ISANG bagong umaga na naman sa loob ng Faladis ang dumating. Sa isang lugar dito na may pangalang Santuaro ay makikitang ang paggalaw ng ilang mga estudyante na tila pupunta sa isang paaralan. Naglalakad ang mga ito na nakasuot ng unipormeng kulay asul na may marka ng Faladis. Isang grupo nga na may dalawang lalaki at dalawang babae ang makikitang seryosong binabaybay ang pahabang daanan na ang tabi ay natataniman ng mga magagandang bulaklak.
Masayang nagkukwentuhan ang dalawang babae na ang isa ay itim ang buhok habang ang isa naman ay maikli at kulay asul. Nasa likuran naman nito ang dalawang lalaki na nakapamulsa at may nginunguya na kung ano sa kanilang mga bibig. Ito ang unang araw ng klase sa lugar na iyon kaya maraming mga kabataan na naman ang papasok sa paaralan. Isa itong paaralan para magsanay ng kapangyarihan, ang Faladis Academy 1. Isa lang ito sa walong paaralan sa kabuuan at ang nasa Santuaro ang isa sa mga magagaling na eskwelahang nagbibigay ng malakas na mandirigma para sa Main City.
Sa paglalakad ng apat ay mapapatingin sila sa isang estudyanteng nakayuko na naglalakad papunta sa paaralan. Marumi ang uniporme nitong tingnan at halatang luma kumpara sa iba. Ang dala nitong bag ay makikitang hindi rin maganda at tila alam na nila ang dahilan nito. Isa itong anak ng nasa mababang uri ng tao sa loob. Ito ay ang mga Sediments kung tawagin ng mga Highers o ang mga mayayaman at malalakas na tao rito.
“Kita mo nga naman. May Sediments pa palang maglalakas-loob na pumasok ng school?” sabi ng isa sa lalaking nasa grupo. Matangkad ito at ang gupit ay katulad ng mga nasa hukbo ng Faladis na kung tawagin ay Military Cut.
“Hoy!” tawag niya sa lalaki. Hindi naman siya pinansin noon na mas nagpatuloy pa sa paglalakad na parang walang naririnig. Makikitang lubog ang mga mata nito at parang puyat ang itsura.
“Hindi ka pinapansin,” sabi naman ng babae at doon na napatuon ang pansin ng mga estudyanteng naglalakad malapit sa kanila.
“Hoy! Sediments! Tinatawag ka ng isang Higher!” bulalas ng lalaki na mabilis na hinila ang bag na dala ng binata. Sa paghila nga niya ay naputol ang tali noon at dahil doon kaya nalaglag ang laman noong ilang lumang gadget na ginagamit sa pag-aaral.
Napatingin sa kanya ang lalaki at pinagmasdan lang siya nito nang parang wala lang. Nang makita nga ito ng lalaki ay itinulak naman niya ito dahilan upang magdiretso ito sa mga halaman sa tabi ng daanan.
Napaupo ang walang kalaban-labang estudyante at tinawanan naman ng mga nasa paligid niya dahil karamihan sa mga ito ay mga Highers.
Naglakad pa nga ang lalaki sa harapan nito at biglang pumitik sa hangin, at doon ay nagulat ang lahat nang lumiyab ang kamay nito. Isang elemental user ito, at ang pagkakaalam nila ay ang mga nasa Faladis Eternity lang ang may ganoon kakayahan.
Napangiti naman ang mga kasama ng lalaking iyon nang magpalabas na ng apoy ang kanilang kasamahan.
“Huwag mo siyang papatayin Flare!” bulalas ng isang lalaki na nakapamulsa habang nakatingin sa nakabulagtang Sediments. Ang dalawa namang babae na kasama nila ay nagtawanan habang pinagmamasdan ang napagdeskitihang estudyante.
“Kailanman ay hindi ko magagawa ang pumatay Finz, at alam mo iyan. Ang nais ko lang mangyari ay kilalanin ako ng isang ito,” sabi ni Flare at sumiklab ang kanyang apoy na mabilis na kinuha ang lalaking nakabulagta gamit ang hindi nito nag-aapoy na kamay.
“Sa mga narito nga pala… Nais kong ipaalam sa inyo na ako ang anak ni Sir Gladius… Kilala naman ninyo siguro siya?” bulalas pa ni Flare at kilala ito ng marami, ito ang pinuno sa Santuaro at sinasabing isang libong taong gulang ng nabubuhay sa mundong ito. Si Gladius ay isa rin sa Faladis Eternity at siya ang pinuno nilang gumagamit ng elementong apoy bilang kapangyarihan.
“Ang mga kasama ko sa tabi ko ay dapat din ninyong bigyang pagkilala dahil mga kaibigan ko sila. Ayaw na ayaw kong may mga kokontra sa inyo sa mga nais ko. Bilang pinakamalakas sa paaralan dito… Gusto kong maging bukas kayo sa anumang hilingin ko. Tandaan ninyo, anumang pagtanggi mula sa inyo, mula sa gusto ko ay alam na ninyo ang pwede ninyong kalagyan,” nakatawang winika ni Flare at ang apoy sa kabila niyang kamay ay inihawak niya sa uniporme ng lalaking napagdeskitahan niya.
Nabigla ang walang labang lalaki nang makitang nasusunog ang kanyang damit. Nagpumiglas siya dahil ayaw niyang masira iyon. Ito ay ginawa pa ng kanyang mahal na ina dahil sa pangarap niyang makapag-aral sa eskwela sa pagpatak sa edad na labing-walo, ang edad na maari na silang mag-aral.
“Ito na ang susuotin mo Haze,” masayang winika ng kanyang ina na kahit hindi niya kadugo ay inaruga siya na parang tunay na anak. Sila ay mga magsasaka ng palay at sila ang nagtatrabaho para sa Santuaro para sa magandang supply ng pagkain dito.
“Ang kasuotan ko. Ang uniporme ko!” bulalas ng lalaki at pinagtawanan naman siya ni Flare. Itinulak siya nito at sinipa pa sa harapan ng marami.
Nagpagulong-gulong naman ang binata sa sementong daanan para patayin ang apoy at ang eksenang iyon ay pinagtawanan pa lalo ng mga Highers. Ang mga nanonood sa kanila ay dumami pa nang dumami at maririnig ang mga hindi totoong pagkaawa sa estudyanteng napag-initan ng grupo ni Flare, dahil ang totoo, sa loob ng Faladis ay mababa ang tingin ng marami sa mga Sediments.
Umupo na nga si Flare gamit ang mga paa sa harapan ng lalaki na mabilis namang pinapagpagan ang uniporme na nagdumi na at nagkaroon pa ng mga sira dahil sa apoy. “Nakakaawa ka naman. Ano ba ang ginagawa mo rito sa paaralan? Dapat ay nagbubukid ka na lang. Ano na ang kakainin namin dito kung papasok ka?” paawang sinabi ni Flare at ang marami ay sinang-ayunan ito.
“Bumalik ka na sa bukirin para mag-ani ng aming kakainin!” bulalas ng iba at nang marinig iyon ni Flare ay hinila niya ang binata palapit sa kanya.
“Inuutusan kita… Umalis ka na sa lugar na ito!” Tinitigan pa ni Flare sa mata ang lalaking natatabunan pa ng buhok ang kaputol ng mata dahil mahaba at magulo na iyong tingnan.
Nais na nga sanang magsalita ng kawawang lalaki, kaso biglang tumigil ang lahat ng mga nasa paligid sa kanilang paggalaw. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay tila huminto ang oras sa lugar na iyon. Sa gitna ng kaguluhan ay makikitang naglalakad nang kalmado ang isang naka-unipormeng lalaki na may magandang suklay ang buhok at may tamang katawan para sa isang kabataan. Hindi ganoong kabilog ang mata nito at mabilis nga itong lumingon sa direksyon ng Sediments na pinagkakaguluhan ng mga Highers.
Nagtagpo ang mata ng dalawa at ang lalaking luma ang uniporme ay gumalaw at tumayo mula sa pagkakaupo sa semento. Hindi nga ito naaapektuhan ng kapangyarihang bumabalot sa paligid. Pinagpagan nga niya ang kanyang katawan at kasuotan, pagkatapos ay mabilis na niyang kinuha ang gamit. Sinabayan niya sa paglakad ang dumating na estudyante at sa paglalapit nila ay dito na gumana ang abilidad ng tila kinawawang lalaki kanina.
“Pupunta raw si Gladius dito mamaya,” sabi sa isip ng lalaking marumi ang uniporme sa kasama nitong tila isang Higher. Ito ang kanyang kapangyarihan, ang makipag-usap gamit ang isip.
“Kung ganoon, kailangan na nating kumilos. Kailangan na nating makapasok sa loob ng Main City. Narinig ko ring ang Time Machine ay malapit na malapit nang matapos!” sabi naman ng lalaki nitong kasama na sinuot na ang kanyang dalang sunglasses. Nang makalayo na nga sila mula sa mga nag-umpukang estudyante ay doon na nagsitumbahan ang mga iyon dahil sa pagbabalik ng kanilang mga paggalaw. Gulat na gulat ang mga ito at hindi malaman kung ano ang nangyari.
“Kailangan na nating sirain ang Time Machine na iyon… Dahil iyon ang misyon natin.”
“Nasaan na ba si Saber?” tanong naman ng lalaking maganda ang suot sa kasama nito. Nagpatuloy pa ang pag-uusap nila sa isip at nakarating na nga sila sa gusali ng paaralang papasukan nila.