“Marami na namang for-ren-jers sa Mariposa! Paniguradong mabenta ang ganda ni Maymay niyan,” sabi ng nanay-nanayan kong si Puraida. Tipid akong ngumiti sabay iling. Masyado kasi silang bilib sa itsura ko kahit wala naman akong binatbat sa mga babae rito sa lugar namin.
Kayumanggi ang kutis ko dahil araw-araw bilad sa araw. Wala akong kahit anong makeup kaya kitang-kita ang itim sa ilalim ng mga mata ko. At higit sa lahat, paulit-ulit kong sinusuot ang mangilan-ngilang damit kong kupas at may ilang tahi na.
Oo’t matangkad ako, papasa raw na modelo, ngunit payat ang pangangatawan ko. Kung tutuusin, wala akong maipagmamalaki bukod sa pagyakap ko sa pagiging purong Filipina ko.
“Ay naku, Maymay! Tigilan mo na nga muna ‘yan. Mag-ayos ka na. Mag-iikot pa tayo,” sabi naman ng kaibigan kong si Dayang na anak ni Puraida. Magkaedad lang kami, dalawampung taong gulang. Magkasundo kami sa halos lahat ng bagay at parang magkapatid na rin.
Nasa bahay pa kami. Nagbabasa ako ng libro. Napulot ko ito sa basurahan ng public school malapit sa ‘min. At wala pa sana akong balak tumigil nang lapitan ako ni Marikit, nakababatang kapatid ni Dayang.
“Ate Maymay!” tawag ni Marikit. Dali-dali siyang tumakbo palapit sa ‘kin at yumakap. Tinago ko na agad ang libro ko bago pa niya paglaruan. “Burth-day ko na!” paalala niya sa ‘kin.
Nangiti naman ako. Nagsabi kasi ako sa kanyang reregaluhan ko siya ng sapatos sa kaarawan niya at mukhang hindi niya ‘to nakalimutan. Tsinelas lang kasi ang pinatatsagaan niya kahit ilang beses na itong naputol.
“Manlilimos ako ng marami mamaya para makabili tayo ng sapatos mo,” pangako ko sa kanya at agad nagliwanag ang mukha niya.
Dahil baka ako na lang ang hinihintay ay nagmadali na ‘kong maligo at mag-ayos ng sarili. Ngunit hindi ako tumulad sa mga kasama kong babae. Imbes na magsuot ng malong o malaking kumot na nakaikot sa katawan, mas pinili ko ang maluwag na t-shirt at maong shorts. Hangga’t maaari ay iniiwasan kong makilala bilang isang Marasubwa, tribong pinagmulan ko. Ayaw ko ring mabigyang pansin katulad ni Dayang na talagang nagsuot ng tube na kitang-kita ang dibdib.
Malalim na ang gabi. Galing sa tinutuluyan naming pabahay ng gobyerno, nagpunta kami sa Mariposa District kung saan kami nag-iikot para manlimos gabi-gabi. Dalawang lane ang kalsada rito, may mga poste ng ilaw, at bangketa na madalas gamiting paradahan ng mga sasakyan o kariton ng mga pagkain.
Dahil Biyernes, inaasahan naming dudumugin ang lugar na ito ng mga tao lalo na ng mga may lahi ngayong gabi. Ganito naman kasi palagi rito kapag Biyernes at Sabado. Maraming nagliliwaliw sa mga hotel, restaurant, bar, at club na marami rito.
Nagsimula ang pag-iikot namin sa Sampaguita Street. May biniling mga rosas si Puraida at tinulungan namin siyang itinda ang mga ito sa halagang limampung piso kapag Pilipino at isang daan kapag may lahi. Huminto kami malapit sa mga hotel at dito naghintay ng mapagbebentahan.
“Ate, fifty lang. Bili ka na. Pangkain lang,” sabi ko sa babaeng pula ang lipstick na kalalabas lang ng hotel. Pero dahil nagmamadali, kahit pagtingin sa ‘kin ay hindi nito nagawa. Kasunod nitong lumabas ang isang lalaki. Napatingin ito sandali sa ‘kin bago naglakad papalayo.
Hawak-hawak ko si Marikit at alam na niya kung anong gagawin. Dala ang rosas na binebenta namin ay hinabol niya ‘yong lalaki at sinubukan itong bentahan. Hindi ito bumili sa kanya pero pagbalik niya’y may bente na siyang dala-dala kaya nakipag-apir siya sa ‘kin.
Mas madali talagang makapanglimos si Marikit dahil siya ang pinakabata sa ‘min. Sa kanya naaawa ang mga tao imbes na sa tulad ko dahil tingin nila’y pwede naman akong magtrabaho pero hindi ko lang ginagawa. Kung pwede nga lang talaga ‘ko makakuha ng maayos na trabaho ay ginawa ko na, pero hindi patas ang turing at pagtingin sa tulad naming galing sa malayong probinsya at parte ng isang tribo.
Minsan ko nang sinubukang magtrabaho pero nataboy ako, napagkamalang magnanakaw, at nabastos. Kaya ngayon ay wala akong ibang mapagpipilan kung hindi manlimos para lang makakain sa araw-araw. Sana lang ay isang araw, matakasan ko rin ang buhay na ‘to.
May ilang tao pa kaming pinagbentahan at pinaglimusan. At pagkalipas ng ilang minuto, dahil wala nang tao sa kalsada kung nasaan kami, nagpatuloy na kami sa pag-iikot. Huminto kami sa Savor Ramen House kung saan kami madalas tumambay.
“Ate Maymay! Tingnan mo oh!” masayang tawag ni Marikit sa atensyon ko. Tumawid pala siya sa kabilang kalsada. May nakita siyang rubber shoes na bukod sa panlalaki ay masyadong malaki sa kanya. Mukhang nakuha niya ito sa basurahan malapit sa kinatatayuan niya.
Nangiti naman ako dahil nakakatuwang bata talaga si Marikit. Pitong taong gulang lang siya pero nakikita ko sa kanya ang kapatid kong nahiwalay sa ‘kin. Mas matanda ito sa kanya ng ilang taon pero kasing ligalig niya.
“Tara na! Baka maiwan ka pa,” sabi ko naman. Napansin ko kasing nagpatuloy na sa paglalakad ang mga kasama namin. Mahirap nang mapag-iwanan at baka mapagkadiskitahan pa kami ng mga loko-loko.
Tatawid na sana si Marikit nang madapa siya dahil sa suot na sapatos! Kinabahan ako dahil sa sasakyang paparating na mabilis ang takbo. Mabuti at huminto ito bago pa tuluyang makabangga.
Parang nalaglag ang puso ko. Akala ko ay maaaksidente na si Marikit. Agad ko siyang nilapitan at inalalayan. Gumilid na rin kami sa kalsada.
Lalapitan ko sana ‘yong sasakyang muntik nang makabangga kay Marikit para magreklamo nang humarurot na ito papalayo. Marahil nakita nitong pulubi lang kami at hindi kailangang bigyang pansin.
Ramdam ko ang pagkulo ng dugo ko dahil sa nangyari. Mas nainis pa ako dahil alam kong wala naman akong magagawa kung ganito ang trato sa ‘min ng mga tao. Nakita ko na lang ang likuran ng kotse, may sticker ng ibon dito, hanggang sa mawala na ito ng tuluyan sa paningin ko. Sinipa ko papalayo ‘yong sapatos na hinubad ni Marikit dahil sa inis.
“Marikit!” Napalingon kami kay Nonoy, kaibigan ni Marikit na akala namin ay hindi sasama ngayong gabi dahil may sakit. Dumura ito sa sahig bago humabol sa ‘min. “Happy Burth-day! Sana may magbigay sa ‘tin ng noodles!” Mas matanda lang ito ng ilang taon kay Marikit.
Huminga ako ng malalim at sabay-sabay na kaming sumunod sa mga kasama namin. Nahinto lang kami sa tapat ng isang tindahan dahil nakakita kami ng Koreano.
Ako ang lumapit sa kanya. Wala naman na ‘kong kailangang sabihin, basta kinalabit ko siya at inilahad ko ang palad ko sa harapan niya. Tumingin siya sa ‘kin at ngumiti. Kadalasan talaga ay mas nagbibigay ang mga may lahing dayo rito sa lugar namin. Nakita kong maglalabas na siya ng pera sa bulsa pero ‘yong s*x worker na kasama niya ay agad siyang tinapik at hinila papalayo. Nagawa pa ‘kong irapan nito.
Lalong sumama ang loob ko. Akala ko pa naman ay may pera na ‘kong maipandadagdag sa ipon ko para maibili si Marikit ng sapatos. Mukhang inaalat kami ngayong gabi. Napatingin ako kay Marikit na mukhang malungkot din habang nakatitig sa benteng hawak. Hindi na kasi ito nasundan.
Pero mabuti na lang at nandito si Nonoy. Ginaya niya ‘yong ginawang pag-irap nung babae na sinabayan pa niya ng pagpalis ng kunwaring buhok. Tuloy ay natawa na kami pareho ni Marikit.
Nagpatuloy pa kami sa pag-iikot sa Sampaguita Street. Mas naging agresibo kami sa lahat ng mga taong nakakasalubong namin. Kung hindi umubra ang pagtitinda ng rosas ay diretso panlilimos ang ginagawa namin. Sinusundan din namin kapag tingin namin ay may pag-asang magbigay ‘yong tao.
Kaya naman pagdating namin sa Las Rosas Circle kung saan tumatambay lahat ng mga kapwa naming pulubi para magpahinga, kahit papaano ay may napala kami sa pag-iikot dahil may nadagdag kaming pera at may nag-abot pa ng pagkain na pwede nang pantawid-gutom sa gabi.
Mauupo na sana ako sa semento katulad ng iba pero natigilan ako sa paglapit ni Dayang sa ‘kin. “Nakita mo na ba ‘yung Amerikano?” bakas ang saya sa mukha ng kaibigan ko.
Umiling naman ako. “Koreano lang nakita namin. Anong meron?”
Hinampas ako ni Dayang sa braso, animo kinikilig. “Huli ka na naman sa balita eh! Ang usap-usapan dito, sobrang gwapo daw nung Amerikano! Ay parang artista! Matangos ang ilong, maputi—”
“Aanhin ko ang kagwapuhan niya kung wala naman akong pera,” pagputol ko sa kanya. Blanko ang ekspresyon ng mukha.
Tuloy ay sinamaan ako ng tingin ni Dayang bago tinawanan. “Ayun pa nga ang tsismis! Ang dinig ko, mayamang negosyante raw ‘yung Amerikano. Aba! Hindi ka ba naman yayaman kung ikaw ang may-ari ng buong Mariposa District!”
Malakas na hangin ang pinakawalan ko sabay iling. “Ay naku, Dayang. Saan mo ba nasasagap ‘yung mga ganyang tsismis. Kung siya ang may-ari ng lugar na ‘to, dapat matagal na siyang nagpunta rito,” balik ko. “Eh halos limang taon na tayo rito kahit anino niya hindi naman natin nakita. Anong rason at bigla na lang siyang dadayo rito?”
“Ay! Malay ko! Bakit hindi mo alamin kung totoo o hindi ang sinasabi ko. Kahit si Lola Sabel nga, nag-aabang doon sa club na pinasukan nung Amerikano!” Ngumuso si Dayang sa isang direksyon at sinundan ko ito ng tingin.
Dito ko nakita si Lola Sabel, pinakamatandang pulubi at Marasubwa na kilala ko. Isa siya sa matagal ko nang kasama rito sa Mariposa District. Nakaupo siya sa tapat ng Pleasure Point, pinakamalaking club dito na puntahan ng mga foreigners. Ayaw ko sa lugar na ‘to dahil kay Mang Lito na may-ari nito. Minsan na kasi niya kaming binastos ni Dayang at sinubukang kuhaning s*x workers. Sikretong serbisyo lang ito rito sa Mariposa District na mukhang sinusuportahan kahit ng mga pulis.
“Nasa Pleasure Point ‘yung Amerikano?” tanong ko at todo tango si Dayang. Dito naman ako napatingala sa langit dahil nagsimulang pumatak ang ulan. Kung minamalas nga naman.
Nagsimula nang magsialisan ang mga kasama ko. Pero hindi naman ako kumilos sa kinatatayuan ko.
Huminga ako ng malalim, napaisip kung susubukan ba ang swerte ko. At bandang huli, dala-dala ang mga rosas na hindi ko pa naibebenta ay dire-diretso akong nagpunta sa club. Wala namang mawawala sa ‘kin kung susubukan ko ang naiisip ko.
Pagdating ko sa Pleasure Point, parang bumagal ang oras paglabas ng maputi at matangkad na lalaki. Napalunok ako nang makitang nagbabadyang mapunit ‘yong suot niyang gray suit dahil sa nakadepinang muscles sa kanyang mga braso. Mukhang mamahalin ang suot niyang leather na sapatos at gintong relo kaya siguro nga totoong isa siyang mayamang negosyante.
Tama nga si Dayang. Papasa siyang artista. Kahit nakasuot ng itim na shades, kamukha niya ‘yong bida sa pelikulang minsan naming napanuod sa piratang CD. Kamukha niya si Captain America! Nagmukha tuloy siyang superhero sa paningin ko.
Sa magkabilang gilid niya ay may mga lalaking nakabantay. Nakasuot din sila ng itim na shades at pormal na damit. Mukhang bodyguards ang mga ito. Napalunok ako at muntik nang umatras pero nilakasan ko ang loob ko. Humakbang ako papalapit doon sa Amerikano at dito mabilis na hinarang ng mga bodyguards.
“Bili na po kayo!” sigaw ko sabay pakita ng mga hawak kong rosas. Ginawa ko ito para matawag ang atensyon nung Amerikano. Tuloy-tuloy na sana kasi ito papasok sa sasakyan nang mapalingon sa ‘kin. Lalong bumilis ang kabog ng dibdib ko dahil dito.
Tinutulak ako papalayo ng isa sa mga bodyguards niya pero agad niya itong pinahinto gamit lang ang isang kamay na tinaas niya sa ere. Ilang hakbang pa ang ginawa niya hanggang sa makalapit sa ‘kin.
Hinigit ko ang hininga ko nang maging magkaharap na kami. Alam kong matangkad na ‘ko para sa isang babae pero mas mataas pa siya sa ‘kin. Lalong nanliit ang tingin ko sa sarili.
“How much?” tanong ng Amerikano.
Nang makita kong maglalabas na sana siya ng wallet ay dito ako lumuhod sa harapan niya. Yumuko ako bago nagsalita. “Please, buy me,” pakiusap ko. “Any amount is okay.” Hindi man ganuon kaganda ang pagsasalita ko ng Ingles, ang mahalaga maintindihan niya ‘ko.
Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan namin. Naririnig ko lang ang ingay sa loob ng club. Dumami na rin ang patak ng ulan.
Maya-maya’y kinuha ng isa sa mga tauhan niya ang hawak kong rosas. Nag-angat ako ng tingin at dito nakitang bahagyang yumuko ‘yong Amerikano hanggang sa kahit papaano ay naging magkalebel na kami.
Pinagmasdan muna niya ng mabuti ang mukha ko, bago niya bahagyang binaba ang kanyang salamin. Nakita ko ang kulay asul niyang mga mata. Parang dagat na matagal ko nang hindi nakikita.
"You're not worth anything. Not even a penny,” malamig at malalim ang kanyang boses.
Nanayo ang buhok ko sa batok at braso. Akala yata niya ay hindi ako nakakaintindi ng Ingles. Pero nakuha ko ang ibig niyang sabihin kaya agad ko siyang hinawakan sa braso bago pa siya tumayo.
“Just bring me,” mangiyak-ngiyak kong saad. “Please. No need to pay. No money.”
Pero walang nangyari sa ilang beses kong pakiusap sa kanya. Dahil mas malakas siya sa ‘kin, nang palisin niya ang mga kamay ko’y agad akong bumagsak sa basang sahig. Pinanuod ko siyang sumakay sa sasakyan. Sumunod ang mga tauhan niya.
Akala ko’y aalis na sila nang mistulang umulan ng pera. Nagsaboy ng pera sa bintana ‘yong Amerikano. Pag-andar ng kanyang sasakyan, nanlamig ang buong katawan ko nang makita ‘yong sticker sa likod nito. Ito pala ‘yong muntik nang makabangga kay Marikit kanina!