CHAPTER 6
“Saan ang Don Bosco Building, Room 104 dito?" malakas kong tanong habang nakasunod sa kaniya.
Huminto siya.
Lumingon.
"Uyy! Ikaw pala! Dito ka din pala nag-aaral?" tanong niya.
Nanlaki ang mga mata ko!
Sandali lang iyon dahil nagsalubong kaagad ang kilay ko.
Putcha! Sa dinami-dami nga naman ng makikita, siya pa. Pero bakit siya nakapalda? Paano nangyaring?
Putcha! Babae siya? Babae ang kinalaban ko sa beach? Babae ang unag nagpatumba sa akin sa laban?
Pero baka hindi. Baka nga kamukha lang niya. Kailangan kong makasigurado.
“Ikaw ba yung bata na…”
“Makabata ka ah, para namang hindi ka bata pa. Oo, ako yung nakasuntukan mo sa beach.”
“Babae ka?”
“Hindi moa lam?”
“Putcha, tatanungin ba kita kung alam ko?”
“O, ngayon alam mo na. Babae ang kinalasuntukan mo.”
Paano siya naging gano’n kalakas at kagaling sa pakikipaglaban e babae lang pala siya?
“May tinatanong ka ba kanina?”
“Wala.”
“Parang hinahanap mo yung room mo, tama ba.”
“Hindi. Di na bale." May diin kong tinuran saka ko siya nilampasan.
"Nagtatanong ka kaya.” Sinabayan niya ako sa paglalakad. “Galit ka na naman ba?"
"Ulol! Bumili ka ng kausap mo!" singhal ko. Irita pa rin kasi ako sa kanya lalo na ngayon na isang babae pa lang ang nagpatumba lang sa akin.
"Diretso ka lang tapos kanan. Doon sa pinakadulong bahagi, 'yun na yung room na hinahanap mo." sigaw niya nang hindi niya ako masabayan sa bilis at laki ng hakbang ko.
Sa dinami-dami ng makikita, ang kaisa-isang tumalo sa akin sa suntukan pa ang mapagtatanungan ko. Ang nakakairita pa lalo, pumatol na ako sa unang pagkakataon sa babae, tinalo pa ako. Hindi ko tuloy makutusan kanina. Ang hirap kasing simulant ng away lalo na kung babae pala ang kalaban mo. Malas naman oh!
Ngunit dahil hindi ko naman talaga alam ang classroom ko, sinunod ko pa rin ang sinabi niya. Nilingon ko siya. Pumasok na sa classroom na nakangisi. Doon pala ang classroom niya.
Hindi ko na tinignan pa ang mga numero nang dinadaanan kong classroom. Inalala ko na lang ang sinabi niya sa akin kanina. Diretso lang, tapos kanan. Medyo may kalayuan din pala ang dulong sinabi niya. Ma-late na ako kung hindi ko pa bibilisan. Pagdating ko sa dulo nakita kong CR iyon ng mga babae.
Putcha! Nanggalaiti ako sa galit. Pinagti-tripan pala ako ng hayop na babaeng ‘yon.
Sinusubukan talaga niya ako ha! Humanda ang batang ‘yan. Kahit babae pa siya, papatulan ko na talaga. Kapag nagkaharap pa kaming muli, sisiguraduhin kong siya na ang itutumba ko.
Sa katatanong ay nahanap ko rin ang classroom ko. Iyon nga lang late na ako at nadoon na sa classroom namin ang aming teacher. Dali-dali akong pumasok at naghanap ng maupuan.
"Jetro right?" tanong ng teacher namin nang mapansin niya ang pagpasok ko.
"Yes ma'am." Napakamot ako.
“You’re late. Unang araw ng klase, late ka na agad.”
“Sorry po ma’am.” Nairita ako. Kung sana hindi ako niligaw ng hayop na ‘yon. Sakto sana ang dating ko. Kung saan ko siya tinanong, limang hakbang na lang pala classroom na namin.
"Take that seat ha?" Itinuro niya ang isang bakanteng upuan sa harap. Sa harap talaga? Sinasadya yatang sa harap talaga ako paupuin. Alam kong may kinalaman na naman sina Daddy at Mommy dito.
Umupo ako. Wala naman akong magawa kundi sumunod sa teacher.
"Jetro?" boses nagtataka na bulong ng katabi ko.
Kunot ang noo kong lumingon.
Nagulat ako. Napakaliit naman talaga ng mundo o. "Saira? Di ba ikaw si Saira sa beach?”
“Oo, ako nga. Ako yung iniligtas mo sa beach.”
“Magkaklase tayo?" napalakas ang pagkakasabi ko.
"Silence class! Ayaw kong magiging palengke ang classroom okey? You are only allowed to talk when you are asked to unless you have pertinent things to say on our subject matter. Is that clear?" malakas na tinuran ng teacher namin. “Our subject is English, therefore you are required to use the language.”
Nagkatinginan kami sabay ng makahulugang ngitian. Alam kasi naming kami ang pinatutungkulan ng aming teacher. “I-English pa e Pilipino naman tayo.” Pabulong.
“I heard you Jetro. If you don’t know how to follow my rules then the door is widely open for you to get out!”
Unang araw ng klase, napagalitan na agad ako?
“Sorry ma’am.”
“Well, you should be.”
Muli kaming nagkatinginan ni Saira. Napahiya ako sa sinabi ng teacher sa akin kaya namumula akong yumuko.
Nagsimula ang aming klase. Nagpakilala sa isa't isa. Nalaman kong ang buo niyang pangalan ay Saira Santos. Maganda si Saira. Matalino. Mukhang mabait at masayahin. Madalas akong napapalingon sa kaniya na mabilis din naman niyang nasusuklian ng matamis niyang ngiti.
Mabilis ang takbo ng oras hanggang sa dumating ang aming recess.
"Tara sa canteen. Miryenda tayo,” yaya sa akin ni Saira. Medyo wala kasi akong makita sa mga kaklase ko na maaring kong maging ka-tropa.
“Ano, okey lang ba sa’yo na babae muna ang kasama mo?”
“Oo naman.”
“So, let’s go?”
"Sige ba.”
Nahihiya man ako sa kaniya ngunit wala talaga akong makitang masamahang lalaki kaya minabuti kong sabayan na lang siya.
“Kumusta naman ang bakasyon mo?”
“Okey lang naman.”
“Tha’t good to hear.”
“Bakit dito ka nag-transfer.”
“Ewan kina Mommy.”
“Ikaw baa ng nag-decide?”
“Sina Mommy.”
“After class natin, i-tour kita para hindi ka mawala.”
“Huwag na, nakakahiya naman sa’yo.”
“No, I insist.”
“Okey.”
Kumustahan pa rin kami habang naglalakad hanggang sa nakarating kami sa canteen. Isang tanong niya, isang sagot ko. Mas okey na iyon kaysa sa nakasanayan kong tatlong tanong nina Daddy, isang maikling sagot lang ako.
May baon akong sandwich pero gusto ko nang malamig na softdrinks na ipinagbabawal nina Daddy sa akin kaya minabuti kong magpaalam sandali kay Saira para bibili lang muna ng softdrink nang inilabas niya ang napakarami niyang baon. Sinabihan kong babalik ako at sabihin niyang taken na yung upuan ko.
Nang mailagay ko sa tray ang baon ko at nakabili na ako ng softdrink ay saka ko siya hinanap. Malapit na ako sa table na pinuwestuhan niya nang nakita ko ang mabilis na pag-upo ng isang astig na babae. Siya na naman! Ang babaeng daig pa ang lalaki kug man-trip.
Hmnnn! Ito na talaga. Sa dinami-dami ng makiki-share ng table, ang kaisa-isang kagalit ko sa school pa ang lumapit. Tol, hindi lang pala makiki-share, mukhang magkakilalang-kilala sila ni Saira. Masaya silang nag-usap e. Nakatawa nga silang dalawa.
Huminto ako sa paglalakad. Luminga-linga baka may iba akong maupuan. Bahala na pero ayaw kong sa unang araw ng klase e makakabugbog ako ng isang babae. Sabi niya ni Daddy kanina, umiwas. Iiwas ako hanggang kayang umiwas sa gulo.
"Jetro, dito ka na. Come, join us!" si Saira. Nakita pa rin pala ako.
Hindi tuloy ako makapagdesisyon. Alam ko kasing iinit lang ang ulo ko kung doon ako magmiryenda kasama ng babaeng astig na iyon. Hindi ko matanggal sa isip ko ang ginawa ng kaharap ni Saira na pangisi-ngisi pang nakatingin sa akin. Ang sarap batukan e. Lalo tuloy akong nainis sa ginawa niya sa akin sa beach at yung nangyari kaninang umaga na niligaw ako. Kumukulo talaga ang dugo ko sa kaniya. Hindi tuloy ako makapagdesisyon kung tutuloy pa akong lapitan si Saira.