14

1149 Words
"Hi, Shayne! Ang ganda mo naman ngayon!" nakangising sabi ni Ava nang makita si Shayne. "Salamat, Ava. Nagpunta na ako dito para yayain si John na lumabas. Nag- message na ako sa kaniya kaso walang reply. Tulog pa kaya siya?" wika ni Shayne habang sumisilip sa bahay ni John. "Siguro tulog pa. Kasi masipag ang kaibigan kong iyon. Hindi napipirmi kung walang ginagawa. Kaya siguro tinanghali na ng gising," pagsisinungaling ni Ava. "Ganoon ba? Mabuti na lang nagtanong pala ako sa iyo. Pakisabi na lang na dumaan ako dito, ha? Babalik na lang ako mamaya." "Oo sige walang problema!" Ngumiti si Shayne. "Salamat, Ava. Dito na muna ako," aniya bago naglakad paalis. Ngumisi si Ava habang nakatingin kay Shayne na naglalakad na palayo. Hindi totoong tulog pa si John dahil bumili lamang ito ng almusal. Talagang gumagawa si Ava ng paraan para hindi magkita ang dalawa. Agad na umalis din si Shayne nang makapasok siya sa kaniyang sasakyan. Sikat na kasi ang kaniyang beauty products ngayon kaya talagang abala siya sa pag- aasikaso ng produksyon ito. "John!" "Bakit?" tanong ng kararating na si John. "Sumilip dito si Shayne. Saglit lang umalis agad eh sabi ko hintayin ka kaso nagmamadali. Mukhang marami siyang gagawin eh. Busy yata sa negosyo niya," mabilis na sabi ni Ava. Kumunot ang noo ni John. "Oh? Sayang naman hindi ko siya naabutan." "Oo nga eh. Sinabi ko na hintayin na niya kaso ayaw niya. Masyado siyang busy. Ang sabi niya pala, huwag ka munang magme- message sa kaniya o tatawag. Siya na lang ang magme- message sa iyo. Kapag hindi siya nakapag- message, busy siya. Parang ang sinasabi niya siguro huwag mo muna siyang kulitin. Napaka - busy niya pa lang tao 'no?" pagsisinungaling ni Ava. Bumuntong hininga si John. Hindi pa naman siya sumama sa palengke ngayon dahil balak niyang umalis silang dalawa ni Shayne ngunit dahil sa sinabi ni Ava, mukhang pupunta na lang siya sa palengke para may magawa siya. "Salamat, Ava. Siguro nga tama ka. Ayaw niyang magpadistorbo. Hindi na lang muna ako magme- message sa kaniya para hindi na siya mag- aksaya pa ng oras para mag- reply sa akin. Ayoko namang maging sagabal sa ginagawa niya..." malungkot na sabi ni John. "Oo nga eh. Baka ganoon nga ang gusto niyang mangyari. Iba talaga kapag may business 'no? Laging busy. Paano ngayon iyan? Pupunta ka na lang sa palengke? Puwede ba akong sumama? Gusto kong matutunang maglinis ng isda eh..." nakangiting sabi ni Ava. "Puwede naman. Teka lang magbibihis lang ako." Kulang na lang tumalon si Ava sa tuwa. Sobrang saya niya dahil imbes na si Shayne ang kasama ni John, siya pa tuloy ang makakasama ng binata dahil sa kasinungalingan niya. "Tara na," tawag sa kaniya ni John. "Okay sige!" masayang sabi niya habang nakasunod na kay John. Kilig na kilig siya habang naglalakad sila patungo sa palengke. Habang si John naman ay malungkot dahil hindi niya kasama si Shayne. MABILIS NA LUMIPAS ANG MAGHAPON, MALUNGKOT NA SINILIP ni Shayne ang kaniyang cellphone. Ni isang message, wala siyang natanggap kay John. Ayaw naman niyang mag- message sa binata dahil nahihiya siya. Gusto niyang si John ang mag- message sa kaniya. Ayaw niyang mag- first move. "Hays kainis naman!" sambit niya bago pabagsak na naupo sa sofa. Iniisip niya kasi na baka may ginagawa pa si John kaya wala itong message sa kaniya. Tinatamad tuloy siyang magpunta sa kaniyang store kung wala naman doon ang binata. Akala pa naman niya, makakasama niya ito buong maghapon. "Kainis naman!" Hindi mapakali si Shayne. Pinilit niyang matulog pero hindi siya makatulog. Kaya naman tumayo na lang siya at nagbihis dahil pupuntahan niya si John sa bahay nito. Mabilis siyang magmaneho patungo sa bahay ni John. Ipinarada niya ang sasakyan niya sa tabi ng kaniyang store bago naglakad na patungo sa bahay ni John. Pagdating niya sa kanto kung saan tanaw niya ang bahay ni John, kumunot ang noo niya nang makita ang binata. Nakikipagtawanan ito sa dalawa niyang kaibigan at na doon si Ava. May pahampas- hampas pa ito sa braso ni John. Ano ito? Hindi pala siya busy pero wala man lang siyang message sa akin? Kahit isang message wala pero nandito siya nakikipagtawanan sa labas ng bahay niya? Napatitig si Shayne kay Ava. Hindi napansin si Shayne ni Ava dahil ang buong atensyon nito ay nakatuon lamang kay John. Hindi inaalis ni Ava ang tingin niya kay John kaya kumunot ang noo ni Shayne. Teka nga... bakit ganito makatitig si Ava kay John? Bakit kung makatitig siya, ayaw na niyang alisin ang tingin niya kay John? Kaibigan lang ba talaga ang turing niya kay John o hindi? Nagtago sa pader si Shayne at pinagmasdan ang kilos ni Ava. At habang nakatingin siya, nakumpirma niyang may pagtingin si Ava sa binata. Napatiim bagang siya. Punyetang babaeng ito. Mukhang kinaibigan lang ako dahil may balak siya sa amin ni John. Akala niya yata maiisahan niya ako. Ibang klase siya kung makatitig kay John kaya hindi ako naniniwalang wala siyang pagnanasa kay John. Umayos ng tindig si Shayne bago hinawi ang kaniyang buhok. Taas noo siyang naglakad patungo sa kinaroroonan nina John. Papalapit na siya nang makita siya ni Ava. Nanlaki ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya. Anong itsura iyan, Ava? Gulat na gulat ka yatang makita ako dito. Akala mo yata hindi ako pupunta dito... "Hi, John!" maharot na sabi ni Shayne. Nanlaki ang mata ni John. "Shayne?" Dali- dali siyang tumayo at saka niyakap ng mahigpit si Shayne. Hinaplos - haplos niya pa ang buhok nito. Nagkasalubong ang kilay ni Ava habang nakatingin sa kanila. Sa gilid ng mata ni Shayne, kitang- kita niya ang galit na itsura ni Ava. Sinasabi ko na nga ba. May balak na masama ang babaeng ito sa amin! Halatang hindi niya nagustuhan ang pagyakap sa akin ni John! "Akala ko busy ka? Hindi na ako nag- message sa iyo para hindi masayang ang oras mong mag- reply sa akin. Gusto ko na magkaroon ka ng focus sa business mo..." malambing na sabi ni John. Hinawakan ni Shayne ang pisngi ng binata. "Sino ang nagsabing busy ako? Kung ikaw lang naman ang pagsasayangan ko ng oras, walang problema. Baka sa iyo ko pa ibuhos ang buong oras ko." Biglang namula ang mukha ni John sa kilig habang ang dalawa niyang kaibigan ay napahiyaw sabay palakpak. "Grabe naman iyon! Kilig na kilig si boss namin!" tumatawang sabi ni Rey. "Oo nga! Pati ilong namumula sa kilig! Iba talaga magpakilig ang first love!" sabi pa ni Kyle. Natatawang sinubsob ni John ang mukha niya sa leeg ni Shayne. Napatingin si Shayne kay Ava na agad nagbago ang ekspresyon ng mukha ng tingin niya ito. Tingnan mo nga naman ang babaeng ito... kanina galit na galit ang mukha pero ngayong tiningnan ko na siya, biglang ngumiti. Plastikada ang gaga. Akala niya yata hindi ko malalaman ang galaw niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD