PINA-ASIKASO na nga ni Gladius ang bangkay ng dalawa niyang anak sa mga alagad niya, at mukhang wala itong pakialam sa nangyaring iyon. Ngayon nga ay makikitang may maliit na ngiti sa labi ang Eternity na ito nang lumapit sa kanya si Saber na tahimik lang na lumabas mula sa battle area. Binati niya ito at matapos nga iyon ay inilibot ng matanda ang kanyang bagong paboritong bisita sa kabuuan ng kanyang gusali. Kahit wala namang nakikita ang binata ay ginawa pa rin ito ni Gladius dahil sa interes na nararamdaman niya rito.
Matapos nga rin iyon ay pinaghanda niya ng napakasasarap na pagkain ang mga alagad niya para kay Saber. Makikita nga sa isang malaking lamesa ang mamahaling klase ng mga luto na tanging ang ma-impluwensya at malalakas na indibidwal na lamang ang nakakaranas dito sa Faladis. Kumain nga si Saber at kahit sarap na sarap siya sa bawat pagkaing sinusubo niya ay hindi naman mababakas sa mukha nito ang kasiyahan na pasimple namang inobserbahan ng kasama niyang si Gladius.
Sila nga lang dalawa ang naroon.
“Ganado siyang kumain at mukhang ngayon lang siya nakatikim ng ganitong mga pagkain… Isa nga talaga siyang Sediments kung ang kilos niya sa mga ganitong bagay ang aking pagmamasdan. Hmmm. Pero bakit wala man lang akong makitang reaksyon sa mukha niya? Ni hindi ko siya makitang masaya ang labi sa pagkain. Wala ba talagang emosyon ang bulag na ito?” tanong na nga lang ni Gladius sa sarili na kalmadong humigop ng soup sa pamamagitan ng gamit niyang gintong kutsara na nasa kanyang harapan.
Habang tahimik nga siyang kumakain ay bigla na lang umilaw ang mobile phone na nasa gilid niya. Binuksan niya ang screen nito at lumitaw sa tapat noon ang isang hologram ng kanyang alagad.
“Mahal na panginoong Gladius, mayroon po kayong bisita ngayon,” wika noon at napaseryoso naman ang King of Fire. Wala kasi siyang maisip na schedule sa araw na ito, at mukhang may kutob na siya kung sino ang pwedeng gumambala sa kanya nang ganito. Maaring isa rin ito sa mga kasamahan niya sa Faladis Eternity.
“Pero wala naman kaming schedule na pag-uusap…” sabi pa ni Gladius sa sarili at napatingin siya sa hologram ng kanyang alagad. Pinunasan niya na nga ang kanyang labi gamit ang isang puting panyong nasa gilid niya at doon na nga siya naglaho.
Si Saber naman ay tahimik lang na nagpapatuloy sa pagkain na ngayon lang niya natikman. Naramdaman nga niya ang pagkawala ni Gladius sa loob ng silid at mula sa ibaba ng gusaling ito ay nakakaramdam pa siya ng isa pang kawangis ng presensya ng Eternity na kumuha sa kanya. Matapos nga niyang lunukin ang pagkaing nasa loob ng kanyang bibig ay sumeryoso siya. Nagtagumpay na nga siya sa kanyang unang mga plano at base sa sinabi sa kanya noon ng matandang tumulong sa kanya…
“Dadalhin ka nila sa special facility para pag-aralan… at sa lugar ding iyon matatagpuan ang kinalalagyan ng Time Machine. Mararamdaman mo na lang iyon sa oras na madala ka nila roon.”
“Doon mo na gagamitin ang ilan sa mga abilidad na mayroon ka para hanapin kung nasaan iyon. Hindi mo iyon masisira gamit ang anumang kapangyarihan. Ang tangi mo lang gagawin para mawasak ang machine ay…”
Uminom na nga si Saber ng tubig at sandaling sumandal sa kanyang kinauupuan. Ramdam niya ang kanyang pagkabusog, pero wala pa rin siyang pakialam dito. May mga lakas man na nawala sa kanya matapos ang ginawa niya kanina, ang pagkain naman ang pinakamabisang paraan para maibalik ang mga iyon sa kanya.
Mula naman sa ibaba ng gusali ay mabilis na nagyukuan ang mga alagad ni Gladius sa biglaan niyang paglitaw mula sa kung saan. Nilampasan nga ng Eternity na ito ang mga iyon at lumabas ng kanyang gusali upang puntahan ang bisita niya.
Tumambad nga sa kanya ang isang matandang nakasuot ng military dress na kulay sky blue. Matanda na rin ito at may kahabaan ang balbas na umabot na sa may tiyan nito. Kulay asul nga ang mata nito at nang makita nito ang paglabas ni Gladius ay sumeryoso ang titig nito rito.
“Ano ang kailangan mo Isaac?” nakangising wika ni Gladius dito at sa paghaharap ng dalawa ay kumawala ang malakas nilang enerhiya na nagpakaba sa lahat ng mga indibidwal na nasa paligid.
Hinawakan naman ng bisita niya ang balbas nito at pinasadahan siya ng tingin. “Nabalitaan ko na may bago ka raw dala rito mula sa region mo… Malakas ba siya?” nakangising tanong ni Isaac at si Gladius naman ay napatawa na lamang.
Iisa lang ang mithiin ng Faladis Eternity, subalit kapag hindi iyon ang kanilang pinag-uusapan ay nagkakaroon ng kompetensya ang walong ito, lalo na sa mga mandirigmang kanilang hawak na nakukuha nila mula sa mga region na nasasakupan nila.
“Kailan ba ako nagdala ng mahina sa Main City?” pasaring naman ni Gladius at tinawanan naman siya ng matandang si Isaac na makikitang sumulyap pa sa gusaling nasa kanilang harapan.
“Hmmm… Wala akong maramdamang malakas na inidibidwal sa loob ng bahay mo. Kaya hindi ko masabi kung sadya bang may nakuha ka ngang interesanteng nilalang mula sa region mo,” ani nga ni Isaac na pinagmasdan nang mata sa mata si Gladius.
Isang mahinang tawa naman ang tugon ng King of Fire sa kaharap niyang binasagang King of Ice ng Faladis Eternity. Si Isaac din ay ang palaging karibal ni Gladius sa palakasan dahil may counter ability kasing taglay ang kaharap niyang ito sa kanyang kakayahan.
“Gusto mo bang sabihin ko sa iyo ang kanyang ginawa?” ani naman ni Gladius na makikita sa mata ang pagyayabang nang oras na iyon.
“Sige, ano iyon?” tanong naman ni Isaac na tila pinag-iisip ng kaharap niya.
“Pinaslang ng dinala ko ritong binata sina Sato at Hram…” mahinang wika ni Gladius na sandaling nagpatahimik kay Isaac na unti-unti ring napangisi dahil doon.
“Gusto ko iyan… Baka gusto mong iharap iyan sa paborito kong alagad ngayon na hawak ko?” suhestyon naman ni Isaac na inilingan kaagad ni Gladius.
“Hindi muna sa ngayon… may mga bagay muna kasi akong gustong gawin sa bata ko… Huwag kang mag-alala dahil malalaman din naman ninyo ito kapag nagtagumpay ako.”
Parang napa-isip tuloy bigla si Isaac sa sinabi ni Gladius. Nagkatinginan nga ang dalawa at makalipas ang ilang segundong pagtahimik ay napatawa na lamang sila.
“Mapapakinabangan ba natin iyan kapag nakarating na tayo sa nakaraan?” tanong ni Isaac.
“Malaki ang magiging pakinabang natin… Mas lalakas pa tayo… Pero ako muna,” sabi pa ni Gladius at sumama saglit ang tingin ni Isaac sa kanya nang marinig iyon.
“Baka naman gayahin mo ang ginawa ni Augustus sa atin noon? Itigil mo na dahil hindi na iyon mauulit,” biglang sabi ni Isaac at sumama nga rin ang tingin ni Gladius dito nang marinig iyon.
Itinulak nga ni Gladius si Isaac at kumawala kaagad ang malakas na pwersa mula roon. Parang nagkaroon ng galit ang King of Fire nang marinig ang pangalang binanggit ni King of Ice.
“Kailanman ay hindi ko gagawin ang katangahang ginawa ng isang iyon… Alam mo namang iisa lang ang hangarin natin kaya ginawa natin ang Project Restart,” sabi nga ni Gladius sa nagdidilim na tingin ng kaharap niya.
“Sige, balitaan mo na lang kami… Umiigsi na ang oras natin… Nakakakita na ang mga researchers natin na anumang oras ay pwedeng magkaroon ng malakas na lindol sa planetang ito at hindi na iyon kakayanin ng shock absorber ng Faladis…” seryosong wika pa nga ni Isaac at doon ay mararamdaman ang pagbigat ng atmospera sa paligid. May mga nalalaman kasi ang Faladis Eternity na hindi alam ng mga naninirahan dito sa lugar na ito.
“Kailangan nating magkaroon ng malakas na kapangyarihan sa pagpunta natin sa nakaraan… Dahil kung hindi, baka hindi natin magawang talunin ang mga Mutants para kuhanin muli ang mga dugo nila,” dagdag pa ni Isaac at nagpaalam na nga ito kay Gladius. Kumalma na rin nga ang harapan ng gusali ng King of Fire sa paglipad pataas ng bisita nito.
Malalakas ang mga Mutants at kung hindi nila nautakan ang mga iyon noon ay baka hindi sila naging Faladis Eternity. Unang-una nga nilang kailangang makita sa lahing iyon ay ang pinuno nilang may kakayahang mabasa ang kanilang utak, dahil tiyak na malalaman nito ang kanilang mga ginawa noon. Kung paano nila pinangunahan ang paglipol sa lahi nila para lang sa intensyon nilang maging pinakamalakas na mga nilalang sa mundo.
Pumasok na nga sa loob ng gusali si Gladius at mabilis na naglaho sa paningin ng kanyang mga alagad na nagyukuan pa sa kanya.
Wala namang ibang ginawa si Gladius matapos ang pagkamatay ng kanyang dalawang anak. Dito nga ay pumunta muna siya sa kanyang researchers upang panoorin ang ginawa ni Saber sa pakikipaglaban nito. Binigyan nga muna niya ng isang magandang kwarto ang binatang bulag na kompleto ang kagamitan. Sinabi niya rito na pindutin lang ang switch na nasa pinto kung kailangan niya ng assistant.
Sa pagkakataon ngang ito ay ang pag-aaral muna sa batang iyon ang kanyang gagawin. Habang pinapanood nga niya ang klase ng pakikipaglaban ni Saber ay hindi niya maiwasang mamangha sa accuracy at ganda ng galawan nito. Kung isa itong Sediments, ay paano raw ito natuto ng ganitong klase ng pakikipaglaban? Sa totoo lang ay ganito ring kumilos ang Eternity. Bibihira silang matamaan ng mga simpleng atake at magmula nang maging pinakamalakas sila ay walang ibang nakakatama sa kanila kundi sila-sila rin lang kapag sila ay nagsasanay. Ibang level kasi ng pakikipaglaban ang taglay nila na pinalakas pa lalo ng kanilang mga superhumans ability na ilang dekada na nilang gamit.
Kahit nga ang mga bagong henerasyon at kahit anong klaseng pag-aaral ang ginawa nila ay sadyang wala silang malikha na kaya silang tapatan. Pabor din naman sa kanila ito dahil baka raw magkaroon ng pag-aaklas kung sakali mang may mga lumitaw na kaya silang tapatan pagdating sa pakikipaglaban.
“Ito siguro ay dahil sa hindi naman kami nagkaroon ng kapangyarihan dahil sa pagtuturok ng dugo ng mga Mutants… Ito ay dahil sa naiiba ang proseso na ginawa sa amin at ang paraang iyon ay tanging mga totoong Mutants lang ang makakagawa,” sabi nga ni Gladius sa sarili habang pinagmamasdan ang mga infographics ni Saber sa malaking monitor na nasa laboratoryo niya.
May mga ilang mabibilis na segundo lang talaga na nagkakaroon ng biglaang pagtaas ng lebel si Saber at ito ang ikinaseseryoso ni Gladius. Wala pa raw kasing nakakagawa noon at kapag silang mga Eternity naman ang susukatin sa mga ganitong paraan ay hindi naman daw ganito kabilis na bumabalik sa dati ang kanilang mga antas ng lakas.
Pinagpatuloy pa nga niya ang paulit-ulit na pag-play ng mga galawan ni Saber at kahit ilang beses na niyang nakita, ay pakiramdam niya ay nagiging pamilyar sa kanya ang kilos nito. Parang may kung ano sa utak niya ang nagsasabi na may kakilala siyang ganito gumalaw at makipaglaban.
Lalo na nga ang ginawa nitong sabay na sipa sa ulo nina Sato at Hram mula sa ere.
Pinatay na nga ni Gladius ang monitor na nasa harapan niya at tumayo na mula sa kanyang pwesto. Iniwanan na nga niya ang mga researchers niyang abalang-abala sa mga kanyang pinapagawa. Sa paglabas nga niya sa silid na iyon ay bigla na lamang siyang naglaho at lumitaw siya sa itaas ng kanyang gusali, sa rooftop.
Sinalubong nga kaagad siya ng malakas na hangin mula roon at pinagmasdan ang gitnang bahagi ng siyudad. Dito ay makikita ang isang bilog na gusali na tila isang nakataob na kung ano. Nasa loob nito ang kanilang special facility para sa mga lihim nilang pagsasaliksik. Naroon din sa lugar na iyon ang kanilang Time Machine na kailangan na nilang makompleto. Napatingin pa nga si Gladius sa malayo at alam niyang iisa sila nang nararamdaman ng mga kasamahan niya sa Eternity.
“Nalalabi na ang oras ng mundong ito. Baka hindi na ito tumagal ng isang taon…” Napatingin pa nga siya sa kalangitan at kung wala ang makakapal na barriers laban sa araw ay baka wasak na ang Faladis dahil sa napakatinding init mula rito.
“Kailangan na naming makabalik sa nakaraan… Para doon na namin gawin ang mas maganda naming plano,” sabi pa nga ni Gladius at napatawa pa siya dahil mas magiging maganda ang magagawa nilang paghahari roon dahil sa kaalamang dala nila. Idagdag pa nga rin ang advanced technology na alam ng mga alagad nila. Mabilis daw silang makakagawa ng bagong Faladis doon dahil sa napakaraming resources at lahat ng taong naroon ay kokontrolin nila nang naaayon sa kanilang kagustuhan.
Wala silang ibang hangad kundi ang manatiling parang diyos sa marami. Hangga’t silang walo raw ang pinakamalakas ay walang sinuman ang makakapigil sa lahat ng mga magiging plano nila. Umihip nga ang malakas na hangin at ang matandang si Gladius ay napangiti pa dahil kung mapupunta siya sa kanyang batang katawan sa nakaraan ay mas lalo na siyang magiging masaya.
Ang pagkabata muli ay makukuha nila at paulit-ulit daw nilang gagawin iyon, babalik sila sa nakaraan upang habang-buhay silang maghari at maging walang hanggan ang kanilang pagiging malakas sa mundong ito.
Napatawa na nga lang si Gladius sa mga naiisip niyang iyon. Para nga siyang nababaliw nang oras na iyon at mararamdaman pa nga mula sa katawan niya ang pagkawala ng kaunting enerhiya dahil sa kanyang kagalakan. Subalit nang mapatingin siya sa kanyang tabi ay nabigla siya dahil hindi pala siya nag-iisa rito.
Nakita niya si Saber na nakatayo habang nakapatong ang mga braso sa harang ng rooftop. Nakatayo ito nang paharap sa gitna ng Main City na tila ba nakakakita.
“Kailan pa naarating dito ang isang ito?” tanong ni Gladius sa sarili dahil hindi man lang daw niya ito naramdaman.
Ang kanya ngang ngisi sa labi ay dahan-dahang naglaho at napatingin siya sa bulag na kasama niya. Sandali rin siyang napatingin sa bubog na pinto ng rooftop at bakit hindi raw niya narinig na bumukas iyon?
“Huwag mong sabihing kaya mo ring lumitaw sa mga lugar na nais mo gamit lang ang isip?” tanong nga bigla ni Gladius sa sarili na tila naguguluhan na naman sa biglaang kaganapang ito.
“Kanina ka pa ba rito Saber?” tanong ni Gladius at ilang segundo munang hindi umimik ang binata na tila ba walang pakialam kung ang nagtanong sa kanya ay isa sa Eternity.
“Kararating ko lang po, mahal na Eternity,” sumagot na nga ang binata na seryoso lang na nakaharap sa gitna ng siyudad. “Naisipan ko lang pong magpahangin sandali.”
Mababakas sa itsura ni Gladius ang pagtataka sa mga nangyari at napatingin nga siya sa camera na naka-install sa rooftop. Dito ay naisipan niyang i-check ito mamaya upang makita kung paano biglang narito na ang bulag na kasama niya.
Bilang isang Eternity, ay nagagawa nilang maramdaman kaagad kung may paparating na kung sino, lalo na nga ang mga Sediments na napa-common ng presensya para sa kanila. Walang sinumang kalaban din nga ang nakakalusot sa kanila at kung hindi nila ito mararamdaman ay may posibilidad na maatake sila nito nang hindi nila namamalayan.
At ni minsan ay walang ganoon na nangyayari sa tagal na ng buhay nila rito sa mundo.
Dahil nga sa nangyaring ito ay muli na namang napa-isip si Gladius sa ginawa ng binatang ito. Parang napakarami pa raw yata itong magagawa na magpapabigla sa kanya. Paano pa raw kaya kung nakita ito ni Isaac? At paano pa kapag nakita na rin ito ng iba pa niyang kasamahan?
“Kakaibang inidibidwal… Baka ito na nga ang magbibigay sa amin ng mas malakas na kapangyarihan para magtagumpay kami paglipol muli sa lahi ng Mutants sa nakaraan…”
“Kailangang mapag-aralan ko na kaagad ang isang ito sa lalong madaling panahon.”
“Saber, sumama ka sa akin mamaya. May pupuntahan tayo,” nakangising winika nga ni Gladius habang nakatingin sa kasama niyang bulag na wala man lang anumang emosyon na ipinakita sa kanya.
“Sige po,” normal na tugon na nga lang ni Saber sa sinabing iyon ng kanyang kasama.