"HANGGANG ngayon talaga ay hindi pa rin ako makapaniwala na si Allen ang unang ikinasal," komento ng pinsan ni Ethan na si Brylle. Katulad niya at ni Allen ay twenty five years old na rin ito. "Samantalang sa'ting lahat na magpipinsan ay siya itong pinakatorpe. Naalala n'yo pa ba no'ng napaihi siya sa short sa sobrang kaba noong unang beses siyang nakipag-date?"
Napahalakhak si Ethan nang maalala ang ikinukuwento ng pinsan niya. "Sige, iparinig mo 'yan kay Allen at siguradong ipapaluwa niya sa'yo lahat ng kinain mo ngayon sa kasal niya."
"Totoo naman ang sinabi ni Brylle, ah. 'Di ba nga nakakatulog na lang ang bawat babaeng pinopormahan niya noon habang naghihintay ng 'I love you' niya," sabad naman ng pinsan din nilang si Calix. Mas bata ito sa kanila ng isang taon. "Kaya hindi ko talaga maisip kung paano niya niligawan at inalok ng kasal si Divine." Ang asawa ni Allen ang tinutukoy nito.
"Grabe kayo sa kuya ko, ha. Isusumbong ko kayo," pagbabanta kunwari ni Heidi na bunsong kapatid naman ni Allen. Disiotso naman ito at nasa senior high school. "Inggit lang kayo dahil naunahan pa niya kayong mag-asawa."
"Hindi pa ako umay sa pagiging playboy kaya bakit naman ako maiinggit?" depensa ni Calix, sabay tawa.
"Nag-iipon pa kami ng girlfriend ko pero baka ikasal na rin kami next year," katuwiran din ni Brylle. "Kaya malabong mainggit ako kay Allen. Ang hirap lang talagang paniwalaan."
Tumawa si Heidi, senyales na nagbibiro lang. Dahil ang totoo ay sang-ayon din ito sa pagiging torpe ng nakatatandang kapatid. "Pareho naman silang mahiyain ni Ate Divine, eh. Kaya nagkaintindihan lang siguro sila sa tingin."
Panay ang libak nila kay Allen. Wala silang kamalay-malay na nasa likuran na pala nila ito.
"Ganiyan ka pala kapag nakatalikod ako, bunso, ha. Wala ka ng allowance sa susunod na pasukan," sita ni Allen sa kapatid. "At kayo," isa-isa silang itinuro na magpipinsan, "maimpatso sana kayo."
Napahalakhak lang sina Ethan. Alam niyang walang ibig sabihin ang mga sinabi nila. Sanay na sila sa biruan nilang magpipinsan.
Halos lahat silang magpipinsan ay parang magkakapatid lang kung magturingan. Kaya nga masuwerte si Ethan. Kasi, kahit mag-isa na lang siya sa buhay, hindi naman niya iyon maramdaman dahil sa mga pinsan niya.
Sampung taon na ring nag-iisa sa buhay si Ethan simula nang mamatay ang kaniyang ina. High school pa lang siya noon. Kaya simula nang araw na iyon ay mag-isa na niyang itinaguyod ang sarili. Bukod sa maliit na bahay at lupa ay wala nang iniwang ari-arian ang ina ni Ethan. Wala rin siyang nakuhang tulong noon mula sa ama.
Kaya napilitan siyang huminto sa pag-aaral pagka-graduate niya ng high school.
Lahat ng klase ng trabaho ay pinasukan ni Ethan. Hanggang sa magkaroon siya ng ipon para mag-aral ng automotive course sa TESDA.
Apat na taon siyang nagtrabaho sa isang malaking automotive company sa Lucena, Quezon Province. At nang may sapat na siyang kaalaman at ipon ay nagtayo si Ethan ng sarili niyang talyer sa Lucban.
At ngayon, sa awa ng Diyos, isa na ang talyer niya sa pinagkakatiwalaan sa lugar nila pagdating sa pag-aayos ng mga sasakyan. Hindi man iyon ganoon kalaki, tinatangkilik naman siya dahil sa maayos na trabaho at pagsingil ng tamang presyo.
"Ikaw, Kuya Ethan," kapagkuwan ay siniko siya ni Heidi. "Kailan kami makakatikim ng palitson mo?"
"Paano mag-aasawa 'yan, eh, girlfriend nga wala," pambubuska sa kaniya ni Brylle. "Hindi nga torpe, galit naman sa mga babae."
"Sira-ul*!" Dumampot siya ng buto ng manok at ibinato iyon sa pinsan. "Wala lang talaga akong mahanap pa na babaeng papasa sa standard ko. Lahat nang nakikilala ko ay puro maaarte."
Nang dahil sa sinabing iyon ay bigla na lang sumagi sa isip ni Ethan ang babaeng tinulungan niya sa Maynila. Dalawang linggo na rin ang lumipas. Saksakan ng arte at matapobre. Kaya hindi niya maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay tandang-tanda pa niya ang maganda nitong mukha.
"Hindi naman lahat ng babae ay katulad ng ex mong si Lala, Kuya Ethan," sermon sa kaniya ni Heidi.
Si Lala ay isang taon niyang naging girlfriend. Iniwan siya nito para sa buhay nito sa Maynila.
"Uso rin ang mag-move on, kas. Dalawang taon na rin, eh," sabat naman ni Allen. "Sige ka, tatanda ka niyan na hindi na uli nakakatikim ng langit."
"Hindi porke't walang girlfriend ay zero na ang s*x life. Siyempre, nakikipag-date din naman ako," pagtatanggol ni Ethan sa sarili. "Iyon nga lang, fling-fling lang. Hindi ko na pinapatagal kapag nag-iinarte na 'yong babae."
"Eh, 'di parang playboy ka na rin pala gaya ko." Tumawa si Calix. "Tatahi-tahimik ka lang pala sa Lucban pero marami ka ring babae."
Taga-Tayabas ang pamilya ng yumaong ina ni Ethan. Pero sa Lucban ito nakapagpundar ng bahay at lupa noong nabubuhay pa. Kaya napahiwalay siya sa kanilang angkan. Pero hindi iyon dahilan para mabawasan ang closeness nila.
"Kapal mo! Hindi tayo magkakulay," biro ni Ethan kay Calix. "Dahil ikaw, kahit sino, pinapatulan mo. Hindi tulad ko na namimili ng babae."
"Mukha mo! Gano'n din 'yon. Mas romantiko lang ako kumpara sa'yo." Ayaw talagang magpatalo ni Calix.
"Kung gusto mo, Kuya, may irereto ako sa'yo," sabad ng bagong dating na si Maica at pinsan din nila. Graduating naman ito sa college.
Ngayon lang ito naki-bonding sa kanila dahil inuna ang panginginain. Hanggang ngayon nga ay nagpapapak pa ito ng balat ng litson.
"Aba, Maica. Maawa ka naman sa litsong baboy," tukso rito ni Brylle. "Kaunting nguso mo na lang at magkamukha na kayo."
"Ul*l! Mas okay na ang mataba kaysa mukhang butiki na gaya mo," piksi ni Maica.
"Uy, kilala ko iyang irereto mo kay Kuya Ethan, kas. Si Marie na kapatid ng bff mong si Priscilla, 'no?" naiintrigang sabi ni Heidi. "Iyong balikbayan."
Tumango si Maica. "Oo iyon nga. Galing 'yon ng Japan kaya sobrang puti at maganda."
"Naku, h'wag n'yo nang ireto iyon sa pinsan natin. Bukod sa dancer iyon sa club sa Japan, sawsawan pa iyon ng mga kalalakihan dito sa Tayabas simula nang dumating," pagkokontra ni Calix. "Kaya nga hindi ko pinapatos, eh."
Inismiran ni Maica ang pinsan. "Hindi iyon totoo, Kuya Calix. Production worker daw 'yon sa Japan. At chismis lang 'yong marami siyang lalaki dito sa'tin."
"Pero gano'n din ang nabalitaan ko, kas," giit ni Heidi. "Malantod daw iyon."
Ngunit walang balak si Maica na i-give up ang manok nito. "Hindi nga, eh. Mabait kaya si Ate Marie. Hindi maarte kahit matagal na siya sa Japan."
"H'wag na kayong magtalo," saway ni Ethan sa mga pinsan niya. "Alam n'yong hindi naman importante sa'kin ang trabaho o estado sa buhay ng isang babae. Basta pumasa siya sa standard ko, okay ako."
"Swak na swak siya sa panlasa mo, Kuya Ethan. Masipag, mapagmahal sa pamilya, at hindi maarte. Bonus na lang ang pagiging maganda at sexy." Lumiwanag ang mukha ni Maica. "Ano, Kuya? Ise-set ko na ba ang date n'yo?"
"H'wag na muna. Ilang araw lang ako rito sa Tayabas. Hindi ko puwedeng iwan nang matagal ang talyer." May mga pinagkakatiwalaang tao naman sa shop niya si Ethan. Pero mas gusto pa rin niya na personal iyong inaasikaso. "At saka magiging busy ako sa ipapatayo kong bahay."
Tinapik siya ni Allen sa balikat. "Wow. Yayamanin ka na talaga, kas."
"May yayamanin bang bulok ang pick up truck?" aniya at nagtawanan sila.
"Sige na, Kuya Ethan. Ipapakilala na kita bukas kay Ate Marie. Please?" pamimilit ni Maica. "Para hindi ka naman mabagot habang nandito ka sa Tayabas."
Alam ni Ethan na hindi siya tatantanan ng pinsan. Sa kanilang lahat ay ito ang pinakamakulit.
Napakamot na lang siya sa baba. "Sige na nga. Basta siguruhin mo lang na walang sabit iyan, ha. Ayaw ko ng trouble," napipilitang sabi ng binata.
Sa totoo lang, ayaw ni Ethan nang mina-match siya. Gusto niya iyong kusa niyang nagustuhan ang isang babae. Pero naintriga siya sa Marie na sinasabi ni Maica. Siguro dahil taglay umano nito ang mga katangiang hinahanap niya sa isang babae.