Nagsimulang pumatak ang ulan sa mga balikat ni Andrei ngunit tila hindi niya ito napapansin. Nananatili lamang nakayuko ang ulo niya habang nakaupo sa isang mahabang upuan sa labas ng simbahan. Naghihintay sa babaeng inaasahan niyang darating sa nakatakdang oras na ibinigay niya dito. Ngunit natapos na ang dalawang oras ay walang dumating. Tuluyan nang lumakas ang ulan at doon pa lamang siya tumunghay. Napatitig siya sa harapan ng simbahan. Nakaugalian na niyang magtungo sa simbahan na ito sa tuwing sumasapit ang kaarawan niya dahil marami silang alaalang nabuo sa simbahan na ito noong nabubuhay pa ang kanyang mga magulang. At ngayon ay umaasa siyang may bagong alaala siyang mabubuo kasama ang babaeng nagpapagulo ngayon ng mundo niya. Narinig niya ang pagtunog ng phone niya sa bulsa.