PROLOGUE
TATUM'S POV
"Psst!"
Nilingon ko si Flint at tinaasan siya ng kilay. Pasimple naman itong nag-inat, at kasabay nu'n ay may hinagis siyang nalukot na papel sa mismong ibabaw ng mesa ko. Taka ko itong tinignan pero ngumuso lang ito sa isang direksyon, kaya naman napatingin ako roon, si Toose?
Ibinalik ko ang aking tingin kay Flint sabay finger heart sa kaniya, ganu'n din kay Toose na nginiwian nito.
"Gago!" malutong nitong pagmumura dahilan upang mapatingin sa kaniya ang buong klase.
"Yes, Mr Sandro?" mataray na tanong ng guro naming naputol sa pagle-lecture dahil sa ginawang pagmumura ni Flint.
Agaran akong umayos sa aking pagkaka-upo at patagong natawa. Sinermonan siya ng guro dahil wala siyang maibigay na maayos na paliwanag, sa ginawa niyang pagmumura. Habang nanenermon ito, ay sinamantala ko ang oras na iyon upang kalabitin si Toose na nasa harapan lang ng upuan ko.
Nilingon naman ako nito kaya iniabot ko sa kaniya ang papel na ibinato sa akin ni Flint. Nakakunot ang noo nitong tinanggap iyon, pero kapwa kami napa-ayos ng upo nang humarap sa amin si Mrs Guerre.
Umakto akong nagsusulat hanggang sa dumaan lang sa gilid ko si Mrs Guerre. Itinapat ko naman ang aking ballpen sa aking noo at yumuko, sabay lingon kay Flint. Binelatan ko ito na sininghalan niya naman.
Nang magpatuloy na sa pagsasalita si Mrs Guerre ay ipinokus ko na ang atensyon ko sa harapan. Halos sampung minuto rin ang itinagal ng pagsasalita ni Mrs Guerre, hanggang sa matapos na ang oras namin sa kaniya. Grabe! Nakahihilong Practical Research na 'yan!
Iniligpit ko na ang gamit ko at inilagay sa aking bag, sabay lakad na palabas ng classroom. Pagtuntong ko palang sa labas ay agarang bumungad sa akin ang ginawang pambabatok ni Flint.
"SIRAULO KA."
Umaaray ako habang tumatawa, dahil sinunod niya namang pinaghahampas sa katawan ko ang bag niya na iisang notebook lang ang laman.
"Hindi ko kasalanang sumigaw ka sa gitna ng klase, ulol!" bulyaw ko naman kaya nagpatuloy ito sa paghampas sa akin.
Natigil ang kulitan naming dalawa nang bigla nalang dumaan si Toose sa pagitan namin ni Flint, kaya napatingin kaming dalawa sa kaniya.
"Mukhang pupuntahan niya na si Miles," bulalas ni Flint sabay balik ng tingin sa akin. "Alam mo nagtataka talaga ako, magkapatid ba talaga kayong dalawa? Kasi tignan mo ha, siya ay mayroong guwapong mukha at astig kung kumilos."
"Napaka awesome?" inosente kong sambit kasabay ng pag-thumbs up ko.
Natigilan naman ito at natawa sabay palo sa naka-thumbs up kong kamay.
"Ang baduy mo," usal nito. "Mabalik tayo sa usapan. Bawat galaw ni Toose ay kayang palundagin ang puso ng mga babae, at pinapangarap siya ng lahat. Habang ikaw, heto, baduy na tomboy. 'Yung mukha mo ay parang hinubog at ipininta para lang may pagtawanan. Napaka-isip batang kumilos at sobrang kulit. Ni wala atang natirang kagandahan na nakalaan sayo," aniya habang nakahalukipkip at pinagmamasdan mula ulo hanggang paa ang aking katawan.
Ngumuso lang ako at tinignan si Toose na naglalakad palayo sa kinatatayuan namin.
Tama si Flint, marami nga kaming pagkakaiba ni Toose. Kung ako ay mukhang takas sa mental, siya naman ay mukhang preso dahil sa sobrang seryoso niyang mukha, idagdag pa ang pagiging basagulero niya. Ni hindi nga halatang magkambal kaming dalawa, dahil wala kaming pagkakapareho.
Madalang lang ang pag-uusap namin dahil malalim ang galit nito sa akin, at naiintindihan ko ang galit niya, kaya ako na ang nagpapakumbaba, isa pa ay ako ang mas matanda ng ilang minuto sa kaniya, kaya dapat lang na intindihin ko siya.
Bumuntong-hininga ako at ngumiti.
Gagawin ko ang lahat para magka-ayos kami. Gagawin ko ang lahat upang mapatawad niya na ako. At gagawin ko ang lahat upang mahalin niya ako.