Chapter 1

2638 Words
“President, hinahanap ka sa faculty room.” Hindi pa man nakauupo si Corinne sa kaniyang silya ay may bago na naman siyang gagawin. Napabuntonghininga na lang siya bago tumayo at nagtungo sa faculty room. Nadatnan niya sa loob na masayang naghuhuntahan ang mga guro dahil na rin sa malapit na ang uwian. Ang ilan sa kanila ay nakasalubong na niya kanina sa may pinto at papaalis na. Samantalang ang kanilang adviser naman ay tinawag siya. Naglakad siya palapit sa cubicle nito bago binati ang guro. “Tinawag niyo raw po ako, Ma’am Lopez?” “Tapos ko nang check-an ang mga papel na ‘to.” Inabot nito ang isang bungkos ng papel sa kaniya. “Ibalik mo na ‘yan sa mga kaklase mo.” Kinuha lang ni Corinne ang mga papel. Gusto na lang niyang maibalik ang mga papel para makakain na siya ng tanghalian. Alas kwarto na mahigit pero hindi pa rin siya nagtatanghalian dahil sa dami ng ginawa niya kanina. “Ikaw ulit ang may pinakamataas na grado. Congrats! Keep it up.” Tinapik nito ang kaniyang balikat at nginitian ang estudyante na para bang isang proud na ina. “Salamat, Ma’am.” Bahagya siyang ngumiti sa gawi nito bago naglakad palabas ng silid. Narinig pa niya ang tukso ng ilang mga guro kay Ma’am Lopez. “Mabuti ka pa at may ganiyan kasipag na estudyante, Ma’am. Puro kalokohan ang alam ng mga estudyante ko.” “Nahawa lang ang mga ‘yon sa ‘yo, Sir Napoleon. Puro ka rin kasi kalokohan noon.” Ang maligalig na lang na tawanan ang huli niyang narinig bago isinara ang pinto. Nang makabalik siya sa kanilang silid ay halos nakauwi na rin ang lahat. Ibinigay na lang niya ang ilan sa mga naroon pa at iuuwi ang iba. Ayaw niyang mag-iwan ng mga ganitong papel dahil baka mawala pa at siya ang sisihin. Napasinghal ang isa sa mga kaklase niya, si Mina. “Bagsak na naman. Hindi ko alam kung anong klaseng essay ba ang kailangan ni Ma’am at hindi ma-satisfy.” “Pasang-awa rin ako kahit na nagpatulong na ‘ko sa ate ko,” ani Angel bago hinarap si Corinne na binubuksan ang kaniyang baong lunch box. “Nakailan ka?” Inangat niya ang tingin mula sa pagkain at binuka ang bibig upang sumagot pero naunahan na siya nito. “Tiyak na perfect na naman ang score mo. Hindi ba?” Tumango ito na ikinasinghal ng dalawa. “As expected.” Hindi na niya nagawang depensahan ang sarili dahil umalis na ang dalawa. Naiwan siya roong mag-isa sa kanilang silid kasama ang kaniyang lunch box at tumbler. Hindi naman siya nakakuha ng perpektong grado gaya ng hula nila pero hindi na niya nagawang sabihin pa. Alam niyang wala namang mababago kung masabi niya pero gusto pa rin niya. Dahil sa pagiging president niya sa klase ay nag-iba ang tingin sa kaniya ng mga kaklase niya. Noon ay sibil pa sa kaniya ang mga ito at kinakausap siya nang matino sa tuwing nagtatanong siya. Pero ngayon ay iba na. Halos tratuhin na siya ng mga ito na parang alila at kung tawagin sa iba’t ibang pangalan ay para bang wala silang pakialam kung masaktan siya. Nilunok niyang lahat iyon. Akala niya ay kailangan niya lang patunayan sa kanila na kaya niyang maging epektibong lider sa kanilang klase. Ginawa niya ang lahat sa tuwing may gusto o hiling ang mga kaklase niya. Siya ang nakikiusap sa mga guro na mag-extend ng submissions at deadlines, ngunit ni isa sa kanila ay walang nagpasalamat sa kaniya. Hinigpitan na lamang niya ang kapit sa kaniyang mga kubyertos at nagsimulang kumain. Malapit na silang grumaduate. Kaunting tiis na lang ay makakaalis na siya sa paaralang ito at lilipat sa ibang paaralan sa kolehiyo. Matatapos din ‘to. Nang maubos niya ang kaniyang pagkain ay saka siya nagligpit para naman magpunta sa part-time job niya. Isa siyang cashier sa isang convenience store malapit sa kanilang eskwela at hanggang alas kwatro ng umaga ang shift niya. Tuwing hapon lang naman ang klase niya kaya kinuha na rin niya. Malaking tulong din ito para pang-kolehiyo niya. Nang makarating sa convenience store ay naroon na ang kasamahan niyang si Ronaldo. Isa rin itong part-timer gaya niya at estudyante naman sa St. John High School malapit sa St. Judes National High School kung saan nag-aaral si Corinne. “Hi, Kuya Ronaldo!” bati niya rito nang malawak ang pagkakangiti. Nang maibaba niya ang buhat na box ay ngumiti ito pabalik sa kaniya. “Mukhang maaga ka ngayon, ah? ‘Di ba alas sais pa ang simula mo?” Pinatong niya ang kaniyang bag sa ilalim ng lamesa bago sinuot ang kanilang uniporme. “Maagang natapos ang klase naming kaya naisip kong maaga pumasok. Ayaw mo ba akong makita?” Malakas itong natawa. “Syempre naman gusto, lalo na at maraming gagawin dito. May katulong na ako.” Bumelat pa ito sa kaniya bago binuhat at panibagong box na ilalagay sa mga estante. “Akala ko pa naman gusto mong makita ang maganda kong mukha. Iyon pala pagbubuhatin mo lang ng mga box.” “Sasang-ayon na lang ako kahit hindi ko talaga alam kung saang banda ‘yong maganda na sinasabi mo.” Mahinang palo ang ginawad niya kay Rolando na ikinatawa lang ng huli. Sa kabila ng sagutan ay tinulungan niya pa rin ang lalaki na maglagay ng ilang mga paninda sa estante. Bumabalik lamang siya sa kaniyang pwesto sa tuwing may darating na mga customer na halos mga estudyante rin gaya nila. Mas matanda si Ronaldo sa kaniya ng dalawang taon ngunit parehong nasa senior high school. Tumigil sa pag-aaral ang lalaki para na rin makatulong sa kaniyang pamilya at ngayon lang nagpatuloy nang grumaduate ang kanilang panganay sa kolehiyo. Gayunpaman, hindi naman naging alintana ang edad para mas maging malapit sila sa isa’t isa. Marami silang pagkakapareho sa buhay lalo na tungkol sa pamilya kaya mabilis silang nagkasundo. Ilang buwan pa lang silang magkasama sa trabaho pero madalas na silang mag-usap tungkol sa pamilya. Hindi naman nila maiwasan dahil pareho rin silang walang kaibigan sa paaralan na halos may-kaya at mayayaman ang nag-aaral. Nakapasok lang sila dahil pareho silang scholar. Sabay rin silang mag-e-exam sa iisang paaralan sa kolehiyo at kukuha rin ng scholarship. Parehong business management din ang kanilang kukunin. Kaya naman kahit gaano kasikip sa loob ng St. Jude ay tinitiis na lang ni Corinne. Bukod sa wala siyang magagawa kung ayaw ng mga ito sa kaniya, naisip niyang wala rin naman silang ambag sa buhay niya. Ayaw niyang pilitin ang mga tao na gustuhin siya at ayaw niya ring pilitin ang sarili na makibahagi sa mga ito lalo na kung ayaw niya sa ugali. Mas gugustuhin niyang mapag-isa kaysa ang mapalibutan ng marami ngunit pekeng mga kaibigan. “Mauna na ‘ko, Corinne,” paalam ni Ronaldo sa kaniya habang tinatanggal ang uniporme. Tiniklop niya iyon bago ipinasok sa kaniyang locker bago sinuot ang asul nitong jacket. Inabot ni Corinne ang isang payong sa kaniya habang nakatanaw sa labas ng convenience store. “Gamitin mo muna ‘tong payong, Kuya. Umuulan sa labas.” Agad umiling ang lalaki. “Hindi na. May jacket naman akong suot. Baka mamaya ikaw naman ang walang gamitin mamaya pag-uwi mo.” Tinuro niya ang isang estante na walang laman. “Ubos na ‘yong tindang payong kaya wala kang magagamit.” Hindi naman siya nagpumilit at tinago na lang ang payong niya. May punto naman ito. Balita niya ay may bagyo na naman kaya malaki ang posibilidad na lumakas pa lalo ang ulan mamayang umaga. Isa pa ay malapit lang ang bahay ni Ronaldo rito kumpara sa kaniya na kailangan pang sumakay ng train at isang jeepney. “Malapit na raw dumating iyong bagong part-timer. Ma-le-late lang daw saglit dahil sa traffic. Hindi ko na siya mahihintay kasi kailangan ko pang daanan kapatid ko sa ospital. Pasensiya na.” Mahinang natawa si Corinne bago pinalo nang mahina sa balikat ang lalaki. “Huwag kang mag-alala. Ayos lang naman ako rito. Wala naman masyadong customer ng ganitong oras.” Napakamot sa likod ng ulo ang lalaki. “Iyon nga ang inaalala ko. Baka mamaya ay kung sino ang dumating at kung ano ang gawin sa ‘yo.” Tinuro niya ang CCTV cameras na naka-install sa lahat ng sulok. “Maraming mga mata rito. May alarm din akong pwedeng pindutin kung sakali mang mayroon ngang masasamang tao na dumating gaya ng sinabi mo. Kaya bilisan mo na. Tiyak na kanina pa naghihintay sa ‘yo si Reinalyn.” “Salamat! Mauna na ako.” Malawak itong nakangiti habang kumakaway paalis. Tumunog ang chimney na nakakabit sa pinto nang buksan niya ito at sumara. Bumalik naman si Corinne sa kaniyang pwesto at naupo habang naghihintay ng customer. Nilabas niya ang kaniyang kwaderno para gawin ang assignment. Tutal ay wala pa namang pumapasok. Gagawin na lang niya ito kaysa masayang ang oras niya. Nang muling tumunog ang chimney ay napaangat ang tingin niya mula sa kaniyang notebook. Tumayo siya at pinanood ang isang lalaki na pumasok at maglakad papunta sa kaniyang pwesto. Napaawang ang bibig niya habang sinisipat ang kabuoan ng lalaki. Halos nasa anim na talampakan na ang taas nito o higit pa. Maputi rin ang kaniyang kutis, parang foreigner. Lalo pang lumakas ang kutob niya dahil sa kulay asul nitong mga mata. Sinubukan niyang ngumiti sa kabila ng pamumula ng kaniyang mga pisngi. “Welcome, Sir!” At nang ngumiti ito sa kaniyang gawi ay para bang nahulog ang kaniyang puso. Napabulong na lang siya sa kaniyang sarili, Jusko! Ang gwapong nilalang. Hindi ‘to maganda sa puso ko. “Hey!” Napapitlag na lang si Corinne nang tawagin siya nito. “I’m the new part-timer. The manager is on his way here to introduce me, but I went on ahead of him.” Kinamot nito ang kaniyang batok at bahagyang umiwas ng tingin. “I’m kind of excited for my first job, so yeah.” Napaubo muna si Corinne upang tanggalin ang nerbyos bago nagsalita. “Okay, then. You can wait at that table right there.” Tinuro niya ang isang bakanteng lamesa malapit sa cashier at coffee vending machine. Noong unang araw kasi niya ay roon siya pinaupo ng manager at kinausap. Tumango ang lalaki at muling ngumiti. “Salamat!” Tumalikod na ito sa kaniya at nagtungo sa lamesa. Napabuntonghininga na lang si Corinne at napailing dahil sa nararamdaman. Sa tuwing nakikita niya ang mga babae sa mga palabas na napapanood niya na natitigilan sa mga gwapo ay napapailing na lang siya. Ngayon naman ay isa na siya sa mga babae na ikinaiiling ng ulo niya. Ganito pala talaga ang pakiramdam nang makakita ng gwapo, sa isip-isip niya. Sa mga susunod na minuto ay hindi na siya makapag-focus pa sa paggawa ng kaniyang assignment. Nakatutok na kasi ang atensyon niya sa lalaki. Bawat galaw nito ay sinusundan ng kaniyang mga mata ngunit sinisiguradong hindi siya mahuhuli. Nakakahiya iyon lalo na kung magiging magkatrabaho sila tuwing madaling araw. Kailangan niyang maging professional sa harap nito kahit na habang nasa loob man lang sila ng trabaho. Hindi niya kasi sigurado kung magkikita ba sila sa labas pero sa loob-loob niya ay pinapanalangin na lang niyang maging totoo. Kahit ang maging kaibigan ng nilalang na ‘to ay isang karangalan. Pinukpok niya ang sariling ulo dahil sa naisip pero mahina na lang ding natawa. Wala naman sigurong masama kung magiging attracted sa isang lalaki lalo na kung ganito kagwapo. Sabay silang napatingin sa pagbukas ng pinto at doon ay nakita nila si Manager Guttierez. Isa itong matandang lalaki na nasa singkwenta anyos mahigit na. May iilang puti na ito sa buhok ngunit halata pa rin ang tikas ng katawan dahil mahilig itong magpunta sa gym. “Erick, you’re here!” So, Erick pala ang pangalan niya. “Sorry, I got caught up with other business just now. Let’s start the interview.” Nawala ang atensyon niya sa dalawa nang dalawang lalaki ang pumasok sa convenience store. Tinuon na lamang niya ang atensiyon sa mga ito dahil ayaw naman niyang makinig sa interview na hindi naman siya kasali. Magkasama ang dalawang lalaki at maraming kinuha. Halos kasing edad lang sila ni Corinne. Ang hinuha niya ay may overnight ang mga ito dahil sa dami ng chichirya at inumin na kinuha nila. Matapos iyon ay nagtungo na sila upang bayaran ang mga iyon. Nang matapos siya sa pagkuha ng mga binili nito ay may inabot na isang pakete ang isang lalaki. Napakunot ang noo niya nang mapansing isang kahon iyon ng sigarilyo. “Pasensiya na,” sambit nito nang may ngiti sa mga labi, “pero hindi ko pwedeng ibenta ‘to sa mga menor de edad. Mag-lollipop ka na lang muna.” Sinubukan niyang magbiro sa mga ito ngunit hindi naman natuwa ang isa sa sinabi niya. “Ano ako sa tingin mo? Bata? Miski ang mga kaklase ko ay nagsisigarilyo na kahit wala pang eighteen kaya bakit ako hindi pwede? Wala rin namang batas na nagsasabing bawal.” Muling ngumiti si Corinne dahil kahit papaano ay naiintindihan niya ito. “Alam ko pong may mga tindahan na nagbebenta ng sigarilyo sa mga menor pero nasa polisiya po ng convenience store naming ‘yon. Kung gusto mo ay sa ibang tindahan ka na lang po bumili.” “Hindi naman ako bibili rito kung may bukas pang tindahan sa labas!” bulalas nito, unti-unti nang nawawalan ng pasensiya dahil nagtatagal sila dahil sa isang pakete lang ng sigarilyo. “Kunin mo na lang ‘to at babayaran ko naman.” Hindi niya inalis ang ngiti sa kaniyang mga labi kahit na nakararamdam na rin siya ng pagkapikon. “Pasensiya na pero hindi ko pwedeng gawin ‘yon. Ako ang mawawalan ng trabaho kapag binenta ko sa ‘yo ‘yan.” “Putangina naman oh!” Akmang ihahampas nito ang pakete sa mukha ni Corinne nang isang matigas na kamay ang pumigil dito. “Anong –“ “I don’t know what’s happening but hurting a girl can put you in danger. Everyone knows that.” Mas diniin niya ang pagkakahawak sa palapulsuhan ng lalaki nang pumiglas ito. “Bitiwan mo nga ako! Sino ka ba?” Malawak na ngumiti si Erick sa lalaki at sinabi, “I’m Erick, one of the part-timers here. Can you calm down first and let’s talk about it?” Bago pa man lumaki ang gulo ay hinatak na siya ng kaniyang kaibigan palayo sa counter. Kinuha na rin niya ang binili nila at binayaran bago umalis. Napahinga nang malalim si Erick nang mawala na ito sa kaniyang paningin bago hinarap si Corinne. “Are you okay?” Napatigil siya sa pagtatanong nang makita ang nag-aalab na tingin ng babae. “Pesteng mga bata! Sinabi na ngang bawal manigarilyo ang mga menor pero bili pa rin nang bili. Hindi naman ako ganiyan noong menor pa ako ah?” Namumula ang kaniyang dalawang tainga at kulang na lang ay maglabas ng usok sa kaniyang tainga at ilong dahil sa galit. Walang naintindihan si Erick sa sinabi nito ngunit hindi niya pa rin napigilan ang matawa nang malakas. Napahinto tuloy si Corinne sa sinasabi at kunot-noo itong pinagmasdan. “Why are you laughing? Do you think those kids are funny?” Huminto naman ito sa pagtawa ngunit halata pa rin ang tuwa sa mga mata. “You’re funny.” “What?” Napataas ang isang kilay niya sa gawi nito. “How am I funny?” Imbis na sumagot ay nginitian lang siya nito habang nakatitig sa kaniyang mga mata. Wala tuloy siyang nagawa kung hindi ang umiwas at bumalik sa trabaho. Kung bakit ba naman kasi bumibilis ang t***k ng kaniyang puso sa tuwing tititigan ang asul niyang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD