Chapter 10

1136 Words
“BAKIT hindi natin ibahin ang pustahan para mas maganda ang laro?” Napatingin ang lahat ng tao sa paligid kasama si Riki sa nagsalitang si Perry. Hawak nito ang isang coin at handa ng ihagis iyon para malaman kung sino ang unang maglalaro sa grupo. Nahati na ang grupo nila sa dalawa. Nagkahiwalay sila sa grupo ng binata at naging magkalaban. “Ano naman ang nasa isip mo?” nakataas ang isang kilay na tanong niya dito. Isang pilyong tingin ang ginawa nito sa kanya bago nagsalita. “Ganito kasi ‘yun. Normal na ang pustahan niyo ay kung sino ang matatalo ay sila ang sasagot sa meryenda. How about this, kapag nanalo kayo, sagot ko ang lahat ng meryenda nating lahat sa isang buong taon.” Nag-angalan ang mga kasama nila at ang iba ay napakamot sa batok. “Paano mangyayari iyon e nagbabakasyon ka lang dito. Pag bumalik ka na sa Maynila e di hindi mo na masasagot ang meryenda.” Ani Gerom na kakampi niya sa pagkakataong iyon. Sumang-ayon sila. Nagtaas ng kamay ang binata para patigilin sila. Mabilis naman silang tumahimik. “Madali lang ‘yan. Siyempre, ngayong nakilala ko na kayo at naging kaibigan…” sumulyap ito sa kanya. “Siyempre, pabalik-balik na ako dito. Kung hindi man ako makapunta dito sa mga laro ninyo, pwede naman akong magpadala hindi ba?” Nagsitanguan ang mga ito. Sumang-ayon sa sinabi ng binata. Nangingiti-naiiling si Riki habang pinagmamasdan ang binata at ang mga kalaro nila. Kung makareact ang mga ito ay tila malapit na sila sa binata gayundin ang binata sa mga ito. “O sige, paano naman kapag kayo ang nanalo?” tanong niya dito. “Kapag kami ang nanalo, papayag kang sumama sa akin sa bahay ng kapatid ko para sa isang hapunan.” “Ha? B-bakit naman ganon?” gulat niyang tanong. Mukhang siya lang ang nagulat sa kanilang lahat doon. Lumapit ito sa kanya at huminto sa mismong tapat niya. Nagrigodon nanaman ang kanyang puso. Napatingin siya sa mga kalarong pasimpleng lumapit sa kanila. Nakita niya sa mga mata ng mga ito ang panunukso. “I’m inviting you for a dinner Riki. Huwag kang mag-alala. It’s a birthday party. A birthday dinner party. My sister’s birthday actually. Gusto kitang isama sa bahay ng bayaw ko. Kung okay lang sa iyo…” Napatingin siya sa paligid ng maghiyawana ang mga ito. “Pumayag ka na Ate Riki!” “Ang cute-cute nilang dalawa!” “Kinikilig ako…” “Ang guwapo-guwapo ni Kuya Perry!!” Ilan lamang ang mga iyon sa naririnig niya mula sa mga ito. Nang ibalik niya ang tingin sa binata ay mukha naman itong nagpapacute kung makangiti sa kanya. Gustuhin man niyang tumanggi ay mukhang ayaw makisama ng bibig, katawan, utak at puso niya. “S-sige… kung mananalo kayo.” Pagpayag niya. Muling nagkaingay ang buong paligid. Nang ihagis ng binata ang piso ay lumabas na ang mga ito ang unang titira. Pumuwesto na sila sa kanya-kanyang puwesto. Siya ang naging pitcher at nagsimulang tumira ang mga kasama nito. Nang ang binata na ang pumuwesto para maglaro. Kailangan nitong maka-apat na home run para manatili ang mga itong maglaro. Nagbigay muna ito ng isang flying kiss sa kanya bago ito pumorma sa pagtira. Napabungisngis siya. Naghiyawan naman ang mga tao sa paligid nila. Inihagis niya sa unang beses ang bola at malakas nito iyong pinalo. Humagis iyon sa malayo at nahirapang habulin ng mga kasama niya dahilan para maka-home run ito. Napuno ng pag-chi-cheer ang paligid para kay Perry. Dalawang beses pa itong nakahome run at sa pang-apat nitong pagpalo ay nasalo ni Gerom ang bola. Tuwang-tuwa ang mga kasama niyang lumipat ng court. Nagpalit sila ng puwesto at ito naman ang naging pitcher sa kabila. Eksaktong nagsimulang tumira ang grupo niya ng kumidlat sa di kalayuan kasunod niyon ay isang malakas na kulog. Lahat sila ay napatingin doon. “Mukhang uulan!” sabi ng iba. “Ituloy lang natin. Mawawala na ‘yan mamaya.” Sabi ng isa pa. Nagpatuloy nga sila. Nagsunod-sunod na ang pagkulog at pagkidlat sa di kalayuan pero patuloy pa rin silang naglaro. Sa wakas ay siya na ang titira. Pumorma siya para pumalo. Naka-isang strike na siya. Paghagis ng bola ni Perry sa ikalawang beses ay siyang pagbagsak ng isang malakas na ulan. Napalo pa iyon ni Riki bago nagsimulang magtakbuhan ang mga kalaro paalis sa lugar na iyon. Nagkanya-kanyang takbo na ang mga ito sa pinakamalapit na masisilungan. At dahil isang open area iyon ay ilang metro pa ang layo sa pinakamalapit na puno. Namalayan nalang niyang nasa tabi na niya si Perry at hinila ang kanyang kamay. Pero bago pa sila makatakbo ay nadulas siya. Handa na niyang tanggapin ang pagbulusok ng kanyang katawan pero hindi niya iyon naramdaman. Sa halip ay ang bisig ng binata ang sumalo sa kanya. Bago tuluyang sumayad ang kanyang katawan sa lupa ay maagap siya nitong nasalo. Awtomatiko din ang pagkapit ng dalawa niyang kamay sa batok nito. At kagaya ng mga romantikong eksena sa pelikula, ay nagkatitigan sila nang magkalapit ang kanilang mga mukha. Tila huminto ang oras at maging ang patak ng ulan ay na-freeze. Wari’y nag-usap ang kanilang mga mata at parehong walang nagsalita. Naramdaman niya ang dahan-dahan nitong pag-ayos ng tayo kasama siya. Sa halip na pakawalan ay nanatili itong nakahawak sa baywang niya at siya ay sa mga batok nito. Walang nag-iwas ng tingin sa kanilang dalawa. “Riki…” namamaos ang boses na sambit nito. Banayad na muling hinaplos ang kanyang mukha. Kahit malamig ang tubig-ulang bumubuhos sa kanila ay biglang nag-init ang kanyang pakiramdam. Bigla ay hindi na niya alam ang nangyayari sa kanyang paligid. Tanging ang nagsimulang pagkabog at malakas na pintig ng kanyang puso ang tanging narinig niya. At ang paanas na mga salita ni Perry. Tila nawala sa kanyang pakiramdam ang malakas na ulang bumubuhos sa kanila ng mga sandaling iyon. Nag-usap ang kanilang mga mata. Naramdaman niya ang isang daliri nitong humaplos sa gilid ng kanyang labi. Malamig iyon. Namalayan niya ang unti-unting pagbaba ng mukha ng binata sa mukha niya. Hindi niya nagawang umiwas bagkus ay tila may sariling isip ang kanyang mukha at naghintay sa gagawin ng binata. Pumasok sa isip niyang hahalikan siya nito. Sinasabi ng kanyang isip na umiwas siya pero ayaw kumilos ng katawan niya. Sa halip ay naghintay sa tuluyang paglalapat ng kanilang mga labi. Subalit hindi iyon nangyari dahil pareho silang nagising nang sabay-sabay na sumigaw ang mga kasama nila. Nang ilibot nila ang paligid ay nakatingin na ang lahat sa kanila at parang nanonood ng isang love scene sa telebisyon sa itsura ng mga ito. Noon lang din nila napagtantong nasa gitna pa pala sila ng field at basang-basa na sa ilalim ng ulan. Nang magkatinginan sila ay sabay pa silang nagtawanan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD