulunod. Ngunit paano ako? Paano kami kung ngayon ay alam kong hindi ko pala siya kayang iligtas. Sinubukan kong manatili sa ibabaw ng tubig ngunit malakas ang hampas ng alon. Para bang may kung anong humihila sa amin papunta sa gitna. Hindi ko kayang labanan ang paghigop ng tubig sa amin. Sinikap kong huminga ngunit tanging tubig lang ang nasisinghot ko dahilan para makainom ako ng tubig alat. Ganoon din ang batang babaeng sinagip ko. Alam kong nanghihina na siya ngunit anong magagawa ko kung pati ako ay hindi ko na rin pa kayang manatili ng matagal sa ibabaw para makahinga. Hanggang sa unti-unti na kaming lumulubog. Bago ako tuluyang lumubog ay nagawa kong huminga ng malalim. Nag-ipon ako ng sapat na hangin. Inihampas ko ang mga kamay ko at patuloy akong tumatadyak sa tubig. Desperadong mapanatili ko ang aming mga mukha sa ibabaw ng tubig. Kailangan namin ng hangin. Kailangan naming mabuhay. Ngunit sadyang bumibigay din pala ang mahina ko pang katawan. Hindi pa rin kaya ng aking lakas para sumagip ng buhay. Nasa malalim na bahagi na kaming dalawa. Malakas ang hampas ng alon sa amin hanggang sa ibinuhos ko na ang nalalabi kong lakas para maitaas siya at makasinghap siya ng hangin. Tuluyan na akong ginapi ng kawalang pag-asa. Marami na akong nainom na tubig. Sumisikip na ang aking dibdib at wala na akong maibugang hangin. Padilim na padilim na rin ang aking paningin. Hanggang may humila sa kaniya sa akin. Hinila rin ako ng isang malakas na braso. Iyon lang ang huli kong naramdaman. Sandaling nagdilim ang aking paningin. Katahimikan. Hanggang sa sunud-sunod ang aking pag-ubo at paghinga. Maraming tubig ang lumabas sa aking bibig. Nang iminulat ko ang aking mga mata ay mukha ng isang batang babae ang kaagad na nakita ko. Magkatabi kaming nakahiga. Nakapikit siya. Nakita ko si Mama Sheine na nakalapat ang kaniyang mga palad sa dibdib ng bata. May mga kamay din sa dibdib ko. Mga kamay iyon ni Papa Zayn. "Kumusta ang pakiramdam mo, anak." Tanong ni Mommy Shantel na pinupunasan ang aking mukha. Huminga ako ng malalim. Pinuno ko ng hangin ang aking dibdib. Hanggang sa narinig ko ang sunud-sunod na ubo ng batang babaeng iniligtas ko kanina. Muli ko siyang tinapunan ng tingin. Maraming tubig ang lumabas sa kaniyang bibig. Hanggang sa unti-unti pumula ang kanina ay mapusyaw niyang labi at pisngi. Pagbukas niya ng kaniyang mga mata ay nagkatinginan kami ngunit mabilis niya iyong binawi. "Mommy! Daddy!" iyon ang unang mga salitang namutawi ng kaniyang labi. Hanggang sa nakita kong nag-unahan ang luha sa kaniyang pisngi. Mabilis na niyakap siya ng kaniyang mommy na noon ay nasa tabi lang niya hawak ang mga palad nito. Mahigpit ang kanilang pagyayakapan. Mabuti pa siya may matawag na Mommy, yung totoong Mommy na pinanggalingan niya. Kadugo. Bumangon ako. Naramdaman ko ang pagyakap sa akin ni Mommy Shantel at ang paghaplos ng likod ko ni Daddy Bradley. "Hindi ka ba nahihilo apo? Okey ka na ba?" tanong ni Papa Zayn sa akin. “Okey na po,” pabulong kong sagot. "We're very proud sa ginawa mo, apo pero sana humingi ka ng tulong sa ibang mas nakatatanda sa'yo kaysa ikaw mismo ang lumusong.” “Mali pa rin pala ako. Hindi pa rin ako nakagawa ng tama,” usal ko sa aking sarili. “Hindi kasi namin matatanggap kung may mangyari sa’yo dahil sa pagsagip mo sa isang buhay na wala namang kasiguraduhan. Paano kung hindi kita kaagad nakita?" "Fine, mali na naman ako. Kailan ba ako nakagawa ng tama? May nalalaman pa kayong Proud of you pero may kasunod pang kung anu-ano." bulong ko sa aking sarili dahil hindi pa rin tumitigil si Papa sa pagpapamukhang hindi tama ang ginawa ko. "May sinasabi ka ba apo?" tanong ni Mama Sheine. Naging malinaw na sa akin na si Mama Sheine ang nagligtas sa batang babae na sa tingin ko ka-edad ko lang din naman at si Papa Zayn naman ang nagligtas sa akin. "Salamat po sa pagligtas sa amin, Pa." sagot ko na lang para hindi na lang humaba pa. Sinadya kong lakasan iyon. "Anak, salamat sa Diyos nakaligtas kayo pero huwag mo nang ulitin iyon ha kasi pati buhay mo nalalagay sa alanganin e." si Daddy Bradley. "Opo. Hindi nap o mauulit dahil ipipamukha ninyo sa aking mali ang tumulong," may kagaspangang sagot ko. “Hindi naman sa gano’n anak. Safety first lang ang iniisip naming lahat. Gusto namin ligtas ka at yung taong tutulungan mo kasi imbes na makasagip ka ng buhay, baka pati ikaw ay mapahamak. Okey. Okey na! Kailan ba ako makakagawa ng tama? Sa isip ko lang iyon. Hindi ako maaring magsabi ng lahat ng nasa isip ko. Mapagtulungan lang ako. ano naman ang alam ko? ano naman ang itatama ng mga sasabihin ko? Tumayo ako kahit medyo nahihilo pa. Inalalayan ako ni Papa Zayn. “Kaya ko ho.” “Okey sige pero ingat ka kasi nawalan ka na ng malay kanina apo.”  Pagtayo ko ay noon ko lang napansin na napakaraming tao ang natingin sa akin. Lahat sila ay parang manghang-mangha sa ginawa ko. Nahagip ng tingin ko ang nakasuntukan ko kanina. Pinandilatan ko siya ng mata. May ngiti sa kaniyang labi. May kung anong paghanga akong nakita sa kaniyang mga mata. Ngunit hindi ako ngumiti. Nagsalubong ang aking kilay. Ngayon alam mo na na hindi ako masamang bata tulad ng iniisip mo. Marunong lang akong lumaban. Ibinabalik ko lang kung anong sakit ang ipinaramdam sa akin. Kumilos ang mga paa ko. Pinigilan ako ni Daddy. "Kaya mo ba?" Ramdam ko ang pag-aalala sa boses niya. "Opo Dad. Kaya ko ho. Bakit ba parang ang hina-hina ko sa paningin ninyo?” “Okey wala na akong sinabi.” Lumapit ako sa batang nakasuntukan ko kanina. Hindi siya nagpatinag nang isang dangkal na lang ang layo ko sa kaniya. Nakipagtitigan pa siya sa akin. “Pararaanin mo ba ako o itutulak kita?” Tumitig siya sa akin. Tinitigan ko rin siya sa mata. Nakahanda ang aking kamao. Bibigwasan ko kaagad ito kung magmamatigas. Ngunit nang ilang sandali ay tumabi rin siya. Nagbigay din siya ng dadaanan ko. "Hindi pa din tayo, tapos! Tandaan mo 'yan!" bulong ko. Hindi siya sumagot. Napalunok. Ibinaling na lang niya ang tingin niya sa batang babaeng iniligtas ko. Naglakad ako papunta sa aming tent. Sumunod sa akin ang pamilya ko. Noon, kahit paano ay alam kong naiparamdam ko sa aking pamilya na hindi lang pakikipagsuntukan ang alam ko. Hindi lang puro away ang nasa utak ko. Marunong din naman akong tumulong. Kaya ko rin namang isugal ag buhay ko kung kinakailangan. Iyon naman ang madalas kong ginagawa, nakikipag-away ako ng madalas para ipagtaggol sila. Binigyan ako ni Mommy Shantel ng bibihisan. Pinunasan niya ang basang buhok ko ng tuwalya. Paulit-ulit nilang sinasabi na proud daw sila sa akin. Proud na proud silang kaya ko daw palang itaya ang buhay ko para sa kaligtasan ng ibang bata. Manang-mana raw ako sa pumanaw kong ama. Kahit nang kumakain na kami ay iyon pa din ang paksa nila. Sa totoo lang, dapat sanay na ako do'n e. Mula nagkaisip ako walang umpukan na hindi nila ako mapag-usapan. Nakakarindi din. Nakakasawa. Wala na ba silang ibang paksa? Ako ng ako na lang ba ang maari nilang pagkuwentuhan? Nang matapos akong kumain ay naglatag ako sa loob gilid ng aming tent. Inilabas ko ang smart phone ko at nagdesisyon maglaro na muna hanggang sa magyaya silang uuwi na kami. Palingon-lingon lang sila sa akin. Pinili nilang hayaan lang ako dahil kahit kausapin nila ako ay tatlong tanong isang sagot rin lang naman ako. May mga araw lang din na nakakausap ako ng matino ngunit madalas may toyo ang utak ko. Mas gusto kong mapag-isa. May sariling mundo. Malayo sa mundong ginagalawan nila. Mas masaya akong nag-iisa at naglalaro sa mga paborito kong mobile games. "Jetro, may naghahanap sa'yo, anak," ano ni Daddy. Sumilip lang siya at hindi na siya pumasok sa loob ng tent. "Sino ho?" tanong ko. Ibinalik ko ang tingin ko sa nilalaro ko sa smart phone. "Lumabas ka kaya muna.” “Naglalaro ako e.” “Nasa war pa kami Dad.” “E, di i-pause mo.” “Sino ba kasi ‘yan.” “Lumabas ka nga!” may diin na sa boses ni Daddy. “I-ppause mon a lang muna ‘yan sandali.” Umling ako. Anong alam nila sa laban sa laro ko? i-pause? Para namang pwede lang ‘yon? “Hayan! Natalo tuloy ako. Malas naman oh!” pinatay ko ang mobile phone ko sa inis. “Sandali lang anak. Lumabas ka na muna." Pagungulit ni Daddy Bradley. “Opo. Nandiyan na.” Ipinatong ko ang smart phone ko sa backbag ni Papa Zayn. Bumangon ako at lumabas ng tent. Tumambad sa akin ang batang babae na tinulungan ko kanina. Nakaakbay ang Mommy niya sa kaniya. May dala silang paperbag. "Oh, hayan na siya, anak." Bulong ng ale sa batang babae. Ngumiti sa akin ang bata. Ngumiti na rin ako. Lumapit siya sa akin. Namumula sa hiya. “Okey ka na?” tanong ko. “Okey na ako.” ngumiti siya. May nginig pa rin sa boses niya.  "Salamat ha? I'm Saira." Inilahad niya ang kamay niya sa akin. Sa totoo lang hindi ako sanay sa ganoong pagpapakilala. Handshake? Hindi ko pa iyon nagagawa sa buong buhay ko. Ang makipagkilala na may kasabay na pakikipagkamay? Nakokornihan ako. Nilingon ko sina Daddy. Nakita ko ang pagsenyas ni Mommy Shantel na tanggapin ang kamay ni Saira. Dahan-dahan kong inilahad ang kamay ko para tanggapin ang kanyang kamay. Ni hindi ko kayang makipagtitigan sa kaniya. BIgla rin akong nahiya. Hindi ako sanay sa mga ganitong pormalidad. "And you are?" magiliw nitong tanong. Malambot ang kaniyang palad. Naramdaman ko iyon nang bahagya kong pinisil. Nakangiti pa rin siya sa akin. Halatang galing sa may sinasabing pamilya. Sa kilos niya, pananamit at pananalita, para na siyang dalaga. Pati ang amoy niya, dalagang-dalaga rin. "Jetro." Maikli kong sagot.   "Thank you for saving my life, Jetro. Alam kong nagpasalamat na ako kanina and it sounds na makulit na ako pero kung hindi sa'yo at sa pamilya mo, baka patay na ako ngayon." Titig na titig siya sa akin. "Wala 'yun." Yumuko ako. Binitiwan ko ang palad niya. Nahihiya talaga ako. Putcha, ngayon lang ako nakaramdam ng ganoong pakiramdam. May kung anong kabog sa dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Sino si Saira? Anong maging papel niya sa buhay ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD