Kailan ba ako unang na-late?
Sa pagkakatanda ko noong kinder pa lang. Kasi naman hirap na nga akong gumising, mabagal pang kumilos. Ayon at na-late ako sa unang araw ng klase.
Ay mali pala, kahit noong bago pa lang ako ipanganak, na late din ako sa schedule ng paglabas ko. Hindi ko alam pero pwede bang maging inborn ang pagiging late para makalusot man lang ako sa tuwing male-late ako?
Sa totoo lang, naiinis na rin ako sa sarili ko dahil walang gitna sa oras ko, it's either late ako o mas maaga sa oras. Dahil ayokong nagiintay kaya naman mas pinipili kong magpaintay na lang. Nakilala tuloy ako ng lahat sa pagiging late na kung minsan dahilan para ayawan nilang isama ako sa mga lakad.
Si Kiel ang dahilan kaya naitanong ko ito. Ayaw kasi niyang tumigil sa pag-iyak kahit na pinapatigil ko na siya. Gusto pa rin niya kasi akong intayin kahit na alam naman niyang late pa rin ako. Aba lalo na ngayon at alam kong gaya ko ay mas alam niya ito.
Kabaliktaran ko si Kiel. Siya kasi ang palaging nagiintay. Kumbaga ako 'yung latecomer at siya ang early bird. Kahit na madalas ay kailangan niyang mag-intay lalo na at Filipino time ang sinusunod ng kanyang mga kagrupo sa thesis, hindi pa rin talaga siya matitinag at sakto pa rin sa oras kung magpunta sa kanilang mga meeting. Hindi ko alam kung may sira siya sa ulo o ano eh.
Siguro nga napakabait lang niya. Nakilala ko noong high school dahil lumipat ako sa eskwelahan nila noong fourth year ako. Mas malapit kasi ito sa bahay namin pero gaya ng inaasahan, late pa rin ako. Lumipat na nga ako para ayos lang na mahuli sa paggising pero parang wala ring pinagkaiba. Panay sermon tuloy ang natatanggap ko sa mga magulang ko.
Si Kiel, bukod sa pagiging kaklase ko, ay laging makikita sa gate ng school lalo na at siya ang naglilista ng late noon kaya nga suking-suki ako sa kanya. Kung minsan naiinis pa ako kasi hindi ako pinapalagpas kahit mga isang minuto lang ako nahuli.
"Isang minuto man 'yan o isang segundo, late ka pa rin," masungit niyang saad sa tuwing tinatarayan ko siya.
Hindi ko namalayan na sa paulit-ulit kong pagiging late, doon din ako unti-unting pumasok sa buhay niya.
Pagdating kasi ng JS Prom noon, inaya niya ako bilang date niya. Hindi ko alam kung bakit pero wala naman sigurong masama kung papayag ako dahil wala namang ibang nagaaya. Pumayag ako pero binigyan ko na siya ng warning na mahuhuli ako.
Pero matigas pa rin ang ulo niya at maagang pumunta sa amin para sunduin ako. Ayon tuloy at naabutan niya akong nakatwalya pa kaya hiyang-hiya ako.
Nakakatawa nga dahil late kami pareho sa JS Prom, nakiusap pa kaming papasukin nung guard. Buti kaibigan ni Kiel kaya pumayag. Hindi ko alam noong una kung bakit gustong-gusto niyang makapunta sa JS, nalaman ko lang noong isayaw na niya ako. Sa hinaba-haba ng sinabi ko, dalawang salita lang ang narinig ko sa kanya na sagot.
"Gusto kita."
Syempre unang beses na may umamin sa akin kaya hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Ayon at natawa na lang ako sa sunod niyang sinabi, "Ayos lang kahit ma-late din ang sagot mo."
Hinayaan ko ang nararamdaman niya para sa akin. Hindi ko muna sinabi na gusto ko rin siya - Na nahulog na rin ang loob ko sa kanya kahit na late man sa part ko. Bakit? Malay ko ba kung totoo ang nararamdaman ko. Masyado pa akong bata noon at unang beses ko lang iyon naramdaman.
Palagi niyang sinasabi sa akin na handa siyang maghintay kaya nga kahit noong tanungin niya ako kung pwede bang maging girlfriend niya ako ay hindi ako sumagot ng Oo. Gusto kong subukan kung hanggang kailan niya ako kayang hintayin gaya ng sinasabi niya.
Dahil sa palagi nga akong nahuhuli, pati ang sagot ko sa kanya ay nagtagal ng hanggang magkolehiyo na kami. Walang sawa siya sa panliligaw sa akin. Walang okasyong may kinalaman sa akin ang hindi niya naalala. Lahat na yata ng katangian na gugustuhin ng isang babae sa isang lalaki ay nasa kanya na. Mabait, matalino, matangkad, mapagmahal sa Diyos at kapwa at syempre plus points ang pagiging gwapo. Parang may mga paru-paro sa tyan ko sa tuwing ngumingiti siya sa akin at nagiging halos guhit na lang ang kanyang mga mata. Tapos kapag tumatawa siya mapapatunganga ka talaga para lang pakinggan.
Sa pagkakatanda ko ay 3rd year na kami nang sabihin kong payag na akong maging girlfriend niya. Hindi na kasi talaga kaya ng puso ko eh. Parang gusto na nitong kumawala para sampalin ako sa pagiging pabebe. Kung siya sanay maghintay, ako kabaliktaran talaga.
"Mahal na mahal kita..." Ito ang sinabi ko pagkatapos niyang sabihin ang parehong kataga sa akin.
Ayon 'yung loko umiiyak tuloy ngayon, napuno na ba siya sa akin? Inis siguro siya kasi hindi niya inakala na mauuna ako ngayon. Ang aga ko nga raw sabi ng marami pero siguro may dahilan kung bakit.
Dati ay pinagiintay ko siya ng isang oras kahit na monthsary man namin. Hindi ko na kasi maalis sa sistema ko itong pagiging late ko eh. Siguro kaya rin siya ang lalaking binigay sa akin dahil alam ni Lord na siya 'yung lalaking handang maghintay kahit gaano pa katagal. Kahit naman late ako ay sinisigurado kong I'm worth waiting for. Mahal ko siya at palagi ko itong ipinaparamdam sa kanya.
Nagalit na ba siya kahit kailan dahil late ako? Magsisinungaling naman ako kapag sinabi kong hindi. Sino ba naman ang hindi masasaktan o magrereklamo sa late hindi ba? Pero nasanay na rin siya sa akin, gumagawa na lang siya ng paraan para 'yung mga oras na iniintay niya ako ay may nagagawa siya. Nagalit man siya noong minsan, dahil lang 'yon sa natunaw 'yong ice cream cake na binili niya para sa birthday ko. Sa mga ganuong pangyayari na may nasasayang, doon kami nagkakatampuhan talaga.
Noong nakaraang linggo, graduation day namin. Binalak kong puntahan si Kiel sa kanila lalo na at na-late ako noong nakaraan sa anniversary dinner na hinanda niya. Kasama rin kasi niya ang pamilya niya noon eh. Siguro kinabahan ako kaya nagawa kong ma-late. Nasira tuloy ako sa parents niya. Paano na lang daw kapag sa trabaho na, male-late din daw ba ako? Tanong daw ng mga 'to. Sobrang istrikto kasi talaga ng mga magulang niya dahil parehong teacher.
Alam kong matindi 'yong pagtatampo ni Kiel kaya gusto kong surpresahin siya. Mauuna na ako at sina Mama at Papa naman sa eskwelahan na ako iintayin. Ito talaga kasi ang plano last week.
Sumakay ako ng bus. Ang bilis pa nga nung driver kala ko lumilipad kami. Panay ang tingin ko sa picture ni Kiel sa phone ko lalo na 'yong mga sine-send niya na nakakatawang mukha niya. Mukha siyang may sira sa ulo. Ewan ko may lakad ata si Manong driver kaya eto tuloy at sobrang aga ko...
Hindi naman galit si Kiel ngayon. Umiiyak ng sobra, Oo. Ramdam ko rin naman kung gaano kasakit dahil nasasaktan din akong makita siyang ganito. Ito na yata ang palagi kong nakikita sa kanya eh. Akala ko tulog na siya kasi 3AM na pero mali pala ako. Sa tuwing ganitong oras nakikita ko siya, pero ako... hindi pa rin niya makita.
"Kenna... Sanay naman akong mag intay, masaya ako kapag iniintay kita kasi alam kong darating ka pero bakit naman ganito? Bakit kahit late hindi na pwedeng mangyari? Bakit pati ito ipinagdamot mo sa akin?" Panay ang pagbuhos ng luha niya kaya para bang pinipiga ang puso ko ngayon.
"Ngayon ka pa naging maaga, nauna ka pa sa akin." Ikinuyom niya ang kanyang kanang palad at sinuntok ang kama ko. Ito ang unang beses na nakita ko siyang ganito.
"Paano na kita iintayin kung alam kong hindi ka na babalik?" Ilang ulit niyang tanong.
Paano ako darating kung wala akong makitang paraan?
Lumakad ako palapit sa kanya. Sa harapan niya ay lumuhod ako para maging magkalebel ang mukha namin. Nakaupo kasi siya sa kama ko habang nakahilamos ang mga kamay sa mukha.
Nang alisin niya ito at ipatong sa kanyang hita ay nakatingin na siya ng diretso. Tiningnan ko ang mga mata niya ng mabuti. Sa itim na bahagi nito ay wala akong nakitang repleksyon ko.
Gusto ko mang humingi ng tawad ay magiging parang bulong na lang ito ng hangin. Gusto ko man siyang yakapin para iparamdam na mahal na mahal ko siya ay alam kong kumot ko na lamang ang pwede makapagbigay ng init sa kanya.
Hindi ako pwedeng ma-late ngayon kaya aalis na ako. Siguro sa susunod na lang ulit Kiel.
Ako naman ang maghihintay sa 'yo. Kahit gaano katagal, iintayin kita.
"I'm sorry for being here early, but don't worry. I want you to be late. To be late as much as you can because I love you and I want you to be happy even if that happiness means I have to wait a lifetime to be with you again."