CHAPTER 1

1821 Words
CUBAO, PRESENT TIME "LAHAT ng haharang sa daanan ko ay papatayin ko! At lahat ng may utang sa'kin ay sisingilin ko!" Habol ang hininga na bumangon si Noah. Tinapik-tapik niya ng kamay ang dibdib na walang tigil sa pagtaas-baba. Ramdam niya ang umaapaw na galit sa kaniyang puso na hindi niya alam kung saan nagmumula. Gan'on na gan'on ang pakiramdam niya sa tuwing dinadalaw siya ng mga kakaiba niyang panaginip. Laging may lalaking galit na galit sa lahat na hindi niya alam kung sino. Malinaw niyang nakikita ang mukha pero hindi niya alam ang pangalan. He does not even look familiar to him. But on the other hand, Noah felt as if he knew the man. Kung tutuusin ay hindi bago kay Noah ang ganitong panaginip. Simula pa noong bata siya ay palagi na siyang nananaginip ng kung ano-ano. Katulad na lang ng duguang mga kamay, kulay-pulang mga mata, matatalas na pangil, at maiitim na mga pakpak. At walang ibang nagmamay-ari niyon kundi ang lalaking paulit-ulit na gumugulo sa isip niya, ang lalaking halos kakadalaw lang sa panaginip niya kanina. Kahit araw-araw o oras-oras mang isipin ni Noah ang dahilan kung bakit siya nagkakaroon ng mga gan'ong klase ng panaginip ay wala pa rin siyang makuhang sagot. Inaakala na lang niya na siguro ay dala nang matinding pagod dahil sa pinagsasabay na trabaho at eskuwela. Ayaw naman ni Noah na katulad niya ay maguluhan ang kaniyang pamilya kaya sinosolo na lang niya iyon. Bukod tanging ang girlfriend lang na si Michelle ang nakakaalam sa pagiging weird niya. Noong maliit pa lang siya ay ikinukuwento niya iyon sa kaniyang ina at lola. Ngunit ang madalas lang na sabihin ng mga ito ay parte lamang daw iyon ng malikot na imahinasyon ng isang bata. Akala niya rin noon ay gan'on nga. Pero ngayong halos buong buhay na niyang napapanaginipan ang mga iyon, duda si Noah na bunga lang iyon ng kaniyang imahinasyon. Hindi nga lang niya maipaliwanag kaya pilit na lang niyang iniignora. "Noah, anak, bangon na! Mahuhuli ka na sa trabaho mo." Napahinto mula sa malalim na pag-iisip ang binata nang marinig niya ang boses ng kaniyang ina na si Nanay Fe. "Lalabas na po ako, 'Nay!" sigaw ni Noah nang katukin siya nito. Mabilis pa sa alas kuwatro na tumayo siya mula sa maliit at kahoy na papag nang makita niya ang oras. Kinuha niya ang tuwalya at saka patakbong lumabas ng kuwarto para pumunta sa banyo. "Magandang buhay, Kuya!" masiglang bati ng nag-iisa at bunsong kapatid ni Noah na si Harlene, nang makasalubong niya ito sa pintuan ng banyo. "Magandang buhay, Bunso!" Pagkatapos niyang hagkan sa noo ang kapatid ay pumasok na siya sa makipot na banyo at yari lang sa pinagtagpi-tagping lumang yero. Nalukot ang ilong ni Noah nang masinghot ang masangsang na amoy. "Wala talagang tatalo sa amoy ng ebs mo, Bunso. Puwede nang pamatay sa mga ipis," biro niya kay Harlene nang silipin niya ito sa pintuan. Ngumisi lang ito. "Naman, Kuya. Nasa lahi natin, eh. Iyan ang tunay na yaman na maipapamana natin sa susunod na mga henerasyon. Katulad iyan ng mga baul ni Lola Sabel na minana pa niya sa kaniyang mga ninuno. Kailangang ingatan at pangalagaan," sabi ng kapatid at saka humalakhak. Natawa si Noah sa kapilyahan ng kapatid. "Loka-loka! Sige na, mag-asikaso ka na at mahuhuli ka na sa klase," pagtataboy niya sa kapatid at saka naligo na. ________________________ "KUNG gusto mo, anak, sumabay ka na sa amin ng kapatid mo," suhestiyon ng ama ni Noah na si Tatay Berto habang kumakain sila ng almusal. "Para makapagpahinga ka naman sa pagbibisikleta. Si Tatay Berto ay isang jeepney driver. Biyaheng Cubao to Divisoria ang route nito. Sa pampublikong unibersidad sa Sta. Mesa pumapasok si Harlene bilang first year college sa kursong Bachelor of Science in Education, kaya naisasabay ito ng kanilang ama. Samantalang sa private school sa Cubao naman nagtatrabaho si Noah bilang janitor. At kapag sa gabi naman ay pumapasok siya nang ilang oras lang bilang isang estudyante. May nakukuha siya roon na scholarship kaya nakakabawas sa bayarin. "Huwag na ho, 'Tay," kapagkuwan ay sagot ni Noah sa ama. "Para hindi na kayo iikot pa. Bukod sa sayang ang gasolina n'yo, dagdag-pagod pa sa inyo. Excercise na rin naman ho ang pagbibisikleta, eh. Kaya ganito ka-macho ang anak n'yo, o." Pabiro niyang itinaas ang dalawang braso at kunwaring pinagalaw ang malalaking muscles. "Hindi mo naman na kailangang mag-ehersisyo, anak, eh. Dahil natural na sa lahi natin ang pagkakaroon ng magandang katawan," pagmamalaki ni Tatay Berto. Itinaas din nito ang dalawang braso na kulubot na. "Kaya sumingaw na itong akin ay dahil ipinasa ko na sa'yo. Pati na rin ang pagiging magandang lalaki. At siguradong maipapamana mo rin iyan sa mga anak mo." "Naku, Berto, manahimik ka at baka liparin ng hangin itong barong-barong natin," biro ni Nanay Fe na tumayo na para asikasuhin ang baon nilang pagkain ni Harlene. Ang ina ni Noah ay isang simpleng maybahay at siyang nag-aalaga sa kanilang lahat. Mahina kasi ang puso nito kaya hindi puwedeng magtrabaho. Himala na nga raw na naipanganak pa silang dalawa ni Harlene. Kaya ang laki ng agwat ng edad nilang magkapatid, thirty years old siya samantalang disiotso lang ito. Alam ni Noah na nanganib ang buhay ng kanilang ina nang ipanganak sila, lalo na sa kaniya. Pareho raw silang nag-fifty-fifty. Akala nga raw noon ni Tatay Berto ay mamimili na ito kung sino sa kanila ni Nanay Fe ang bubuhayin. Hindi na nga raw sana papayag ang kanilang ama na magbuntis pa ang asawa. Pero naglakas-loob ang kanilang ina para bigyan ng babaeng anak si Tatay Berto na siyang pangarap nito. "Kuh, baka gusto mong sabihin ko sa mga anak mo kung paano ka nababaliw noon sa maganda kong katawan." Nag-cross sign sa ere si Nanay Fe. "Tamaan ka nawa ng kidlat." Nagtawanan lang silang magkapatid sa tuksuhan ng kanilang mga magulang. Nakalakhan na nila ang ganitong paglalambingan ng dalawa. At natutuwa si Noah na makita ang hindi kumukupas na pagmamahalan ng kanilang ama't ina. Hindi man masagana ang kanilang pamumuhay, masaya naman ang kanilang pamilya. They live filled with love for each other. Makatao at maka-Diyos din ang kanilang pamilya kaya wala nang hahanapin pa si Noah. For him, he is blessed enough to complain. "Nasaan ho pala si Lola Sabel?" tanong niya kay Nanay Fe. Ina nito ang tinutukoy niya, at siyang tumulong para mapalaki sila ni Harlene. "Nasa tindahan niya, anak," tugon ng ina. Inilagay nito sa bag ni Harlene ang stainless na baunan na may lamang kanin at piniritong isda. "Mamaya na raw siya kakain at nabusog sa puto na ibinigay ng suki niya." Binalingan ni Nanay Fe ang kapatid ni Noah. "Huwag mo iwanan itong baunan, anak, ha. Gamit pa ito ng kuya mo noong hayskul siya. Pera na galing sa alkansiya niya ang pinambili rito." "Opo, Inay. Pati ho ang kutsara at tinidor na pamana rin sa'kin ni Kuya." Nagkatinginan silang magkapatid at saka ngumiti sa isa't isa. Parehong maingat sa mga gamit ang kanilang ina at lola. Lahat ng bagay na may sentimental value ay itinatabi at iniingatan. At mukhang namana na rin nila iyon na magkapatid. Dahil kahit luma na ay patuloy pa rin na ginagamit ni Noah ang kaniyang kauna-unahang bisikleta na regalo ng mga magulang noong nag-kolehiyo siya. "Ako na po ang bahala diyan sa baon ko, 'Nay," magalang na saway ni Noah sa ina nang makitang pati ang baunan niya ay nilalagyan din nito ng pagkain. Pagod man palagi sa trabaho at eskuwela, hanggang maaari, gusto ni Noah na makatulong sa gawaing-bahay. Kahit madalas ay kinakapos siya sa oras. Ayaw niya kasing makita na napapagod at nahihirapan ang kaniyang pamilya. Kaya nga pagka-graduate niya ng high school ay hindi siya kaagad pumasok sa kolehiyo. Nagtrabaho muna si Noah para makatulong sa pag-aaral ni Harlene at sa mga gamot ng ina. Kaya siya nagsisikap na makapagtapos ng pag-aaral ay para mabigyan nang maayos na buhay ang mga ito. Ang kaniyang pamilya ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay binata pa rin siya. "Alis na po ako, Nanay," mayamaya ay paalam ni Harlene bago humalik at nagmano sa ina nila. Nauna nang magpaalam si Tatay Berto dahil lilinisin pa raw nito ang pampasadang jeep na pag-aari ng kanilang kapitbahay. "Magpaalam ka at magmano sa Lola Sabel mo," paalala ni Nanay Fe sa kapatid ni Noah. "Dumaan ka rin sa kapilya ng eskuwelahan n'yo. Huwag kalimutang magdasal at magpasalamat sa Diyos." "Opo." Lumapit sa kaniya si Harlene at humalik din sa kaniyang pisngi. "Mauna na po kami, Kuya. Mag-ingat ka sa pagbibisikleta." "Ikaw ang mag-ingat. Huwag nang patulan ang mga bully sa school, ha," bilin din ni Noah sa kapatid. "At wala munang boyfriend-boyfriend. Aral muna. Maliwanag?" Ngumiti si Harlene. "Very clear, Boss. Hihintayin ko munang pakasalan mo si Ate Michelle bago ako mag-boyfriend," biro nito at saka umalis na. Hindi nagtagal ay nagpalaam na rin si Noah sa ina. "Huwag ho kayo masiyadong magpakapagod," malambing na bilin niya kay Nanay Fe. "Kami na ni Harlene ang gagawa ng ibang trabaho pagdating namin." "Huwag mo akong alalahanin, anak. Mag-ingat ka sa biyahe. Huwag din kalimutang dumaan sa simbahan." Hindi nakasagot si Noah sa huling sinabi ng ina. Nakalimutan yata nito na simula pa noong bata siya ay hindi pa siya nakakapasok ng simbahan. Hindi nga rin natuloy ang binyag niya noong sanggol pa siya dahil hindi raw siya tumitigil sa kakaiyak hanggang sa namula na parang nasusunog. Ilang beses nang sinubukan ni Noah na pumasok sa simbahan. Pero sa bungad pa lang ay parang ginigisa na ang kaniyang pakiramdam. Hanggang ngayon ay hindi nila alam kung bakit. Isa iyon sa sikreto ng kanilang pamilya na iniingatan nilang malaman ng iba. Ayaw daw kasi ng mga magulang ni Noah na isipin ng mga tao na kakaiba siya. Pero hindi ibig sabihin n'on ay hindi na siya sumasamba sa Diyos. Hindi siya nakakalimot magdasal kahit iyon man ay parang sumusunog sa kaniya. Kahit sa sarili nilang altar sa bahay ay hindi nakakalapit sa Noah. Sa malayo lang siya lumuluhod kapag nagno-Novena ang buong pamilya. Hinawakan ni Nanay Fe ang mga kamay ni Noah nang marinig nito ang sarili. "Huwag ka pa ring makakalimot sa Diyos, anak, ha?" Nakangiti lang na tumango si Noah at saka humalik sa ina. Paglabas niya ng bahay ay pumasok siya maliit na tindahan ni Lola Sabel na nasa bakuran lang nila. "Pasok na ho ako." Humalik din siya sa seventy five years old na lola. Matagal na nila itong pinapatigil sa pagtitinda pero ayaw makinig. Wala raw itong mapaglilibangan. "Kumain na ho kayo at baka gutumin kayo." "Salamat, apo. Mag-ingat ka sa biyahe." Buong-pagmamahal na hinagkan din siya sa noo ni Lola Sabel. "Mahal na mahal ko ho kayo," malambing na sabi ni Noah at saka kinuha ang kaniyang bisikleta. Pagkatapos ay tinunton na niya ang daan papunta sa Marcelino de Manila University, kung saan siya pumapasok bilang janitor at estudyante.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD