NANG gabing iyon ay hindi naging madali para kay Jason ang matulog. Hindi parin kasi mawala sa isipan niya ang sinabi kanina sa kaniya ng nanay niya. Na si Jenny na dati niyang nobya noong nasa kolehiyo pa siya ang babaeng sinasabi nitong mabait at magandang guest na gustong-gusto nito.
Mula sa pagkakahiga sa kaniyang kama ay bumangon si Jason. Pagkatapos ay binuksan ang bintana ng kaniyang kwarto at nilanghap ang sariwang simoy ng hangin.
Sa maraming pagkakataon mula nang maging in-demand ang social media ay sinubukan naman talaga niyang hanapin si Jenny. Hindi niya maunawaan kung bakit niya ginagawa iyon noong umpisa, pero katulad nang sinabi niya nang dalawin niya si Ara sa puntod nito kamakailan lang, pakiramdam niya ay kailangan siya ni Jenny.
At ngayon na mukhang ibinigay na nga ng langit ang hinihingi niya, ano ang gagawin niya?
Sa tanong ng iyon ay walang ibang nagawa si Jason kundi ang magpakawala ng buntong hininga.
Hindi naman niya nakalimutan kung ano ang nangyari kahit ten years na ang nakalilipas. At kahit minsan hindi rin nawala sa isipan niya ang sakit at panunumbat sa mga mata ni Jenny nang huli silang magkita. Pati narin ang mabibigat na salitang binitiwan nito sa kaniya bago sila tuluyang naghiwalay.
“Marami na ang nawala sa akin mula nang mahalin kita. Ibinigay ko na ang lahat pero hindi parin sapat ang mga iyon. Pinatay mo ako, inalis mo sa akin ang pangarap ko at ang dahilan para mabuhay. Tapos ngayon gusto mo na patawarin kita? I’m sorry, pero pagkatapos ng lahat ng napagdaanan ko hindi ako naniniwala na posible pang magpatawad ang taong namatay na.”
Kasalanan naman talaga niya at aminado siya doon. Sinubukan niyang ibaling sa iba ang pagmamahal na nararamdaman niya para kay Ara dahil sobra siyang nasaktan nang malaman niya ang tungkol rito at kay Daniel.
Marami siyang idinate na babae noon.
Lahat magaganda at sexy.
Pero dahil kaibigan niya si Jenny at palaging nasa tabi niya ang dalaga, hindi niya naiwasan ang hindi ito makita. Hanggang nang sa huli ay naging nobya na nga niya ang dalaga.
Minahal siya ni Jenny noon at ganoon rin naman siya dito. Pero mas nangingibabaw ang pagmamahal niya para kay Ara. Ang selos na kinikimkim niya sa dibdib niya tuwing nakikita niyang masaya ito sa piling ni Daniel.
At si Jenny?
Huli na ang lahat nang ma-realize niya ang halaga nito para sa kanya. Nang wala na ito sa piling niya.
Malaki ang kasalanan niya rito. At ngayong nandito lang ang dalaga sa malapit, iyon ang nakikita niyang dahilan kaya parang natatakot siyang makaharap ang dalaga.
Kumusta na kaya ito?
Sa tanong na iyon ay agad na nakaramdam si Jason ng matinding pananabik at pangungulila para sa dati niyang nobya.
Nakahanda na ba siya?
Ipinilig nalang ng binata ang ulo niya sa tanong na iyon saka muling nagbalik sa kaniyang higaan.
*****
MAGAAN ang pakiramdam nang magising si Jenny kinabukasan.
Malamig na klima at mga pine trees ang dahilan kung bakit gustong-gusto niya ang Baguio City. Kinakalma ng maganda tanawin ang kalooban niya.
Ginawa lang niyang mabilis ang pagliligo at minabuti niyang huwag ng basain ang kaniyang buhok. Naligo rin naman kasi siya kahapon pagdating niya at hindi na lumabas kaya hindi nadumihan ang buhok niya.
Tapos na siyang magbihis at kasalukuyang inaayos ang sarili sa harapan ng salamin nang marinig niya ang magkakasunod na katok sa kaniyang pinto. Inisip niyang baka si Aling Malou iyon at hindi nga siya nagkamali.
“Good morning, kumusta ang tulog mo?” ang mabait nitong tanong sa kaniya.
“Okay naman po,” sagot ni Jenny habang matamis na nakangiti.
“Kukunin ko lang iyong tray,” anito.
“Ah, sandali lang po,” ani Jenny na nagmamadaling kinuha ang tray sa kusina.
“Salamat po, pakisabi kay Mama Loida masarap iyong Leche Flan,” aniyang iniabot kay Malou ang tray kasama ang platito at kutsarita na nahugasan na niya kagabi.
Tumango si Malou habang masaya ang aura ng mukha habang nakatitig sa kaniya. “Pinapatanong nga pala ni Ma’am Loida kung gusto mong sumabay mag-agahan sa kanila ng anak niya?”
Sa tanong na iyon ay mabilis na gumana ang isipan ni Jenny para mag-isip ng maisasagot. “Naku salamat nalang po pero gusto ko po kasing maglakad-lakad ngayong umaga,” pagsasabi niya ng totoo.
“Ganoon ba? O sige iyon nalang ang sasabihin ko sa kaniya. Huwag mo nga palang kalilimutang magsuot ng bonet at jacket. Mahamog at baka sipunin ka,” bilin ni Malou bago siya tuluyang iniwan.
Sinundan muna ni Jenny ng tingin ang papalayong si Malou bago isinara ang pinto. Wala siyang dalang bonet pero hooded jacket naman ang dala niya kaya wala siyang kailangang alalahanin.
*****
SA branch ng isang kilalang coffee shop naisipan ni Jenny na bumili ng kape nang matanawan niya iyon hindi kalayuan mula sa pinanggalingan niya. Walang customer sa counter kaya naging mabilis lang ang pag-a-assist sa kaniya.
Hindi niya tiyak kung dahil ba sa kinain niyang hapunan kagabi kaya hindi siya nakakaramdam ng gutom at mas gusto niyang humigop nalang ng mainit na kape habang naglalakad.
Someday bibili ako ng bahay dito sa Baguio.
Iyon ang sinasabi ng isang bahagi ng isipan niya habang nakangiting tinitingala ang matataas na puno ng pine trees na nakahilera sa kabilang bahagi ng kalsada na nilalakaran niya.
Dahil doon ay hindi napansin ng dalaga ang kasalubong niyang lalaking nakayuko naman sa hawak nitong cellphone. Huli na para iwasan iyon dahil nagkabanggaan na sila. Natanggal ang takip ng hawak niyang kape at kaya tumalsik iyon sa kamay niya kaya sa huli ay nabitiwan niya ang cup.
“Naku miss sorry hindi ko sinasadya!” ang maagap na winika ng lalaking nakabanggaan niya.
Hindi iyon pinansin ni Jenny at sa halip yumuko ng hindi tinitingnan ang lalaki para sana damputin ang nahulog na paper cup.
“Style lang siguro ninyong mga lalaki ang manakit, tapos mag-so-sorry kayo, napaka-nonsense!” ang naiinis niyang sambit.
“Kaya nga nag-so-sorry ako kasi hindi ko sinasadya,” giit nito.
“Huli na kasi nasaktan na nga ako!” ang galit na muling sagot ng dalaga saka itinuwid ang pagkakatayo.
Noon din niya tiningala ang matangkad na lalaking nasa kaniyang harapan ngayon. Para lang matigilan nang sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang halos sampung taon ay nagkaroon siya ng chance na masilayan ang maiitim at para sa kaniya ay pinakamagandang pares ng mga mata sa buong mundo.
“J-Jason?” aniya sa tono na hindi makapaniwala kasabay ang hindi maipaliwanag na pagbilis ng tahip ng kaniyang dibdib.
“Jen,” anas naman nito saka siya nginitian.
*****
“NASAKTAN ka ba? Patingin nga?” nang makabawi sa pagkabigla ay biglang naalala ni Jason na napaso nga pala si Jenny ng dala nitong kape kanina.
Noon niya walang anumang salitang hinawakan ang kamay nito na nakita niyang bahagya ngang namumula. Pero hindi rin naman nagtagal dahil binawi rin ni Jenny ang kamay nito mula sa kanya.
“Okay lang ako,” anito pa saka yumuko para iwasan ang kaniyang paningin.
Napangiti sa ginawing iyon ni Jenny ang binata. Hindi parin ito nagbabago, ito parin ang mahiyain na Jenny na nakilala niya noon.
“So totoo nga ang sinasabi ni Mama,” aniyang naging dahilan kaya muli siyang tiningala ng dating nobya.
“What?” nagsasalubong ang mga kilay na tanong ni Jenny.
“Na ikaw iyong maganda at mabait na guest namin na dumating kahapon,” sagot niya saka hindi napigilan ang mapangiti.
Hindi niya inalis ang pagkakatitig sa para sa kaniya ay pinakamagandang mukha na kaniyang nakita sa buong buhay niya. Kaya naman kitang-kita niya ang pagguhit ng pagtataka sa mga mata nito.
“W-What do you mean?”
Lalong lumapad ang pagkakangiti ni Jason nang marinig ang panginginig sa tinig ni Jenny.
“Anak ako ng may-ari ng cabin na inuupahan at tinutuluyan mo ngayon,” sagot niya.
Nanlaki ang mga mata ni Jenny sa narinig. “Ikaw ang anak ni Mama Loida?” tanong nito.
Tumango-tango si Jason saka humakbang palapit kay Jenny. “Kumusta ka na?”
Hindi pa nakakasagot ang dalaga ay hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili. Kinabig niya ito saka mahigpit na niyakap.
“Masaya ako at nagkita ulit tayo,” anas niya na alam niyang umabot sa pandinig ng dalaga.