"So... kumusta ka naman dito? Parang wala ka na yatang bagong boyfriend? Ilang taon na?" nakangising tanong sa kaniya ni Sally.
Ngumiti si Shayne. "Wala na. Natatamad na ako eh."
"At bakit ka naman tinamad? Ano ka ba? Ilang taon ka na? Twenty eight? Malapit ka na mawala sa kalendaryo! Dapat nga magkaroon ka na ng lalaking sa tingin mo makakasama mo sa habambuhay!" bulyaw sa kaniya ni Sally.
Bumuntong hininga si Shayne. Bigla niyang naalala kung paano siya umalis ng gabing iyon. Kung paano niya iniwan ang isang binatang muntik na niyang mahal. Ang binatang kaya niya iniwan dahil ayaw niyang tuluyang mahalin ito. Tama na ang dalawang mainit na gabing pinagsaluhan nila.
Ang isa rin sa dahilan kung bakit nawalan na siya ng gandang lumandi ay dahil kay John. Nasawa na siya sa relasyong panglokohan. Gusto na niya ng pang seryosohan. Ngunit hindi niya alam kung may lalaki pa bang magmamahal sa kaniya ng totoo. Dahil alam ng lahat, isa siyang malanding babae.
"Hindi ko nga alam kung may magmamahal pa sa akin ng totoo eh. Alam mo naman na ang tingin ng lahat sa akin, malanding babae. Parang malabo na may magseryoso pa sa akin. Bahala na. Kung may darating, salamat. Kung wala, salamat pa rin. Ayoko ng lumandi. Ayoko ng maghabol. Nakakapagod din pala," malungkot na saad ni Shayne.
"Naku! Bahala ka. Ikaw din. Oh siya! Aalis na ako! Baka hinahanap na ako ng pinakamamahal kong boyfriend!"
Kumindat pa si Sally bago tuluyang lumabas ng kaniyang condo unit. Bumuga ng hangin si Shayne bago naupo sa couch. Huminga siya ng malalim bago mariing pumikit. Kahit matagal na niyang hindi nakakasama si John, ginugulo pa rin nito ang kaniyang isipan. Sumasagi pa rin ito sa kaniyang isipan kahit na ayaw na niyang isipin pa ang binata.
Please, John... lubayan mo na ako. Ayoko ng maisip ka pa...
KINABUKASAN, NAGTUNGO SI SHAYNE sa kaniyang katatapos lang na store. Mga beauty products ang ibenenta niya. Bago pa lang siya sa business na ito ngunit unti- unti ng nakikilala. May kamahalan kasi ang mga pampaputi niyang sabon, lotion at kung anu- ano pa ngunit epektibo. Kaya marami kaagad ang nag- order sa kaniya. Nakapagpatayo kaagad siya ng tatlong branch sa iba't ibang lugar. Ang kaniyang products ay Whitening Like A Snow.
Ang lugar kung saan niya ipinatayo ang ikatlo niyang physical store, ang lugar kung saan niya muling makikita si John.
"Hi, everyone! Kumusta naman ang sales natin dito?" tanong ni Shyane sa dalawa niyang staff doon.
"Ito ma'am, marami po kaagad bumili! Panay nga po ang punta dito ng mga riders dahil may nagpapa- deliver talaga kahit nasa malayo silang lugar! Nakililala na po talaga ang produkto niyo ma'am!" wika ng isang staff niyang si Trish.
Ngumiti si Shayne. "Mabuti naman kung ganoon. Hayaan niyo, kapag mas lumakas pa tayo, magtataas ako ng sahod ninyo."
Namilog ang mata ng isa niyang staff na si Tina. "Talaga po ma'am? Yehey! May pambili ulit ako ng Whitening Like A Snow! Dadamihan ko na!"
Natawa naman si Trish. "Talagang nagpapaganda siya para magpapansin sa guwapong binata na nakita niya kahapon! Napakaguwapo naman kasi ng binatang iyon! Simple lang ang ayos pero ang guwapo!"
Kumunot ang noo ni Shayne. "Guwapong binata?"
"Opo ma'am! Nalaman nga namin kaagad ang pangalan. Winston daw. Bagong lipat niya lang diyan sa kabilang kanto. Sa kaniya pala iyong bahay na ginagawa. Natapos na ito kaya lumipat na po siya. Ang cute nga ng bahay niya kahit hindi ito ganoon kalaki. Ang alam po namin, may puwesto po siya sa palengke. Mga karne ng baboy at manok ang tinitinda niya," salaysay ni Tina.
Tumango - tango naman si Shayne. Nagpaalam na rin siya sa dalawa niyang staff matapos niyang ibigay ang iba pang stocks ng kaniyang produkto. Gabi na lang siya babalik doon upang kunin ang sales.
SAMANTALA, HAPON PA LANG paubos na kaagad ang tindang karneng baboy at manok ni John. Sa kaniya kasi halos bumibili ang mga tao doon matapos niyang puwesto doon isang Linggo na ang nakakalipas. Humahatak kasi ang kaguwapuhang taglay niya sa mga mamimili.
"Boss, Winston! Mukhang naungusan mo na ang lahat ng nagtitinda ng mga karne dito! Iba talaga kapag pogi! Nakakahatak ng mga mamimili!" natatawang sabi ni Kyle.
"Kaya nga! Napakapogi kasi ng boss natin eh!" dagdag pang sabi ni Rey.
Natawa ng mahina si John. Ang dalawang ito ang kaibigan niyang matalik noong nakatira pa siya sa bundok. Sumama ito sa kaniya upang makipagsapalaran. Nakatira ito sa kaniyang bahay. Ang dalawang ito ang naging kaagapay niya sa kaniyang munting negosyo. Ginamit niya ang perang ipinadala sa kaniya ng ate Dianna niya.
"Bakit? Hindi ba kayo mga pogi? Tandaan niyo, pogi tayong lahat dito. At isa pa, bagong katay naman kasi ang mga karne natin. Mga fresh talaga. Kaya sa atin sila bumibili," wika ni John sabay ngiti.
Nagtulungan na silang maglinis ng kanilang puwesto. Bukas naman ulit. Ayaw naman ni John na umabot sila ng gabi dahil ayaw niyang magpakapagod masyado. Hindi naman niya hangad ang sobrang laking kita. Masaya na siya na kahit papaano, umuusad ang kaniyang negosyo at nakakatulong pa siya sa kaniyang dalawang kaibigan.
"Halika na!" tawag niya sa dalawa.
Naglalakad lang silang tatlo pauwi. Hindi naman kasi ito ganoon kalayo mula sa kanilang inuuwian. Habang naglalakad sila, nakita nila ang dalawang dalagang nagpapapansin sa kanila. Tumingin kaagad sa ibang direksyon si John dahil wala naman siyang pakialam sa ibang babae. Isa lang ang hinahanap ng puso niya.
Walang iba kun'di si Shayne.
Na kahit basta na lang siya nito iniwan, hindi pa rin ito maalis sa kaniyang puso't isipan.
"Hi, Winston!" maharot na sabi ni Trish.
"Oh, boss! Hi raw!" natatawang sabi ni Kyle.
Tipid na nginitian lang niya John ang dalaga bago nagpatuloy na sa paglalakad. Habang si Tina naman ay tinawag si Shayne na naroon at nagbibilang ng kinita nila. Kararating lang din nito.
"Ma'am Shayne halika! Ito iyong sinasabi ko sa iyong pogi!" sigaw ni Tina.
Kumunot ang noo ni John nang marinig ang pangalang Shayne. Sa lakas ng boses ni Tina, narinig niya iyon kaya huminto siya sa paglalakad..
"Ha? Hindi naman ako interesado eh," tugon ni Shayne.
"Halika na, ma'am bago pa sila makalayo! Titingnan niyo lang po!" pamimilit pa ni Tina.
Natatawang napailing na lamang si Shayne. Lumabas siya ng kaniyang store upang silipin ang sinasabing lalaki ni Tina sa kaniya. At sa kaniyang paglabas, nanlaki ang mga mata niya nang makita ang lalaki. Mabilis na tumibok ang kaniyang puso na para bang kakapusin siya ng hininga.
"J- John?"
Napalunok naman ng laway si John habang nakatingin kay Shayne. Sa isip niya, mas lalo itong gumanda at sumeksi. Naestatwa siya sa kaniyang kinatatayuan habang nakatingin kay Shayne.
"Shayne...." mahinang usal ni John.