Chapter 12

2660 Words
NAYANIG ang buong Faladis at ang lahat ng naninirahan dito ay naalarma nang wala sa oras. Palakas iyon nang palakas at ang ilan ngang may kakayahang lumipad ay sinubukang hanapin ang pinagmulan noon. Doon na nga tumambad sa kanila ang napakalaking usok na nagmumula sa Main City. Ang buong sirena ng Faladis ay tumunog din sapagkat isa itong biglaang emergency para sa lahat. Makikita nga ang paghahanda ng marami. Hindi rin nila malaman kung ano ang nangyayari at ang makapal na usok mula sa gitnang bahagi ng Faladis ay isang napakadelikadong bagay para sa lahat. Hindi kasi makakalabas ang bagay na iyon dito sa loob dahil sa barriers na nakapalibot dito. Mula naman sa isang academy ay makikitang nagmamadaling tumakbo si Flare patungo sa direksyon ng Main City. Nakikita niya ang malaking usok na nagmumula roon at nabalot ang isip niya ng kuryusidad sa nangyayari roon. Naka-alerto ang bawat isa sa loob at naghihintay lang sila ng balita mula sa sentro para malaman nila ang totoong nangyayari. May ilan kasing mga nasa malalayong bahagi na nagsasabing ito na raw ang katapusan ng Faladis. Ito na raw ang signus na nakatakdang mangyari sa kanila. Ito na raw ang extinction ng lahi ng mga tao at hindi na raw nila ito mapipigilan pa. Makikita naman sa loob ng Main City ang nagliliyab na gitnang bahagi nito. Tuluyan na ngang nilamon ng malakas na apoy ang special facility at ito ang dahilan upang magdilim ang paningin ng pitong Eternity na naroon. Hindi pa rin kasi nila nahahanap kung saan nagpunta si Gladius. Marami ring mga mamamayan sa Main City ang nasawi dahil sa apoy ng King of Fire at ang lalong hindi maganda ang magiging dulot ng kumakawalang usok sa paligid. “Sino kaya ang nakapagpainit ng ulo ni Gladius? Walang gumagawa sa kanya noon sa atin dahil alam nating pwedeng mangyari ito,” wika nga ng isa sa Eternity na ngayon ay mabilis na nagpapakawala ng tubig mula sa kanyang enerhiyang kulay asul. Patuloy nga sila sa paglalakad para hanapin ang gumawa nito sa special facility nila. “May ginawa ka ba sa kanya Isaac? Alam ko, lagi kayong parang hindi magkasundo, pero hindi ko akalaing aabot sa ganito si Gladius. Napakamapaminsala pa naman ng kanyang kapangyarihan,” wika naman ng isa sa mga iyon, ang pinakamalaki at ang pinakamatipuno sa kanila na winawasak gamit ang kamao ang bawat harang sa daanan nila. Napakainit man ng atmospera sa paligid, pero parang wala lang ito sa kanila. “Wala akong ginagawa kay Gladius. Alam ko rin namang iba siya kapag nagalit nang tunay. Baka may ibang gumawa nito… Sa pagkakaalala ko, isang Sediment ang kasama niya sa pagpunta rito,” sabi naman ni Isaac na napakuyom bigla ng kamao nang maalala ang bulag na kasama ng King of Fire kanina. “Ang mga researches natin, mukhang naging abo lang kaagad. Hindi ako natutuwa sa ginawang ito ni Gladius… Parang gusto kong igaya siya sa ginawa natin kay Augustus… At bigla ko ring naalala...” wika naman ng isa na nagpapakawala ng malakas na hangin mula sa kanyang katawan para hindi sila madikitan ng apoy at ng init na bumabalot sa paligid. “Ang Time Machine!” wika ng pito na nagmadali na ngang kumilos patungo sa pinaka-importante nilang proyekto sa lugar na ito. Kaso, bago pa man sila makapunta roon ay isang napakalakas na sigaw na lamang ang kanilang narinig mula sa itaas. Napakaliwanag ng paligid nang tingnan nila iyon… Naroon nga si Gladius na nasa anyo ng pagiging apoy nito. Talagang galit na galit ang pakiramdam nito nang sandaling iyon. “Lumabas ka Sediment! Wala akong pakialam kung bulag ka pa! Magpakita ka sa akin! Alam kong buhay ka pang bata ka!” sigaw nito na ikinaseryoso ng pitong kasamahan niya sa Eternity na bigla na lamang sumigaw nang malakas para patigilin ito. “Mukhang ang bulag na Sediment ang may kagagawan ng nangyaring ito,” wika na lamang ni Isaac at ngayon nga ay pinapaikutan na nila si Gladius na nagliliyab ang sarili nang sandaling iyon. “Itigil mo na iyan Gladius! Ano ba ang nangyari sa iyo? Sinira mo lahat ng pinaghirapan natin ng napakaraming taon dahil sa init ng ulo!” bulalas ng Eternity na may kakayahang gumamit ng tubig. “Ilabas ninyo ang bulag na batang iyon… Hindi ko mapapatawad ang isang iyon sa ginawa niya sa akin…” gigil namang winika ni Gladius at napakuyom naman ng kamao si Isaac nang marinig iyon. Dito nga ay isang napakalakas na suntok ang kanyang ginawa sa kasamahan niyang matanda na kasalukuyan pa ring mainit ang bungo. Isang suntok iyon na may kasamang matigas na yelo sa kamao. Kumawala nga ang napakalamig na temperatura sa ere at ang init na nararamdaman nila ay nabawasan dahil doon. “Nasisiraan ka na talaga ng ulo Gladius! Tingnan mo ang ginawa mo sa special facility natin! Nakakalimutan mo na ba ang ating plano? Ang Project Restart? Nasaan na? Wala na! Ngayon, paano pa natin maaayos ang ginawa mo sa Main City? Sa isang kisap ng mata… ganito na. Sabihin mo ngayon sa akin, paano natin ilalabas ang usok na dinulot ng apoy mo?” malakas na wika naman ni Isaac sa harapan ng nanggigigil pa rin na si Gladius. “Hindi na tayo mga bata… Ang ganda-ganda na ng plano natin, tapos ganito ang ginawa mo?” dagdag pa ni Isaac at si Gladius ay unti-unting napatingin sa itsura ng Main City ngayon. “Pero ang ipinagtataka ko… iilan lang ang nakakaalam ng ganitong ugali ni Gladius… Isa pa, kung tagalabas at isang Sediment ang sinasabi mong nagpainit ng ulo mo, parang may mali?” wika pa ng isa sa mga Eternity na napapaikutan ng hangin ang katawan. Napa-isip bigla si Gladius sa bagay na iyon. Bigla na lang ngang nawala ang batang iyon nang mainis na siya. Doon na nga siya lalong napakuyom ang nagliliyab na kamao. “H-hindi kaya… Nilinlang lang ako ng bulag na iyon? Pero saan siya nagpunta?” bulalas nga niya at mula sa ibaba ay nakaramdam na lang sila ng kung anong enerhiya na labis nilang ikinagulat. “Hindi maganda ang kutob ko…” bulalas ni Isaac at sa isang napakabilis na pagkisap ng mata ay naglaho na lang ang Faladis Eternity mula sa ere dahil hindi naging maganda ang kutob nila sa isang bagay na pinaka-importante sa kanila. NAPASERYOSO na nga lang si Saber nang makaramdam siya ng walong napakalalakas na presensya mula sa kanyang likuran. Napahigpit na nga lang lalo ang hawak niya sa isang kulay dilaw na cube na may bilog na liwanag sa gitna. Ito ang nagsisilbing baterya ng Time Machine na ngayon nga ay nasa kinatatayuan nilang siyam sa loob. Ang hinahanap pala niya ay isang malaking silid na may pabilog na hugis. Nasa gitna rin ang bagay na hinahanap niya na napakadali naman niyang nakita. “Wasakin mo lang ang bagay na iyon, at mawawalan na ng bisa ang Time Machine. Hindi rin kasi basta-basta ang energy cube na iyon. Iyon ay ang pinagsama-sama naming mga enerhiya at dahil wala na ako sa kanila, hindi na sila makakagawa niyan muli. Sinubukan ko iyang sirain, kaso, nabigo ako nang maunahan nila ako sa mga plano ko…” Nagliyab nga kaagad ang kamao ni Gladius nang makita ang binatang bulag na hinahanap niya. Balak na nga sana niya itong atakehin, subalit hinawakan siya bigla ng mga kasama niya. “Tumigil ka Gladius! Kung ipagpapatuloy mo pa ang init ng ulo mo… Papaslangin ka namin dito!” seryosong bulalas ng pinakamalaki sa kanila. Kalmado ngang nakatingin ang pitong matandang iyon sa lalaking may hawak sa energy cube. “Bata… Ibigay mo sa akin ang bagay na iyan. Hindi iyan isang bagay na basta mo na lang pwedeng paglaruan,” kalmadong wika ni Isaac na marahang humakbang palapit kay Saber. “Sino ba ang Sediment na ito Gladius at bakit parang may nalalaman siya rito?” wika naman ng isang Eternity na nagpipigil lang din ng sarili kahit gusto na rin niyang paslangin ang lalaking nakatayo sa harapan nila na parang wala lang ang kanilang pagdating. “H-hindi ko alam… Bigla ko na lang siyang nakilala sa Academy sa region ko. Malakas ang isang iyan at hindi siya nakakaramdam ng takot. Kung alam ko lang na ganito ang gagawin niya ay dapat pala’y hindi ko na siya dinala rito,” naiinis na wika pa rin ni Gladius. Hindi niya akalaing maiisahan siya ng isang Sediment, at sa isa pang bulag na tulad nito. “Interesante pala ang isang iyan… Bakit hindi mo na lang pinag-aralan ang kanyang katawan?” sabi naman ng isa na seryosong napatingin sa lalaking iyon. “Iyon na nga ang ginawa ko, kaso, hindi ko nagustuhan ang mga nangyari sa loob ng facility,” wika pa nga ni Gladius na pinipilit na hindi magalit para lang makuha ni Isaac ang hawak ng bulag na iyon. “Papaslangin ko siya pagkatapos nito! Kailangang mapatay ko ang bulag na iyan!” sigaw pa ni Gladius sa sarili at nang makalapit na si Isaac kay Saber ay doon na ito natulala sa mga sumunod na ginawa ng bulag na ito. Natigilan ang lahat ng Eternity at sila nga ay napakuyom ang kamao nang itaas ng lalaki ang hawak nitong cube… at basagin ito sa kanilang harapan na parang wala lang. “Dito na matatapos ang mga plano ninyo… Dito na rin matatapos ang ekstinksyon natin sa mundong ito… Wala nang matitira pa sa atin, dahil ito ang misyon ko…” “Ang wasakin ang Time Machine at ang pasabugin ang planetang ito!” bulalas ni Saber na wala man lang kaemo-emosyon sa mukha ang mababakas. “Ito pala ang silbi ko kaya ako ipinanganak pa sa panahong ito…” sabi pa ni Saber sa sarili at nararamdaman niya ang mabilis na pagbulusok patungo sa kanya ng Faladis Eternity dahil sa kanyang ginawa. Inaasahan na naman niya ito at gaya ng sinabi sa kanya noon ng matandang si Augustus, pasabugin lang niya ang katawan niya… at magiging katapusan na ito ng lahat ng nabubuhay rito sa mundo. “Wala kang dapat ipag-alala sa mga inosente, wala ka ring dapat ikapagsisi, dahil ito na rin naman talaga ang nakatakdang mangyari sa sangkatauhan at sa natitirang buhay dito sa nabubulok nating planeta…” “May nagawa kang mabuti… Ito ang tatandaan mo, Saber.” Nabigla na lamang ang walong Eternity nang bigla na lang nagpakawala ng isang nakakasilaw na liwanag ang binatang aatakehin nila. Napapikit sila at naramdaman na lang nila ang pag-alpas ng napakalakas na kapangyarihan nito. Nayanig nga ang buong Faladis dahil doon at ang lahat ng mga natitirang tao rito ay napaseryoso nang ang lahat ng ilaw sa buong lugar nila ay namatay. Nabalot ng kadiliman ang bahaging iyon ng mundo. Gabi na rin kasi nang mga oras na iyon. “A-ano’ng ginagawa ng bulag na iyan?” bulalas ni Gladius na napatalsik na lamang palayo dahil sa pagkawala ng napakalakas na hangin. Kasunod nga rin noon ay ang patama sa katawan nila ng isang pwersa na nagpabuga sa kanila ng dugo sa hindi malamang dahilan. Napasigaw nga ang walong Eternity dahil doon at halos mawalan sila ng ulira’t dahil parang natutunaw ang kanilang mga balat dahil sa bagay na kumakawala mula sa bulag na binatang hindi nila malaman ang ginagawa. “Paalam…” sambit nga ni Saber, at mula sa kalawakan, makikita nga ang isang maliit na liwanag sa madilim na bahagi ng mundo ang bigla na lang lumaki nang lumaki. Sumabog ang buong Faladis at walang nakaligtas kahit na isa sa mga iyon. Napasigaw na nga lamang ang lahat at hindi nila malaman kung ano na ba talaga ang nangyayari. Wala nga silang ibang matandaan kundi ang napakalakas na pagsabog mula sa Main City na bigla na lang ikinatunaw isa-isa ng mga katawan nila. Labis na sakit din ang dulot noon at walang nakaligtas sa pakiramdam na iyon, mapabata man o matanda. “P-pinasabog niya ang kanyang sarili!” naibulalas na nga lang ni Isaac at doon na nga siya napapikit at nakaramdam ng labis na sakit sa kanyang katawan. Kahit nga napakamakapangyarihan nila ay tila mas nangibabaw ang pagsabog ng binatang si Saber sa mga ito. Ilang sandali pa ang lumipas at doon na nga rin unti-unting nagkalamat ang kabuuan ng patay ng planeta na kung tawagin ay Earth. Ang mga bulkan ay isa-isang sumabog at ang malalakas na hangin ay lumibot na nang lumibot. Ang pagkawasak ng Faladis ang nagbigay ng simula para mag-umpisa nang magunaw ang lugar na iyon. Wala na nga ni isa ang nabubuhay rito nang mga oras na iyon. Lahat sila ay namatay dahil sa napakalakas na pagsabog na ginawa ng binatang si Saber. Nagtagumpay ang kanyang misyon. Natapos na rin ang lahat ng mga tao at ang masamang plano ng Faladis Eternity ay napigilan ng isang bulag. Hindi na ito masusulat sa kasaysayan at lalong hindi na ito malalaman pa ng mga susunod pang henerasyon. Ang mga pangyayaring ito ay ang katapusan at sa paglipas nga ng mga oras, makikita sa kalawakan ang pamumula ng buong planetang Earth dahil sa napipinto na nitong pagkagunaw. Mula sa buwan ay mararamdaman ang pwersang nagmumula roon at mula rin dito ay makikita nga na ang dating pinakamagandang planeta sa solar system, ay tuluyan nang nagunaw dahil sa hindi na nito kinaya ang labis na pagkawasak nito. Isang maliit na liwanag ang makikita mula sa planetang Jupiter. Isang munting liwanag ang kumalat hanggang sa ito ay tuluyan na ngang mawala. Ilang oras pa ang lumipas at makikita na sa orbit ng earth ang napakaraming mga durog na mga tipak ng bato at lupa. Ito na nga ngayon ang nagpatuloy sa sirkulasyon nito sa araw. Naging mga durog na naglalakihang asteroid na lamang ang earth at iyon na nga ang tuluyang tumapos sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa solar system. Napakabilis ng pangyayaring iyon. Parang kanina lang ay masaya pa at excited na nagtungo ang mga estudyante patungo sa kanilang academy. Parang kanina lang ay nagsasanay pa ang mga malalakas na mandirigma ng Faladis para mas lalo silang maging matibay… at parang kanina lang, ang Faladis Eternity ay iniisip pa kung kailan sila makakabalik sa nakaraan upang ang panahong iyon naman ang kanilang pagharian. Napakatahimik na ng kalawakan. Ilang taon pa ang lilipas at baka ang araw naman ang sumunod na maglaho, at magiging dahilan na rin ito ng pagkamatay ng mga planetang umiikot dito. Lahat ng mga narito ay may katapusan… dahil lahat ng bagay na nilikha ng tunay na Lumikha ay may hangganan. ISANG bagong umaga na naman nga ang sumapit at mula sa isang probinsya sa Pilipinas ay makikita ang isang babaeng nasa edad dise-otso ang kasalukuyang tumatakbo patungo sa sakayan dahil male-late na raw siya. Heto nga siya at nag-shortcut na sa pilapil ng palayan na nasa harapan ng bahay nilang matatagpuan sa gitna nito. Mabuti na lamang daw at hindi raw muna niya sinuot ang kanyang sapatos, dahil kung hindi, nagdumi kaagad ito. “Bakit ba kasi nasa gitna ng palayan ang bahay namin?” sabi na lang ng babaeng iyon at sa pagtalon niya papunta sa kabilang pilapil ay napaseryoso na lamang siya nang may makita siyang isang lalaking walang pantaas, na kasalukuyang duguan at nakahiga na parang patay na. “T-teka? A-ano ito?” bulalas niya na napahinto na lamang at kinabahan sa kanyang nasaksihan. “B-bangkay b-ba ito?” garalgal niyang winika at napatakip na lamang siya ng palad sa kanyang bibig dahil sa takot na nararamdaman niya habang pinagmamasdan ang kanyang nakitang tao na walang-malay sa gitna ng palayan. Taong 2022, ito ang kasaluyang taon sa mundo. Ito rin ang mga panahong wala pang nakaka-alam na ang lahi ng mga Mutants ay nag-e-exist sa lugar na ito. Isang malakas na tili na nga lang ang ginawa ng babaeng iyon sa gitna ng palayan at mas lalo siyang natakot nang bigla na lang gumalaw… ang bangkay na kanyang nakita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD