Kabanata 20
Lumipas ang oras at sumapit na ng tuluyan ang gabi. Gaya nga ng hiling ko ay sa bahay ako nila Kanor natulog. Pinagamit niya ang silid niya sa akin dahil sa sala na lamang daw siya matutulog. Maayos naman ang naging pagtrato ng pamilya ni Kanor sa akin at 'di ko maitatangging mabuti silang tao. Kaya heto ako ngayon sa silid ni Kanor. Hindi man kutson gaya no'ng nasa mansiyon pero ayos na rin dahil kumportable naman ako. Nahikab pa ako matapos ay nagdasal bago tuluyang humiga.
Bigla akong nagising dahil sa kakaiba yata ang hinihigaan ko—buhanginan. Napabangon ako at nagtataka kung bakit napadpad ako sa lihim na lugar ni Zairan. Tanaw ko mula sa puwesto ko ang kanyang silid kaya tuluyan akong napatayo. Nasapo ko ang aking dibdib dahil bigla na lamang ako nakaramdam ng matinding kaba.
"Ah!" Napalingon ako sa aking likuran nang marinig ko ang ungol na iyon.
Pero dapat sana hindi na ako lumingon pa! Si Zairan, may katalik na ibang babae at hindi ako puwedeng magkamali dahil ang señorita Shaurine ang kasama niya. Agad na nag-unahan sa pagtulo ang mga luha ko at napatakbo palayo sa puwesto nila nang aksidente akong mabunggo sa isang matigas na kahoy.
"Jeorgie, gising!"
Napaungol ako at nagising. Ang mukha agad ni Kanor ang nasilayan ko at aminado akong nadismaya. Inalalayan niya akong makaupo at pinainom ng tubig. Nang mahimasmasan ako'y ibig ko yatang sabunutan at sakalin ang aking sarili. Ayaw ko nga itong makita pagkatapos ay hahanap-hanapin ko siya.
"Ano ba nangyari?" tanong ko pa kay Kanor.
"Umuungol ka ng malakas Jeorgie at para kang binabangungot." Mariin kong nakagat ang aking labi.
"Salamat Kanor," wika ko.
Ngumiti lang din naman ito at lumabas ng silid. Diretso akong napahiga pabalik at marahas na napabuga ng hangin. Ang akala ko talaga ay totoo na 'yong nakita ko dahil kung oo aba'y mapuputulan ko siya ng pundasyon ng pupolasyon. Nailing na lamang ako at bumalik sa pagtulog.
Gabi ng baylehan...
Simula kaninang umaga ay wala namang kakaibang nangyari. Tumulong lang din naman ako sa mga gawain, tulad nang pagluluto at paglalagay ng mga dekorasyon. Kaya heto ako ngayon, nakaupo sa sulok at pinapanood ang ibang mga kabataan na nagsasayaw. Hindi ko maiwasang mapaisip. Alam kaya ng mga taga rito na ang mga Zoldic ay hindi mga normal na tao. Alam kaya nila na halang ang mga ito sa dugo nila. Ayaw ko mang lahatin lahat ng mga Zoldic pero 'yon ang nararamdaman ko. Ang asawa ng ate Catherine ay isang Zoldic at ang asawa naman ni Yana ay isa ring Zoldic. Naranasan din kaya nila ang nangyayari sa akin ngayon? Pakiramdam ko kasi'y nasa pagitan ako ng mundo ng mga normal na tao at kakaibang nilalang na likha ng Diyos. Normal pa rin ba akong matatawag? Hindi ko akalaing makakaingkuwentro ako ng mga katulad nila. Aminado ako no'ng una na hindi ako naninawalang may mga kagaya nga nila sa mundong ito dahil sa palabas sa telebisyon ko lang naman sila napapanood at sa libro ko lang naman sila nababasa. Pero totoo sila!
"Jeorgie! Maari ba kitang maisayaw?" Nagulat ako sa biglaang alok sa akin ni Kanor.
"H-hindi ako marunong sumayaw," sagot ko.
"Dali na!"
Hindi na ako nakatanggi pa dahil mabilis niya akong nahila at dinala sa gitna. Tulad ng ibang nagsasayaw na may kapares ay gano'n din ang ginawa ni Kanor sa akin. Ang dalawang kamay nitong nakalapat sa magkabilang tagiliran ng aking baywang at ang mga kamay kong nakalapat sa magkabilang balikat niya ay nagbigay sa akin ng nakakailang na pakiramdam.
"Baka maapakan kita," wika ko.
"Hindi iyan," anito.
Hindi ako kumibo at nag-iwas ng aking paningin sa malalagkit nitong pagtitig sa akin. Ngunit nagitla ako nang makita ko si Zairan na nakatayo sa bubungan ng bahay nila Kanor. Agad akong napakalas kay Kanor. Sa sama ng tingin ni Zairan ay parang papatay na ito.
"Jeorgie, may problema ba? Tila yata'y bigla kang namutla," ani Kanor.
"Ma-maayos a-ako," nauutal kong sagot.
Humakbang ako paatras at tatalikod na sana ngunit maagap nitong nahawakan ang kamay ko.
"Jeorgie," anas nito.
Magsasalita na sana ako pero bigla na lamang namatay ang ilaw.
"Dito ka lang muna Jeorgie, may titingnan lang ako."
Tango lang ang naitugon ko. Umalis na si Kanor sa harapan ko. Babalik na sana ako sa kinauupuan ko nang biglang may humila sa akin at niyapos ako. Natigilan ako nang mapagtanto ko kung sino ang kasayaw ko ngayon.
"Zairan..." Akmang titingalain ko sana siya ngunit maagap nitong nayapos ang aking batok at marahang idinikit sa kanyang matipunong dibdib.
"Bitawan mo ako," puno ng hinanakit kong ani.
"Sinuway mo ako." Napatiim-bagang ako at napaismid.
"Hangal! Ayaw na kitang makita!" Nagpumilit ako sa pagkalas sa kanya kahit na alam kong wala itong epekto. Sa pagpupumiglas ko'y nahinto ako at minabuti na lamang na umiyak.
"Amore," anas nito.
"Manahimik ka!" mariing singhal ko. Kumalas naman ito sa pagkakayakap sa akin.
"Umuwi ka na," utos niya.
"Hindi ako uuwi!" pagtanggi ko pa.
"Mainipin ako Jeorgie." Pagkasabi niyang iyon ay tanaw ko ang biglaang pagbagsak ni Kanor. Nagulantang ako sa nakita ko. Halatang namimilit si Kanor at mukhang hindi ito makahinga.
"Tama na!" pigil ko rito. Hindi ko alam kung ano'ng ginawa niya para magkagano'n si Kanor. Inilahad naman nito ang kanyang kanang kamay.
"Sasama ka o tutuluyan ko siya," banta niya.
Nanggigigil akong umalis sa harapan niya at tinahak ang daan pauwi. Pero alam kong nakasunod na ito sa akin. Mabilis pa nito akong isinakay sa kabayo at maging siya ay pumuwesto rin sa aking likuran. Walang humpay ang pagtulo ng mga luha ko sa mata habang tinatahak namin ang daan pauwi.
"Ano'ng ikinagagalit mo Jeorgie," aniya.
Lumabi ako at hindi kumibo. Niyapos naman nito ang aking baywang at idinikit ang aking likod sa kanyang harapan. Himala yatang nagsuot siya ng pang-itaas ngayon. Kaya lang ay polo ito na damit pero hindi naman nakakabit ang mga butones nito dahilan para maramdaman ko ang kalamigan ng kanyang balat.
"Jeorgie," sambit nito at hinalikan ang aking batok.
Awtomatiko akong napapikit at parang nanlumo ang buong sistema ng katawan ko. Ngunit pinilig ko ang aking.
"Tama na. Huwag mo na bilugin pa ang isipan ko. Ikakasal ka na sa iba," mapait kong wika.
Sa isang iglap lang ay bigla akong napaharap nang upo at nakasakay pa ako sa kabayo niyan. Hinawakan niya ang pisngi ko pero tinabig ko ito.
"Sino ang nagsabi sa iyong ikakasal ako sa iba?" Matalim akong tumitig sa kanya.
"Sino sa tingin mo!?" Nakakaloko naman itong napatawa ng bahagya.
"Si Shaurine." Napaarko ang aking kaliwang kilay.
"Nagseselos ka ba aking mahal?" Nag-iwas ako ng aking tingin.
"Hindi," tanggi ko pa.
"Kung gano'n ay magpapakasal ako sa kanya." Agad na umusok ang tainga ko sa narinig.
"Subukan mong letse ka! Magpapakasal din ako kay Kanor kapag nangyari iyon!" nagpupuyos sa galit kong bulyaw sa kanya. Malutong naman itong napatawa at hinapit ako sa baywang.
"Kung gano'n ay iniibig mo na ako," aniya at pinahiran ang basa kong pisngi. Napatameme ako. Kung gano'n ay hinuhuli niya lamang ang aking damdamin para sa kanya. Agad na nag-init ang aking mga pisngi.
"H-hindi," pagsisinungaling ko. Bigla naman niya akong hinagkan.
"Hindi nagsisinungaling ang iyong mga mata." Napanguso ako.
"Nagsinungaling ka pa rin!"
"Hindi Jeorgie. Hindi ako magpapakasal kay Shaurine. Kababata ko lamang siya at kahit na may pagtingin ito sa akin ay 'di ko iyon masusuklian. Sapagka't ang babaeng nasa harapan ko ngayon ay siya lamang ang sinisinta ng aking puso." Mariin kong nakagat ang aking labi at napatitig sa kanya.
"Totoo ba?" Ngumiti naman ito ng kay tamis sa akin. Awtomatikong gumalaw ang mga kamay ko at kinabig siya sa kanyang batok upang siya'y hagkan. Masuyo nito akong tinugon at hinapit pang lalo ang aking baywang.
"Mahal kita Zairan," anas ko.
"Mahal din kita, amore."
Muli ay sinakop niya ang aking labi. Ngunit sa 'di inaasahang pangyayari ay pareho kaming tumilapon ni Zairan sa ere. Ang pagkakaiba lamang ay agad itong nakabangon. Ngunit ako? Naliligo sa sarili kong dugo nang tumama ang ulo ko sa malaking bato. Napaungol ako at nasapo ang aking ulo. Puno ng dugo ang aking kaliwang kamay at halos nakapikit na rin ang kaliwa kong mata. Nahihilo na ang pakiramdam ko at lumalabo na rin ang aking paningin.
"Zai..." tanging nasambit ko bago ako tuluyang nawalan ng pandama.