CHARM'S POV
Tumaas ang kilay ko nang ipakilala ng babaeng nag-interview kung sino ang magiging Boss ko. Attorney Xavier Mendez. S’ya na nga siguro ang nag-iisang anak ng mabait na Judge na nagrekomenda sa akin na mag-apply dito sa Mendez Law Firm. Nabanggit ko kasi sa kanyang graduate ako ng Political Science nang minsang dumalaw s’ya sa bahay ng amo ko. Naging tutor kasi ako ng anak ng isang mayamang businessman sa lugar namin bago ako nag-apply dito bilang isang legal secretary.
Bahagyang nginitian ko s’ya bago binigyang pansin ang itsura n’ya. Maganda ang pagkakaayos ng buhok n’ya at malinis tingnan. Medyo makapal ang mga kilay n’ya at maganda ang mga mata. Matangos ang ilong at natural na mapupula ang mga labi. Na-turn on naman ako dahil mukhang hindi ito kailanman nasayaran ng sigarilyo. Sa kabuuan ay gwapo talaga s’ya at mukhang palikero. Masasabi kong isa s’ya sa mga lalaking pwedeng maging dahilan ng pagtulo ng laway ng best friend kong si Arcie!
Nang sabihin ko ang apilyido ko sa kanya ay tila bingi ito na hindi narinig ang sinabi ko. O sadyang hindi lang s’ya makapaniwala sa apilyido ko? Tsk! Sino naman kasing timang ang gugustuhing magkaroon ng ganito kabahong apilyido?
Rhegla. Medyo naawa pa yata kaya nilagyang ng "H"!
"Rhegla, Sir. I’m Charm May Rhegla, your new secretary," nakangiting ulit ko at sadyang binuo na ang pangalan ko para mas maliwanagan s’ya. Pero mas lalo lang yata s’yang naguluhan nang marinig ‘yon.
Nakita kong saglit pa itong napamaang matapos marinig ang buong pangalan ko. Tsk! Kung alam ko lang ay tatawa na rin s’ya maya-maya. Sus!
At mukhang hindi nga ako nagkamali dahil nakita ko kung paano tumaas baba ang Adam's apple nito.
Nag-iwas ito ng tingin at binaling ang atensyon doon sa babaeng nag-interview sa akin na nakalimutan ko ang pangalan.
"Ahh, Sally.. Pakigawa naman kami ng kape," utos nito kaya napatingin din ako sa gawi nito.
Nakita kong parang nagpipigil ng tawa ‘yong babaeng tinawag nyang 'Sally'.
Tsk! Hindi Makaget over?
"Ah, by the way, Charm.." rinig kong tawag ni Atty. Xavier kaya napaharap naman ako sa kanya na nagtatanong ang itsura.
"Ano po ‘yon, Atty.?" tanong ko habang hinihintay ang sasabihin n’ya.
"Sir na lang ang itawag mo sa akin," utos n’ya na agad kong tinanguan.
“Okay, Sir!”
"Well, aalis kasi tayo mamaya. We'll be meeting one of my clients. And I want you to be there to take down some notes for me. Would that be okay to you if we will be coming back late?" tanong n’ya habang pinapanood ang reaksyon ko. Agad na tumango ako.
"Yes, Sir. And besides, it's part of the job, I think," sagot ko.
"Yeah. And... Charm?" tawag ulit n’ya kaya tumaas ang kilay ko.
"Po?"
"You can wear something comfortable here. Pansin ko lang kasi na mukhang hindi ka komportable d’yan sa suot mo," sabi nito sabay sulyap sa legs ko. Nanlaki ang mga mata ko at naramdaman kong nag-init ang pisngi ko dahil doon kaya agad na napatayo ako at mabilis na hinarap na s’ya.
"Sir?" tawag ko para makuha ang atensyon n’ya. Nag-angat naman kaagad s’ya ng tingin sa akin.
"What?" nakataas ang kilay na tanong nito.
"Hindi po ba bagay sa akin? I mean, mukha po ba akong trying hard magsuot ng skirt na ganito? O di kaya... naiitiman ka sa tuhod ko? Pangit ba ang hubog ng mga legs ko? Puro stretchmarks ba kaya ka-"
"Wait, Charm," nakaawang ang mga labi na pigil nito na nakataas pa ang isang kamay. "I didn't say anything like that. Ang sabi ko lang, I want you to wear something comfortable. Ayoko kasing hindi ka makapagtrabaho ng maayos dahil hindi ka komportable sa suot mo," paliwanag nito at napahimas pa sa kilay. Napangiwi ako.
"Ah.. Ha-ha-ha.. Sabagay, Sir! May point kayo d’yan. Sige po, bukas magpapajama na lang ako-"
"Charm.." muling tawag nito na tuluyan nang nagkamot sa kilay.
"Joke lang, Sir..." nakangising sabi ko at nag peace sign sa kanya. Nakita ko pa s’yang iiling iling at napahilot sa sentido.
Hmmm… At least, nawala ang hiya ko sa kanya!
XAVIER'S POV
Napapatingin ako sa bagong secretary ko habang kagat kagat pa nito ang dulo ng hinlalaki habang nakikinig sa sinasabi ni Mrs. Villaluz.
"Oh tapos ho, Misis? Ano hong nangyari?" rinig kong tanong pa nito sa umiiyak na babae. Parang gusto ko na namang mapahilot sa sentido ko dahil sa ginagawa n’ya.
Bago kami pumunta dito ay malinaw ang pinag-usapan naming magte-take down lang s’ya ng notes bilang Salaysay ng asawa ni Mr. Villaluz. Pero, heto s’ya at tanong ng tanong sa matanda na dapat na ako ang gumagawa!
Pasimpleng tiningnan ko s’ya para maagaw ang atensyon n’ya. Tumingin nga s’ya saglit sa akin pero muling ibinalik ang atensyon kay Mrs. Villaluz. Kinagat ko ang ibabang labi ko dahil sa panggigigil. Dahil sa ginagawa n’ya ay lalo lang kaming magtatagal dito.
Anak ng.. hindi man lang makaramdam ang babaeng 'to!
Muling tiningnan ko s’ya and this time, nakakunot noo na ako. Pero katulad kanina ay tiningnan n’ya lang ako at itinuloy na ang pagtatanong. Napabuntonghininga ako at sinubukang iharang ang mukha ko sa harapan n’ya. Pinandilatan ko s’ya pero kumunot lang ang noo nito at mahinang nagsalita.
"Pwede ba, Atty.? Hindi po nakakatulong ang pagpapa-cute n’yo sa ginagawa kong pagtatanong dito," bulong n’ya sabay hawi sa akin pasandal sa upuan.
Tuluyan na akong napahilot sa sentido at niluwagan ang necktie ko para makasagap ng hangin. Naiirita na ako sa ka-slowan ng babaeng 'to.
Noong maganda ang secretary ko, namomroblema ako dahil naaasiwa ako dahil s’ya na lang ang tinitingnan ng mga kliyente ko. Ngayon namang hindi na maganda ang secretary ko, mukhang mamomroblema naman ako dahil sa kakulitan at kadaldalan ng isang ito!
"Mommy!"
Napaangat ang tingin ko sa lalaking dumating. He is Jonathan Villaluz. Ang ampon ng mag-asawang Villaluz.
Agad na dinaluhan nito ang tinuturing na ina at saka niyakap. Nakahanap ako ng pagkakataong sitahin ang babaeng katabi ko na ngayon ay nakahawak pa sa dibdib na animo'y nanonood ng isang drama series sa TV. Napapailing ako habang tinitingnan s’yang mas emosyonal pa sa mag-ina. Ibang klase talaga ang isang ito.
Pasimpleng kinalabit ko s’ya at sinubukang kuhanin sa tingin. Pero imbes na lingunin ako ay sinenyasan n’ya pa akong manahimik habang nakatuon parin ang pansin nito sa dalawa. Hindi ako nagpatinag at mahinang tinawag s’ya.
"Charm!" pabulong pero mariin kong tawag pero lalo akong nanggigil dahil sa naging reaksyon n’ya.
"Sshhhh! Wag kang maingay, Atty. Nakita mong nagmomoment ‘yung mag-ina oh," sabi pa nito na nakalagay ang hintuturo sa gitna ng mga labi. Nanggigigil na inilapit ko ang mukha ko sa kanya at hindi na napigilan ang pag-iinit ng ulo ko.
"Ikaw ang tumahimik d’yan! Kanina pa kita sinesenyasan pero hindi ka nakakaramdam! Ano bang sinabi kong gagawin mo dito ha? Sinabi ko bang ikaw ang magtanong at ako ang magsusulat? Geez! Umayos ka at gawin mo kung anong ipinagagawa ko sa’yo!" tuloy tuloy at mahina ngunit mariin kong utos sa kanya. God knows how I took all the courage to stop myself from yelling. Pinapainit ng babaeng 'to ang ulo ko!
Nang tingnan ko ulit s’ya ay ni hindi man lang ito natakot dahil sa ginawa kong paninita sa kanya. Sa halip, gumanti lang ito ng bulong.
"Galit ka na n’yan, Attorney?" ganting bulong n’ya.
Mariing napapikit na lang ako dahil sa kanya. Kung ganitong klaseng babae ang makakasama ko araw araw ay baka atakihin ako sa puso sa tindi ng kunsumisyong aabutin ko sa kanya!