#HGDCh1
Deal
Malalakas na katok ang nakapagpagising sa akin. Iritable kong tinakpan ang tenga ko ng unan nang makitang wala pang isang oras ang naitutulog ko galing sa trabaho.
"Thine! Huwag kang magpanggap na hindi mo ako naririnig! Lumabas ka riyan at bayaran mo ang upa mo!"
Tinatamad kong pinilit tumayo at binuksan ang pinto kung saan muntik pang makatok ang mukha ko ng matrona kong landlord kung hindi ako mabilis nakaiwas.
"Aba't maigi naman at nagpakita ka ring babae ka! Asan na ang bayad mo sa upa?!"
Kakamot-kamot sa ulong ngumiwi ako. "Aling Merly, baka naman ho puwedeng sa-"
"Hindi na pwede! Ilang palugit na ba binigay ko sa 'yo?! Magbigay ka ngayon kung hindi lumayas ka ora mismo sa pamamahay ko!"
"Pero wala pa nga po akong hawak ngayon-"
"Huwag mo kong maloko Thine! Saan mo dinadala ang pera mo aber?! Napakadami mong trabaho tapos sasabihin mong wala kang pera? Sinong niloloko mo rito?!"
Napapikit ako at pinigilan na takpan ang tenga ko sa ingay ng matronang nasa harap ko.
"Mag-"
"Tigilan mo na ang dahilan magbayad ka-"
"Magkano ba ang utang ni mylabs Aling Merly?"sabat nang panibagong magpapanira ng umaga ko.
Si Banjo na naka-corduroy na jacket at pink na pants na hapit sa kanya.
"Limang libo!"
"Eh limang libo lang naman pala 'eh." Ngisi ng mokong sabay labas ng wallet niya at abot kay Aling Merly na ni hindi na ako tiningnan at dali-daling umalis.
"Hindi mo na dapat ginawa 'yon..." napapabuntong-hininga kong saad kay Banjo na walang hiya-hiya na sumunod papasok sa maliit na bahay kong inuupahan sa halagang dalawang libo't limandaan.
Kurtina ang tabing ko sa maliit na kuwarto. Isang lumang sofa sa harap ng telebisyon na napanalunan ko pa sa raffle ang nasa labas at maliit na lamesita kung saan ako kumakain. Todo yuko pa nga si Banjo dahil kung hindi ay tatama ang ulo niya sa mababang kisame.
"Mylabs naman matitiis ba kita-"
"Matitiis mo rin ba ang palong matatanggap mo sa Mama mo pag kumalat na binayaran mo ang utang ko kay Aling Merly?"
Natahimik ang pobre at panandalian kong nakita ang takot sa mga mata niya. Kinuha ko ang luma kong bag na nasa sofa at inilabas ang kumpol na pera mula roon. Ilang linggo ko itong inipon para sa kanya pero mukhang kelangan ko na namang humanap ng panibagong raket para maging sapat ang hawak ko.
"Mylabs huwag mo na akong bayaran-"
"Loko, gusto mong mataga rin ako ng Mama mo?" pagtawa ko sabay abot sa kanya ng limang libo.
"Pero-"
"Hay nako Banjo, antok na antok na ko talaga. Puwede saka na lang tayo magkuwentuhan?" paghikab ko kaya kakamot-kamot naman siyang umalis sa bahay.
Si Benjamin Gramms aka Banjo, simula nang lumipat ako rito sa Mandaluyong, wala na siyang ginawa kung hindi magpalipad-hangin sa akin. Kung tutuusin ay may hitsura naman ang loko kahit na napakaweird ng mga hilig nitong suutin, kilalang mama's boy din siya ng Addition Hills pero kinakikiligan din ng mga kababaihan at pati na rin ng mga binabae. Half-german kasi ang lalaki at may-kaya rin ang pamilya nila.
Naging kaibigan ko na rin siya kahit madalas ay naiinis na ako sa kanya dahil isa siya sa mga dahilan kung bakit ako ang tampulan ng tsismis sa lugar na ito. Paboritong irapan ng mga kababaihan at binabae. Isama pa ang araw-araw na pagpaparinig sa akin ng Nanay niya.
Tinapat ko naman siya na wala siyang aasahan sa akin dahil sa hindi na ako 'single'. May boyfriend ako at mahal na mahal ko ang lalaking iyon. Pero ayaw niyang maniwala dahil hindi niya naman daw kailanman nakita ang 'boyfriend' ko. Pumasok ako sa kuwarto at pinakatitigan ang larawan naming dalawa.
"Morning hon..." Ngumiti ako at parang baliw na hinalikan ang litrato sa dingding.
"MADAM, baka naman may raket ka pang maibibigay sa akin? Eh kinapos ako sa budget ngayong linggo eh..."
"Gaga, kapag binigyan pa kita baka naman sa hospital ka na mapunta,ilang oras na lang ba ang naitutulog mo at mala-maleta na iyang ilalim ng mga mata mo. Caregiver sa umaga, serbidora sa tanghali, pati pagme-make up sa patay pinatos mo na. Singer ka pa sa bar sa gabi, aba Thine hindi ka ba napapagod?"
Sumandal ako sa sofa at iniwas ang tingin sa mga mata ni Madam na may awa ang tingin sa akin.
Madam Eleonora, 40 years old. May-ari ng isang manpower agency. Her odd agency, na nagke-cater sa mga gusto ng kliyente niya.
"Wala po sa bokabularyo ko ang salitang pagod." ngisi ko at ahon sa kinauupuan ko. "Salamat dito Madam, ibabalik ko rin kaagad sa susunod na linggo..." pag-angat ko sa sobre na may halagang sampung libo na pinautang niya sa akin ngayong araw na 'to.
"Magkano pa ba kelangan mo Thine?" may kuryosidad niyang tanong.
"Kalahating milyon pa siguro Madam..." sagot ko matapos kuwentahin sa utak ko ang hinihingi ng hospital sa amin kasama ang mga iniipon kong pera sa nakalipas na dalawang taon.
"Aba may siguro pa so hindi ka pa sigurado sa presyo?"
Napabuntong-hininga ako at dahan-dahang tumango. "Ganoon na nga ho... Pero gagawin ko ang lahat mabuo lang ang halagang 'yon Madam kung ang kapalit naman no'n ay ang muli niyang paggising."
"Hanga na talaga ko sa 'yong bata ka...Hindi ko kaya ang kalahating milyon na iniipon mo pero malaking tulong na rin ang two hundred thousand hindi ba?"
Mabilis akong nagtungo papalapit sa mesa ni Madam. "Anong trabaho 'yan Madam?"
Hindi ko pa man nalalaman kung ano ay handa akong tanggapin iyon. Malaki ang pinag-uusapang pera, at nakasisiguro naman ako na hindi ako ipapahamak ni Madam sa iaalok niya.
"This will not be easy Thine, you'll be the third one na pagbibigyan ng trabahong ito. Iyong dalawa, sumuko lang..."
Napalunok ako sabay abot ng folder na inilahad niya. Pagbukas ko ay tumambad sa akin ang larawan ng isang lalaki.
Tila nahipnotismong pinakatitigan ko ang larawan. He's handsome. Iyong mukhang hindi pagsasawaan at may awra na gugustuhin ng kababaihan.
Bad boy look.
"Pamilyar ba?"
Umiling ako at patuloy na minasdan ang litrato. Inilipat ko ang pahina at bumungad sa akin ang iba't iba pa niyang kuha. Sa mga sumunod ay ang mga impormasyon tungkol sa kanya.
"As expected from you..." pagtawa ni Madam. "Hurricane Helios. Twenty four years old. He was a model before but now he's focusing on his parents business. Successor ng isa sa pinakamayamang pamilya sa bansa natin."
"What's the deal?"
May iplinay siya sa laptop niya at iniharap sa akin. It is the same man in the picture singing while playing the piano. He's good. No. Good is an understatement. He's insanely good.
Complete package, mga men...
"Ang galing hindi ba?"
"Yeah..." nasabi ko na lang habang hindi pa rin maalis ang tingin sa video hanggang matapos ang kanta.
"Here's the deal, we have a client. He's actually my cousin, Franco, owner of Fad Entertainment Agency. Siguro naman pamilyar ka?"
"Yeah, nanonood naman ako kahit paano ng tv 'noh."
Tumawa si Madam at ipinagpatuloy ang pagsasalita. "That video went viral kaya naman ang magaling kong pinsan ay gustong kuhain bilang talent si Hurricane Helios, hindi lang naman dahil sa video kung hindi dahil magmula ng maging model ang lalaki ay marami nang nagtangka na alukin siya bilang singer or even an actor pero walang nagtagumpay including my cousin and his employees."
Kumunot ang noo ko. "So magbibigay si Sir Franco ng two hundred thousand sa taong
makakapagpapirma sa taong 'yan ng kontrata?"
"Absurd isn't it? Two hundred thousand pesos for just a signature... "
Ngumiwi ako at napatango.
"Absurd as it may sound but are you willing to take this job?"
Umayos ako ng tayo at niyakap ang folder. "Deal."
"MADAM, nandito ba talaga 'tong tao na 'to rito?" Kagat-kagat ang kuko kong tanong sa kausap ko sa cellphone.
"Oo. Trusted ang source ko, engagement party ng kapatid niya kaya talagang nandiyan 'yan. Goodluck Thine..."
Huminga ko nang malalim nang maibaba ko ang cellphone. Pinasadahan ko ang ayos ko na tattered black pants at white t shirt.
Siguro naman papasukin ako rito 'no?
Sa isip-isip ko tanaw ang isang five star hotel. Posturang postura ang mga tao at mga de-kotse.
"Saan tayo Miss?" bungad agad sa akin ng guard.
Tumikhim ako at ini-ready ang nakasisilaw kong ngiti. "Makiki-cr lang boss--"
"May restaurant malapit dito, doon ka na lang."
Pinigilan kong sumimangot sa kaartehan ng guwardya na 'to. Hinawakan ko ang puson ko at ngumiwi. "Boss, di na kaya eh. Saglit lang ako peksman!"
Bumuntong-hininga ang guwardya at pinigilan kong mapatalon nang tumango siya. "Diretso tapos kumaliwa ka..."
Nagpasalamat ako at lakad-takbo na nagtungo sa direksyon niyang sinabi.
Nang matagpuan ang cr ay pumasok ako at pinagmasdan ang repleksyon ko sa salamin. Hindi ko hilig ang kolorete sa mukha kaya nilabas ko ang pulbo at iyon ang inilagay ko sa mukha ko. Huminga ako nang malalim at pumikit.
Kaya ko 'to...
Nang matapos sa mantra ko ay lumabas ako at hinanap ang event hall na sinasabi sa akin ni Madam. Pero imposible namang makapasok ako ro'n kaya ang gagawin ko ay maghihintay sa labas. Hopefully hindi ako mapalayas ng guard dito.
Napangiwi ako nang makita ang tila guard na nakabantay sa labas nang mahanap ko ang event hall. Nagtagpo ang tingin naman at mabilis akong umiwas nang makita ang pagkunot ng noo niya matapos akong hagurin ng tingin.
Dapat ba nanghiram ako ng dress kay Thasia bago 'ko nagpunta rito? Pambihira, napakajudgemental ng mga pashneyang 'to...
Pagmamaktol ko sa isip ko sabay lakad palayo sa lugar.
"I don't want you!!!! I want Tito Torn!!!" palahaw ng isang bata ang nakakuha ng atensyon ko. Maingay itong nagpapapasag sa pagkakarga sa kanya ng lalaki na halata na ang inis sa mukha.
"Cali, Tito Torn is busy, let's just play in the garden..."
Pinagmasdan ko ang lalaki at kinuha ko ang cellphone ko. Bingo! Kambal man sila ng kapatid niya magkaiba naman sila ng hairstyle kaya natitiyak kong siya ang pakay ko.
Hurricane Helios.
In fairness, mas guwapo at hot sa personal.
Ngumisi ako at sinundan ang dalawa. I'll win this deal by hook or by crook.
TBC