CHAPTER 9
"Okey ka lang? Alam mo bang..."
Nakita ko sa mukha niya ang pag-aalala sa akin ngunit hindi ko na siya pinatapos sa kung ano pa ang sasabihin niya sa akin.
"Oo naman. Saka puwede ba, huwag kang umastang parang kaibigan ako. Pagkatapos ng ginawa mo sa akin. Tandaan mo, paghahandaan ko ang muling paghaharap natin, Faye." May diin ang pagkakasabi ko niyon.
Mabilis kong tinungo ang classroom namin. May narinig akong tawanan sa likod ko nang nasa upuan na ako. Yumuko na lang ako. Wala akong mukhang maihaharap sa kanila. Unang araw ng pasukan, ako na agad ang pinag-uusapan. Astig!
Panay ang paghingi ni Saira ng pasensiya sa akin. Tinatanong kung okey lang ba ako. Sinisisi niya ang sarili kung bakit ako napaaway. Sana daw hindi na lang ako pinilit na samahan sila sa table nila ni Faye kanina. Ipinaunawa ko sa kanya na wala siyang kasalanan. Ako ang may mali.
Kinahapunan nang sunduin ako ni Mommy ay nakita niya ang natuyong pulang sauce sa uniform ko.
"Anak, may nangyari na naman bas a school?" kasabay iyon ng malalim na hininga.
Hindi ako sumagot. Tahimik lang akong tumingin sa labas ng sasakyan namin. Nakita ko si Faye na sumakay din sa magarang sasakyan at masaya siyang nakipag-usap sa sundo niya.
"Nakipag-away ka na naman ba?" tanong muli ni Mommy.
Wala pa rin akong sagot. Pinaandar ni Mommy ang sasakyan. Nakahinga ako ng maluwang.
"Kinakausap kita Jetro. Nakipagsuntukan ka na naman ba!" singhal niya. Nagtama ang aming mga mata sa salamin ng sasakyan.
"Hindi po.”
“Anong hindi? Sandwich ang baon mo. Bakit may sauce na pula sa uniform mo? Maaring natapunan ka at nakipag-aaway ka o natapunan yan habang nakikipagbasag ulo ka?”
“Hindi nga Mom. Kung napaaway ako, di sana tinawagan na kayo o may iniaabot na akong sulat sa inyo ngayon.”
“Ewan ko ba, napa-praning na kasi ako sa’yo.”
“Natapunan lang 'yan ng sauce Mom." Pagsisinungaling ko.
Napabuntong-hininga na lang si Mommy. Alam kong hindi siya naniniwala sa akin. Sana hindi siya tatawag sa Principal.
Napagkasunduan namin ni Saira na ako na lang ang iiwas kung makita kong magkasama sila ni Faye sa labas. Pareho kaming tatlo na nasa Grade 6 pero nasa Science Section si Faye dahil fast learner daw siya. Matalino din naman si Saira ngunit panay ang pagliban niya sa klase at mas pinili raw niyang mapabilang na lang sa regular class. Matalino naman daw ako. Basagulero nga lang. Siguro gwapong basagulero kasi nakikita ko naman ang hitsura ko sa salamin. May pagka-asul ang aking mga mata, kulay ginto ang aking buhok. Matangos ang ilong, mapula ang aking mga labi na ang korte ay minana ko kay Daddy Matt. Yung shape ng mukha ko raw ay nakuha ko kay Daddy Matt at yung kilay at hugis ng aking mga mata. Yung kulay lang nito ang iba. Mapunting-maput aki dahil nga sa lahi ng nanay kong minana ko pa. Mas malakas ang dugo ng nagbuntis sa akin kaysa si Daddy Matt ko kaya naman alam ng lahat nang makakakita sa amin nina Mommy at Daddy na hindi nila ako anak dahil mas malakas ang foreigner na hitsura ko kaysa sa pagka-Pinoy. Gwapong mestizo. Alam ko namang andaming nagkakagusto sa akin. Maraming batang babae ang nagpapapansin ngunit wala e. Bata pa ako para magkagusto rin.
Sa mga sumunod na araw, dahil nga alam kong kahit anong gawin ko, hindi ako mananalo kay Faye kaya naisipan kong umiwas na lang muna habang pinaghahandaan ko siya. Kailangan kong gawin iyon dahil alam kong wala akong panama sa liksi at galing niya sa suntukan. Isa pa, meron siya na wala ako. May tiwala sa kaniya ang teachers namin at Principal. Malaki ang nagagawa ng kaniyang connections. Kilala siya sa buong campus namin. Sikat. Huwarang mag-aaral. Laging pambato at palaging nananalo sa mga contest sa school level o kahit pa sa buong NCR. Kung gaano siya kasikat, ganoon din ako ka-invisible. Kung di nga lang ako gwapo, paniguradong wala lang ako. Pinili kong huwag mapansin na parang hindi nag-eexist. Lagi akong umiiwas kapag makasalubong ko siya. Isa lang akong maliit na tuta sa tabi ng isang giraffe kung ihahambing ako sa kaniya.
Sa loob ng classroom na lang kami magkaibigan at nakakakuwentuhan ni Saira. Paglabas ng classroom kailangan ko nang humiwalay dahil hatid-sundo naman siya ni Faye. Madalas lumiban si Sairansa klase namin at iyon ang hindi ko alam kug bakit. Kung lumiban pa naman siya magkakasunod na araw. Ang tanging sinasabi niya sa akin ay nag-a-out of town sila ng kaniyang pamilya na siya ko namang pinaniniwalaan. Siya lang kasi ang tangi kong kausap sa campus at kung wala siya sa tabi ko, parang napakahaba ng oras. Parang nawawalan ako ng ganang pumasok. Nakakaantok. Napaka-boring.
Ganoon lang ang bawat pagdaan ng araw sa akin. Iiwas kay Faye kung may ibang dadaanan para hindi kami magkasalubong. May mga sandaling napapansin ko siyang nakatitig sa akin. Makahulugan ang mga tingin niyang iyon. Kakaiba ang mga ngiti niya sa akin. Ngunit sa tuwing lalapitan niya ako, kailangang ako ang lalayo. Ayaw ko na siyang makausap o kahit makita man lang nang malapitan. Hanggang sa nagsawa na lang siya at tuluyan na niya akong pinabayaan.
Si Saira ang naiipit sa amin ni Faye. Gusto kasi niyang hindi lang sa classroom nakukulong ang pagkakaibigan naming dalawa. Gusto niyang tatlo raw kami nina Faye ang magkakasama. Ngunit hindi ko iyon mapagbigyan. Malabong mangyari.
Malaki ang naitulong ni Saira para mapabuti ko ang pag-aaral ko at mailayo ako sa away. Paulit-ulit niyang sinabi sa akin na kung may naririnig man akong hindi maganda ay huwag na lang patulan dahil sa tuwing pinapatulan ko iyon ay lalo lang lalaki at lalaki ang gulo. Wala raw akong control sa sasabihin o iisipin ng ibang tao sa akin ngunit ako, kaya kong kontrolin ang sarili ko kung paano ako magrere-act sa mga iniisip at naririnig ko sa kanila. Malaki ang naging paghanga ko sa ugali at buong katauhan ni Saira. Paghanga na noon ko lang naramdaman. Paghangang mas nagpalapit sa kalooban ko sa kaniya.
Nakakapagod din pala ang umiwas. Inaamin ko, galit man ako kay Faye ngunit tanggap ko na ang dahilan ng pag-iwas ko ay dahil sa takot ko sa kaniya. Mahirap man tanggapin ngunit alam kong nakalalamang siya sa akin sa kahit sa anong larangan. Tama siya, wala akong binatbat sa kaniya. Napupuno lang ang dibdib ko ng galit na wala naman akong magawa para ilabas iyon. Hanggang sa hindi ko alam kung bakit ako nasasaktan sa tuwing nakikita kong masaya silang magkasama ni Saira sa pagpasok at pag-uwi. Pati sa recess ay madalas silang nagtatawanan samantalang ako ay madalas nasa sulok. Swerte na yung araw na may kasabay akong mga kaklase kong magmiryenda sa canteen.
Patapos na ng klase namin for first semester nang kinausap ko sina Daddy sa balak kong gawin habang naghahapunan kami.
"Taekwondo? Sigurado kang kaya mo 'yun isabay sa pag-aaral mo?" hindi makapaniwala si Mommy. "Anong pumasok sa isip mo at kailangan mong mag-aral ng taekwondo?"
"Mom, tuwing Sabado lang naman 'yun. Saka patapos na ang klase. Magha-high school na nga ako sa susunod na pasukan, e. Di ba hindi na din ako napapaaway? Tumaas na rin naman ang mga grades ko. Payagan na ninyo ako, Mom. Dad ano?" pagsusumamo ko.
"Iniisip ko lang kasi na kaya mo gustong matuto ng Taekwondo dahil may kaaway ka. Baka lalong mapahamak ka e." si Mommy. Napabuntong-hininga pa.
"Oo nga naman. Di ba matigas ang ulo ko. Palaaway. Kailan pa ba kayo nagtiwala sa akin?" bulong ko, “Di ba hindi naman? Kahit kailan hindi naman kayo sa akin nagtitiwala?”
Ipinaramdam ko sa kanila ang aking pagtatampo. Binitiwan ko ang kutsara at tinidor ko. Uminom ako ng tubig.
Tumingin si Mommy kay Daddy. Nakita ko ang pagtango ni Daddy Bradley kay Mommy. Nakasilip ako ng pag-asa.
"Sige, sa isang kundisyon."
"Ano hong kondisyon?"
"Huwag na huwag gagamitin ang nalalaman sa paghahanap ng gulo. Gagamitin mo lang ito kung kinakaingan.”
Huminga ako ng malalim. Kaya ko nga gagawin ito para maibangon ang niyurak na pagkatao ko sa school pero sige.
“Ano Deal?" tanong ni Mommy.
"Deal ho."
Sa totoo lang, sa paglipas ng panahon, mas nangingibabaw ang hindi ko maipaliwanag na galit kay Faye. Bumabalik pa rin sa akin yung mga ginawa niya sa akin. Malinaw pa rin ang lahat ng iyon sa aking alaala at hanggang hindi ako makaganti sa kaniya ay laging naiipon ang galit na iyon sa dibdib ko. Pakiramdam ko rin, dahil sa kaniya, mas nagiging masikip ang mundong ginagalawan ko. Pati ang pagkakaibigan namin ni Saira ay nagkakaroon ng balaki. Habang siya ay patuloy na kinikilala sa mga achievements niya, naroon lang ako sa sulok, patuloy na naliliman ng kaniyang kasikatan. Hindi madali sa katulad ko ang sa tuwing siya ang makikita kong makakasalubong ko ay kailangan kong lumiko para hindi kami magpang-abot. Kung nagkataong kausap at kasama ko si Saira sa campus at alam kong padating na siya ay ako ang mabilis na umaalis. Doon nahihirapan si Saira ngunit hindi nila alam na ako yung sadyang hirap na hirap na harapin yung nabuong galit na may kalakip na takot sa dibdib ko. Bakit ba naman ako lalaban kung alam ko namang wala akong ipapanalo sa kaniya. Kaya ko kinausap sina Daddy dahil sa kaniya. Gusto ko nang matapos ang lahat. Gusto ko na siyang harapin at nang makapaghiganti.
Ngunit sadya yatang sinusubok ako ng pagkakataon. Unang araw noon ng Taekwondo class ko nang pumasok ako sa locker room para magpalit. Isinusuot ko na ang ibinigay na uniform ko nang may tumapik sa balikat ko.
Lumingon ako. Nanlaki ang aking mga mata sa pagkagulat.
"Pati ba naman dito?" pabulong lang iyon.
"Anong pati ba naman dito?" tanong niya.
"Anong ba kasing ginagawa mo dito. Iniiwasan na kita sa school pati ba dito kailangan pa din kitang iwasan?"
"Jetro, hindi mo naman ako dapat iwasan. Wala naman akong ginagawa sa'yo." Maalumanay pa din siyang mangusap.
"Wala kang ginagawa ngunit may mga nagawa ka sa akin. Kapag tuluyan na akong marunong ne'to, tandaan mo. Ikaw ang una kong haharapin." Singhal ko.
"Ganoon ba?" huminga siya ng malalim. “E, di sige. Hihintayin ko yung araw na ‘yon.”
Tinungo niya ang isang locker na hindi kalayuan sa locker ko.
Lumingon siya sa akin. Nagkatitigan kami ngunit ako ang unang bumawi ng tingin.
"Matanong nga kita, anong dahilan mo at gusto mong magtaekwondo bro?"
"Wala ka nang pakialam do'n"
"Ah, okey. Baka galit ka lang sa akin at gusto mo akong gantihan. Hindi kaya?"
"Kung sasabihin kong tama ka, may angal ka? Ito palang sikreto mo ha, kaya pala kinakaya mo ako. Pero ngayong alam ko na, sabihin ko sa'yo hihigitan kita at ilang linggo o buwan mula ngayon, gagawin ko din ang mga ginawa mo sa akin."
"Hanggang ngayon ba bro, iyon pa rin ang kinagagalit mo sa akin? Antagal na no'n. Sinusubukan ko namang lumapit sa'yo para hingin ang tawad mo pero lagi kang umiiwas. Naririndi na ako sa laging pakiusap ni Saira sa akin kasi siya yung naiipit sa atin ngunit hindi ko alam kung paano kita lalapitan." Ibinaba niya ang dala niyang backpack.
Lumapit sa akin.
"Bro, ano. Puwede ba tayong magsimulang muli?”
“Hindi ko alam. Galit pa rin ako sa’yo.”
“Kalimutan na natin yung mga nangyari sa nakaraan. Para na din sa kaibigan nating si Saira na matagal na niyang gusto tayong pagsunduin."
Tumitig ako sa kaniya. Mas malayo ang inilaki ng katawan niya sa akin. Nanatili akong payat samantalang siya ay sakto lang ang pangangatawan. Inaamin ko, mas lalo siyang gumaganda habang nagdadalaga na siya.
Hindi ko tinanggap ang kamay niya.
Inayos ko ang white belt ko habang nakaharap sa kaniya. Naka-jogging pants lang siya at sando sa mga sandaling iyon at ako ay nakahanda na para lumabas ng gym at magsimula sa unang araw ko sa pag-eensayo.
Narinig ko ang pagbunot niya ng malalim na hininga nang hindi ko tinatanggap ang palad niya.
"Ayaw talaga? Ako na itong nagsosorry bro kung nasaktan man kita. Lumiliit ang mundo natin. Kung ikaw, ayos lang sa'yo na may kagalit, ako bro hindi. Ayaw kong may lihim na nagagalit sa akin kaya sana, kung puwede, bago ka lumabas, magkaayos muna tayo."
"Hindi na mangyayari 'yun bro. Huwag ka na lang umasa. Ngayon pang nagsisimula na din akong aralin ang taekwondo. Matapang ka lang naman kasi nauna ka sa akin dito pero uungusan kita. Hindi habangbuhay iiwas ako sa'yo. Baka nga sa mga susunod na buwan ako na mismo ang hahamon uli sa'yo."
"Good. Mainam sigurong aralin mo na muna bago ka magmalaki." Umiling-iling siyang bumalik sa locker niya.
"Kailan ka pa dito? Dalawang taon o higit pa? Kung ang inaral mo ng dalawang taon, gagawin kong dalawang buwan para matapatan ka!" kumpiyansa kong sinabi sa kaniya.
"Okey. Good Luck." Lumingon sa akin. Sinaluduhan muna niya ako at walang siyang imik na pumunta sa CR ng gym. Sandali kaming nagkatitigan bago niya isinara ang pinto.
Minabuti ko na rin lang lumabas para makilala ko ang master namin. Excited na akong matutunan kahit mga basic lang.
"Santiago, warm up exercise muna ha nang di sumakit ang katawan mo mamaya. May instructor doon kung paano mo gagawin ang exercise o maari mo rin lang gayahin ang mga kasabayan mo doon na naka-white belt. Ituturo sa'yo mamaya ang basic ng taekwondo pagkatapos ninyong magwarm up."
"Yes master." Yumuko ako bilang pagbibigay galang.
"Good." Yumuko din siya.
Doon ay nakipagsabayan ako sa iba ko pang mga kasama ko. Karamihan mas bata pa sa akin ang naroon. May dalawa akong naabutang kaedad ko lang rin. Pagkaraan ng warm up exercise namin ay pinapila na kami.
Habang naglalakad ako para pumunta sa mga kasama kong nakahilera na sa harap ng aming master ay hinanap ko kung saan at kung anong belt group na ang kinabibilangan ni Faye. Baka nga Yellow palang siya o Blue. O sige, itaas ko ng bahagya, maaring blue na siya ngunit determinado na akong habulin kung anong belt meron siya. Ngunit may kalayuan din sa amin ang training ground ng ibang mga class kaya hindi ko na siya nahanap pa bago ako nakipila sa mga kasamahan kong foundation form palang.
"Kyong Ye" wika ng aming Master.
Yumuko siya. Yumuko rin kami. Ang ibig sabihin ng Kyong Ye ay bow, ayon sa booklet na ibinigay sa amin na amin. Pinag-aralan ko na lahat iyon para di ako tatanga-tanga. Interesado kasi talaga ako.
"Gusto kong mag-form kayo ng pabilog at umupo ng naka-squat. Move!" utos ng aming master.
Mabilis kaming sumunod sa pinagagawa sa amin. Tahimik kaming bumuo ng paikot pabilog sa kaniya at nag-squat.
"Ngayon, gusto kong ipakilala sa inyo ang Jokyo ninyo."
Nagtaka ako. Akala ko siya ang Master namin. Ibig sabihin may Instructor kaming iba bukod sa kaniya. Tahimik kaming lahat na nakatanghod. Naghihintay na ipakilala sa amin ang aming instructor ng mga basic hanggang sa maitaas ang belt rank namin.
"Siya ay nagsimulang mag-aral ng Taekwondo sa edad niyang anim na taong gulang." Pagpapatuloy na pagpapakilala ng master. "Nanalo na sa mga National Competitions at patuloy na umaani ng sunud-sunod na parangal. Sa edad niyang siyam na taong gulang, nakuha na niya agad ang kaniyang black belt dahil sa mga ipinamalas niyang galing at determinasyon sa larangang ito. Ipinakikilala ko sa inyo si Jokyo Faye Reyes!"
Pinatayo kaming lahat ng master namin nang papunta na siya gitna namin.
"Kyong ye" malakas na utos ng aming master na nagpakilala sa aming instructor.
Yumuko ang mga kasamahan ko bilang pagpupugay sa aming instructor Hindi ako makakilos. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa.
Si Faye? Siya! Siya ang magiging instructor ko? Ang kanina ay pinagmalakihan ko sa loob ng locker room ang black belter na magiging instructor ko? noon ay gusto ko nang lumubog sa kinatatayuan ko. Nagdadalawang isip na ako kung itutuloy ko pa ang pagtataekwondo ko.
Nangatog ang tuhod ko nang nilapitan niya ako dahil ako lang bukod tanging hindi pa yumuyuko.
SANA BASAHIN DIN NINYO ANG KASABAY NG STORY NA ITO NA KASALUKUYAN KO RING INA-UPDATE, ANG "I'LL BE THAT GIRL.". KUWENTO ITO NG ISANG MAHIRAP NA BABAE NA NAGTAGUMPAY HINDI DAHIL SA NAGKAROON SIYA NG GWAPONG BOYFRIEND PERO DAHIL SA KANYANG SARILING MGA DISKARTE SA BUHAY. KUWENTONG MAGBIBIGAY NG BAGONG MUKHA SA MGA NAGKAKALAT AT PAULIT ULIT NA PLOT NG BILYONARYO AT MAID.