ANIM ma buwan na halos walang katapusan ang pag-travel ni Zoe kung saan-saang bansa. At sa loob ng mga buwan na iyon ay walang pakundangan siyang gumagastos.
Dahil palaging wala kaya hindi napansin ni Zoe ang pagbabago sa kanilang pamilya. Lalo na sa mga magulang niya.
Nagtaka na lang ang dalaga nang paggising niya isang umaga ay kinukuha ng hindi niya kilalang mga tao ang kulay itim na Limousine ng kaniyang ama.
"What's happening, Dad? Bakit nila kinukuha ang Limo?"
Napansin niya ang makahulugang tinginan ng kaniyang mga magulang bago nagsalita ang ama. "Ah, bibili kasi ako ng bago."
"W-what? Pero most favorite n'yo po iyon sa lahat ng sasakyan n'yo, 'di ba?"
Inakbayan siya nito. "It's just a car, sweetheart. We can buy a new one. Ikaw na rin ang nagsabi noon na kailangan ko na iyong palitan para maiba naman."
"Yes, Dad. Nagulat lang po ako dahil ayaw n'yo talaga iyong palitan, eh." Naglalambing na humilig siya sa balikat nito. "Anyway, Dad... Magre-release nga pala ng latest model ng wristwatch ang Chanel. Puwede po ba kayong mag-preorder for me?"
"Not now, Zoe Mei. Kabibili lang ng daddy mo sa'yo ng Stuart Weitzman na sapatos."
Nagtataka na nilingon ni Zoe ang kaniyang ina. At kailan pa nito kinontra ang paghihiling niya ng kung ano-ano sa ama? Nasesermunan lang siya nito kapag ipinapamigay niya nang walang pakundangan ang mga gamit niya.
Simula nang dumating siya mula sa Australia, napansin na niya ang pagbabago sa kaniyang Mommy Dahlia. Hindi na ito magiliw katulad nang dati. Tahimik lang at parang palaging malalim ang iniisip.
"But Mom..." parang bata na maktol ni Zoe. "Magbi-birthday naman po ako next month, eh. Kahit iyon na lang ang ibigay n'yo sa'kin."
Bumuntong-hininga ang kaniyang ina pero hindi na nagsalita nang pigilan ng kaniyang ama.
"It's okay, honey. Regalo na lang natin iyon sa birthday niya," malambing na sabi ni Daddy Herbert sa asawa at inakbayan ito.
Napansin ni Zoe na parang may gusto pa sanang sabihin ang kaniyang ina pero pinili na lang na itikom ang bibig at suminghap. "Ikaw ang bahala. Ikaw na rin ang bahalang magsabi sa kanila..." makahulugang wika ni Mommy Dahlia bago sila tinalikuran nang walang paalam.
"May problema ba, Dad?" Hindi na nakatiis na tanong ni Zoe.
Masuyong hinaplos ng ama ang buhok ng dalaga. "H'wag mo na lang pansinin ang Mommy mo. Kulang lang iyon sa lambing dahil naging busy ako sa opisina nitong mga nakaraang araw."
Hindi kumbinsido si Zoe sa dahilan ng ama. Nararamdaman niyang may problema ang mga ito. Ganoon pa man ay hindi na niya kinulit pa si Daddy Herbert. Sigurado kung ano man iyon, masosolusyunan at masosolusyunan din ng kaniyang mga magulang.
Gayun pa man ay hindi pa rin maiwasan ni Zoe ang tanungin si Zhang nang makasabay niya ito sa elevator paakyat sa kani-kanilang kuwarto.
"Hey, little sis. May alam ka bang problema nina Mom and Dad?"
"At kailan ka pa nagkaroon ng pakialam sa problema nila, Ate?" pabalang na sagot ng kapatid. Kahit ito man ay napansin din ni Zoe na laging tahimik at mas sinusungitan na siya.
"You're not funny, Zhang." Tiningnan niya nang masama ang kapatid at hinaluan ng awtorisasyon ang boses niya. "Nagtatanong ako nang maayos kaya sagutin mo nang maayos."
Hindi natitinag na nakipagtagisan lang ng tingin sa kaniya ang kapatid. Nang tumigil sa third floor ang elevator, agad siya nitong iniwanan at dire-diretsong pumasok na sa kuwarto.
She just took a deep breath. For sure, galit na naman sa kaniya si Zhang dahil sa six months niyang pagwawaldas ng pera.
KINAGABIHAN ay nagising si Zoe nang bigla niyang napanaginipan ang lalaking nagligtas sa kaniya noon sa baha. They seemed to be kissing.
"Yuck! Never akong magpapahalik sa lalaking iyon, 'no? Over my dead body!" tila nandidiri na kausap ng dalaga sa kaniyang sarili.
Pero kung totoong pinandidirihan ni Zoe ang kaniyang panaginip, bakit may panlalagkit na naramdaman siya sa gitna ng kaniyang underwear? At bakit hanggang ngayon ay tila nararamdaman pa niya ang mga labi nitong mapusok na humalik sa kaniya sa panaginip?
Gosh! Ano ba itong nangyayari sa kaniya?
Una, napanginipan niya ang lalaking hindi naman niya kaano-ano, at kinaiinisan pa. Samantalang sa mga naging boyfriend ni Zoe ay never niya iyong na-experience. Kahit si Josh na siyang minahal niya nang sobra ay never naging laman ng dreams niya.
At pangalawa, halik sa panaginip lang pero affected ang katawang lupa niya.
Naiinis na sinabunutan ni Zoe ang sarili. "No, no. It cant be!" Sinubukan niyang makatulog uli. Pero sa bawat pagpikit niya ay parang tukso naman na mukha ng lalaking iyon pa rin ang nakikita ng dalaga.
Padabog na tumayo si Zoe at lumabas ng kuwarto. Magpapahangin muna siya labas. Baka sakaling makatulog na siya sa pagbalik niya.
Ngunit napahinto si Zoe sa pagbaba ng hagdan nang marinig ang tila pag-aaway ng kaniyang mga magulang. She got curious. Once in a blue moon lang kasi kung mag-away ang mga ito.
"Hanggang kailan mo ba itatago sa mga anak natin ang paglubog ng negosyo mo, Herbert? Unti-unti nang nawawala ang mga ari-arian natin. Nag-aalala na ako para sa mga bata."
Umawang ang bibig ni Zoe nang marinig ang sinabi ng ina. Dahil nga hindi nakasara nang mabuti ang pintuan ng master's bedroom kaya malinaw niya iyong naririnig. Pati ang nahihirapang pagbuntong-hininha ng ama ay narinig din niya.
"For now, I don't know, honey. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa mga anak natin na malabo ko nang masustentuhan ang mga pangangailangan nila. Dahil malabo ko nang maisalba ang mga negosyo natin."
"This is all your fault, Herbert. Noon pa man ay pinagsabihan na kita tungkol sa pagsusugal mo. But you didn't listen. Mas pinili mo pang magpauto sa Lawrence na iyon. But look what happened? Niloko ka niya," mahabang litaniya ng ina ni Zoe na lalong umagaw sa atensiyon niya.
Iyon kaya ang narinig niya noon na pag-uusap ng mga magulang niya sala? Noong araw na bumiyahe siya papuntang Japan?
"I'm sorry, honey. Hindi ko na rin alam ang gagawin ko."
Nalaglag ang balikat ni Zoe. Kailan pa pinanghinaan ng loob ang daddy niya?
"Sa ngayon ay isa lang ang paraan na alam ko para hindi tuluyang mawala sa'tin ang lahat ng ito. At iyon ay ang ipakasal si Zoe kay Lawrence. Kailangan silang maikasal sa lalong madaling panahon bago niya ubusin ang mga property natin. At maapektuhan ang mga bata."
Pakiramdam ni Zoe ay binuhusan siya ng malamig na tubig. She could feel her knees trembling. Napakapit pa siya sa hand rail ng hagdanan. Ngunit kahit ang mga kamay niya ay nanginginig na rin. Hindi niya kayang isipin na ang bilyong halaga ng kanilang kayamanan ay posible rin palang maubos. At mas hindi siya makapaniwala na siya ang ipambabayad-utang ng kaniyang ama.
Ang kaniyang ama na mahal mahal siya!
God, kailan pa ito natutong magsugal?
"How dare you, Herbert?" sa unang beses ay narinig niya na pinagsalitaan ng ganoon ng kaniyang ina ang asawa. "Bakit kailangang si Zoe ang magbayad sa kasalanan mo? Hindi ba't ikaw ang nalulong sa sugal? Ayaw mong maapektuhan ang mga anak natin. Pero ipapakasal mo si Zoe sa walang puso na matandang iyon!"
"Ito lang ang naisip kong paraan, Dahlia," dagdag pa ng kaniyang ama. "Gustong-gusto ni Lawrence ang anak natin. At handa siyang kalimutan lahat ng mga utang ko basta maikasal lang sila. Kaya patawarin mo ako, kayo ni Zoe. Dahil sa ayaw at sa gusto n'yo, ipapakasal ko siya kay Lawrence."
Naikuyom ni Zoe nang mahigpit ang kaniyang mga kamay, kasabay nang pagdaloy ng kaniyang mga luha. Hindi niya akalain na maririnig mula sa ama ang mga salitang iyon.
Pero hindi siya papayag. Hindi siya papayag na maging pambayad-utang, na maikasal sa matandang hukluban na iyon. Hinding-hindi siya magpapatali sa taong hindi naman niya mahal at imposibleng mamahalin niya.
Imbes na kumprontahin ang mga mga magulang, tahimik na bumalik sa kaniyang kuwarto si Zoe at nag-empake. Samantalang wala namang tigil sa pagdaloy ang maiinit na likido mula sa kaniyang mga mata. Hindi matanggap ng kaniyang puso ang mga narinig mula kay Daddy Herbert.
Natatakot man sa pag-alis niyang iyon, mas natakot ang dalaga na manatili pa sa bahay na iyon. Hindi niya kayang panoorin ang kanilang paglubog.
At mas lalong hindi niya kayang magpakasal kay Lawrence Montemayor!