Napatayo si Nia mula sa pagkakaupo sa buhangin. Humakbang siya patungo sa kambal ngunit timindig si Ruel na handa sa labanan. Tumigil si Nia. Alam niyang susugod si Ruel kung lalapit pa siya. Muling itinago ni Nia ang pana sa kanyang likod. "R-ruel, ikaw ang Kusai ng Tsune?" Maging ang iba ay hindi makapaniwala. "Paano napunta ang karisma sa isang bata?" Pagtataka ni Vexx. "Ibig sabihin, ikaw ang nagkulong sa amin dito?" Napalakas ang boses ni Zenon na ikinagulat ng kambal. Pikit matang winaswas ni Ruel ang kanyang karisma na isang maliit na tungkod na gawa sa kahoy. Hindi nagtagal ay bumukas ang lagusan sa may ilog. Lumabas ang mga malalaking gamugamo na pumunta sa likod ng kambal. "Huwag po kayong lumapit, Inay! Natatakot po si Ruel!" Sigaw ni Ruella na nanatili sa likod ng kambal.