"Mama! Pasuklay naman," tawag ko bago umalis si mama para pumasok sa trabaho. Lumapit naman siya kaagad para suklayan ako. Nakita ko pa nga ang mapungay niyang mga mata na halatang kulang sa tulog. Umiyak na naman kaya siya?
Ang sipag talaga ni mama. Nagtatrabaho siya umaga't gabi para sa amin ni kuya. Si papa kasi ay nasa ibang bahay na raw at hindi namin alam kung kailan babalik. Sa isang parlor pumapasok si mama at ang ganda ng lugar na 'yon.
Isang beses dinala niya ako roon at nakita kong ang hahaba at gaganda ng mga buhok ng kanilang customer. 'Yong iba nga ay may matitingkad pang kulay. Mayroon ding nag-aayos ng mga kuko roon tyaka nagmamasahe. Ang liwanag ng lugar kaso nga lang mabaho dahil sa mga kemikal na ginagamit nila. Sana kapag nanduon si mama ay maayos lang siya.
Kasi isang beses nakita kong inaway siya ng customer. Hindi ko alam kung bakit pero nakita kong kaedad ko lang ‘yong nakaaway niya. Nagpapakulay ito ng buhok kay mama noong mga oras na 'yon pero bigla itong tumayo at nanigaw. Kitang-kita ko ang galit sa mga mata ni mama habang nakatingin doon sa babae pero wala siyang sinabi pabalik. Yumuko lang siya. Wala akong magawa dahil hindi ako pwede kapag oras ng trabaho niya.
Umiyak na lang ako para sa kanya dahil alam kong iyon ang hindi niya magawa sa harap ng ibang tao. Ganyan si mama eh. Palaiyak. Pero hindi niya ipinapakita sa kahit na sino. Kahit nga sa akin.
"Ang ganda talaga ng buhok ng anak ko," sabi ni mama sa akin habang sinusuklayan niya ako kaya napangiti ako.
Bata pa lang ako, ito ang pinakagusto kong ginagawa niya sa akin. Kapag sinusuklayan kasi ako ni mama, ramdam na ramdam kong mahal niya ako.
Ngayong magdadalaga na ako, siya pa rin ang gusto kong nag-aayos ng buhok ko. Ayokong pinapahawakan ang buhok ko sa iba. Siya kasi, alam kong maalaga at puno ng pagmamahal.
"Tirintas mo mama," sabi ko at narinig ko ang paghikbi niya.
Alam ko naman na hindi si papa ang iniiyakan niya. Sanay na kaming wala ito sa buhay namin. Tatlo na lang kaming magkakasama. Oo’t may kuya ako. Pauwi na nga siya ngayon alam ko eh. Ayaw kasi ni mama na naiiwan akong mag-isa. Ganyan niya ako kamahal.
Mahalaga ako sa kanya.
"Sige, anak," sabi ni mama at ginawa niya ang gusto ko.
Nang tumayo siya ay nakita kong pinupunasan niya ang mga luha niya. Yumuko ako. Alam kong ako na naman ang dahilan ng mga luha niya.
"Nandito na ako, Bea!" Ang masayang boses ni kuya ang narinig ko nang pumasok siya sa bahay. Lumapit siya sa ‘kin at niyakap ako. Ganuon din ang ginawa niya kay mama.
Ang sweet talaga niya 'no? Ang daming naiinggit dahil may kuya akong sobrang bait at responsable tapos may nanay pa akong sobrang mapagmahal at masipag. Ang swerte ko talaga sa kanila kaya wala na akong mahihiling pa.
"Hay kuya baka magulo mo 'tong buhok ko!" reklamo ko pero nakangiti pa rin naman. Sinabi ko lang 'to para mapansin ni Kuya ang ayos ko. "Ang ganda ko 'no?"
"Lagi naman bunso e." Bunso ang tawag niya sa akin kapag naglalambing siya. Ngumisi naman ako sa naging sagot niya.
Parang kahapon lang noong nagalit siya sa mga kalaro niya sa basketball. Mabuti nga at maganda na ang mood niya ngayon.
Kasama ko si mama noong araw na nakipagsuntukan si kuya sa mga kalaro niya. Tinanong ko kung anong dahilan pero ayaw niyang sabihin sa akin. Kaya nagkunwari akong natutulog noon at narinig ko na lang na sinabi niya kay mama ang dahilan ng away nila.
Sabi pala nung kalaro niya… ang panget daw ang buhok ko.
Kaya nga simula rin noon ay palagi na akong nagpapaayos kay mama ng buhok.
"Okay na ba sa 'yo 'yang ayos ng buhok mo?" tanong ni mama at tumayo ako para tingnan ang sarili ko sa salamin hindi kalayuan.
Nakita ko ang repleksyon nila mama at kuya sa likuran ko. Bakas nanaman ang lungkot sa mga mata nila.
Ngumiti ako at tiningnan ang buhok ko. Tumagilid pa ako para makita ito sa ibang anggulo. Walang kasing kinang at itim. May bangs ako ngayon araw.
Ito ang peluka na pinili ko sa araw na 'to.
"Maganda mama. Salamat!" puri ko at ngumiti ako. “Bukas kulay pink naman ang buhok ko!”
Tanggap ko naman na sa sakit kong 'to, mawawala talaga ang buhok ko. May katagalan na nang malaman namin ang lagay ko.
Tanggap ko naman na kaya sila napapaaway ay dahil sa pinagtatanggol nila ang panlalait sa akin ng ibang tao.
Tanggap ko naman 'yong hirap na nararamdaman ko habang tumatagal.
Tanggap ko na hindi ako pwedeng mabuhay gaya ng iba.
Ang hindi ko matanggap ay ang mga luha nilang pumapatak dahil sa akin.
Ayaw kong ganito sila.
Lalo na si mama.
Mahal na mahal ko siya.
Nagmamadaling pumunta si kuya sa banyo. Malamang ay para umiwas na naman dahil naiiyak siya. Si mama ay akmang aalis na rin pero hinawakan ko agad ang kamay niya.
"Mama!" pagtawag ko.
Lumingon siya at dahan-dahan kong tinanggal ang peluka ko sa kanyang harapan.
Sa unang pagkakataon ay nakita ko ang pag-iyak niya nang harap-harapan dahil sa sakit kong cancer.
Tiningnan ko nang mabilis ang sarili ko sa salamin at bumalik ang tingin kay mama. Nakita ko ang kakaunting buhok ko sa ulo na natitira. Dulot ito ng mga procedures na pinagdadaanan ko.
Magsisinungaling ako kung sasabihin kong nagagandahan ako sa itsura ko ngayon. Hindi na ito ang Bea na kilala ko at ng iba. Hindi na ito 'yung Bea na buhay na buhay ang itsura. 'Yong kilala ng lahat na matalino, masayahin, maganda... mahaba ang buhok.
Noon, inggit na inggit ang mga nakakakilala sa akin dahil sa buhok kong hanggang beywang. Natural na tuwid na tuwid ito, mahaba, at malusog. 'Ni hindi na kailangan pang magpaayos sa parlor kagaya ng iba. Kapag naglalakad ako ay nakasunod ito sa bawat hakbang ko.
"Pwede ka nang pumasok kahit na hindi ako sinusuklayan mama. Mahal mo pa rin naman ako hindi ba? Kahit na ganito ako?" pigilan ko man ang pagluha ay hindi ko na nagawa. Namumuo na ito sa mga mata ko.
"Hindi Bea... susuklayan kita. Akong bahala... ako-" Niyakap niya ako at ramdam ko ang panginginig ng katawan niyang hapong-hapo sa pagtatrabaho para lang mabili ang mga gamot na kailangan ko. Para lang madala ako sa ospital at mapagamot.
Alam kong pagod na siya sa pagtatrabaho para maipagamot ako. Ayoko nang mahirapan sila ni Kuya...
"Mama, tama na. Alam natin na hindi na ako ganuon kalakas." Nang sabihin ko ito ay bumagsak na ako sa higaan kong nakalatag sa malamig na semento. Nanghina ang mga tuhod ko. Kanina ko pa rin ito pinipigilan pero ayaw ko nang magpanggap.
Pagod na rin ako.
Agad akong hinawakan ni mama pero nahuli na ito dahil naramdaman ko ang sakit ng pagbagsak ko.
"Bea, ginagawa namin ng kuya mo ang lahat para sa 'yo kaya sana naman lumaban ka. Tulungan mo kami," Panay ang pag-agos ng luha ni mama.
Kinuha niya ang peluka na tinanggal ko at ibinalik sa ulo ko. Inihiga niya ako sa kanyang hita nang marahan...
Sinubukan ko namang lumaban pero nakakapagod pala. Ngayon ko napagtantong ‘di pala ako ganuon kalakas. At bawat paglaban ay may hangganan.
Umubo ako at nakaramdam ng sakit ng ulo.
Kinuha niya ang kanyang suklay at sinimulan ang pagsusuklay sa buhok ko...
Habang ginagawa niya ito ay rinig na rinig ko pa rin ang paghikbi niya.
Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal niya.
"Mahal na mahal kita ma-"
Inaantok ako sa tuwing sinusuklayan niya ako kaya naman naramdaman ko ang pagbigat ng mga mata ko.
Bumalik si kuya at agad lumapit sa akin. May sinasabi ito pero ‘di ko na naintindihan.
Ang huling tinig na narinig ko ay galing kay mama na tinatawag ang pangalan ko. Kaya lang hindi ko na siya masagot. Hindi ko na ulit masabi kung gaano ko siya kamahal.
Napatulog ako ng marahan niyang pagsuklay ng buhok ko.