NAKANGITI ngang pinanood ni Gladius ang dalawang tao sa loob ng battle area. Parehong malalaki ang mga ito, at resulta ito ng Gigantification Projects nila. Maraming beses na nilang ginagawa ang ganito sa lugar na ito at ang madalas nilang ginagamit sa mga eksperimento ay ang mga Sediments, o ang mga tao sa Faladis na nasa mababang uri ng pamumuhay. Pwersahan ito, at walang kaalam-alam ang mga nasa labas ng Main City na may ganitong kaganapan sa lugar na tinitirahan nila.
Nayanig na nga lang ang paligid nang magtama ang dalawang malalaking kamao sa loob. Mababakas nga sa hubad na katawan ng dalawang naroon ang iba’t ibang marka ng sugat na dulot ng mga kung ano-anong inilagay sa kanila. Makikita nga rin sa mga mukha nila ang gigil na tila ba mga halimaw na sila kung pagmamasdan.
Kapwa sumigaw ang dalawa sa loob at pagkatapos noon ay mabilis silang naglayo. Makikita nga na naglabas ng bola ng enerhiya ang mga ito at pagkatapos noon ay sabay nilang inatake ang isa’t isa gamit iyon.
Isang napakalakas na pagsabog ang naganap sa loob at isang nakakasilaw na liwanag din ang sumabay roon. Makikita nga sa harang ng battle area ang mga tumalsik na bagay at matapos ang ilang sandali ay makikitang unti-unti nang napapayid ang usok na bumalot sa loob. Doon na nga tumambad ang wasak na kalupaan na kinatatayuan ng dalawang malalaking nilalang na naroon. Kapwa duguan sila sa mga nangyari at pagkatapos noon ay bigla na lamang bumuga ng dugo ang isa sa mga ito.
Bumagsak ang isa at mukhang hindi nakayanan ang pagsabog habang ang isa naman ay parang mawawalan ng balanse nang sandaling iyon. Ilang saglit pa nga ay bigla na lamang natigilan ang natira sa dalawa. Bigla na lamang itong tumayo nang matikas at maayos na lumakad papunta sa isang pinto sa dulo na bigla na lamang lumitaw.
Nasa estado na kasi ang nanalong iyon ng pagkontrol ng isang micro-chip na inilagay sa utak nila. Kaya nila itong mapasunod anumang oras na naisin ng may hawak sa kontrol nito. Sa pagkakataong ito ay nasa pangangalaga ito ng mga pili at pinagkakatiwalaang researchers ng Eternity.
Ang bumagsak namang isa ay kinuha ng mga pumasok na mga nakasuot ng makakapal na kasuotang kulay puti. May dala nga silang isang mahabang stretcher na may gulong at isinakay nila roon ang malaking tao na mukhang namatay na sa pakikipaglaban. Ilang saglit nga rin ang lumipas ay muli ring bumalik sa dati ang kaayusan ng mga nawasak na bagay sa loob ng battle area.
“Mukhang naging maganda na nga talaga ang resulta ng ating Gigantification Project,” nangingiting wika ni Gladius na napatingin naman sa kasama niyang si Saber.
Tahimik nga lang ang binatang bulag nang oras na iyon. Naging successful na kasi ang pagpasok nina Haze at Mad sa monitoring room ng mga cameras sa special facility ng Main City. Ngayon ay mas magiging maayos na ang pagpunta ng dalawa sa kanilang target area na nasa isang underground facility rito.
“Saber, pumasok ka sa loob… May susubukan lang ako,” sabi naman ni Gladius at ang pintong nasa harapan nila ay bigla na lamang bumukas. Wala man lang alinlangang pumasok sa loob ang binatang bulag na iyon.
Si Gladius naman ay napatingin sa kanyang mga researchers at sinabing obserbahan nilang mabuti ang informations na makukuha nila sa lalaking iyon. Susubukan nga niyang labanan ito upang sa ganoon ay mapalabas niya ang totoo nitong lakas. Mas maganda raw na sadyang malakas na indibidwal ang lumaban dito upang ma-detect nila ang totoong power graphics nito na mas makakatulong sa mga balak nilang mangyari.
Pumasok na nga rin ang Eternity sa loob ng battle area at napalunok na lang ng laway ang mga nasa labas na nagbabantay sa mga monitors.
“Malakas nga kaya ang kasama ni panginoong Gladius? Ngayon ko lang uli siya nakitang lalaban sa isa sa mga dinala niya,” wika nga ng isa na busy sa pagpindot sa keyboard na makikita lang sa hangin.
“Tingnan ninyo ang sensors response sa binatang iyon… Normal lang at base rito, isa itong Sediments,” wika naman ng isang nakasalamin na busy sa pagtingin sa mga guhit na lumabas sa screen niya.
“Magpapalipas lang siguro ng oras ang panginoon natin… Ano’ng laban ng isang Sediments sa isang Eternity?” sabi nga ng isa sa mga naroon pa.
Mula nga sa loob ay makikita sa labi ni Gladius ang pagngisi nang makitang nagtatanggal na ng polo ang binatang bulag. Wala talagang kakaba-kaba ito at dito niya malalaman kung hanggang saan ba ang itatapang nito.
“Ako ang lalabanan mo, hindi ka ba natatakot? Gusto ko lang subukan ang kakayahan mo dahil parang may itinatago ka pa talaga na hindi ko nakikita,” wika nga ni Gladius na inalis na rin ang kanyang damit pantaas upang makalaban daw siya nang mabuti. Doon na nga tumambad sa lahat ang matipunong katawan ng matanda. Mukhang alagang-alaga raw nito ang postura nito kahit pa ito ay isa sa pinakamatandang tao sa panahong ito.
“Hindi naman po. Handa na po ako,” wika naman ni Saber na seryoso lang na pinapakiramdaman ang kanyang kaharap na isang Eternity. Naalala nga niya bigla ang sinabi sa kanya ng matandang tumulong sa kanya noon.
“Kaya mong makipagsabayan sa isang Eternity… ang mahirap lang ay kapag pinagtulungan ka nila. Iisa ka at kahit pa gaano kalakas ang kapangyarihan mo ay may limitasyon ito.”
Alam din ni Saber na nais lang ni Gladius na makita nito ang kanyang tunay na lakas. Ang tanong na nga lang niya sa kanyang utak ay kung pagbibigyan niya ito. Napaseryoso na nga lang siya nang makita niya sa kanyang isip ang ginagawa nina Haze at Mad. Mukhang malapit na raw ang mga iyon sa Time Machine. Nasa loob iyon ng isang guwardiyadong lugar at mukhang doon daw mapapalaban ang mga iyon. Isa pa, hindi makita ni Saber kung may tao ba sa loob noon. Tanging ang enerhiya kasing nagmumula lamang sa machine ang kanyang nararamdaman nang mga sandaling iyon.
“Malalim yata ang iniisip mo bata?” bigla ngang winika ni Gladius na nagpahanda naman kaagad kay Saber.
“Ako na siguro ang unang aatake,” sabi nga ni Gladius at doon na nga ito naglaho. Kasunod din nito ay ang pagyanig ng buong katawan ni Saber nang may nagliliyab na kamao ang tumama nang napakabilis sa kanyang sikmura.
Kumawala nga ang pwersang iyon mula sa kamao ng Eternity at ramdam ng binatang bulag ang mainit at masakit na dala noon sa kanyang tiyan.
“Hindi kita mamaliitin,” sabi naman ni Gladius na biglang naglaho nang bigyan din siya ng suntok ni Saber. Iniwasan niya iyon at lumitaw muli sa hindi kalayuan na ngayon nga ay makikitang nagliliyab ang kanyang mga paa.
“Wala talagang kapantay ang isang Eternity,” nasambit na nga lang ng isa sa mga researchers doon at nakita nila ang napakataas na stats ni Gladius.
“Malakas ang suntok niya sa batang iyon, mukhang hindi ito tatagal,” sabi pa ng isa at makikita naman sa isang may edad nang nakaputi ang kaseryosohan.
“Ako ang pinakamatagal dito sa special facility ng Main City… at mukhang hindi basta-basta ang batang isinama rito ng panginoon nating si Gladius,” winika nito na seryosong nakatingin sa stats ni Saber na na-detect sa kanyang monitor.
“P-paano mo naman iyon nasabi?”
“Tingnan ninyo ang batang binigyan niya ng suntok sa sikmura… Nakatayo pa rin siya. Sa pagkakaalala ko, lahat ng kanyang binigyan noon ay bumulagta na lamang,” dagdag pa ng matanda.
“Hindi kaya nagpigil lang ang ating panginoong Gladius?”
“Walang ganoon sa mga Eternity… At alam dapat ninyo iyan. Isa pa, Eternity sila at sila ang pinakamalakas dito sa Faladis,” seryoso pang winika ng matanda at pagkatapos noon ay napatingin na muli sila sa loob ng battle area.
Isang seryosong tingin naman ang binigay ni Gladius sa bulag na binatang kasama niya sa loob. May kaunti siyang pagkagulat dahil hindi niya nagawang pabagsakin ang batang ito gamit ang kanyang kamao. Ngayon lang daw ito nangyari at kung narito ang pito pang mga Eternity at nalaman ito ay baka pinagtawanan siya ng mga iyon.
“Hmm… Kakaiba talaga ang batang ito… Pero dito ko na babasagin ang tapang ng loob mo. Mas magandang ramdam kong natatakot ka sa akin, kaysa hindi. Lahat dapat kayo ay makakaramdam ng takot sa amin dito sa Faladis at hindi ko yata matatanggap na may isang hindi iyon gagawin sa amin,” wika pa nga sa sarili ni Gladius at doon na nga siya naglahong muli. Kumawala ang malakas na hangin sa loob at doon na nga niya binigyan ng umaapoy na suntok muli ang lalaking si Saber.
Isang mainit na hangin ang kumawala at ang apoy sa kamao nito ay bumulusok patungo sa dulo. Napaseryoso na nga lang si Gladius dahil naiwasan iyon ng bulag na si Saber na ngayon ay naka-upo sa hangin habang gumagalaw ang lower body pauna. Mula nga sa ibaba ay bigla na lang bumulusok pataas ang kaliwang kamao nito patungo sa kanyang tagiliran.
Isang napakalakas na pwersa mula sa loob ang na-detect ng monitors ng mga nasa labas at bigla na lamang ding sumabog ang ilang units nila roon nang hindi inaasahan. Pagkatapos nga noon ay makikitang nakatulala ang mga ito sa ginawa ng bulag na lalaki kay Gladius.
Nanlaki ang mata ng King of Fire sa nangyari. Ngayon nga ay makikitang nakabulagta siya sa harapan ng nakatayong si Saber. Isa itong masamang imahe para sa tulad niya at recorded ang nangyaring ito sa kanilang facility. Maaaring makita ito ng iba pang Eternity at baka ang mangyari ay pagtawanan siya ng mga iyon lalo na si Isaac.
Hindi naman tumama sa kanya ang suntok ni Saber, ngunit sa pag-iwas niya ay bigla na lang siyang nawalan ng balanse dahil sa malakas na pwersang dala ng kamao nito.
“Hindi ito maganda…” naibulalas naman ng mga nasa researchers. Napalunok na lamang sila ng laway at sinabi ng pinakamatanda sa mga ito na maghanda sa posibleng hindi magandang mangyari.
“Ihanda ninyo ang mga kapangyarihan ninyo… Hindi ito maganda,” seryosong winika ng matandang researcher at napatanong naman ang ilan sa mga ito.
“A-ano’ng ibig mong sabihin?”
“Magwawala si panginoong Gladius. Ang mga ganitong pangyayari ay hindi matatanggap ng ego ng isang Eternity. Kailanman ay hindi ito mangyayari sa kanila, ang patumbahin ng isang hamak na mababang uri ng tao lamang. Kahit pa interesado siya sa batang iyan… alam kong nagbago na ito dahil sa nangyari,” sagot ng matanda at napatingin na lang sila sa loob nang kumawala ang isang napakalakas na presensya mula kay Gladius.
Napaupo sa bigat ng paligid ang mga nasa labas ng battle area at nakakaramdam din sila ng napaka-init na temperatura rito.
“H-huli na tayo,” sambit ng isa at bumulagta na lang silang lahat dahil sa labis na pwersang nagpabigat sa kanilang mga pakiramdam. Isa itong senyales na hindi na maganda ang mood ni Gladius sa mga sandaling ito.
Nakaramdam ng malakas na pagyanig ang Main City na naging dahilan upang ang mga nasa labas na mamamayan ay maalarma. Ganoon nga rin ang mga Eternity na abala sa mga ginagawa nila sa kani-kanilang mga gusali.
“A-ano’ng nangyayari?” wika naman ni Isaac nang makaramdam ng isang pamilyar na lakas na nagmumula sa loob ng special facility.
“Hindi ako maaaring magkamali, kay Gladius iyon,” sabi pa nga nito at mabilis siyang lumabas ng bahay at lumipad patungo sa entrada ng special facility ng Main City. Makikita nga sa ere nang sandaling iyon ang pitong mga liwanag at sa paglapag ng mga ito sa kanilang destinasyon ay agad na dumapa ang mga bantay roon upang magbigay pugay sa pitong Eternity na ngayon ay papasok na sa loob.
“Ano kaya ang nangyari kay Gladius? Hindi ito pangkaraniwan,” sabi nga ni Isaac at ang anim na kasama nito ay kalmado lang na tumuloy sa loob matapos nilang buksan nang napakabilis ang pinto ng lugar na iyon.
“Wala akong ideya, at mukhang ang pagpunta natin sa kanya ang makakasagot nito,” sabi naman ng isang matandang Eternity na walang kilay at parang bato na napakatigas ang mukha. Ito rin ang pinakamataas at pinakamalapad ang katawan sa pitong dumating.
“Hmm… Ano nga kaya ang nangyari sa isang iyon para magpakawala siya ng ganito kalakas na kapangyarihan? Kailangan natin siyang pigilan dahil baka masira niya ang Main City sa ginagawa niyang ito,” sabi naman ng isang walang buhok na matanda na napaubo pa. Medyo singkit din ang mata nito at makikitang nakasuot pa ito ng pantulog na may disenyo ng panda.
Sa pagpasok nga nila sa loob ay doon na rin dumapa nang sobra ang mga nakakita sa kanilang mga bantay. Ito ay upang magbigay ng napakataas na paggalang sa mga ito. Nakakatakot din kasi ang presensya ng mga ito at kaya nilang burahin sa Faladis ang sinumang tao na naisin nila kung hindi nila ito magugustuhan.
Samantala, harapan naman ng isang malaking pinto ay makikitang nakatayo si Haze at Mad habang pinapagpagan ang mga palad nila. Nasa likuran nga nila ang mga pinabagsak nilang kalaban. Makikita nga na sira-sira na ang mga kasuotan nila dahil hindi rin basta-basta ang kanilang pinagdaanan.
“Paano natin bubuksan ito?” tanong ni Mad.
“Sirain natin,” sabi naman ni Haze at doon na nga niya binigyan ang bagay na iyon ng isang napakalakas na suntok na nagpatalsik sa kanya palayo.
“A-ano’ng nangyari?” bulalas ng lalaki na napatingin naman sa kasama nitong si Mad.
“Gaya ng inaasahan… Hindi ito basta-basta mabubuksan. Si Saber ang kailangan natin dito,” wika naman ni Mad na napaseryoso na lang dahil sa pagkawala ng isang napakalakas na kapangyarihan mula sa itaas nila. Isa pang ikinaseryoso nila ay nakaramdam pa sila ng isa pang grupo ng napakalalakas na indibidwal mula sa hindi kalayuan.
“Hindi ito maganda Haze…”
“Oo nga… Pwedeng mabulilyaso ang plano natin,” sabi naman ni Mad na tumayo na mula sa pagkakaupo.
“Ano na ang gagawin namin Saber?” tanong na nga lang ni Mad sa kanyang sarili at inisip niya kung kumusta na kaya ang kaibigan niyang kasalukuyang kasama ng isa sa Eternity.
SAMANTALA, makikita nga sa loob ng battle area ang nagliliyab na katawan ng galit na galit na si Gladius. Nangyari lang ito dahil sa hindi niya matanggap sa nagawa sa kanya ng isang Sediment na kasama niya. Walang sinuman daw kasi ang pwedeng gumawa sa kanya ng ganoong bagay. Ni minsan ay hindi niya naisip na mapapabagsak siya sa harapan ng mas mababang uri ng tao sa kanya.
“Kami ang pinakamalakas. Kami ang dapat na sinasamba. Kami ang batas. Kami ang tinitingala…” seryosong winika ni Gladius sa nakatayong si Saber na ngayon ay wala pa ring emosyong makikita sa mukha nito.
Napaka-init na rin ng paligid at ang ilang bagay sa loob ay unti-unti nang natutunaw. Ang mga researchers nga roon ay pinipilit na gumapang palayo kahit pa binabaon sila nang matindi ng pwersang pinakawalan ng isang Eternity.
“H-hindi ko akalaing ganito ang mangyayari… Pwedeng mawasak ni panginoong Gladius ang buong lugar kapag nagpatuloy ito. S-sana lang ay dumating ang iba pang Eternity para matigil na ito… P-pwedeng maapektuhan ng galit ni Gladius ang mga researches na matagal na nating ginagawa lalo na ang mga plano nilang ilang taon nang ginagawa rito,” sabi na nga lang ng matandang researcher na sinusubukan pang protektahan ang kanyang sarili gamit ang kanyang kapangyarihan.
Nakita nga ni Gladius na kahit sa kanyang estado ngayon ay hindi pa rin natatakot ang batang bulag na ito. Ni hindi man lang daw ito natumba o bumulagta sa lakas ng pinapakawalan niyang presensya. Ito nga ang naging dahilan kaya mas lalo siyang nag-init. Kumuyom nga ang kamao nito at doon na nga siya bumulusok patungo sa bulag na si Saber.
Kumawala ang napakalaking apoy sa loob at isang nakakatakot na imahe ng apoy ang humulma mula rito. Si Saber naman ay agad na inihanda ang kanyang sarili dahil hindi na ito basta-bastang laban. Nagawa nga niyang galitin si Gladius at nasa plano rin niya ito, at ng matandang tumulong sa kanya noon.
“Si Gladius ang pinakang walang kontrol sa kanyang emosyon. Kaya niyang magtimpi, pero kailangan mo siyang pakitaan ng bagay na ikakasama ng dating sa kanya. Ang kailangan mo lang ay iparamdam mo sa kanya na wala kang kinatatakutan, kahit isa pa siyang Eternity. Sa ganoong paraan, pwede niyang mawasak ang special facility. Kung sakali kasing hindi mo mapasok kaagad ang kinalalagyan ng Time Machine, hayaan mong ang apoy niya ang gumawa noon. Kaya nitong pasubugin ang buong lugar sa isang iglap. Iyon ay dahil sa tindi ng inis niya na malaki ang epekto sa kapangyarihan niyang apoy.”
“Kung malagay ka sa alanganing sitwasyon kapag nangyari iyon… takasan mo siya, at doon na lalong sasabog ang init ng kanyang ulo…”
Inatake nga ni Gladius si Saber nang napakabilis, ngunit sa isang kisap ng mata ay bigla na lamang itong naglaho na ikinagalit na nga lalo ng King of Fire. Lumitaw nga ang bulag na binata sa harapan ng makapal na pinto ng Time Machine. Kasabay nga rin noon ay ang paglalaho ng ilusyon niyang sina Mad at Haze.
“Narito pala ang kailangan kong wasakin,” wika nga ni Saber na marahang hinawakan ang pinto noon. Pagkatapos nga ay buong lakas niya itong itinulak at sa tindi ng pwersang kumawala sa kanya ay tuluyan na nga niyang nawasak ang entradang iyon. Kasunod nga rin noon ay ang pagyanig ng paligid at ang pagkawala ng isang napakalakas na pagsabog sa Main City na ikinaalarma ng lahat ng mamamayan ng Faladis.