Chapter 17

1957 Words
“MALIGAYANG pagdating sa Kaharian ng Benicastrum, Autumn.” Nag-angat ng tingin si Autumn at pinagmasdan ang mataas na tarangkahan. Gawa ito sa yelo at kumikinang sa ganda. Muntikan na siyang mapaatras sa gulat nang bigla na lamang itong bumukas kahit na wala namang bantay. Mula sa kanilang kinatatayuan ay tanaw niya ang mahabang pasilyo na kailangan pa nilang lakarin bago tuluyang makarating sa mataas na pader na nakapalibot sa buong kaharian. Kaya nang mag-alok ang binata na gamitin nito ang angking bilis ay hindi na siya kumontra pa. Kanina pa sila naglalakad at ramdam na rin niya ang pagod. Gamit ang vampire speed ni Blaze ay mabilis silang nakarating sa harapan ng malaking double door. Nang bumukas ito ay agad na naipikit ni Autumn ang kanyang mga mata. Ramdam niya ang malakas na enerhiya na pumapasok sa kanyang katawan. Mukhang mapapabilis ang pagbabalik ng kanyang kapangyarihan sa lugar na ito. Iginaya siya ni Blaze sa loob kaya ipinagpatuloy niya ang pagmamasid. Maliban sa magaan ang kanyang pakiramdam dahil sa mahikang bumabalot sa kaharian ay hindi rin niya napigilan ang mamangha habang nakatingin sa mga nilalang na masayang nagliligalig sa buong lugar. Sa pinto pa lamang ay sinalubong na sila ng mga bantay. May mga hawak na gintong espada at baluti ang mga ito. Inalam niya kay Blaze kung mga bampira rin ang mga kawal at nang kumpirmahin ito ng binata ay muli niya itong inusisa. “Bakit kailangan pa ng espada kung may mga pangil naman silang magagamit sa pakikipaglaban?” tanong niya. “Upang madaling matukoy na sila ang mga tagabantay ng buong kaharian,” paliwanag nito. Kahit hindi sang-ayon sa naging tugon nito ay pinili na lamang niyang manahimik. Kapag ipinilit niya ang kanyang opinyon ay paniguradong hahaba lamang ang kanilang usapan. Nakarating sila sa pamilihan at gaya ng naikuwento ni Blaze ay mapapansin ang mga nilalang na nakasuot ng makakapal na kasuotan. Ayon sa binata ay mga Veracastrian ang mga nilalang na ito, mga dati ay masasamang bampira ngunit ngayon ay mabuti na. Normal na nakikipaghalubilo ang mga ito sa mga Benicastrian na parang walang ipinagkaiba sa kanyang mga kalahi. Kung hindi lamang sa suot ng mga ito ay mahihirapan siyang tukuyin kung alin ang mga Veracastrian sa mga nilalang na naririto sa loob ng kaharian. “Magandang araw, Prinsipe Blaze. Ngayon lamang ulit kita nakita rito sa pamilihan.” Isang matandang babae na nagbebenta ng mga palamuti ang tumawag sa kasama niya. Agad naman itong nilapitan ng binata at masayang nakipagkuwentuhan. “Naging abala lang po ako nitong nakaraan sa paglilibot sa kaharian, Ginang. Ano po ba itong mga ibenibenta n’nyo?” tanong ng binata. “Mga palamuti na inukit pa sa ilog ng Aronya. Ang mga kasangkapang ginamit dito ay kinuha pa ng aking asawa sa Bundok ng Esteryo kaya nasisiguro kong balot ito ng makapal na mahika. Mamili ka, mayro’n ka bang pagbibigyan ng mga ito?” nakangiting tanong ng ginang. Nabaling ang tingin ni Blaze sa kanya kaya tinaasan niya ito ng kilay. Huwag nitong sabihin na balak siya nitong bigyan ng ganitong ka-cheap na mga palamuti? “Ang ilog ng Aronya ay kilala sa tawag na ‘Ilog ng Pangako’. Doon pumupunta ang dalawang taong nag-iibigan at nangangako ng kanilang habang-buhay na pagmamahalan. Balot ng mahika ang lugar kaya oras na nagbitiw ng pangako ang isang nilalang ay hinding-hindi niya ito puwedeng baliin, dahil ang ilog mismo ang maniningil sa pangakong hindi natupad. Ang Bundok naman ng Esteryo ay ang tahanan ng mga diwatang Eronian na ang hilig ay magtagpo ng mga nilalang na nagmamahalan. Kung sa mundo ng mga tao ay mayro’ng Kupido, dito sa Benicastrum ay mayro’n namang mga Eronian,” paliwanag ni Blaze. “And why are you telling me that?” kunot-noo niyang tanong. “Sapagkat gusto kitang bigyan ng palamuti na ito, Autumn. Gusto kong maintindihan mo na balot ng mahika ang mga ito kaya hindi ka puwedeng magbitiw ng isang pangako na hindi mo naman kayang panindigan,” sagot nito. “Then don’t buy it. I don’t need that,” piksi niya. “Ito ang magiging unang regalo ko para sa ‘yo kaya tanggapin mo at itago muna pansamantala. Kapag sigurado ka na sa nararamdaman mo ay saka ka na mangako,” sabi nito bago hinarap ang ginang. Naghalukipkip si Autumn saka ito tinalikuran. “Dalawang kuwintas ang bibilhin ko, Ginang.” “Prinsipe, hindi sa naghihimasok ako pero siya ba ang babaeng pagbibigyan mo nitong palamuti?” “Opo.” “Huwag kang mag-alala, mahal ka niya, medyo nalilito lang,” wika ng ginang dahilan para mapalingon si Autumn. At talagang pinag-usapan pa siya ng mga ito. “Alam ko po,” nakangiting sagot ni Blaze. Pinandilatan niya ito ng mga mata pero baliwala iyon sa binata. “Ngunit paano ang Prinsesa kung may iba ka nang iniibig, Prinsipe? Hindi ba’t siya ang iyong kabiyak?” Pinagbalingan siya ng tingin ni Blaze. Inikutan niya ito ng mga mata bago tumalikod. Bahala itong magpaliwanag, tutal ito naman ang nagsimula ng lahat. “Siya po ang Prinsesa.” Sabay silang nagulat ng ginang sa sinabi ni Blaze. Walang kaanu-ano ay bigla itong lumuhod sa kanyang harapan. Agad niya itong pinatayo dahil ayaw na niyang makakuha pa ng dagdag na atensyon. “Bakit mo kasi sinabi ‘yon? Dapat nanahimik ka na lang, eh,” banas niya kay Blaze. “Ayokong isipin ng mga Benicastrian na pinagtataksilan ko ang Prinsesa nila kaya ko sinabi ‘yon.” Umikot ito sa likuran niya saka isinuot sa kanya ang nabiling kuwintas. Pinagmasdan ito ni Autumn. Ramdam niya ang biglang pagbigat ng kanyang pakiramdam habang nakasabit ito sa kanyang leeg. Marahil ay dahil sa sinasabing mahika ng mga ito. “Ipinapangako ko na wala akong ibang babaeng mamahalin kundi si Autumn lamang. Mamahalin, aalagaan at poprotektahan ko siya hanggang sa aking huling hininga.” “Hoy! Bakit nangako ka na? Are you stup*d?!” gulat niyang tanong. “Handa akong panindigan ang lahat ng binitawan kong pangako, Autumn,” sagot nito. Binayaran na nito ang ginang kaya ipinagpatuloy na nila ang paglalakad. “Ano’ng mangyayari oras na hindi natupad ang pangako?” tanong niya. Nakalabas na sila sa Pamilihan at sunod na dinaanan ang mga bahay na gawa sa bato. “Mamamatay ang nilalang na nagbitiw ng nangako.” Natigilan si Autumn sa narinig. Nilingon siya ni Blaze at malakas na tumawa nang makita ang kanyang reaksyon. Hindi niya akalain na kamatayan ang naghihintay na kabayaran sa isang pangakong hindi natupad. “Bakit ba masyado kang nag-aalala? Sa ganda mong ‘yan, tingin mo ba ay maghahanap pa ako ng ibang babae?” natatawa nitong tanong. “Whatever,” aniya at nauna nang maglakad. Hindi siya pamilyar sa lugar pero hindi na lamang siya nagsalita. Isa pa, nawili rin siyang panoorin ang mga tanawin na nadadaanan nila. “Ito ang Mahika de Academia, ang institusyon para sa mga batang mangkukulam.” Huminto sila sa tapat ng isang malaking gusali. Unang bumungad kay Autumn ang nakaukit na pangalan ng Akademiya. Balot ng mahika ang buong lugar at kapansin-pansin din ang ilang mga kagamitan na nakalutang sa loob. “How about the vampires? May sarili rin ba silang eskuwelahan?” tanong niya bago ipinagpatuloy ang paglalakad. “Nasa kabilang bahagi ng kaharian ang Akademiya para sa mga batang bampira,” sagot nito. Iginaya siya ni Blaze na sumunod sa kanya sapagkat mayro’n itong ipapakita. Buong akala niya ay dadalhin siya nito sa sinasabing Akademiya ngunit nagkamali siya sapagkat tumigil sila sa harapan ng isang lumang gusali. Ayon sa binata ay kilala ito sa tawag na Librarium de Intellectus. Isang may edad na babae ang sumalubong sa kanila nang tuluyan silang makapasok sa loob ng silid-aklatan. Maaliwalas ang aura nito at may magandang ngiti. Sunod itong yumuko sa kanilang harapan. “Maligayang pagdating, Kamahalan. Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong nito. “Hihiramin namin ang Book of Knowledge, Lucia,” sagot ni Blaze. “Masusunod,” sagot nito at iginaya sila sa tahimik na bahagi ng aklatan. Umalis din agad ito para kunin ang hinihingi nila. Malawak ang aklatan at mataas ang lagayan ng mga libro. Mahaba ang mga mesa kung saan tahimik na nagbabasa ang ilang mga bampira at mangkukulam. Ilang saglit pa ay bumalik na rin ang babaeng nagsilbi sa kanila. Bitbit na nito ang librong hinahanap nila at agad na inilapag sa kanilang harapan. “Maraming salamat, Lucia,” nakangiting sabi ni Blaze. “Walang anuman, Kamahalan. Nasa pasilyo lamang ako kung sakaling mayro’n pa po kayong kailangan.” Umalis na ito kaya binuklat na ni Autumn ang libro. Kumunot ang kanyang noo nang makitang walang kahit na isang letra ang nakasulat doon. Pinagbalingan niya ng tingin si Blaze na agad na ngumiti nang makita ang kanyang reaksyon. “Ang ganda mo talaga kapag magkasalubong ang mga kilay mo,” sabi nito bago kinuha sa kanya ang libro. “Ano’ng gusto mong malaman?” tanong nito. “I don’t know. Hindi ko nga alam kung bakit mo ako dinala rito,” sagot niya. “Ipakita mo ang kasaysayan ng dalawang magkatunggaling kaharian.” Pagkasabing iyon ni Blaze ay biglang may naglabasang mga letra at litrato. Tumayo si Autumn at mabilis na lumipat sa tabi ni Blaze. Kinuha niya sa kamay nito ang hawak na libro. “Gusto mo bang basahin nang tahimik? O gusto mong magtawag ako ng magbabasa para sa ‘yo?” tanong nito. Umikot ang mga mata ni Autumn bago ibinaling ang tingin sa hawak na libro. Tahimik niya itong binasa. Ayon sa nakatala sa libro ay itinayo ang Kaharian ng Benicastrum ilang siglo na ang nakalipas ng isang bampira na kilala sa tawag na Frost Benignus. Mayro’n itong matalik na kaibigan na siya namang nagtayo sa Kaharian ng Veracastrum, si Fury Veraguaz. Si Frost ay mayro’ng dalawang anak, sina Ice at Snow Benignus. Tatlo naman ang naging anak ni Fury na sina Savage, Hell at Demon Veraguaz. Dating magkaibigan ang dalawang kaharian hanggang sa bumaba sa puwesto si Fury at pinalitan ng panganay nitong anak na si Savage Veraguaz. Noon pa man ay ganid na sa kapangyarihan si Savage. Nadagdagan pa ang kasamaan nito nang tanggihan ng babaeng iniibig, ang Prinsesa ng mga Umbrian na si Skylar Flaire. Napahinto si Autumn sa pagbabasa nang makita ang pangalan ng kanyang ina. Hindi niya akalain na nagkaroon ng pagtangi si Savage sa ina niya. Posible kayang ito rin ang dahilan kung bakit namatay ito sa kamay ni Savage? Naikuyom niya ang kanyang mga kamay. Kahit naiinis na ay ipinagpatuloy niya ang pagbabasa. Doon niya nalaman ang labis na pagkamuhi ni Savage sa kanyang ama sapagkat ito ang napiling pakasalan ng ina niya. Doon na tuluyang kinain ng galit si Savage at nagsimula ng digmaan. Pumatay ito ng maraming immortal na naging dahilan ng pagbagsak ng ilang kaharian. Nang malaman nito ang tungkol sa propesiya ay agad nitong nilusob ang Benicastrum. Namatay sa digmaaan si Frost, gano’n din ang kanyang ina. Hindi na tinapos ni Autumn ang pagbabasa at agad na isinara ang aklat. Tumayo siya at tahimik na tinahak ang daan palabas ng aklatan. Agad siyang sinundan ni Blaze. “Saan ka pupunta?” tanong nito. “Uuwi,” tipid niyang sagot saka ito nilagpasan. “May pupuntahan pa tayo—” Hindi nito natapos ang sasabihin nang bigla na lamang umihip ang malakas na hangin. Nanggagaling ito sa parehong mga kamay ni Autumn. Sa lakas ng hangin ay biglang nagkagulo ang mga naroroon sa loob ng gusali. Wari’y may nagbabadyang paparating na bagyo. “Okay, uuwi na tayo kaya kumalma ka lang,” mahinahong sabi ni Blaze. Agad na tumigil sa pag-ihip ang malakas na hangin. Tinapunan niya ng masamang tingin ang binata bago ipinagpatuloy ang paglabas sa aklatan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD